Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

ANG PANGMALAS NG BIBLIYA

Pagpaparaya

Pagpaparaya

Ang pagtanggap, pagpapatawad, at pagpaparaya ay nagtataguyod ng mapayapang ugnayan. Pero may hangganan ba ang pagpaparaya?

Ano ang sekreto para maging mas mapagparaya?

ANG REALIDAD

Sa buong mundo, laganap ngayon ang kawalan ng pagpaparaya, at pinalalala pa ito ng pagtatangi dahil sa lahi, bansa, tribo, at ekstremismo sa relihiyon.

ANG SABI NG BIBLIYA

Noong panahon ng ministeryo ni Jesu-Kristo, talamak ang kawalan ng pagpaparaya. Ang mga Judio at mga Samaritano lalong-lalo na ay galít sa isa’t isa. (Juan 4:9) Ang mga babae ay itinuturing na nakabababa sa mga lalaki. At hinahamak ng mga Judiong lider ng relihiyon ang karaniwang mga tao. (Juan 7:49) Pero ibang-iba si Jesu-Kristo. “Tinatanggap ng taong ito ang mga makasalanan at kumakaing kasama nila,” ang sabi ng mga kalaban niya. (Lucas 15:2) Pumarito si Jesus, hindi para hatulan ang mga tao, kundi para pagalingin sila sa espirituwal. Kaya naman siya ay mabait, mapagpasensiya, at mapagparaya. Pag-ibig ang pangunahing nagpakilos sa kaniya.—Juan 3:17; 13:34.

Si Jesus na huwaran ng pagiging mapagparaya ay pumarito, hindi para hatulan ang mga tao, kundi para pagalingin sila sa espirituwal

Dahil sa pag-ibig, na sekreto para maging mas mapagparaya, tinatanggap natin ang iba sa kabila ng kanilang di-kasakdalan at kakaibang mga ugali. Sinasabi sa Colosas 3:13: “Patuloy ninyong pagtiisan ang isa’t isa at lubusang patawarin ang isa’t isa kung ang sinuman ay may dahilan sa pagrereklamo laban sa iba.”

“Higit sa lahat, magkaroon kayo ng masidhing pag-ibig sa isa’t isa, sapagkat ang pag-ibig ay nagtatakip ng maraming kasalanan.”1 Pedro 4:8.

Bakit kailangang may limitasyon ang pagpaparaya?

ANG REALIDAD

Sinisikap ng maraming gobyerno na panatilihin ang batas at kaayusan sa lipunan. Kaya karaniwan nang nagtatakda sila ng makatuwirang mga limitasyon sa paggawi.

ANG SABI NG BIBLIYA

Ang pag-ibig ay “hindi gumagawi nang hindi disente.” (1 Corinto 13:5) Bagaman si Jesus ay huwaran sa pagiging mapagparaya, hindi niya kinunsinti ang kalaswaan, pagpapaimbabaw, at iba pang uri ng kasamaan. Sa halip, may-katapangan niyang tinuligsa ang mga iyon. (Mateo 23:13) Sinabi niya: “Siya na gumagawa ng buktot na mga bagay ay napopoot sa liwanag [ng katotohanan].”—Juan 3:20.

Isinulat ng Kristiyanong apostol na si Pablo: “Kamuhian ninyo ang balakyot, kumapit kayo sa mabuti.” (Roma 12:9) Isinabuhay niya ang mga salitang iyan. Halimbawa, nang ihiwalay ng ilang Judiong Kristiyano ang kanilang sarili mula sa mga mananampalatayang di-Judio, may-katapangang nagsalita si Pablo—isa ring Judio—pero sa mabait na paraan. (Galacia 2:11-14) Alam niya na ang Diyos ay “hindi nagtatangi.” Kaya naman hindi kukunsintihin ng Diyos ang pagtatangi ng lahi sa gitna ng Kaniyang bayan.—Gawa 10:34.

Bilang mga Kristiyano, sinusunod ng mga Saksi ni Jehova ang pamantayang moral ng Bibliya. (Isaias 33:22) Kaya naman hindi nila kinukunsinti ang kasamaan sa kanilang mga miyembro. Ang malinis na kongregasyong Kristiyano ay hindi dapat marumhan ng mga taong lumalabag sa mga pamantayan ng Diyos. Dahil dito, sinusunod ng mga Saksi ang maliwanag na utos ng Bibliya: “Alisin ninyo ang taong balakyot mula sa gitna ninyo.”—1 Corinto 5:11-13.

“O kayong mga umiibig kay Jehova, kapootan ninyo ang kasamaan.”Awit 97:10.

Patuloy bang kukunsintihin ng Diyos ang kasamaan?

ANG PANINIWALA NG MARAMI

Dahil sa karakter ng tao, hindi na mawawala ang kasamaan.

ANG SABI NG BIBLIYA

Nanalangin ang propeta na si Habakuk sa Diyos na Jehova at itinanong kung bakit kinukunsinti ng Diyos ang pang-aapi: “Bakit nasa harap ko ang pananamsam at karahasan, at bakit may pag-aaway, at bakit may hidwaan?” (Habakuk 1:3) Tiniyak ng Diyos sa kaniyang nababahalang propeta na wawakasan Niya ang kasamaan. Tungkol sa pangakong iyon, sinabi ng Diyos: “Iyon ay walang pagsalang magkakatotoo. Hindi iyon maaantala.”—Habakuk 2:3.

Samantala, ang mga gumagawa ng masama ay may pagkakataong talikuran ang kanilang kasamaan. “‘Ako ba ay nalulugod sa kamatayan ng balakyot,’ ang sabi ng Soberanong Panginoong Jehova, ‘at hindi sa pagtalikod niya mula sa kaniyang mga daan upang patuloy nga siyang mabuhay?’” (Ezekiel 18:23) Ang mga humahanap kay Jehova sa pamamagitan ng pag-iwan sa kanilang masasamang gawain ay may magandang pag-asa sa hinaharap. Sinasabi ng Kawikaan 1:33: “Sinumang nakikinig sa akin, tatahan siya nang tiwasay at hindi maliligalig ng panghihilakbot sa kapahamakan.”

“Kaunting panahon na lamang, at ang balakyot ay mawawala na . . . Ang maaamo ang magmamay-ari ng lupa, at makasusumpong nga sila ng masidhing kaluguran sa kasaganaan ng kapayapaan.”Awit 37:10, 11.