Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Canada: Ang nayong Inuit sa Kangirsuk sa hilagang Quebec

TAMPOK NA MGA PANGYAYARI NOONG NAKARAANG TAON

Mga Ulat Mula sa Iba’t Ibang Panig ng Daigdig

Mga Ulat Mula sa Iba’t Ibang Panig ng Daigdig

Mabuting Balita sa Lahat ng Taga-Canada

Ang video na Bakit Magandang Mag-aral ng Bibliya? ay isinalin sa walong katutubong wika para sa pangangailangan ng mga teritoryong sakop ng sangay sa Canada. Sa panahon ng 10-araw na kampanya sa Nunavik Arctic noong Oktubre 2014, ipinalabas ang video sa wikang Inuktitut sa halos lahat ng pamilya sa 14 na komunidad, na may mahigit 12,000 katao.

Humanga ang Manedyer

Noong Setyembre 2014, idinaos ang internasyonal na kombensiyon sa Sangam World Cup Stadium sa Seoul, South Korea. Mahigit 56,000 ang dumalo at nasiyahan sa programa. Pinuri ng manedyer ng istadyum ang mga Saksi dahil sa kanilang mabuting paggawi at pagtutulungan sa panahon ng kombensiyon. Sinabi niya: “Bawat isa’y nagpakita ng kagandahang-asal. Humanga ako kasi mas mahusay silang maglinis ng istadyum kaysa sa mga propesyonal na tagalinis namin. Sana ganoon din ang saloobin ng mga trabahador namin pagdating sa trabaho. Para mapaglingkuran namin ang Diyos nang tama, kailangan naming maging gaya ng mga Saksi ni Jehova.”

South Korea: Ang internasyonal na kombensiyon sa Seoul noong 2014

Ibinigay ni Jehova ang Kinakailangang Pagsasanay

Noong Mayo 2012, hindi tinanggap ng gobyerno ng Sweden ang aplikasyon ng mga Saksi ni Jehova para sa mga benepisyong pang-ekonomiya na ibinibigay sa ibang mga relihiyosong organisasyon. Inaprobahan ng Lupong Tagapamahala na iapela ang desisyon sa Supreme Administrative Court ng bansa.

Ipinasiya ng Korte na magdaos muna ng paglilitis bago magdesisyon. Nagtipon ang ilang kapatid mula sa iba’t ibang bansa para isaalang-alang kung paano sasagutin ang mga posibleng itanong sa paglilitis. Ang sesyon ng pagsasanay ay idinaos sa isang Kingdom Hall sa Stockholm.

Habang nagsasanay, may nag-doorbell sa Kingdom Hall. Nang buksan ng isang brother ang pinto, dalawang batang babae, edad 13 at 14, ang nandoon. Sinabi nilang may mga tanong sila tungkol sa mga Saksi ni Jehova. Ikinuwento ng brother, “Gusto ko sanang pabalikin na lang sila sa ibang araw dahil abala kami at wala kaming panahon nang pagkakataong iyon.”

Gayunman, kinausap pa rin sila ng brother. Marami silang tanong, ang ilan pa nga ay espesipiko tungkol sa isyung panlipunan at pagboto sa eleksiyon. Pagkatapos, bumalik ang brother at ikinuwento ang mga tanong ng mga batang babae at kung paano niya sinagot ang mga iyon.

Kinabukasan sa paglilitis, nagulat ang mga brother dahil karamihan sa mga itinanong ng Korte ay katulad ng mga itinanong ng mga batang babae. Isang brother na kumakatawan sa organisasyon ang nagsabi: “Dapat sana’y kabahan ako dahil kaharap ko ang kilaláng mga abogado ng bansa, pero kalmado lang ako. Alam kong nasa panig namin si Jehova kasi binigyan niya kami ng kinakailangang pagsasanay bago ang araw ng paglilitis.”

Pabor sa atin ang desisyon ng Korte, at ibinalik ang kaso sa gobyerno para gumawa ng bagong desisyon.

Ang Bigas ni Ken

Si Ken, anim na taong gulang, ay nakatira sa Haiti. Natuwa siya nang malaman niyang magtatayo ng bagong Kingdom Hall para sa kanilang kongregasyon. Kaya gumawa siya ng isang alkansiya at itinago iyon sa kaniyang kuwarto. Sa halip na gastusin ang baon niya, inihuhulog niya iyon sa kaniyang alkansiya. Ginawa niya ito hanggang sa dumating ang construction group na magtatayo ng Kingdom Hall. Pagkatapos, ibinigay niya ang kaniyang alkansiya, na may sapat na halaga para makabili ng isang sakong bigas. Sa loob ng maraming araw, ang bigas ni Ken ang tinanghalian ng mga boluntaryo.

Utos ng Heneral

Noong nakaraang taon, kailangang kumuha ng espesyal na pahintulot para makapasok sa mga rehiyon ng Sierra Leone na ikinuwarentenas dahil sa pagkalat ng Ebola. Halimbawa, kinailangang kumuha ng mga badge at pases ng sasakyan ang mga tagapangasiwa ng sirkito para makapasok doon, gayundin ang mga nagdadala ng literatura at sulat. Kailangan ding magdala ang mga miyembro ng Disaster Relief Committee ng mga infrared thermometer, bleach, at pagkain. Nakatutuwa namang laging nakakakuha ng kinakailangang dokumento.

Isang karanasan tungkol diyan ang nakapagpapatibay. Nagsumite ang mga brother ng aplikasyon para makakuha ng 34 na badge at 11 pases ng sasakyan, pero kailangan nilang paaprobahan iyon sa isang heneral. Dalawang brother mula sa tanggapang pansangay ang nakipagkita sa heneral nang araw na inaasahan nilang makukuha nila ang mga badge at pases. Pero hindi makita ang aplikasyon. Ipinahanap ito sa mga brother sa patong-patong na aplikasyon, pero hindi nila ito makita. Sa puntong iyon, sinabi ng heneral sa kaniyang sekretarya na magsasara na siya ng opisina at hindi na tatanggap ng aplikasyon hanggang sa susunod na dalawang linggo. Tahimik na nanalangin kay Jehova ang mga brother. Pagkatapos, tumingin ang heneral sa mga brother at nagtanong, “Ilang badge at pases ba ang kailangan n’yo?” Nang marinig niya kung ilan, napatayo siya at galít na sinabi, “Napakarami n’yan!”

Ipinaliwanag ng mga brother ang gawain natin at kung paano nakatutulong ang ating mga suplay sa pagharap sa salot ng Ebola. Huminto ang heneral, tumingin sa kaniyang sekretarya, at sinabi, “Ibigay mo sa kanila ang lahat ng kailangan nila.”

Guinea at Sierra Leone: Paghuhugas ng kamay na ipinatutupad sa lahat ng Kingdom Hall