Liham sa mga Taga-Roma 13:1-14

13  Ang bawat tao ay dapat magpasakop sa nakatataas na mga awtoridad+ dahil walang awtoridad na hindi nagmula sa Diyos;+ ang Diyos ang naglagay sa mga ito sa kani-kanilang posisyon.+  Kaya ang sinumang kumakalaban* sa awtoridad ay kumakalaban sa kaayusan ng Diyos; ang mga kumakalaban dito ay magdadala ng hatol sa sarili nila.  Dahil kinatatakutan ang mga tagapamahalang iyon, hindi ng mga gumagawa ng mabuti kundi ng mga gumagawa ng masama.+ Kaya kung ayaw mong matakot sa awtoridad, patuloy kang gumawa ng mabuti,+ at pupurihin ka nito;  dahil lingkod ito ng Diyos para sa kapakanan mo. Pero kung masama ang ginagawa mo, matakot ka, dahil may kapangyarihan itong magparusa gamit ang espada. Lingkod ito ng Diyos, isang tagapaghiganti para ipakita ang galit sa mga gumagawa ng masama.  Kaya nga may matinding dahilan para magpasakop kayo, hindi lang dahil sa galit na iyon kundi dahil din sa konsensiya ninyo.+  Iyan din ang dahilan kung bakit kayo nagbabayad ng buwis; dahil patuloy silang nagsisilbi sa mga tao bilang mga lingkod ng Diyos.  Ibigay sa lahat ang nararapat sa kanila: sa humihiling ng buwis, ang buwis;+ sa humihiling ng tributo, ang tributo; sa humihiling ng takot,* ang takot;*+ sa humihiling ng karangalan, ang karangalan.+  Huwag kayong magkautang sa sinuman maliban sa pag-ibig sa isa’t isa;+ dahil ang umiibig sa kapuwa niya ay nakatutupad sa kautusan.+  Dahil ang mga utos na “Huwag kang mangangalunya,+ huwag kang papatay,+ huwag kang magnanakaw,+ huwag mong nanasain ang pag-aari ng iba,”+ at lahat ng iba pang utos, ay mabubuod sa pananalitang ito: “Dapat mong mahalin ang iyong kapuwa gaya ng iyong sarili.”+ 10  Ang pag-ibig ay hindi gumagawa ng masama sa kapuwa;+ kaya ang pag-ibig ang katuparan ng kautusan.+ 11  At gawin ninyo ito dahil alam ninyo ang panahon, na oras na para gumising kayo+ dahil mas malapit na ngayon ang kaligtasan natin kaysa noong maging mananampalataya tayo. 12  Malalim na ang gabi; malapit na ang araw. Kaya talikuran natin ang mga gawang may kaugnayan sa kadiliman+ at isuot ang mga sandata ng liwanag.+ 13  Gaya ng pagkilos ng mga tao kapag araw, kumilos tayo nang disente;+ umiwas tayo sa walang-patumanggang mga pagsasaya at paglalasingan, sa imoral na pagtatalik at paggawi nang may kapangahasan,+ at sa pag-aaway at selos.*+ 14  Sa halip, tularan ang Panginoong Jesu-Kristo,+ at huwag magplano para sa mga pagnanasa ng laman.+

Talababa

O “hindi sumusunod.”
O “paggalang.”
O “paggalang.”
O “paninibugho.”

Study Notes

tao: O “taong buháy.” Dito, ang salitang Griego na psy·kheʹ ay tumutukoy sa mismong tao.​—Tingnan sa Glosari, “Nephesh; Psykhe.”

