Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

TAMPOK NA PAKSA | SULYAPAN ANG MGA NASA LANGIT

Mga Tanong Tungkol sa mga Nasa Langit

Mga Tanong Tungkol sa mga Nasa Langit

Napag-isipan mo na ba ang tungkol sa langit at sa mga nakatira doon? Kung oo, hindi ka nag-iisa. Libo-libong taon nang pinag-iisipan ng mga tao ang tungkol dito. Naniniwala ang ilan na ito ang tahanan ng mga ninunong dapat parangalan. Iniisip naman ng iba na ito ay isang masaya at mapayapang lugar kung saan nakatira ang mga anghel at ang mabubuting tao na namatay na. Ipinapalagay naman ng iba na ito ay tahanan ng milyon-milyong bathala.

Marami ang nagsasabi na imposibleng malaman kung ano ang mayroon sa langit dahil walang sinuman ang nanggaling doon. Pero mali ang gayong pangangatuwiran. Bago bumaba sa lupa, nabuhay na si Jesu-Kristo sa langit, ang tirahan ng mga espiritu. Hayagan niyang sinabi sa mga lider ng relihiyon noong unang siglo: “Bumaba ako mula sa langit upang gawin, hindi ang kalooban ko, kundi ang kalooban niya na nagsugo sa akin.” Kaya nang kausap ni Jesus ang kaniyang mga apostol, sinabi niya sa kanila kung ano mismo ang nakita niya: “Sa bahay ng aking Ama ay maraming tirahan.”—Juan 6:38; 14:2.

Ang Ama ni Jesus ay ang Diyos. Jehova ang pangalan niya, at ang “bahay” ni Jehova ay nasa langit. (Awit 83:18) Kaya ang Diyos na Jehova at si Jesu-Kristo lang ang makapagsasabi kung ano ang mayroon sa langit. Marami silang isiniwalat tungkol sa dakong ito sa pamamagitan ng kamangha-manghang mga pangitaing ibinigay nila sa tapat na mga tao.

Tatalakayin sa susunod na artikulo ang ilang bahagi ng Bibliya kung saan mababasa ang mga pangitaing nakita ng ilang lalaki. Habang isinasaalang-alang mo ang mga pangitaing ito, tandaan na ang tirahan ng mga espiritu ay hindi nakikita o nahahawakan. Sa paglalarawan sa dakong ito, gumamit ang Diyos ng mga terminong mauunawaan nating mga tao sa halip na mga terminong mga espiritung nilalang lang ang makauunawa. Tutulungan ka ng mga pangitaing ito na maunawaan ang tungkol sa “maraming tirahan” sa langit, at sa mga nakatira doon.