Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Kilala Mo ba si Sapan at ang Kaniyang Pamilya?

Kilala Mo ba si Sapan at ang Kaniyang Pamilya?

Kilala Mo ba si Sapan at ang Kaniyang Pamilya?

KAPAG binabasa mo ang iyong Bibliya, napansin mo na ba ang mga pagbanggit kay Sapan at sa ilang miyembro ng kaniyang maimpluwensiyang pamilya? Sino sila? Ano ang ginawa nila? Anong mga aral ang matututuhan natin mula sa kanila?

Ipinakikilala sa atin ng Bibliya “si Sapan na anak ni Azalias na anak ni Mesulam” may kaugnayan sa pagsasauli ni Josias sa tunay na pagsamba noong mga 642 B.C.E. (2 Hari 22:3) Sa loob ng sumunod na 36 na taon, hanggang sa pagkawasak ng Jerusalem noong 607 B.C.E., ipinakilala sa atin ang kaniyang apat na anak na lalaki, sina Ahikam, Elasa, Gemarias, at Jaazanias, at ang kaniyang dalawang apong lalaki, sina Micaias at Gedalias. (Tingnan ang tsart.) “Nangibabaw ang pamilya ni Sapan sa burukrasya [sa kaharian ng Juda] at hinawakan nito ang posisyon ng pagiging eskriba ng hari mula sa panahon ni Josias hanggang sa panahon ng Pagkatapon,” ang paliwanag ng Encyclopaedia Judaica. Ang pagrerepaso sa sinasabi ng Bibliya hinggil kay Sapan at sa kaniyang pamilya ay tutulong sa atin na maunawaan kung paano nila sinuportahan ang propetang si Jeremias at ang tunay na pagsamba kay Jehova.

Sinuportahan ni Sapan ang Tunay na Pagsamba

Noong 642 B.C.E., nang si Haring Josias ay mga 25 taóng gulang, masusumpungan natin na naglilingkod si Sapan bilang kalihim at tagakopya ng hari. (Jeremias 36:10) Ano ang kasangkot dito? Ang reperensiyang akda na nabanggit kanina ay nagsasabi na ang eskriba at kalihim ng hari ay isang malapít na tagapayo ng hari, nangangasiwa sa pinansiyal na mga bagay-bagay, mahusay sa diplomasya, at maraming nalalaman sa pakikipag-ugnayan sa ibang bansa, internasyonal na batas, at mga kasunduan sa pangangalakal. Kaya naman, bilang kalihim ng hari, si Sapan ay isa sa pinakamaimpluwensiyang tao sa kaharian.

Sampung taon bago ito, “pinasimulan [ng kabataang si Josias na] hanapin ang Diyos ni David na kaniyang ninuno.” Maliwanag na mas matanda si Sapan kay Josias at kung gayon ay isang mabuting espirituwal na tagapayo sa kaniya at isang tagasuporta sa unang kampanya ni Josias sa pagsasauli sa tunay na pagsamba. *​—2 Cronica 34:1-8.

Noong panahon ng pagkukumpuni sa templo, nasumpungan ang “mismong aklat ng kautusan,” at “pinasimulang basahin iyon ni Sapan sa harap ng hari.” Nagitla si Josias nang marinig ang nilalaman nito at nagpadala siya ng isang delegasyon ng pinagkakatiwalaang mga lalaki kay Hulda na propetisa upang sumangguni kay Jehova hinggil sa aklat. Nagpakita ng pagtitiwala ang hari kay Sapan at sa kaniyang anak na si Ahikam dahil isinama niya sila sa delegasyon.​—2 Hari 22:8-14; 2 Cronica 34:14-22.

Ito ang tanging pagbanggit sa Kasulatan hinggil sa ginawa mismo ni Sapan. Sa ibang mga talata ng Bibliya, binabanggit lamang siya bilang ama o lolo. Ang mga supling ni Sapan ay nagkaroon ng malapit na kaugnayan sa propetang si Jeremias.

