Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Isinisiwalat ni Jehova ang Kaniyang Kaluwalhatian sa mga Mapagpakumbaba

Isinisiwalat ni Jehova ang Kaniyang Kaluwalhatian sa mga Mapagpakumbaba

Isinisiwalat ni Jehova ang Kaniyang Kaluwalhatian sa mga Mapagpakumbaba

“Ang bunga ng kapakumbabaan at ng pagkatakot kay Jehova ay kayamanan at kaluwalhatian at buhay.”​—KAWIKAAN 22:4.

1, 2. (a) Paano ipinakikita ng aklat ng mga Gawa na si Esteban ay “isang lalaking puspos ng pananampalataya at banal na espiritu”? (b) Ano ang katibayan na mapagpakumbaba si Esteban?

SI Esteban ay “isang lalaking puspos ng pananampalataya at banal na espiritu.” Siya rin ay “puspos ng kagandahang-loob at kapangyarihan.” Bilang isa sa unang mga alagad ni Jesus, gumawa siya ng dakilang mga tanda at mga palatandaan sa mga tao. Sa isang pagkakataon, may ilang lalaking tumindig upang makipagtalo sa kaniya, “gayunma’y hindi sila makapanindigan laban sa karunungan at espiritu na taglay niya sa pagsasalita.” (Gawa 6:5, 8-10) Maliwanag na isang mahusay na estudyante ng Salita ng Diyos si Esteban, at mapuwersa niya itong ipinagtanggol sa harap ng Judiong mga lider ng relihiyon noong panahon niya. Ang kaniyang detalyadong patotoo, na nakaulat sa Gawa kabanata 7, ay nagpapatunay sa kaniyang masidhing interes sa unti-unting pagsisiwalat ng layunin ng Diyos.

2 Di-tulad ng relihiyosong mga lider na iyon, na nakadamang nakatataas sila sa karaniwang mga tao dahil sa kanilang posisyon at kaalaman, si Esteban ay mapagpakumbaba. (Mateo 23:2-7; Juan 7:49) Bagaman bihasa sa Kasulatan, tuwang-tuwa siyang maatasan na “mamahagi ng pagkain sa mga mesa” upang maiukol ng mga apostol ang kanilang sarili “sa pananalangin at sa ministeryo ng salita.” May mainam na reputasyon si Esteban sa mga kapatid kaya naman pinili siyang maging isa sa pitong lalaking may patotoo na mangangasiwa sa araw-araw na pamamahaging ito ng pagkain. Mapagpakumbaba niyang tinanggap ang atas.​—Gawa 6:1-6.

3. Anong kamangha-manghang pagtatanghal ng di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos ang naranasan ni Esteban?

3 Ang mapagpakumbabang disposisyon ni Esteban, pati na ang kaniyang espirituwalidad at katapatan, ay napansin ni Jehova. Nang magpatotoo si Esteban sa galít na pulutong ng mga pinunong Judio sa Sanedrin, “nakita [ng mga sumasalansang sa kaniya] na ang kaniyang mukha ay gaya ng mukha ng isang anghel.” (Gawa 6:15) Ang ekspresyon ng kaniyang mukha ay gaya ng isang mensahero ng Diyos, may kapayapaan na nagmumula sa Diyos ng kaluwalhatian, si Jehova. Matapos magpatotoo nang may katapangan sa mga miyembro ng Sanedrin, naranasan ni Esteban ang kamangha-manghang pagtatanghal ng di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos. “Siya, puspos ng banal na espiritu, ay tumitig sa langit at nakita ang kaluwalhatian ng Diyos at si Jesus na nakatayo sa kanan ng Diyos.” (Gawa 7:55) Para kay Esteban, muling pinatunayan ng kagila-gilalas na pangitaing ito ang posisyon ni Jesus bilang Anak ng Diyos at Mesiyas. Pinalakas nito ang mapagpakumbabang si Esteban at tiniyak sa kaniya na taglay niya ang paglingap ni Jehova.