nakatataas na mga awtoridad: Tumutukoy sa sekular na mga awtoridad. Ang salitang ginamit para sa “mga awtoridad” ay ang anyong pangmaramihan ng salitang Griego na e·xou·siʹa. Posibleng alam ng mga mambabasa ng Griegong Septuagint na ang salitang ito ay iniuugnay sa pamamahala. (Tingnan ang Dan 7:6, 14, 27; 11:5, kung saan ipinanumbas ang e·xou·siʹa sa mga Hebreo at Aramaikong termino na nangangahulugang “karapatang mamahala; pamamahala; kapangyarihang mamahala.”) Sa Luc 12:11, ginamit ito sa ekspresyong “mga opisyal ng gobyerno, at mga awtoridad.” Ang terminong Griego na isinaling “nakatataas” ay kaugnay ng salitang ginamit sa 1Ti 2:2 sa ekspresyong “sa mga hari at sa lahat ng may mataas na posisyon [o “may awtoridad,” tlb.].” Sa ilang konteksto, tumutukoy ito sa pagkakaroon ng kontrol, kapangyarihan, o awtoridad sa iba, pero hindi ito nangangahulugan ng pagiging “pinakamataas.” Makikita iyan sa pagkakagamit ng terminong ito sa Fil 2:3, kung saan pinayuhan ang mga Kristiyano na ituring ang iba na “nakatataas” sa kanila, pero hindi pinakamataas.

ang Diyos ang naglagay sa mga ito sa kani-kanilang posisyon: O “ang Diyos ang naglagay sa mga ito sa relatibo nilang posisyon.” Ibig sabihin, pinahintulutan sila ng Diyos na mamahala. Sa iba’t ibang diksyunaryo, ang salitang Griego na tasʹso na ginamit dito ay nangangahulugang “gumawa ng kaayusan; ilagay sa lugar; isaayos ayon sa pagkakasunod-sunod; mag-atas.” Sa ibang konteksto, ang salitang Griegong ito ay isinaling “nagsaayos.” (Gaw 28:23) Sa Luc 7:8, ito rin ang salitang Griego na ginamit ni Lucas nang iulat niya ang sinabi ng opisyal ng hukbo: “Ako rin ay nasa [isang anyo ng tasʹso] ilalim ng awtoridad ng iba [isang anyo ng e·xou·siʹa, ang salitang ginamit para sa “awtoridad; mga awtoridad” sa Ro 13:1-3], at may hawak din akong mga sundalo.” May nakatataas na opisyal sa kaniya, at may mga sundalo rin sa ilalim ng awtoridad niya; kaya ang “awtoridad” niya ay masasabing relatibo. Ipinapakita nito na ang salitang Griego na tasʹso ay hindi lang laging tumutukoy sa paglalagay sa puwesto. Puwede rin itong tumukoy sa paglalatag ng kaayusan kung saan mahalaga ang pagkakasunod-sunod ng mga bagay. Sa maraming salin ng Ro 13:1, ginamit ang mga ekspresyong gaya ng “itinalaga ng Diyos” o “inatasan ng Diyos,” na para bang ang Diyos mismo ang nag-atas sa sekular na mga tagapamahala. Pero batay sa kahulugan ng salitang Griego, sa konteksto, at sa sinasabi ng ibang bahagi ng Bibliya (Kaw 21:1; Ec 5:8; Dan 4:32; Ju 19:11), ginamit ng Bagong Sanlibutang Salin ang ekspresyong “ang Diyos ang naglagay sa mga ito sa relatibo nilang posisyon.” Ibig sabihin, pinapahintulutan ng Diyos ang gobyerno ng tao na magkaroon ng ‘relatibong’ awtoridad—ang isang tagapamahala ay mas mataas o mas mababa kaysa sa iba, pero ang lahat ay mas mababa kaysa sa Diyos, ang Kataas-taasang Tagapamahala ng uniberso.

