Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Puwedeng Makita ang Loob ng Katawan—Nang Walang Pag-oopera

Puwedeng Makita ang Loob ng Katawan—Nang Walang Pag-oopera

 Puwedeng Makita ang Loob ng Katawan—Nang Walang Pag-oopera

SA TULONG ng makabagong mga computer at mga pagsulong sa matematika at siyensiya, puwede na ngayong malaman ang ilang sakit nang walang pag-oopera. Bukod sa X-ray, na mahigit nang 100 taóng ginagamit, kabilang sa makabagong mga pamamaraan ang computed tomography (CT scan), positron-emission tomography (PET scan), magnetic resonance imaging (MRI), at ultrasound imaging, sonography. * Paano gumagana ang mga ito? Anu-anong panganib sa kalusugan ang maaari nitong idulot? At anu-ano ang pakinabang mula sa mga ito?

X-ray Radiography

Paano ito gumagana? Mas maikli ang wavelength ng X-ray kaysa sa nakikitang liwanag at karaniwan nang nakatatagos ito sa mga tissue ng katawan. Kapag sumailalim sa X-ray ang isang bahagi ng katawan, ang mga sinag ay hindi nakatatagos sa masisinsing tissue, gaya ng mga buto, at ito ang makikitang maliwanag na bahagi sa nadebelop na film na tinatawag na radiograph. Ang kulay-abo naman na iba’t iba ang tingkad ay ang malalambot na tissue. Karaniwan nang ginagamit ang X-ray para malaman ang problema o sakit sa ngipin, buto, suso, at dibdib. Para malinaw na makita ang pagkakaiba ng magkatabing malambot na tissue na pareho ng densidad, ang doktor ay maaaring magturok ng radiopaque dye, o contrast agent, sa daluyan ng dugo ng pasyente. Sa ngayon, ang X-ray ay karaniwan nang pinoproseso sa computer at makikita sa monitor.

Panganib: May bahagyang posibilidad na mapinsala nito ang mga selula at tissue pero kadalasan nang mas malaki ang pakinabang. * Bago magpa-X-ray, dapat sabihin ng mga babae sa kanilang doktor kung sila ay nagdadalang-tao. Ang mga contrast agent, tulad ng iodine, ay maaaring maging sanhi ng alerdyi. Kaya sabihin sa iyong doktor o teknisyan kung alerdyik ka sa iodine o sa pagkaing-dagat na may ganitong elemento.

Pakinabang: Mabilis kumuha ng X-ray, karaniwan nang walang sakit na mararamdaman, hindi masyadong mahal, at napakadaling gawin. Kaya kapaki-pakinabang ito sa mga larangang gaya ng mammography at pagkuha ng diyagnosis sa panahon ng emergency. Walang naiiwang radyasyon sa katawan pagkatapos magpa-X-ray, at kadalasan nang wala itong masamang epekto. *

Computed Tomography

 Paano ito gumagana? Ang mga CT scan ay may kakaibang mga sensor at nagsasangkot ng sopistikadong paggamit ng mas maraming X-ray. Ang pasyente ay nakahiga sa isang mesang ipinapasok sa maliit na tunnel ng aparato. Nabubuo ang larawan sa pamamagitan ng maninipis na sinag ng radyasyon at mga detektor na umiikot nang 360 digri sa pasyente. Ang prosesong ito ay inihalintulad sa paghiwa nang napakaninipis sa isang tinapay at pagkuha ng larawan ng bawat hiwa. Pinagsasama-sama ng computer ang larawan ng bawat “hiwa,” anupat nagbibigay ng detalyadong kros-seksiyonal na larawan ng loob ng katawan. Ang pinakabagong mga makina naman ay tuluy-tuloy na nag-i-scan sa katawan sa direksiyong gaya ng ikid ng isang spring, kaya mas mabilis ang proseso. Nakakakuha ng napakadetalyadong larawan ang mga CT scan kaya madalas itong gamitin sa pagsusuri sa dibdib, tiyan, at buto, at sa diyagnosis ng iba’t ibang uri ng kanser at iba pang mga sakit.