4. Kanino isinisiwalat ni Jehova ang kaniyang kaluwalhatian?

4 Gaya ng ipinakikita ng pangitaing ibinigay kay Esteban, isinisiwalat ni Jehova ang kaniyang kaluwalhatian at ang kaniyang layunin sa mga may-takot sa Diyos na mga indibiduwal na mapagpakumbaba at nagpapahalaga sa kanilang kaugnayan sa kaniya. “Ang bunga ng kapakumbabaan at ng pagkatakot kay Jehova ay kayamanan at kaluwalhatian at buhay,” ang sabi ng Bibliya. (Kawikaan 22:4) Kung gayon, mahalaga na maunawaan natin kung ano ang tunay na kapakumbabaan, kung paano natin malilinang ang mahalagang katangiang ito, at kung paano tayo makikinabang sa pagpapamalas nito sa lahat ng aspekto ng buhay.

Kapakumbabaan​—Isang Makadiyos na Katangian

5, 6. (a) Ano ang kapakumbabaan? (b) Paano nagpapakita ng kapakumbabaan si Jehova? (c) Paano tayo dapat maapektuhan ng pagpapakumbaba ni Jehova?

5 Maaaring ikagulat ng ilan na ang Diyos na Jehova, ang pinakamataas at pinakamaluwalhating persona sa sansinukob, ang pinakadakilang halimbawa ng kapakumbabaan. Sinabi ni Haring David kay Jehova: “Ibibigay mo sa akin ang iyong kalasag ng kaligtasan, at aalalayan ako ng iyong kanang kamay, at padadakilain ako ng iyong kapakumbabaan.” (Awit 18:35) Sa paglalarawan kay Jehova bilang mapagpakumbaba, ginamit ni David ang isang salitang Hebreo na hinango sa salitang-ugat na nangangahulugang “maiyukod.” Bukod sa salitang “kapakumbabaan,” ang iba pang mga salita na nauugnay sa salitang-ugat na iyon ay “kababaan,” “kaamuan,” at “pagpapakababa.” Kaya nagpakita si Jehova ng kapakumbabaan nang ibaba niya ang kaniyang sarili upang makitungo sa di-sakdal na taong si David at gamitin ito bilang Kaniyang kinatawang hari. Gaya ng ipinakikita ng superskripsiyon ng Awit 18, ipinagsanggalang at sinuportahan ni Jehova si David, anupat iniligtas siya “mula sa palad ng lahat ng kaniyang mga kaaway at mula sa kamay ni Saul.” Batid din naman ni David na anumang kadakilaan o kaluwalhatian na matatamo niya bilang hari noon ay nakadepende sa mapagpakumbabang pagkilos ni Jehova alang-alang sa kaniya. Ang pagkaunawang ito ay tumulong kay David na manatiling mapagpakumbaba.

6 Kumusta naman tayo? Nakita ni Jehova na angkop na ituro sa atin ang katotohanan, at marahil ay pinagkakalooban pa nga niya tayo ng pantanging mga pribilehiyo ng paglilingkod sa pamamagitan ng kaniyang organisasyon, o baka ginagamit niya tayo sa isang paraan upang isakatuparan ang kaniyang kalooban. Ano ang dapat nating madama hinggil dito? Hindi ba’t dapat tayong pagpakumbabain nito? Hindi ba’t dapat tayong magpasalamat sa pagpapakumbaba ni Jehova at umiwas sa pagtataas sa ating sarili, na tiyak namang hahantong sa kapahamakan?​—Kawikaan 16:18; 29:23.

7, 8. (a) Paano nakita ang kapakumbabaan ni Jehova sa kaniyang pakikitungo kay Manases? (b) Sa anong paraan nagpakita si Jehova, gayundin si Manases, ng halimbawang dapat nating sundin sa pagpapakita ng kapakumbabaan?

7 Hindi lamang nagpakita si Jehova ng dakilang kapakumbabaan sa pamamagitan ng pakikitungo sa di-sakdal na mga tao kundi nagpamalas din siya ng pagiging handa na magpakita ng awa sa mga taong may mababang pag-iisip, at ibinabangon pa nga, o itinataas, ang mga nagpapakumbaba. (Awit 113:4-7) Kuning halimbawa ang nangyari kay Haring Manases ng Juda. Ginamit niya sa maling paraan ang kaniyang natatanging posisyon bilang hari upang itaguyod ang huwad na pagsamba at “ginawa niya nang malawakan ang masama sa paningin ni Jehova, upang galitin siya.” (2 Cronica 33:6) Nang dakong huli, pinarusahan ni Jehova si Manases sa pamamagitan ng pagpapahintulot sa hari ng Asirya na alisin siya sa kaniyang trono. Habang nakabilanggo, “pinalambot [ni Manases] ang mukha ni Jehova na kaniyang Diyos at patuloy na nagpakumbaba nang lubha,” anupat isinauli siya ni Jehova sa kaniyang trono sa Jerusalem, at “nakilala ni Manases na si Jehova ang tunay na Diyos.” (2 Cronica 33:11-13) Oo, sa wakas, ang mapagpakumbabang kalagayan ng isip ni Manases ay nakalugod kay Jehova, na nagpakita rin naman ng kapakumbabaan sa pamamagitan ng pagpapatawad sa kaniya at pagsasauli sa kaniya bilang hari.

