Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Maaari Kang Magtagumpay!

Maaari Kang Magtagumpay!

“Tuwang-tuwa ako kapag bigla na lang akong yayakapin ng dalawa kong maliliit na anak na babae at sasabihin, ‘Mahal ka namin, Mommy.’”—ANNA, ISANG NAGSOSOLONG INA SA POLAND.

“Nasisiyahan ako kapag nakikita kong pinahahalagahan ng mga anak ko ang mga ginagawa ko para sa kanila. Kung minsan, binibigyan nila ako ng mga simpleng regalo, gaya ng isang drowing na ginawa nila. Sulit ang lahat ng pagod ko!”—MASSIMO, ISANG NAGSOSOLONG AMA SA ITALY.

“Kung minsan kapag nalulungkot ako, yayakapin ako ng isang anak kong lalaki, hahalikan ako, at sasabihing mahal na mahal niya ako.”—YASMIN, ISANG NAGSOSOLONG INA SA SOUTH AFRICA.

ILAN lang ito sa mga sinabi sa Gumising! ng maraming nagsosolong magulang na sumagot sa isang internasyonal na surbey. Marami sa mga nagsosolong magulang, karamiha’y ina, ang nagsabing kailangan nila ang tulong ng isang mapagmahal na asawa. * Pero ipinakikita rin ng kanilang mga sinabi na nakapag-adjust na sila sa kanilang sitwasyon.

Ano ang nakatulong sa mga nagsosolong magulang na ito para makapag-adjust at magampanan ang kanilang mahirap na responsibilidad? Sa susunod na mga artikulo, tatalakayin natin ang marami sa kanilang mga praktikal na mungkahi at tapatang pagsasabi ng mga nararanasan nila, pati na ang ilang mahahalagang simulain na nakatulong sa kanila. Kung nagsosolong magulang ka, inaasahan naming makatutulong sa iyo ang mga artikulong ito para matagumpay mong magampanan ang iyong mahirap na papel nang may kagalakan at kasiyahan. Totoo, malaking hamon iyan sa ating daigdig ngayon na walang katiyakan at napakabilis magbago. *

Ang mga artikulo ay magpopokus sa anim na aspekto. Kung paanong ang mga nagsosolong magulang ay maaaring

  1.   Humingi ng tulong
  2.   Maging mas mahusay sa pakikipagtalastasan sa kanilang mga anak
  3.   Magtakda ng tamang priyoridad
  4.   Magtakda ng malinaw na mga limitasyon pagdating sa paggawi
  5.   Magtakda ng mabubuting pamantayan
  6.   Maglaan ng panahon para sa Diyos kasama ang kanilang mga anak

^ par. 5 Sa buong mundo, karamihan ng nagsosolong magulang ay babae—isang bagay na mapapansin sa seryeng ito ng mga artikulo.

^ par. 6 Ang marami sa mga simulain sa seryeng ito ay makatutulong din sa mga buo ang pamilya.