kaayusan ng Diyos: Ang pamamahala ng “nakatataas na mga awtoridad” ay bahagi ng pansamantalang kaayusan na pinapahintulutan ng Diyos. (Ro 13:1) Ang ekspresyong Griego na ginamit dito ay nagpapahiwatig ng isang bagay na ipinag-utos o inilagay ng Diyos. Ang sekular na mga awtoridad ay pansamantalang ginagamit ng Diyos para mapanatili ang kaayusan sa lipunan ng tao. At nagkakaroon lang ng awtoridad ang mga tao dahil pinapahintulutan ito ng Diyos. (Ju 19:11) Kaya may ginagampanang papel sa layunin ng Diyos ang nakatataas na mga awtoridad, pero relatibo lang ang posisyon nila. Nang isulat ni Pablo ang liham na ito, ang nakatataas na mga awtoridad na namamahala sa mga Kristiyano ay pangunahin nang ang gobyerno ng Roma sa ilalim ni Emperador Nero, na namahala mula 54 hanggang 68 C.E. Maliwanag kay Pablo na nakahihigit ang paraan ng pamamahala ng Diyos at ito talaga ang kailangan ng tao. (Gaw 28:31; 1Co 15:24) Sinasabi lang niya na hangga’t pinapahintulutan ni Jehova ang pamamahala ng tao, dapat itong igalang at tanggapin ng mga Kristiyano bilang “kaayusan ng Diyos.”

nito: Tumutukoy sa “awtoridad.”

maglingkod sa kanila: O “sumuporta (maglaan) sa kanila.” Ang salitang Griego na di·a·ko·neʹo ay puwedeng tumukoy sa pag-aasikaso sa materyal na pangangailangan ng isa sa pamamagitan ng pagkuha ng pagkain, pagluluto, at paghahain, at iba pa. Ganiyan ang kahulugan ng salitang di·a·ko·neʹo sa Luc 10:40 (“paghahanda”), Luc 12:37 (“pagsisilbihan”), Luc 17:8 (“pagsilbihan”), at Gaw 6:2 (“mamahagi ng pagkain”), pero puwede rin itong tumukoy sa lahat ng iba pang paglilingkod para mailaan ang personal na pangangailangan ng isa. Sa tekstong ito, ipinaliwanag kung paano sumuporta kay Jesus at sa mga alagad niya ang mga babaeng binanggit sa talata 2 at 3. Nakatulong ang mga babaeng ito para matapos nina Jesus ang atas nila mula sa Diyos. Dahil diyan, naluwalhati ng mga babaeng ito ang Diyos, at ipinakita ng Diyos ang pagpapahalaga niya sa ginawa nila nang ipasulat niya sa Bibliya ang kanilang pagkamahabagin at pagkabukas-palad para mabasa ng mga susunod na henerasyon. (Kaw 19:17; Heb 6:10) Ito rin ang terminong Griego na ginamit para sa mga babaeng nakaulat sa Mat 27:55; Mar 15:41.​—Tingnan ang study note sa Luc 22:26, kung saan ipinaliwanag ang kaugnay na pangngalang di·aʹko·nos.

lingkod ito ng Diyos: Tumutukoy sa “awtoridad” na binanggit sa Ro 13:1-3. May partikular na dahilan kung bakit tinawag na “lingkod” (sa Griego, di·aʹko·nos) ng Diyos ang sekular na mga awtoridad. Kung minsan, ginagamit sa Bibliya ang terminong Griego na ito para tumukoy sa mga “lingkod; nagsisilbi.” (Mat 22:13; Ju 2:5, 9) Ang kaugnay na pandiwang di·a·ko·neʹo (maglingkod; magsilbi) ay ginagamit din para ilarawan ang mga taong naglilingkod para mailaan ang personal na pangangailangan ng iba. (Tingnan ang study note sa Luc 8:3.) Sa ganitong diwa tinawag na “lingkod” ang sekular na mga awtoridad. Mga lingkod sila ng Diyos dahil pinahintulutan niya silang magkaroon ng awtoridad sa loob ng ilang panahon. May mga ginagawa sila para sa kapakanan ng mga tao, gaya ng pagpapanatili ng kaayusan at pagbibigay ng proteksiyon laban sa masasama. Ipinapakita rin ng Bibliya na may mga pagkakataong ginamit ng Diyos ang sekular na mga awtoridad sa iba pang paraan. Halimbawa: Pinalaya ni Haring Ciro ng Persia ang mga Judio sa Babilonya para muling itayo ang bahay ng Diyos sa Jerusalem. (Ezr 1:1-4; Isa 44:28) Isinugo ng hari ng Persia na si Artajerjes si Ezra para sa pagtatayong muli ng bahay na iyon, at nagpadala rin siya ng kontribusyon. Nang maglaon, inatasan niya rin si Nehemias na itayong muli ang mga pader ng Jerusalem. (Ezr 7:11-26; 8:25-30; Ne 2:1-8) Iniligtas si Pablo ng Romanong awtoridad mula sa mga mang-uumog sa Jerusalem, pinrotektahan siya matapos makaligtas sa pagkawasak ng barko, at pinayagang manatili sa isang inuupahang bahay habang isang bilanggo hanggang sa dinggin ni Cesar ang kaso niya.​—Gaw 21:31, 32; 28:7-10, 30, 31.

