Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Kailangan Nang Matapos ang Ating Pagdurusa!

Kailangan Nang Matapos ang Ating Pagdurusa!

Kailangan Nang Matapos ang Ating Pagdurusa!

Nagsimula ang pagdurusa ni Khieu nang patayin ang tatay niya dahil hinayaan nitong gumala ang mga baka sa isang kalapít na maisan. Pagkatapos, pinatay naman ng Khmer Rouge ng Cambodia ang nanay niya at dalawang kapatid na babae. Nang maglaon, nasabugan si Khieu ng isang nakatanim na bomba. Labing-anim na araw siyang nasa gubat at naghihintay ng tulong. Kinailangang putulin ang kaniyang binti. “Ayoko nang mabuhay pa,” ang sabi ni Khieu.

MAPAPANSIN mong kahit sino ay maaaring magdusa. Ang likas na sakuna, sakit at kapansanan, karahasan, at iba pang trahedya ay dumarating kahit kanino, kahit saan, at kahit kailan. Puspusan ang pagsisikap ng mga organisasyong pangkawanggawa para maiwasan o maibsan man lang ang pagdurusa. Pero ano ba ang resulta?

Kuning halimbawa ang isang problema​—ang kakapusan sa pagkain. Ayon sa diyaryong Toronto Star, marami ang nawalan ng tirahan at walang makain dahil sa likas na mga sakuna. Pero sinabi ng ulat na “dahil sa tumitinding karahasan, nahahadlangan ang pagtulong ng mga ahensiyang nagsisikap na lutasin ang kakapusan sa pagkain.”

Ginagawa ng mga lider sa lipunan, pulitika, at medisina ang kanilang buong makakaya para mabawasan ang pagdurusa ng mga tao, pero bigo sila. Hindi malutas ng mga programa sa pagpapaunlad ng ekonomiya ang kahirapan. Hindi malunasan ng mga bakuna, gamot, at bagong pamamaraan ng pag-oopera ang lahat ng sakit. Walang magawa ang mga pulis at mga ahensiyang pangkapayapaan para masugpo ang mararahas na krimen.

Bakit kaya laganap ang pagdurusa? Nagmamalasakit ba ang Diyos sa mga nagdurusa? Milyun-milyon ang nakasumpong ng kasiya-siyang sagot mula sa Bibliya, gaya ng makikita natin.