Panganib: Karaniwan nang mas maraming radyasyon ang ginagamit sa CT scan kaysa sa karaniwang X-ray. Maliit lamang ang dagdag na posibilidad na magkaroon ng kanser dahil sa karagdagang antas na ito ng radyasyon, pero hindi ito dapat ipagwalang-bahala kapag isinasaalang-alang ang mga pakinabang. Ang ilang pasyente ay alerdyik sa mga ginagamit na contrast agent, na karaniwan nang may iodine; posible ring maapektuhan nito ang bato ng ilang pasyente. Kung gumamit ng contrast agent, ang mga nagpapasusong ina ay kailangang magpalipas muna ng 24 na oras o higit pa bago muling magpasuso.

Pakinabang: Bukod sa walang sakit na mararamdaman ang pasyente at noninvasive, o hindi kailangan ng pag-oopera, ang CT scan ay nagbibigay ng napakadetalyadong impormasyon na napoproseso ng computer para maging 3-D image. Mabilis at madali ang pag-scan at maaari itong makapagligtas ng buhay dahil ipinakikita nito ang mga pinsala sa loob ng katawan. Hindi naaapektuhan ng CT scan ang medikal na mga implant.

Positron-Emission Tomography

Paano ito gumagana? Sa PET scan, ikinakabit ang isang radyoaktibong substansiya sa isang likas na substansiya ng katawan, na pinakakaraniwan na ay glucose, at itinuturok sa pasyente. Nabubuo ang larawan dahil sa lumalabas na mga positron—mga partikula na positibo ang karga—mula sa mga tissue na may radyoaktibong substansiya. Nakikita sa PET scan ang kalagayan ng tissue ng pasyente. Yamang kumakain ng mas maraming glucose ang mga selulang may kanser kaysa sa normal na mga selula, mas marami itong nakukuhang mga radyoaktibong substansiya. Kaya ang may diperensiyang mga tissue ay naglalabas ng mas maraming positron, at ito ang makikitang naiibang kulay o tingkad sa larawan.

Makikita sa CT scan at MRI scan ang hugis at kayarian ng mga sangkap ng katawan at mga tissue, samantalang makikita naman sa PET scan kung maayos ang paggana ng mga ito, anupat makikita nang mas maaga ang mga pagbabago. Puwedeng pagsamahin ang mga kuha ng PET scan at CT scan para makabuo ng mas detalyadong larawan. Pero posibleng hindi wasto ang resulta ng PET scan kung ang pasyente ay kumain bago magpa-scan o kung hindi normal ang antas ng asukal sa kaniyang dugo, marahil dahil sa diyabetis. Isa pa, hindi nagtatagal ang paglalabas nito ng radyasyon kaya mahalagang matapos agad ang pag-i-scan sa itinakdang oras.

Panganib: Hindi gaanong nahahantad sa radyasyon ang pasyente dahil kaunti lamang ang radyoaktibong substansiyang ginagamit at hindi nagtatagal ang paglalabas nito ng radyasyon. Pero posible pa rin itong makapinsala sa isang sanggol  sa sinapupunan. Kaya dapat sabihin ng mga babae sa doktor at sa imaging staff kung sila ay nagdadalang-tao. At ang mga babae na nasa edad na upang magdalang-tao ay maaaring hilingang magpasuri ng dugo o ihi para malaman kung nagdadalang-tao sila. Kung magpapa-PET scan kasabay ng CT scan, dapat ding isaalang-alang ang mga panganib na nauugnay sa CT scan.

Pakinabang: Yamang ipinakikita sa PET scan hindi lamang ang hugis ng mga sangkap ng katawan at tissue kundi pati kung gumagana nang maayos ang mga ito, maipakikita ng mga ito ang problema bago pa makita sa CT scan o MRI ang mga pagbabago sa kayarian ng tissue.

Magnetic Resonance Imaging

Paano ito gumagana? Ang MRI ay gumagamit ng malakas na magnetic field at mga radio wave (hindi X-ray) at isang computer para makabuo ng napakadetalyadong larawan ng “bawat hiwa” ng halos lahat ng panloob na kayarian ng katawan. Sa tulong ng mabubuong mga larawan, masusuri ng mga doktor nang napakadetalyado ang mga bahagi ng katawan at matutukoy nila ang sakit na hindi nila magagawa gamit ang iba pang paraan ng diyagnosis. Halimbawa, ang MRI ay isa sa ilang paraan ng pagkuha ng larawan na nagpapakita maging ng loob ng buto o ng mga nasa likod nito, kaya malaking tulong ito sa pagsusuri sa utak at iba pang malalambot na tissue.