8 Ang pagiging handang magpatawad ni Jehova at ang nagsisising saloobin ni Manases ay naglalaan ng mahahalagang aral sa atin hinggil sa kapakumbabaan. Dapat nating laging isaisip na ang paraan ng pakikitungo natin sa mga nagkasala sa atin at ang saloobin na ipinakikita natin kapag nagkasala tayo ay makaaapekto sa paraan ng pakikitungo ni Jehova sa atin. Kung handa tayong magpatawad sa mga pagkakasala ng iba at mapagpakumbabang aamin sa ating mga pagkakamali, makaaasa tayo na kaaawaan tayo ni Jehova.​—Mateo 5:23, 24; 6:12.

Isiniwalat ang Kaluwalhatian ng Diyos sa mga Mapagpakumbaba

9. Tanda ba ng kahinaan ang kapakumbabaan? Ipaliwanag.

9 Gayunman, ang kapakumbabaan at ang kaugnay na mga katangian nito ay hindi dapat ipagkamali bilang tanda ng kahinaan o tendensiya na kunsintihin ang mali. Gaya ng pinatutunayan ng Banal na Kasulatan, si Jehova ay mapagpakumbaba, ngunit nagpapahayag siya ng matuwid na pagkagalit at kasindak-sindak na kapangyarihan kapag hinihingi ito ng pagkakataon. Dahil sa kaniyang kapakumbabaan, nag-uukol si Jehova ng mapagbiyayang pansin, o pantanging konsiderasyon, sa mga taong may mababang pag-iisip, samantalang lumalayo siya sa mga mapagmapuri. (Awit 138:6) Paano nagpakita si Jehova ng pantanging konsiderasyon sa kaniyang mapagpakumbabang mga lingkod?

10. Ano ang isinisiwalat ni Jehova sa mga mapagpakumbaba, gaya ng ipinahihiwatig sa 1 Corinto 2:6-10?

10 Sa kaniyang sariling takdang panahon at sa pamamagitan ng kaniyang piniling alulod sa pakikipagtalastasan, isinisiwalat ni Jehova sa mga mapagpakumbaba ang mga detalye hinggil sa pagsasakatuparan ng kaniyang layunin. Nananatiling nakakubli ang maluwalhating mga bagay na ito sa mga mapagmapuring umaasa, o may-katigasang nanghahawakan, sa karunungan o pag-iisip ng tao. (1 Corinto 2:6-10) Ngunit ang mga mapagpakumbaba, palibhasa’y binigyan ng tumpak na pagkaunawa sa layunin ni Jehova, ay nauudyukang dumakila kay Jehova dahil lalo nilang napahahalagahan ang kaniyang kagila-gilalas na kaluwalhatian.

11. Noong unang siglo, paano nagpakita ng kawalan ng kapakumbabaan ang ilan, at paano ito napatunayang nakapipinsala sa kanila?

11 Noong unang siglo, marami, pati na ang ilang nag-aangking Kristiyano, ang nagpakita ng kawalan ng kapakumbabaan at natisod sa isiniwalat ni apostol Pablo sa kanila hinggil sa layunin ng Diyos. Si Pablo ay naging “isang apostol sa mga bansa,” ngunit hindi ito dahil sa kaniyang nasyonalidad, edukasyon, edad, o mahabang rekord ng maiinam na gawa. (Roma 11:13) Kadalasan, itinuturing ng mga indibiduwal na may makalamang pag-iisip na ito ang mga salik na tumitiyak kung sino ang dapat gamitin ni Jehova bilang kaniyang instrumento. (1 Corinto 1:26-29; 3:1; Colosas 2:18) Gayunman, si Pablo ang pinili ni Jehova, kasuwato ng Kaniyang maibiging-kabaitan at matuwid na layunin. (1 Corinto 15:8-10) Yaong mga inilarawan ni Pablo bilang “ubod-galing na mga apostol,” gayundin ang iba pang mga mananalansang, ay tumangging tanggapin si Pablo at ang kaniyang pangangatuwiran mula sa Kasulatan. Ang kanilang kawalan ng kapakumbabaan ang humadlang sa kanila sa pagtatamo ng kaalaman at unawa hinggil sa maluwalhating paraan ng pagsasakatuparan ni Jehova sa kaniyang layunin. Huwag nawa nating maliitin o patiunang hatulan kailanman ang mga pinipili ni Jehova upang gamitin sa pagsasakatuparan ng kaniyang kalooban.​—2 Corinto 11:4-6.

