Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Bakit Tayo Tumatanda at Namamatay?

Bakit Tayo Tumatanda at Namamatay?

HINDI layunin ng Diyos na mamatay ang tao. Nilalang niya ang ating unang mga magulang, sina Adan at Eva, na perpekto ang isip at katawan; buháy pa sana sila hanggang ngayon. Makikita ito sa sinabi ni Jehova kay Adan tungkol sa isang partikular na puno na nasa hardin ng Eden.

Sinabi ng Diyos kay Adan: “Sa araw na kumain ka mula [sa punong iyon,] tiyak na mamamatay ka.” (Genesis 2:17) Bale-wala ang pagbabawal na ito kung nakatakda namang tumanda at mamatay si Adan. Alam ni Adan na kung hindi siya kakain mula sa punong iyon, hindi siya mamamatay.

HINDI LAYUNIN NG DIYOS NA MAMATAY ANG TAO

Hindi kailangang kumain nina Adan at Eva mula sa punong iyon para mabuhay dahil marami namang puno na namumunga sa hardin. (Genesis 2:9) Kung hindi sila kumain mula sa punong iyon, naipakita sana nila ang pagkamasunurin sa Diyos na nagbigay sa kanila ng buhay. Naipakita rin sana nila na kinikilala nila ang karapatan ng Diyos na magsabi sa kanila ng dapat nilang gawin.

KUNG BAKIT NAMATAY SINA ADAN AT EVA

Para maunawaan kung bakit namatay sina Adan at Eva, tingnan natin ang isang pag-uusap na nakaapekto sa ating lahat. Gumamit si Satanas na Diyablo ng ahas para magsinungaling. Sinasabi ng Bibliya: “Ang ahas ang pinakamaingat sa lahat ng maiilap na hayop sa parang na ginawa ng Diyos na Jehova. Kaya sinabi nito sa babae: ‘Talaga bang sinabi ng Diyos na hindi kayo puwedeng kumain ng bunga mula sa lahat ng puno sa hardin?’”—Genesis 3:1.

Sumagot si Eva: “Puwede kaming kumain ng bunga ng mga puno sa hardin. Pero kung tungkol sa bunga ng puno na nasa gitna ng hardin, sinabi ng Diyos: ‘Huwag kayong kakain ng bunga mula sa punong iyon at huwag ninyong hihipuin iyon para hindi kayo mamatay.’” Pagkatapos, sinabi ng ahas kay Eva: “Tiyak na hindi kayo mamamatay. Dahil alam ng Diyos na sa mismong araw na kumain kayo ng bunga mula sa punong iyon, mabubuksan ang mga mata ninyo at magiging tulad kayo ng Diyos, na nakaaalam ng mabuti at masama.” Kaya pinalitaw ni Satanas na si Jehova ay sinungaling at may ipinagkakait sa ating unang mga magulang.—Genesis 3:2-5.

Naniwala si Eva. Pinagmasdan niya ang puno at nakitang katakam-takam ito at mukhang masarap! Pumitas siya ng bunga nito at kinain iyon. Sinasabi ng Bibliya: “At nang kasama na niya ang kaniyang asawa, binigyan din niya ito at kumain ito.”—Genesis 3:6.

Sinabi ng Diyos kay Adan: “Sa araw na kumain ka mula roon ay tiyak na mamamatay ka.”​—GENESIS 2:17

Siguradong nalungkot ang Diyos na makitang kusang sumuway ang kaniyang minamahal na mga anak! Ano ang ginawa niya? Sinabi ni Jehova kay Adan: “Bumalik ka sa lupa, dahil diyan ka kinuha. Ikaw ay alabok, kaya sa alabok ka babalik.” (Genesis 3:17-19) Bilang resulta, “nabuhay si Adan nang 930 taon, at siya ay namatay.” (Genesis 5:5) Hindi napunta si Adan sa langit o sa daigdig ng mga espiritu. Bago siya lalangin ni Jehova mula sa alabok ng lupa, hindi siya umiiral. Kaya nang mamatay siya, bumalik siya sa walang-buhay na alabok na pinagkunan sa kaniya. Hindi na siya umiiral. Napakasaklap nga!

KUNG BAKIT HINDI TAYO PERPEKTO

Dahil kusang sumuway sina Adan at Eva, naiwala nila ang kasakdalan at ang pag-asang mabuhay magpakailanman. Nagbago ang kanilang pisikal na kalagayan, naging makasalanan sila at hindi na perpekto. Pero hindi lang sila ang naapektuhan ng kanilang pagsuway. Naipasa nila ang kasalanan sa kanilang mga anak. Sinasabi sa Roma 5:12: “Sa pamamagitan ng isang tao [si Adan], ang kasalanan ay pumasok sa sangkatauhan at dahil sa kasalanan ay pumasok ang kamatayan, kaya naman ang kamatayan ay lumaganap sa lahat ng tao, dahil silang lahat ay nagkasala.”

Inilalarawan ng Bibliya ang kasalanan at kamatayan bilang “ang talukbong na bumabalot sa lahat ng bayan at ang lambong na tumatakip sa lahat ng bansa.” (Isaias 25:7) Binalot ng talukbong na iyan ang sangkatauhan gaya ng nakalalasong usok. Walang sinumang makakatakas doon. Talagang “kay Adan, ang lahat ay namamatay.” (1 Corinto 15:22) Kaya ang tanong, ayon kay apostol Pablo, ay: “Sino ang magliligtas sa akin mula sa katawan na umaakay sa akin sa kamatayang ito?” Mayroon ba?—Roma 7:24.