Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

KABANATA 34

Ano ang Mangyayari Kapag Namatay Tayo?

Ano ang Mangyayari Kapag Namatay Tayo?

GAYA ng alam mo, ang mga tao sa ngayon ay tumatanda, nagkakasakit, at namamatay. Maging ang ilang mga bata ay namamatay rin. Dapat ka bang matakot sa kamatayan o sa sinumang namatay na?— Alam mo ba ang nangyayari kapag namatay tayo?

Buweno, walang sinumang nabubuhay sa ngayon ang namatay at saka nabuhay para ikuwento ito. Pero nang nasa lupa si Jesus, ang Dakilang Guro, may ganiyang lalaki. Malalaman natin kung ano ang nangyayari sa mga namamatay kung babasahin natin ang tungkol sa kaniya. Ang lalaki ay kaibigan ni Jesus at nakatira sa Betania, isang maliit na bayan na di-kalayuan sa Jerusalem. Ang pangalan niya ay Lazaro, at may dalawa siyang kapatid na babae na ang pangalan ay Marta at Maria. Tingnan natin kung ano ang nangyari ayon sa Bibliya.

Isang araw, nagkasakit nang malubha si Lazaro. Nasa malayo noon si Jesus. Kaya nagpapunta ng mensahero sina Marta at Maria para sabihin kay Jesus na may sakit ang kanilang kapatid na si Lazaro. Ginawa nila ito dahil alam nilang si Jesus ay darating at pagagalingin ang kanilang kapatid. Hindi naman doktor si Jesus, pero may kapangyarihan siya mula sa Diyos kung kaya napagagaling niya ang lahat ng sakit.Mateo 15:30, 31.

Pero, bago makarating si Jesus para tingnan si Lazaro, naging malubha ang sakit ni Lazaro at namatay siya. Ngunit sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad na natutulog si Lazaro at na Siya ay pupunta para gisingin ito. Hindi maintindihan ng mga alagad ang ibig sabihin ni Jesus. Kaya malinaw na sinabi ni Jesus: “Si Lazaro ay namatay.” Ano ang ipinakikita nito tungkol sa kamatayan?— Oo, na ito’y parang isang mahimbing na pagtulog lamang. Isa itong napakahimbing na pagtulog anupat hindi man lamang magawang managinip ng tao.

Dinalaw ni Jesus sina Marta at Maria. Naroroon na ang maraming kaibigan ng pamilya. Naroroon sila para aliwin ang magkapatid dahil sa pagkamatay ni Lazaro. Nang marinig ni Marta na dumarating na si Jesus, sinalubong niya ito. Di-nagtagal ay lumabas na rin si Maria para makita si Jesus. Lungkot na lungkot siya at umiiyak, at sumubsob siya sa paanan ni Jesus. Umiiyak din ang ibang mga kaibigan na sumunod kay Maria.

Nagtanong ang Dakilang Guro kung saan nila inilagay si Lazaro. Sa gayon, niyaya ng mga tao si Jesus sa yungib na pinaglibingan kay Lazaro. Nang makita ni Jesus na lahat ay umiiyak, napaiyak na rin siya. Alam niya kung gaano kasakit mawalan ng isang minamahal dahil sa kamatayan.

Isang bato ang nasa harapan ng yungib, kaya sinabi ni Jesus: “Alisin ninyo ang bato.” Dapat ba nilang alisin ito?— Hindi ito isang magandang ideya para kay Marta. Ang sabi niya: “Panginoon, sa ngayon ay nangangamoy na siya, sapagkat apat na araw na.”

Pero sinabi ni Jesus sa kaniya: “Hindi ko ba sinabi sa iyo na kung maniniwala ka ay makikita mo ang kaluwalhatian ng Diyos?” Ang ibig sabihin ni Jesus ay may makikita si Marta na magpaparangal sa Diyos. Ano kaya ang gagawin ni Jesus? Nang maalis na ang bato, malakas na nanalangin si Jesus kay Jehova. Pagkatapos ay nagsalita si Jesus sa malakas na tinig: “Lazaro, lumabas ka!” Lalabas kaya siya? Puwede kaya iyon?

Buweno, puwede mo bang gisingin ang natutulog?— Oo, kung lalakasan mo ang iyong tinig, magigising siya. Pero puwede mo bang gisingin ang patay?— Hindi. Gaano man kalakas ang iyong tinig, hindi ito maririnig ng patay. Ako o ikaw o sinumang tao sa lupa ay hindi makagigising ng patay.

Ano ang ginawa ni Jesus kay Lazaro?