espada: Dito, tumutukoy ito sa karapatan o kapangyarihan ng sekular na mga awtoridad na magparusa sa mga gumagawa ng masama. Kapag tama ang pagkakagamit dito ng mga awtoridad, nakakatulong ito para mapanatili ang kaayusan sa lipunan dahil napipigilan nito ang mga krimen. Pero mananagot sila sa Diyos sa paraan ng paggamit nila ng awtoridad na ito. Halimbawa, inabuso ni Haring Herodes Antipas ang makasagisag na espadang ito nang papugutan niya ng ulo si Juan Bautista. (Mat 14:1-12) Ganiyan din ang ginawa ni Haring Herodes Agripa I nang ‘patayin niya si Santiago na kapatid ni Juan gamit ang espada.’ (Gaw 12:1, 2) Kung uutusan ng sekular na mga tagapamahala ang mga Kristiyano na lumabag sa Kasulatan, hindi sila maituturing na mga lingkod ng Diyos.

ipakita ang galit: Kapag ang isa ay may nilabag na batas ng tao na hindi naman salungat sa kautusan ng Diyos, ang parusa sa kaniya ng ‘mga tagapamahala’ ay masasabing ekspresyon ng galit ng Diyos sa gumagawa ng masama. (Ro 13:3) Sa kontekstong ito, ang ekspresyong Griego para sa “ipakita ang galit” ay puwede ring isaling “magparusa.”

may matinding dahilan para: O “kailangan na.” Ang ginamit dito na salitang Griego, a·nagʹke, ay literal na nangangahulugang “pangangailangan.” Ipinapakita ng talatang ito na dapat sumunod ang mga Kristiyano sa batas ni Cesar at magbayad ng buwis pangunahin nang dahil sa konsensiya nila at hindi sa takot sa “espada” ni Cesar, o sa kapangyarihan niyang magparusa. (Tingnan ang mga study note sa Ro 13:4.) Kaya nagpapasakop sa gobyerno ng tao ang isang Kristiyano hangga’t hindi salungat sa mga batas ng Diyos ang utos nito.

ipakita ang galit: Kapag ang isa ay may nilabag na batas ng tao na hindi naman salungat sa kautusan ng Diyos, ang parusa sa kaniya ng ‘mga tagapamahala’ ay masasabing ekspresyon ng galit ng Diyos sa gumagawa ng masama. (Ro 13:3) Sa kontekstong ito, ang ekspresyong Griego para sa “ipakita ang galit” ay puwede ring isaling “magparusa.”

espada: Dito, tumutukoy ito sa karapatan o kapangyarihan ng sekular na mga awtoridad na magparusa sa mga gumagawa ng masama. Kapag tama ang pagkakagamit dito ng mga awtoridad, nakakatulong ito para mapanatili ang kaayusan sa lipunan dahil napipigilan nito ang mga krimen. Pero mananagot sila sa Diyos sa paraan ng paggamit nila ng awtoridad na ito. Halimbawa, inabuso ni Haring Herodes Antipas ang makasagisag na espadang ito nang papugutan niya ng ulo si Juan Bautista. (Mat 14:1-12) Ganiyan din ang ginawa ni Haring Herodes Agripa I nang ‘patayin niya si Santiago na kapatid ni Juan gamit ang espada.’ (Gaw 12:1, 2) Kung uutusan ng sekular na mga tagapamahala ang mga Kristiyano na lumabag sa Kasulatan, hindi sila maituturing na mga lingkod ng Diyos.