Sina Ahikam at Gedalias

Gaya ng nabanggit na, ang anak ni Sapan na si Ahikam ay unang binanggit may kaugnayan sa delegasyon na isinugo sa propetisang si Hulda. Isang reperensiyang akda ang nagsasabi: “Bagaman ang titulo ni Ahikam ay hindi binabanggit sa Hebreong Bibliya, lumilitaw na mataas ang kaniyang posisyon.”

Mga 15 taon pagkatapos ng pangyayaring iyon, nanganib ang buhay ni Jeremias. Nang babalaan niya ang mga tao tungkol sa intensiyon ni Jehova na wasakin ang Jerusalem, “sinunggaban siya ng mga saserdote at ng mga propeta at ng buong bayan, na sinasabi: ‘Ikaw ay tiyak na mamamatay.’ ” Ano ang nangyari pagkatapos noon? Nagpapatuloy ang ulat: “Ang kamay nga ni Ahikam na anak ni Sapan ang sumasa kay Jeremias, upang huwag siyang maibigay sa kamay ng bayan at maipapatay.” (Jeremias 26:1-24) Ano ang ipinakikita nito? Ganito ang sabi ng The Anchor Bible Dictionary: “Hindi lamang pinatutunayan ng pangyayaring ito ang impluwensiyang taglay ni Ahikam, kundi ipinahihiwatig din nito na siya, gaya ng ibang miyembro ng pamilya ni Sapan, ay mabait kay Jeremias.”

Pagkaraan ng mga 20 taon, matapos wasakin ng mga taga-Babilonya ang Jerusalem noong 607 B.C.E. at dalhin sa pagkatapon ang karamihan sa bayan, ang apo ni Sapan na si Gedalias, na anak ni Ahikam, ay hinirang bilang gobernador sa nalalabing mga Judio. Siya ba, gaya ng iba pang miyembro ng pamilya ni Sapan, ay nagmalasakit din kay Jeremias? Ganito ang mababasa sa ulat ng Bibliya: “Sa gayon ay pumaroon si Jeremias kay Gedalias na anak ni Ahikam sa Mizpa at nanahanang kasama nito.” Sa loob lamang ng ilang buwan, pinaslang si Gedalias, at isinama ng nalalabing mga Judio si Jeremias nang magtungo sila sa Ehipto.​—Jeremias 40:5-7; 41:1, 2; 43:4-7.

Sina Gemarias at Micaias

Ang anak ni Sapan na si Gemarias at ang apong si Micaias ay gumanap ng prominenteng bahagi sa mga pangyayaring inilarawan sa Jeremias kabanata 36. Ang panahon ay mga 624 B.C.E., noong ikalimang taon ni Haring Jehoiakim. Binasa nang malakas ni Baruc, ang kalihim ni Jeremias, mula sa aklat ang mga salita ni Jeremias sa bahay ni Jehova, “sa silid-kainan ni Gemarias na anak ni Sapan.” Dahil dito, “narinig ni Micaias na anak ni Gemarias na anak ni Sapan ang lahat ng mga salita ni Jehova mula sa aklat.”​—Jeremias 36:9-11.

Ipinabatid ni Micaias sa kaniyang ama at sa lahat ng iba pang prinsipe ang tungkol sa balumbon, at nais nilang lahat na marinig ang sinasabi nito. Paano sila tumugon? “At nangyari nga, nang marinig nila ang lahat ng mga salita, sila ay nagtinginan sa isa’t isa nang may panghihilakbot; at sinabi nila kay Baruc: ‘Walang pagsalang sasabihin namin sa hari ang lahat ng mga salitang ito.’ ” Gayunman, bago makipag-usap sa hari, sinabi nila kay Baruc: “Yumaon ka, magkubli ka, ikaw at si Jeremias, upang walang sinumang makaalam ng inyong kinaroroonan.”​—Jeremias 36:12-19.

Gaya ng inaasahan, tinanggihan ng hari ang mensahe na nasa balumbon at sinunog ito nang pira-piraso. Ang ilang prinsipe, pati na si Gemarias na anak ni Sapan, ay “nakiusap sa hari na huwag sunugin ang balumbon, ngunit hindi siya nakinig sa kanila.” (Jeremias 36:21-25) Ang aklat na Jeremiah​—An Archaeological Companion ay may ganitong konklusyon: “Si Gemarias ay isang masugid na tagasuporta ni Jeremias sa korte ni Haring Jehoiakim.”