12. Paano ipinakikita ng halimbawa ni Moises na nililingap ni Jehova ang mga mapagpakumbaba?

12 Sa kabilang panig, maraming halimbawa sa Bibliya ang nagtatampok kung paano hinayaan ang mapagpakumbabang mga tao na masulyapan ang kaluwalhatian ng Diyos. Nakita ni Moises, na “totoong pinakamaamo” sa lahat ng tao, ang kaluwalhatian ng Diyos at natamasa niya ang isang matalik na kaugnayan sa Kaniya. (Bilang 12:3) Lubhang nilingap ng Maylalang sa maraming paraan ang mapagpakumbabang taong ito, na gumugol ng 40 taon bilang hamak na pastol, na ang kalakhang bahagi nito ay malamang na ginugol sa Peninsula ng Arabia. (Exodo 6:12, 30) Sa tulong ni Jehova, si Moises ay naging tagapagsalita ng bansang Israel at punong tagapag-organisa nito. Nagtamasa siya ng tuwirang pakikipagtalastasan sa Diyos. Sa pamamagitan ng pangitain, namasdan niya “ang kaanyuan ni Jehova.” (Bilang 12:7, 8; Exodo 24:10, 11) Ang mga kumilala sa mapagpakumbabang lingkod at kinatawang ito ng Diyos ay pinagpala rin. Sa katulad na paraan, pagpapalain tayo kung kikilalanin natin at susundin ang propetang mas dakila kaysa kay Moises, si Jesus, gayundin “ang tapat at maingat na alipin” na inatasan niya.​—Mateo 24:45, 46; Gawa 3:22.

13. Paano isiniwalat ang kaluwalhatian ni Jehova sa mapagpakumbabang mga pastol noong unang siglo?

13 Kanino ‘suminag ang kaluwalhatian ni Jehova’ nang ipahayag ng anghel ang mabuting balita ng pagsilang ng “isang Tagapagligtas, na siyang Kristo na Panginoon”? Hindi sa relihiyosong mga lider na may mataas na pag-iisip o sa mga taong may mataas na katayuan sa lipunan kundi sa mapagpakumbabang mga pastol “na naninirahan sa labas at patuloy na nagbabantay sa gabi sa kanilang mga kawan.” (Lucas 2:8-11) Hindi mataas ang tingin sa mga indibiduwal na ito dahil sa kanilang mga kredensiyal at gawain. Gayunman, sila ang napansin at napili ni Jehova upang unang pabatiran hinggil sa pagsilang ng Mesiyas. Oo, isinisiwalat ni Jehova ang kaniyang kaluwalhatian sa mga mapagpakumbaba at may takot sa Diyos.

14. Anu-anong pagpapala ng Diyos ang natatanggap ng mga mapagpakumbaba?

14 Ano ang itinuturo sa atin ng mga halimbawang ito? Ipinakikita ng mga ito na nililingap ni Jehova ang mga mapagpakumbaba at isinisiwalat sa kanila ang kaalaman at unawa hinggil sa kaniyang layunin. Pinipili niya ang mga indibiduwal na maaaring hindi nagtataglay ng mga katangiang inaasahan ng mga tao at ginagamit niya sila bilang kaniyang mga instrumento upang ipabatid sa iba ang kaniyang maluwalhating layunin. Dapat itong mag-udyok sa atin na patuloy na humiling ng patnubay mula kay Jehova, sa kaniyang makahulang Salita, at sa kaniyang organisasyon. Makatitiyak tayo na patuloy na ipababatid ni Jehova sa kaniyang mapagpakumbabang mga lingkod ang hinggil sa pagsisiwalat ng kaniyang maluwalhating layunin. Ganito ang ipinahayag ni propeta Amos: “Ang Soberanong Panginoong Jehova ay hindi gagawa ng anumang bagay malibang naisiwalat na niya ang kaniyang lihim na bagay sa kaniyang mga lingkod na mga propeta.”​—Amos 3:7.