patuloy silang nagsisilbi sa mga tao: O “ibinubuhos nila ang kanilang sarili.” Ginagampanan ng sekular na mga awtoridad ang mga obligasyon nila na mababasa sa naunang mga talata, at bilang “mga lingkod ng Diyos,” nagsisilbi sila sa mga tao.

lingkod ng Diyos: Ang salitang Griego na lei·tour·gosʹ (lingkod ng publiko, o manggagawa) sa talatang ito at ang kaugnay na mga salitang lei·tour·geʹo (maglingkod sa publiko) at lei·tour·giʹa (paglilingkod sa publiko) ay ginagamit noon ng mga Griego at Romano para tumukoy sa trabaho o serbisyo sa gobyerno at ginagawa para sa kapakanan ng mga tao. (Ang nabanggit na mga salitang Griego ay mula sa la·osʹ, “mga tao,” at erʹgon, “trabaho.”) Dito, ang sekular na mga awtoridad ay inilarawan bilang “mga lingkod ng Diyos” na “nagsisilbi sa mga tao” (anyong pangmaramihan ng lei·tour·gosʹ). Pero sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, ang mga terminong Griegong ito ay karaniwan nang ginagamit para tumukoy sa paglilingkod sa templo at sa ministeryong Kristiyano. Para sa ganitong pagkakagamit, tingnan ang study note sa Luc 1:23; Gaw 13:2; Ro 15:16.

lingkod: Ang salitang Griego na lei·tour·gosʹ ay mula sa mga salitang la·osʹ, “mga tao,” at erʹgon, “trabaho.” Noong una, ang salitang ito ay ginagamit ng mga Griego para tumukoy sa mga nagtatrabaho sa ilalim ng sekular na mga awtoridad para sa kapakanan ng mga tao, at karaniwan nang mga boluntaryo sila. Mayroon ding ganitong kaayusan ang mga Romano. Sa Bibliya, ang terminong ito ay karaniwan nang tumutukoy sa mga gumagawa ng sagradong paglilingkod. Madalas gamitin ng Septuagint ang kaugnay na terminong lei·tour·giʹa para tumukoy sa “mga atas” (Bil 7:5), “gawain” (Bil 4:28), at ‘paglilingkod’ (1Cr 6:32 [6:17, LXX]) ng mga saserdote sa tabernakulo at templo ni Jehova sa Jerusalem. Dito, ginamit ni Pablo ang terminong lei·tour·gosʹ para tumukoy sa sarili niya bilang “isang apostol para sa ibang mga bansa [o, mga bansang Gentil]” na naghahayag sa kanila ng mabuting balita ng Diyos. (Ro 11:13) Makikinabang nang husto ang publiko sa pangangaral na ito, lalo na ang mga tao ng ibang mga bansa.