Hindi dapat gumalaw ang pasyente habang ini-scan. At dahil ipinapasok ang pasyente sa maliit na tunnel ng aparato para ma-scan, ang ilan ay inaatake ng claustrophobia. Pero kamakailan, mayroon nang mga MRI scanner na hindi kulob para sa mga pasyenteng ninenerbiyos o napakataba. Siyempre pa, hindi puwedeng magpasok sa loob ng examination room ng mga bagay na may metal gaya ng bolpen, relo, alahas, ipit sa buhok, at metal na mga zipper pati mga credit card at iba pang mga bagay na makapipinsala sa pasyente o masisira ng magnetic field.

Panganib: Kung gumamit ng contrast agent, may maliit na posibilidad na magkaroon ng alerdyi ang pasyente, pero ang posibilidad na ito ay mas maliit kaysa sa kung gagamit ng mga substansiyang may iodine na karaniwang ginagamit sa X-ray at CT scan. Maliban sa mga ito, wala nang iba pang nalalamang panganib na maidudulot sa pasyente ang MRI. Pero dahil sa epekto ng malalakas na magnetic field, baka hindi puwedeng magpa-MRI ang mga pasyenteng may mga implant o naiwang mga piraso ng metal sa loob ng katawan dahil sa mga nakaraang pinsala. Kaya kapag inirekomenda sa iyo ang MRI, sabihin sa iyong doktor at sa MRI technologist kung mayroon ka ng alinman sa mga iyan.

 Pakinabang: Ang MRI ay hindi gumagamit ng radyasyong posibleng makapinsala, at madali nitong makita ang mga abnormalidad sa tissue, lalo na yaong nasa loob ng buto o nasa likod nito.

Ultrasound Imaging

Paano ito gumagana? Ang teknolohiyang ito na tinatawag ding ultrasound scanning, o sonography, ay isang uri ng sonar na gumagamit ng mga sound wave na hindi naririnig ng tao. Kapag ang mga sound wave na ito ay tumama sa isang bahagi ng sangkap ng katawan na may pagbabago sa densidad ng tissue—lumilikha ito ng echo. Sinusuri ng computer ang echo at nagbibigay ng dalawahan o tatluhang dimensiyon na larawan ng sangkap ng katawan, gaya ng lalim, laki, at hugis nito. Sa tulong ng mga sound wave na mababa ang frequency, makagagawa ng larawan ng panloob na mga bahagi ng katawan; sa tulong naman ng mga sound wave na napakataas ng frequency, napag-aaralan ang panlabas na mga bahagi ng katawan gaya ng mata at suson ng balat, at marahil ay makakatulong pa nga ito sa diyagnosis ng kanser sa balat.

Karaniwan na, ang tagasuri ay gumagamit ng aparatong tinatawag na transducer. Matapos pahiran ng gel ang balat, inihahagod niya ang transducer sa bahaging sinusuri, at agad na nakikita ang larawan nito sa computer. Kung kailangan, ikinakabit ang isang maliit na transducer sa isang probe, at ipinapasok sa butas ng katawan para masuri ang loob ng katawan.

Ang teknolohiyang tinatawag na Doppler ultrasound ay sensitibo sa galaw at ginagamit para makita ang daloy ng dugo. At ito naman ay nakakatulong sa diyagnosis ng mga sangkap ng katawan at mga tumor na karaniwan nang napakaraming ugat na dinadaluyan ng dugo.

Ang pagkuha ng larawan sa pamamagitan ng ultrasound ay nakakatulong sa mga doktor na ma-diagnose ang iba’t ibang uri ng kondisyon at malaman ang sanhi ng mga sintomas, mula sa diperensiya sa balbula ng puso hanggang sa mga bukol sa suso, o ang kalagayan ng isang sanggol sa sinapupunan. Sa kabilang dako, palibhasa’y hindi nakatatagos sa gas ang mga ultrasound wave, hindi laging malinaw ang mga larawang nabubuo nito kapag sinusuri ang ilang bahagi ng tiyan. Bukod diyan, ang larawang kuha nito ay hindi sinlinaw ng kuha ng iba pang pamamaraan, tulad ng radiography.

Panganib: Kahit sa pangkalahatan ay ligtas ang ultrasound kapag ginamit nang wasto, isang anyo pa rin ito ng enerhiya na posibleng makapinsala sa mga tissue, pati na ng hindi pa naisisilang. Kaya hindi pa rin masasabing lubusang ligtas ang paggamit ng ultrasound kapag sinusuri ang isang sanggol sa sinapupunan.