Sina Elasa at Jaazanias

Noong 617 B.C.E., sinakop ng Babilonya ang kaharian ng Juda. Libu-libong Judio, “ang lahat ng prinsipe at ang lahat ng magigiting at makapangyarihang mga lalaki . . . at gayundin ang bawat bihasang manggagawa at tagapagtayo ng mga balwarte,” ay dinala sa pagkatapon, pati na ang propetang si Ezekiel. Si Matanias, na ang pangalan ay pinalitan ng Zedekias ng mga taga-Babilonya, ang naging bagong basalyong hari. (2 Hari 24:12-17) Nang maglaon ay nagsugo ng delegasyon sa Babilonya si Zedekias na kinabibilangan ng anak ni Sapan na si Elasa. Ipinagkatiwala ni Jeremias kay Elasa ang isang liham na may mahalagang mensahe mula kay Jehova para sa itinapong mga Judio.​—Jeremias 29:1-3.

Kung gayon, ipinahihiwatig ng ulat ng Bibliya na ginamit ni Sapan, ng tatlo sa kaniyang mga anak, at ng dalawa sa kaniyang mga apo ang kanilang maimpluwensiyang mga posisyon upang suportahan ang tunay na pagsamba at ang tapat na propetang si Jeremias. Kumusta naman ang anak ni Sapan na si Jaazanias? Di-tulad ng ibang miyembro ng pamilya ni Sapan, lumilitaw na nakibahagi siya sa pagsamba sa mga idolo. Noong ikaanim na taon ng pagkakatapon ni Ezekiel sa Babilonya, o mga 612 B.C.E., ang propeta ay nagkaroon ng pangitain na doo’y 70 lalaki ang naghandog ng insenso sa mga idolo sa templo sa Jerusalem. Kabilang sa kanila si Jaazanias, ang kaisa-isa na binanggit ang pangalan. Maaari itong magpahiwatig na siya ay isang prominenteng miyembro ng grupong ito. (Ezekiel 8:1, 9-12) Ipinakikita ng halimbawa ni Jaazanias na ang paglaki sa piling ng isang makadiyos na pamilya ay hindi katiyakan na ang isa ay magiging tapat na mananamba ni Jehova. Ang bawat indibiduwal ay mananagot sa kaniyang sariling landasin ng pagkilos.​—2 Corinto 5:10.

Ang Talaangkanan ni Sapan at ng Kaniyang Pamilya

Nang panahong gumanap ng bahagi si Sapan at ang kaniyang pamilya sa mga pangyayari na naganap sa Jerusalem, ang paggamit ng mga pantatak ay naging karaniwan sa Juda. Ginamit ang mga pantatak upang patunayan o lagdaan ang mga dokumento at ang mga ito’y yari sa mahahalagang bato, metal, garing, o salamin. Karaniwan nang ang pangalan ng may-ari ng pantatak, ang pangalan ng kaniyang ama at, kung minsan, ang titulo ng may-ari ay nakaukit dito.

Natuklasan sa mga luwad ang daan-daang bakat ng Hebreong pantatak. Ganito ang sinabi ni Propesor Nahman Avigad, iskolar sa Hebreong epigrapiya, ang pag-aaral sa sinaunang mga inskripsiyon: “Ang mga inskripsiyon ng pantatak ang tanging Hebreong epigrape na bumabanggit sa mga kilalang tao sa Bibliya.” Mayroon bang natuklasang mga inskripsiyon ng pantatak ni Sapan o ng mga miyembro ng kaniyang pamilya? Oo, ang pangalang Sapan at ang pangalan ng kaniyang anak na si Gemarias ay lumilitaw sa tatak na ipinakikita sa pahina 19 at 21.