naglilingkod sila: O “nagsasagawa sila ng pampublikong paglilingkod.” Ang salitang Griego dito na lei·tour·geʹo at ang kaugnay na mga salitang lei·tour·giʹa (paglilingkod sa publiko, o ministeryo) at lei·tour·gosʹ (lingkod ng publiko, o manggagawa) ay ginagamit noon ng mga Griego para tumukoy sa trabaho o serbisyo sa gobyerno na ginagawa para sa kapakanan ng mga tao. Halimbawa, sa Ro 13:6, ang sekular na mga awtoridad ay inilarawan bilang mga “lingkod ng Diyos” na “nagsisilbi sa mga tao” (anyong pangmaramihan ng lei·tour·gosʹ). Sa Luc 1:23 (tingnan ang study note), ang terminong lei·tour·giʹa ay isinaling “paglilingkod . . . sa templo” (o, “paglilingkod sa publiko”) para tumukoy sa paglilingkod ni Zacarias, na ama ni Juan Bautista. Sa tekstong iyon, ang pagkakagamit sa salitang lei·tour·giʹa ay katulad ng pagkakagamit sa salitang ito at kaugnay na mga termino sa Septuagint, kung saan iniuugnay ang mga ito sa paglilingkod ng mga saserdote at Levita sa tabernakulo (Exo 28:35; Bil 1:50; 3:31; 8:22) at sa templo (2Cr 31:2; 35:3; Joe 1:9, 13; 2:17). Ang ganitong uri ng paglilingkod ay paglilingkod din sa publiko. Pero sa ilang konteksto, kasama rito ang pagiging banal dahil ang mga saserdoteng Levita ay nagtuturo ng Kautusan ng Diyos (2Cr 15:3; Mal 2:7) at naghahandog para sa kasalanan ng bayan (Lev 1:3-5; Deu 18:1-5). Sa Gaw 13:2, mas malawak ang pagkakagamit sa salitang Griego na lei·tour·geʹo; tumutukoy ito sa paglilingkod ng mga Kristiyanong propeta at guro sa kongregasyon sa Antioquia ng Sirya. Tumutukoy ang salitang ito sa iba’t ibang paraan ng pagpapakita ng debosyon at paglilingkod sa Diyos, gaya ng pananalangin at pagtuturo, na bahagi ng ministeryong Kristiyano. Siguradong kasama sa paglilingkod ng mga propeta at gurong ito ang pangangaral sa publiko.—Gaw 13:3.

paglilingkod . . . sa templo: O “paglilingkod sa publiko.” Ang salitang Griego dito na lei·tour·giʹa at ang kaugnay na mga pananalitang lei·tour·geʹo (maglingkod sa publiko) at lei·tour·gosʹ (lingkod ng publiko, o manggagawa) ay ginagamit noon ng mga Griego at Romano para tumukoy sa trabaho o serbisyo sa gobyerno at ginagawa para sa kapakanan ng mga tao. Halimbawa, sa Ro 13:6, ang sekular na mga awtoridad ay inilarawan bilang mga “lingkod ng Diyos” na “nagsisilbi sa mga tao” (pangmaramihang anyo ng lei·tour·gosʹ). Ang paggamit dito ni Lucas sa terminong ito ay kahawig ng pagkakagamit nito sa Septuagint, kung saan ang anyong pandiwa at pangngalan ng ekspresyong ito ay madalas tumukoy sa paglilingkod sa templo ng mga saserdote at Levita. (Exo 28:35; Bil 8:22) Ang paglilingkod sa templo ay paglilingkod din sa publiko dahil nakikinabang dito ang mga tao. Pero kailangang maging banal sa ganitong uri ng paglilingkod, dahil itinuturo ng mga saserdoteng Levita ang Kautusan ng Diyos at naghahandog sila para sa kapatawaran ng kasalanan ng bayan.​—2Cr 15:3; Mal 2:7.

Ibigay: Lit., “Ibalik.” Ito rin ang pandiwang Griego (a·po·diʹdo·mi) na ginamit sa Mat 22:21; Mar 12:17; at Luc 20:25 sa ekspresyong “Ibayad ninyo kay Cesar ang mga bagay na kay Cesar.”​—Tingnan ang study note sa Mat 22:21.

ibayad: Lit., “ibalik.” Si Cesar ang nagpagawa ng mga barya, kaya may karapatan siyang hilingin na ibalik sa kaniya ang ilan sa mga ito. Pero walang karapatan si Cesar na hilingin sa isang tao na ialay o ibigay ang buhay nito sa kaniya. Ang Diyos ang nagbigay sa mga tao ng “buhay, hininga, at lahat ng bagay.” (Gaw 17:25) Dahil diyan, siya lang ang may karapatang humiling ng bukod-tanging debosyon, kaya sa Diyos lang puwedeng “ibalik,” o ibigay, ng isang tao ang buhay at debosyon niya.

mangangalunya: Tingnan ang study note sa Ro 2:22.