Pero iba si Jesus. Mayroon siyang natatanging kapangyarihan mula sa Diyos. Kaya nang tawagin ni Jesus si Lazaro, isang kamangha-manghang bagay ang nangyari. Ang lalaking apat na araw nang patay ay lumabas sa yungib! Nabuhay siya! Siya ay nakahihinga at nakalalakad at nakapagsasalita uli! Oo, binuhay ni Jesus si Lazaro mula sa mga patay.Juan 11:1-44.

Isipin mo: Ano kaya ang nangyari kay Lazaro nang mamatay siya? May sangkap ba siya—isang kaluluwa o isang espirituna humiwalay sa kaniyang katawan at umalis para mabuhay sa ibang lugar? Pumunta ba sa langit ang kaluluwa ni Lazaro? Apat na araw ba siyang buháy doon sa itaas kasama ng Diyos at ng mga banal na anghel?

Hindi. Tandaan mo, sinabi ni Jesus na si Lazaro ay natutulog. Ano ba ang nangyayari kapag tulóg ka? Kapag napakahimbing ng tulog mo, hindi mo alam ang nangyayari sa iyong paligid, hindi ba?— At pagkagising mo, hindi mo alam kung gaano katagal kang natulog hanggang sa tingnan mo ang relo.

Ganiyan din ang nangyayari sa mga patay. Wala silang anumang nalalaman. Wala silang anumang nararamdaman. At wala silang anumang nagagawa. Ganiyan ang nangyari kay Lazaro nang mamatay siya. Ang kamatayan ay parang isang napakahimbing na pagtulog na doo’y walang anumang naaalaala ang isang tao. Ang sabi ng Bibliya: “Kung tungkol sa mga patay, sila ay walang anumang kabatiran.”Eclesiastes 9:5, 10.

Ano ang kalagayan ni Lazaro nang siya ay patay na?

Isipin mo rin ito: Kung si Lazaro ay nasa langit sa loob ng apat na araw na iyon, hindi niya kaya ito babanggitin?— At kung siya’y nasa langit na, pilit pa ba siyang pababalikin ni Jesus sa lupa mula sa napakagandang lugar na iyon?— Siyempre hindi na!

Pero, marami ang nagsasabi na tayo raw ay may kaluluwa, at sinasabi nilang ang kaluluwa raw ay patuloy na nabubuhay pagkamatay ng katawan. Sinasabi nilang ang kaluluwa raw ni Lazaro ay nabubuhay sa ibang lugar. Pero walang sinasabing ganiyan ang Bibliya. Sinasabi nito na ang unang taong si Adan ay ginawa ng Diyos na “isang kaluluwang buháy.” Si Adan ay isang kaluluwa. Sinasabi rin ng Bibliya na noong magkasala si Adan, siya ay namatay. Siya ay naging isang “patay na kaluluwa,” at bumalik siya sa alabok na pinanggalingan niya. Sinasabi rin ng Bibliya na lahat ng anak ni Adan ay nagmana rin ng kasalanan at kamatayan.Genesis 2:7; 3:17-19; Bilang 6:6; Roma 5:12.

Kung gayon, maliwanag na wala tayong kaluluwa na hiwalay sa ating katawan. Tayong lahat ay kaluluwa. At yamang lahat ng tao ay nagmana ng kasalanan sa unang taong si Adan, ang Bibliya ay nagsasabi: ‘Ang kaluluwa na nagkakasala ay mamamatay.’Ezekiel 18:4.

Bakit walang dahilan para matakot sa mga patay?

May ilang tao na takót sa mga patay. Ayaw nilang lumapit sa libingan dahil akala nila ang mga patay ay may kaluluwang hiwalay sa kanilang katawan na puwedeng manakit sa mga buháy. Pero puwede pa bang manakit ng buháy ang patay?— Hindi na.

May naniniwala pa nga na ang mga patay ay puwedeng bumalik bilang mga espiritu para dalawin ang mga buháy. Kaya naman naglalagay sila ng pagkain para sa mga patay. Pero ang mga taong gumagawa nito ay hindi talaga naniniwala sa sinasabi ng Diyos tungkol sa mga patay. Kung naniniwala tayo sa sinasabi ng Diyos, hindi tayo matatakot sa mga patay. At kung talagang ipinagpapasalamat natin sa Diyos ang ating buhay, ipakikita natin ito sa pamamagitan ng paggawa ng mga bagay na gusto ng Diyos.

Pero baka itanong mo: ‘Bubuhayin kaya ng Diyos ang mga batang namatay? Talaga nga kayang ibig niya?’ Pag-uusapan natin iyan sa susunod.

Basahin pa natin sa Bibliya ang tungkol sa kalagayan ng mga patay at ang tungkol sa pagiging kaluluwa ng tao, sa Awit 115:17; 146:3, 4; at Jeremias 2:34.