Sinasabi rin ng mga iskolar na posibleng apat na iba pang miyembro ng pamilya ang tinutukoy sa mga bakat ng pantatak​—si Azalias, ang ama ni Sapan; si Ahikam na anak ni Sapan; si Gemarias na anak ni Sapan; at si Gedalias, na lumilitaw na tinutukoy sa isang bakat ng pantatak bilang “ang nangangasiwa sa Sambahayan.” Ang ikaapat sa mga tatak na ito ay sinasabing kay Gedalias, ang apo ni Sapan, bagaman ang kaniyang ama, si Ahikam, ay hindi binanggit. Ang kaniyang titulo sa bakat ng pantatak ay nagpapahiwatig na isa siya sa pinakamataas na opisyal sa estado.

Ano ang Matututuhan Natin?

Kay-inam na halimbawa ang ipinakita ni Sapan at ng kaniyang pamilya sa paggamit ng kanilang maimpluwensiyang posisyon sa pagsuporta kapuwa sa tunay na pagsamba at sa tapat na si Jeremias! Magagamit din natin ang ating mga tinatangkilik at impluwensiya upang suportahan ang organisasyon ni Jehova at ang ating mga kapuwa mananamba.

Hindi lamang ang regular na pagbabasa ng Bibliya ang kapaki-pakinabang at nakapagpapasigla ng ating pananampalataya kundi maging ang masusing pagsusuri rito at ang pagkakaroon ng kabatiran sa sinaunang mga saksi ni Jehova na gaya ni Sapan at ng mga miyembro ng kaniyang pamilya. Sila rin ay kabilang sa malaking “ulap ng mga saksi” na ang mga halimbawa ay matutularan natin.​—Hebreo 12:1.

[Talababa]

^ par. 6 Malamang na malaki ang tanda ni Sapan kay Josias, yamang ang anak ni Sapan na si Ahikam ay nasa hustong gulang na nang si Josias ay mga 25 taóng gulang.​—2 Hari 22:1-3, 11-14.

[Kahon sa pahina 22]

Si Hulda​—Isang Maimpluwensiyang Propetisa

Nang marinig ang pagbasa sa “mismong aklat ng kautusan” na nasumpungan sa templo, iniutos ni Haring Josias kay Sapan at sa apat na iba pang matataas na opisyal na ‘sumangguni kay Jehova’ may kaugnayan sa aklat. (2 Hari 22:8-20) Saan masusumpungan ng delegasyon ang sagot? Si Jeremias, at malamang na maging sina Nahum at Zefanias, na pawang mga propeta at manunulat ng Bibliya, ay nabubuhay sa Juda noong panahong iyon. Gayunman, ang delegasyon ay lumapit kay Hulda na propetisa.

Ang aklat na Jerusalem​—An Archaeological Biography ay nagkokomento: “Ang kapansin-pansin sa pangyayaring ito ay na talagang karaniwan lamang ang ugnayan ng mga lalaki at babae sa kuwentong ito. Wala ni isa ang nagturing na di-angkop na dalhin ng komite na binubuo ng pawang mga lalaki ang Balumbon ng Kautusan sa isang babae upang tiyakin ang kahalagahan nito. Nang ipahayag [ng propetisa] na ito ang salita ng Panginoon, wala ni isa ang nag-alinlangan sa kaniyang awtoridad na magpasiya hinggil sa isyu. Ang pangyayaring ito ay kadalasan nang hindi pinapansin ng mga iskolar na nagsasaliksik hinggil sa papel ng mga babae sa sinaunang Israel.” Siyempre pa, ang natanggap na mensahe ay galing kay Jehova.

[Dayagram/Larawan sa pahina 21]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

Ang Talaangkanan ng Pamilya ni Sapan

Mesulam

Azalias

Sapan

↓ ↓ ↓ ↓

Ahikam Elasa Gemarias Jaazanias

↓ ↓

Gedalias Micaias

[Larawan sa pahina 20]

Nakiusap si Gemarias at ang iba pa kay Jehoiakim na huwag sunugin ang balumbon na galing kay Jeremias

[Larawan sa pahina 22]

Si Jaazanias, bagaman isang miyembro ng pamilya ni Sapan, ay nakita sa isang pangitain na sumasamba sa mga idolo

[Picture Credit Line sa pahina 19]

Courtesy Israel Antiquities Authority

[Picture Credit Line sa pahina 21]

Courtesy Israel Antiquities Authority