mangalunya: Tumutukoy sa pagtataksil sa asawa. Sa Bibliya, ang pangangalunya ay kusang pakikipagtalik ng isang taong may asawa sa hindi niya asawa.​—Ihambing ang study note sa Mat 5:32, kung saan tinalakay ang “seksuwal na imoralidad,” na salin para sa salitang Griego na por·neiʹa, at study note sa Mar 10:11.

walang-patumanggang mga pagsasaya: Tatlong beses lumitaw sa Kristiyanong Griegong Kasulatan ang salitang Griego na koʹmos, at laging negatibo ang kahulugan nito. (Gal 5:21; 1Pe 4:3) Tumutukoy ito sa “pagsasaya kung saan ang mga tao ay naglalasingan at gumagawa ng imoral na mga bagay.” Sa mga Griegong akda noon, ginagamit ang salitang ito para sa magugulong prusisyon sa mga kapistahang nagpaparangal sa paganong mga diyos, gaya ni Dionysus (o Bacchus), ang diyos ng alak, at may kasama itong kantahan hanggang sa lumalim ang gabi. Ang ganitong mga prusisyon, pagpapakasasa, at malalaswang gawain ay karaniwan lang sa mga Griegong lunsod noong panahon ng mga apostol, gaya ng mga lunsod sa Asia Minor. (1Pe 1:1) Sumulat si Pedro sa mga Kristiyano doon na bago makumberte ay namihasa sa “di-makontrol na pagnanasa, labis na pag-inom ng alak, magulong pagsasaya, pagpapaligsahan sa pag-inom, at kasuklam-suklam na mga idolatriya.” (1Pe 4:3, 4) Isinama ni Pablo ang “walang-patumanggang pagsasaya” sa “mga gawa ng laman,” at sinabing ang mga nagsasagawa nito ay “hindi magmamana ng Kaharian ng Diyos.” (Gal 5:19-21) Sa mga talata kung saan lumitaw ang ekspresyong “walang-patumanggang mga pagsasaya,” binanggit din nina Pablo at Pedro ang mga gawaing gaya ng paglalasingan, imoral na pakikipagtalik, seksuwal na imoralidad, karumihan, paggawi nang may kapangahasan, at di-makontrol na pagnanasa.

paggawi nang may kapangahasan: O “paggawi nang walang kahihiyan.” Dito, ginamit ang anyong pangmaramihan ng salitang Griego na a·selʹgei·a. Ang salitang Griego na ito ay tumutukoy sa mabigat na paglabag sa mga batas ng Diyos at sa pagiging pangahas at lapastangan.​—Tingnan sa Glosari.

tularan ang Panginoong: Ang salitang Griego para sa “tularan” ay literal na nangangahulugang “isuot (ibihis).” (Luc 15:22; Gaw 12:21) Dito, ginamit ito sa makasagisag na paraan para tumukoy sa pagtulad sa mga katangian ng isang indibidwal. Ito rin ang salitang Griego na ginamit sa Col 3:10, 12 (tlb.) sa ekspresyong “isuot ninyo” at “damtan ninyo ang inyong sarili.” Kaya sa Ro 13:14, pinapayuhan ni Pablo ang mga Kristiyano na tularang mabuti si Jesus, na para bang isinusuot ang kaniyang halimbawa at saloobin.

Media

Pagbubuwis
Pagbubuwis

Makikita rito ang isang resibo ng buwis para sa ibinentang ari-arian noong unang siglo C.E. Makikita sa resibo na ibinayad ito sa isang bangko sa lalawigan ng Roma na Ehipto. Maraming sinisingil na buwis ang Imperyo ng Roma, at naniningil din ng buwis ang mga lalawigan nito. Ipinapakita ng mga ganitong labí kung paano inirerekord noon ang pagbabayad ng buwis. Ang payo ni Pablo sa mga Kristiyano sa Roma na magbayad ng buwis ay kaayon ng ginawa noon ni Jesus, na nag-utos sa mga tagasunod niya: “Ibayad ninyo kay Cesar ang mga bagay na kay Cesar.”—Mat 22:21; Ro 13:6, 7.