Pakinabang: Pangkaraniwan na ang teknolohiyang ito, hindi kailangan ng pag-oopera, at hindi gaanong mahal. Makikita rin agad ang larawan.

Mga Teknolohiya sa Hinaharap

Sa ngayon, ang mga pananaliksik ay nakasentro sa mga pagsisikap na mapahusay pa ang kasalukuyang mga teknolohiya. Halimbawa, ang mga mananaliksik ay kasalukuyang bumubuo ng mga MRI scanner na mas mahina ang magnetic field kumpara sa mga ginagamit ngayon, kaya malaki-laki rin ang matitipid dito. Inaasahan na malaki ang maitutulong ng molecular imaging (MI) na dinidebelop sa ngayon. Dinisenyo ito para makita ang mga pagbabagong nagaganap sa mismong mga molekula ng katawan, anupat sinasabing malalaman nang mas maaga ang sakit at maaagapan ito.

Sa tulong ng mga teknolohiya ng pagkuha ng larawan, hindi na laging kailangan ang maraming masakit, delikado, at maging di-kinakailangang pag-oopera para alamin ang sakit. Lalo pa itong kapaki-pakinabang kapag nalaman nang mas maaga at nalunasan ang sakit. Pero napakamahal ng mga aparatong ito—ang ilan ay nagkakahalaga ng mahigit isang milyong dolyar.

Siyempre pa, mas mabuti ang umiwas sa sakit kaysa mangailangan ng diyagnosis at paggamot. Kaya sikaping manatiling malusog sa pamamagitan ng tamang pagkain, regular na ehersisyo, sapat na pahinga, at positibong pananaw sa buhay. “Ang masayang puso ay nakabubuti bilang pampagaling,” ang sabi sa Kawikaan 17:22.

[Mga Talababa]

^ par. 2 Ang tomography ay paraan ng pagkuha ng larawang tatluhang dimensiyon, o 3-D image, ng panloob na kayarian ng katawan. Ito ay mula sa salitang tomo, nangangahulugang “seksiyon” o “suson,” at graphein, nangangahulugang “sumulat.”

^ par. 5 Para sa paghahambing ng mga antas ng radyasyon, tingnan ang kahong  “Gaano Katinding Radyasyon?”

^ par. 6 Ang artikulong ito ay nagbibigay lamang ng pahapyaw na paliwanag tungkol sa mga paraan ng pagkuha ng larawan at sa mga panganib at pakinabang mula rito. Para sa mas detalyadong impormasyon, pakisuyong kumonsulta sa mga publikasyong tumatalakay sa larangang ito o sa isang radiologist.

[Kahon sa pahina 13]

 GAANO KATINDING RADYASYON?

Araw-araw, nahahantad tayo sa radyasyon mula sa kapaligiran, galing man ito sa mga cosmic ray mula sa kalawakan o likas na mga radyoaktibong substansiya gaya ng gas na radon. Maaaring makatulong sa iyo ang sumusunod na paghahambing para mapag-aralan mo ang mga panganib na nauugnay sa partikular na medikal na mga pagsusuri. Ang mga sukat na ito ay mga aberids sa millisieverts (mSv).

Limang oras na biyahe sakay ng pampasaherong eroplano: 0.03 mSv

Sampung araw na pagkahantad sa radyasyon sa kapaligiran: 0.1 mSv

Isang X-ray ng ngipin: 0.04-0.15 mSv

Isang ordinaryong X-ray ng dibdib: 0.1 mSv

Isang mammogram: 0.7 mSv

Isang CT scan ng dibdib: 8.0 mSv

Kung kailangan mong magpasuri, huwag mag-atubiling tanungin ang iyong doktor o radiologist para sa espesipikong mga impormasyon tungkol sa antas ng radyasyon o iba mo pang ikinababahala.

[Larawan sa pahina 11]

X-ray

[Larawan sa pahina 12]

CT

[Credit Line]

© Philips

[Larawan sa pahina 12]

PET

[Credit Line]

Courtesy Alzheimer’s Disease Education and Referral Center, a service of the National Institute on Aging

[Larawan sa pahina 13]

MRI

[Larawan sa pahina 14]

Ultrasound