Pumunta sa nilalaman

Mula kaliwa pakanan: Si Brother Corneliu Cepan na nagbibigay ng pahayag sa Memoryal sa Romanian; si Brother Angelos Karamplias na nagsasalin ng pahayag para sa isang bilanggo na nagsasalita ng Greek

ABRIL 20, 2021
ROMANIA

2021 Memoryal—Napakinggan ng mga Preso sa Romania ang Pahayag sa Memoryal sa Pamamagitan ng Videoconference

2021 Memoryal—Napakinggan ng mga Preso sa Romania ang Pahayag sa Memoryal sa Pamamagitan ng Videoconference

Sa loob ng 17 taon, ang ating mga kapatid ay nagdaraos ng lingguhang pagtalakay sa Bibliya sa mga preso sa Jilava Bucharest Penitentiary sa Romania. Nang magsimula ang COVID-19 pandemic, inihinto ang mga pulong. Pero dalawang linggo bago ang pag-alaala sa kamatayan ni Jesus noong Marso 27, 2021, pinayagan ng mga opisyal ng bilangguan ang mga pulong na ito sa pamamagitan ng videoconference. Hiniling ng ating mga kapatid kung puwede bang idaos ang programa sa Memoryal sa pamamagitan ng videoconference. Pumayag ang mga opisyal. May kabuoang bilang na 21 preso at 4 na opisyal ang dumalo sa Memoryal.

Si Brother Corneliu Cepan ang nagbigay ng pahayag sa Memoryal sa Romanian. Isinalin ito ni Brother Angelos Karamplias para sa isang bilanggo na nagsasalita ng Greek na nanood sa programa. Nakadalo rin sa programa ang apat na tauhan sa bilangguan, pati na ang deputy director.

Sinabi ni Brother Cepan: “Isang pribilehiyo para sa akin na ibigay ang pahayag na ito. Talagang nakinig ang mga preso at pinag-isipang mabuti ang napakalaking sakripisyo na ginawa ni Jesus para sa kanila.”

“Natutuwa kami na pinangyari ni Jehova na makapangaral kami sa mga bilanggo at maidaos ang Hapunan ng Panginoon,” ang sabi ni Brother Karamplias. “Umaasa kami na maraming iba pang preso ang sasama sa talakayan sa Bibliya sa videoconference at tatanggap ng kaaliwan mula sa Kasulatan.”

Natutuwa tayo na binigyan ng mga opisyal sa bilangguan ang mga preso ng pagkakataong makapakinig ng pahayag sa Memoryal.—1 Timoteo 2:3, 4.