Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Kung Paano Magiging Kontento

Kung Paano Magiging Kontento

Gusto nating lahat—may asawa man tayo o wala, bata o matanda—na maging masaya at kontento. Iyan din ang gusto ng ating Maylalang para sa atin, kaya binigyan niya tayo ng magagandang payo.

Maging Masipag

“Magtrabaho siya nang husto at nang marangal para may maibahagi siya sa nangangailangan.”​—EFESO 4:28.

Gusto ng ating Maylalang na magkaroon tayo ng magandang pananaw tungkol sa trabaho. Bakit? Masaya ang taong masipag magtrabaho kasi napaglalaanan niya ang sarili niya at ang pamilya niya. Baka makatulong pa nga siya sa mga nangangailangan. Matutuwa din sa kaniya ang boss niya. Kaya ang masisipag ay malamang na hindi matanggal sa trabaho. Tamang-tama ang pagkakalarawan ng Kasulatan sa mga resulta ng pagtatrabaho. Sinasabi nito na “regalo [ito] ng Diyos.”​—Eclesiastes 3:13.

Maging Tapat

“Naniniwala kaming malinis ang konsensiya namin at gusto naming gumawi nang tapat sa lahat ng bagay.”​—HEBREO 13:18.

Kapag tapat tayo, may respeto tayo sa sarili, payapa ang isip natin, at masarap ang tulog natin sa gabi. Bukod diyan, pagtitiwalaan at irerespeto tayo ng iba. Hindi iyan nararanasan ng mga di-tapat. Baka nakokonsiyensiya rin sila, at baka lagi silang nag-aalala na mahuli sila.

Magkaroon ng Tamang Pananaw sa Pera

“Huwag nawang makita sa pamumuhay ninyo ang pag-ibig sa pera, at maging kontento na kayo sa mga bagay na mayroon kayo.”​—HEBREO 13:5.

Kailangan natin ng pera para sa pagkain at iba pang pangangailangan. Pero “ang pag-ibig sa pera” ay napakadelikado. Kapag determinadong yumaman ang isang tao, puwedeng maubos ang panahon at lakas niya dito. Puwede nitong maapektuhan ang pagsasama nilang mag-asawa, ang panahon na para sana sa kaniyang mga anak, at ang kalusugan niya. (1 Timoteo 6:9, 10) Puwede rin siyang matukso na maging di-tapat. Sinabi ng isang matalinong lalaki: “Ang taong tapat ay tatanggap ng maraming pagpapala, pero ang nagmamadaling yumaman ay hindi mananatiling walang-sala.”​—Kawikaan 28:20.

Makinabang Mula sa Pinakamabuting Edukasyon

“Ingatan mo ang karunungan at ang kakayahang mag-isip.”​—KAWIKAAN 3:21.

Ang isang mabuting edukasyon ay tumutulong sa atin na maging responsableng adulto at magulang. Pero kahit ang pinakamahusay na edukasyong iniaalok ng mundong ito ay hindi makakapagbigay ng tunay na kapanatagan o kaligayahan. Kung gusto nating magtagumpay sa lahat ng gagawin natin, kailangan natin ang edukasyong mula sa Diyos. Sinasabi ng Kasulatan tungkol sa taong nakikinig sa Diyos: “Ang lahat ng ginagawa niya ay magtatagumpay.”​—Awit 1:1-3.