Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

KABANATA 94

Dalawang Mahalagang Bagay—Panalangin at Kapakumbabaan

Dalawang Mahalagang Bagay—Panalangin at Kapakumbabaan

LUCAS 18:1-14

  • ANG ILUSTRASYON TUNGKOL SA MATIYAGANG BIYUDA

  • ANG PARISEO AT ANG MANININGIL NG BUWIS

Naglahad na si Jesus ng ilustrasyon sa pagiging matiyaga sa panalangin. (Lucas 11:5-13) Maaaring nasa Samaria o nasa Galilea si Jesus ngayon, at nagbigay siya ng isa pang ilustrasyon para idiin na hindi dapat sumuko sa pananalangin:

“Sa isang lunsod, may isang hukom na walang takot sa Diyos at walang galang sa iba. May isang biyuda rin sa lunsod na iyon at paulit-ulit siyang pinupuntahan nito, na sinasabi, ‘Siguraduhin mong mabibigyan ako ng katarungan mula sa kalaban ko sa batas.’ Sa umpisa, ayaw ng hukom, pero pagkalipas ng ilang panahon, sinabi rin niya sa sarili niya, ‘Wala akong takot sa Diyos at wala rin akong galang sa mga tao, pero dahil paulit-ulit akong ginugulo ng biyudang ito, sisiguraduhin kong mabigyan siya ng katarungan para hindi na siya magpabalik-balik at kulitin ako hanggang sa hindi ko na iyon matagalan.’”—Lucas 18:2-5.

Ipinaliwanag ni Jesus ang ibig sabihin: “Napansin ba ninyo ang sinabi ng hukom, kahit hindi siya matuwid? Kung gayon, hindi ba sisiguraduhin din ng Diyos na mabigyan ng katarungan ang mga pinili niya na dumaraing sa kaniya araw at gabi, habang patuloy siyang nagiging matiisin sa kanila?” (Lucas 18:6, 7) Ano ang ipinahihiwatig ni Jesus tungkol sa kaniyang Ama?

Tiyak na hindi sinasabi ni Jesus na ang Diyos na Jehova ay tulad ng di-matuwid na hukom. Ito ang punto: Kung ang di-matuwid na hukom ay tumugon sa paulit-ulit na kahilingan, tiyak na mas lalo na ang Diyos. Matuwid at mabuti ang Diyos, at sasagutin niya ang mga lingkod niya kung hindi sila susuko sa pananalangin. Makikita ito sa sumunod na sinabi ni Jesus tungkol sa Diyos: “Sinasabi ko sa inyo, kikilos siya agad para mabigyan sila ng katarungan.”—Lucas 18:8.

Karaniwan nang hindi patas ang trato sa mahihirap at sa mayayaman. Pero hindi ganiyan ang Diyos. Sa tamang panahon, lilipulin niya ang masasama at bibigyan ng buhay na walang hanggan ang mga lingkod niya.

Sino ang may pananampalatayang tulad ng sa biyuda? Gaano karami ang talagang naniniwalang kikilos agad ang Diyos “para mabigyan sila ng katarungan”? Katatapos lang ilarawan ni Jesus na kailangang magmatiyaga sa panalangin. Tungkol sa pananampalataya sa kapangyarihan ng panalangin, nagtanong siya: “Kapag dumating ang Anak ng tao, talaga kayang makikita niya ang ganitong pananampalataya sa lupa?” (Lucas 18:8) Ipinakikita nito na pagdating ng Kristo, maaaring kakaunti lang ang may gayong pananampalataya.

Pakiramdam ng ilang nakikinig kay Jesus, matibay na ang pananampalataya nila. Kumpiyansa silang matuwid sila, pero minamaliit nila ang iba. Sa mga ito ipinatungkol ni Jesus ang ilustrasyong ito:

“Dalawang tao ang pumunta sa templo para manalangin, ang isa ay Pariseo at ang isa naman ay maniningil ng buwis. Tumayo ang Pariseo at tahimik na nanalangin, ‘O Diyos, nagpapasalamat ako sa iyo na hindi ako gaya ng ibang mga tao—mangingikil, di-matuwid, mangangalunya—o gaya rin ng maniningil ng buwis na ito. Dalawang beses akong nag-aayuno linggo-linggo; ibinibigay ko ang ikasampu ng lahat ng bagay na mayroon ako.’”—Lucas 18:10-12.

Kilalang mapagmatuwid ang mga Pariseo, at ipinangangalandakan nila ito. Nagtakda sila ng sariling araw ng pag-aayuno tuwing Lunes at Huwebes, kung kailan matao ang pamilihan at marami ang makakakita sa kanila. At nagbabayad sila ng ikapu kahit ng maliliit na halaman. (Lucas 11:42) Ilang buwan bago nito, hinamak nila ang ordinaryong mga tao, na sinasabi: “Ang mga taong ito na nakikinig kay Jesus ay walang alam sa Kautusan [ayon sa pananaw ng mga Pariseo] at mga isinumpa.”—Juan 7:49.

Nagpatuloy si Jesus: “Pero ang maniningil ng buwis, na nakatayo sa malayo, ay ayaw man lang tumingala sa langit, kundi patuloy na sinusuntok ang dibdib niya at sinasabi, ‘O Diyos, maawa ka sa akin na isang makasalanan.’” Mapagpakumbabang inamin ng maniningil ng buwis ang mga pagkakamali niya. Sinabi ni Jesus bilang konklusyon: “Sinasabi ko sa inyo, umuwi ang taong ito at napatunayang mas matuwid kaysa sa Pariseong iyon. Dahil ang bawat isa na nagtataas ng kaniyang sarili ay ibababa, pero ang sinumang nagbababa ng kaniyang sarili ay itataas.”—Lucas 18:13, 14.

Malinaw na ipinakita ni Jesus na mahalagang magpakumbaba. Tamang-tama ito sa mga alagad niya, na namulat sa lipunang naiimpluwensiyahan ng mga Pariseo na mapagmatuwid at sabik sa posisyon. At mahalagang payo rin ito sa lahat ng tagasunod ni Jesus.