Linangin ang Kapakumbabaan at Tamasahin ang Paglingap ng Diyos

15. Bakit natin dapat pagsikapang panatilihin ang kapakumbabaan, at paano ito itinampok sa kaso ni Haring Saul ng Israel?

15 Upang tamasahin ang namamalaging paglingap ng Diyos, dapat tayong manatiling mapagpakumbaba. Hindi nangangahulugan na kapag mapagpakumbaba ka ay mananatili ka nang mapagpakumbaba. Posibleng mawala ang kapakumbabaan ng isang tao at bigyang-daan ang pagmamapuri at pagtataas sa sarili, na nauuwi sa kapangahasan at kapahamakan. Iyan mismo ang ginawa ni Saul, ang unang pinahiran bilang hari ng Israel. Noong piliin siya, nadama niya na siya ay ‘maliit sa kaniyang sariling paningin.’ (1 Samuel 15:17) Gayunman, pagkatapos mamahala sa loob lamang ng dalawang taon, kumilos na siya nang may kapangahasan. Ipinagwalang-bahala niya ang kaayusan ni Jehova sa paghahandog ng mga hain sa pamamagitan ni propeta Samuel, at nag-imbento siya ng mga dahilan kung bakit niya ginawa ang mga bagay-bagay. (1 Samuel 13:1, 8-14) Ito ang pasimula ng sunud-sunod na mga pangyayari na talagang nagbunyag sa kaniyang kawalan ng kapakumbabaan. Bilang resulta nito, nawala sa kaniya ang espiritu at paglingap ng Diyos, na humantong naman sa dakong huli sa kaniyang kahiya-hiyang kamatayan. (1 Samuel 15:3-19, 26; 28:6; 31:4) Maliwanag ang aral: Dapat nating pagsikapang panatilihin ang kapakumbabaan at pagpapasakop at supilin ang mataas na pagtingin sa sarili, sa gayon ay iniiwasan ang anumang pangahas na mga kilos na magbubunga ng di-pagsang-ayon ni Jehova.

16. Paano makatutulong sa atin ang pagbubulay-bulay sa ating kaugnayan kay Jehova at sa ating kapuwa upang malinang ang kapakumbabaan?

16 Bagaman hindi itinala ang kapakumbabaan bilang isa sa mga bunga ng espiritu ng Diyos, ito ay isang makadiyos na katangian na dapat nating linangin. (Galacia 5:22, 23; Colosas 3:10, 12) Yamang nasasangkot dito ang kalagayan ng isip​—samakatuwid nga, kung paano natin minamalas ang ating sarili at ang iba​—kailangan sa paglinang ng kapakumbabaan ang puspusang pagsisikap. Ang malalim na pag-iisip at pagbubulay-bulay sa ating kaugnayan kay Jehova at sa ating kapuwa ay makatutulong sa atin na manatiling mapagpakumbaba. Sa paningin ng Diyos, ang lahat ng di-sakdal na laman ay parang luntiang damo na tumutubo sa sandaling panahon, pagkatapos ay natutuyo at nalalanta. Ang mga tao ay parang mga tipaklong lamang sa parang. (Isaias 40:6, 7, 22) May dahilan bang magmalaki ang isang dahon ng damo dahil lamang sa mas mahaba-haba ito kaysa sa iba pang mga dahon ng damo? May dahilan bang ipagyabang ng isang tipaklong ang kakayahan nito dahil lamang sa nakatatalon ito nang mas mataas-taas kaysa sa iba pang mga tipaklong? Katawa-tawa na kahit isipin lamang ito. Kaya naman, pinaalalahanan ni apostol Pablo ang kaniyang mga kapuwa Kristiyano: “Sino ang nagpapangyaring mapaiba ka sa iba? Sa katunayan, ano ang mayroon ka na hindi mo tinanggap? Ngayon, kung talagang tinanggap mo iyon, bakit ka naghahambog na para bang hindi mo tinanggap?” (1 Corinto 4:7) Ang pagbubulay-bulay sa mga teksto sa Bibliya na gaya nito ay makatutulong sa atin na maglinang at magpakita ng kapakumbabaan.

17. Ano ang tumulong sa propetang si Daniel upang malinang ang kapakumbabaan, at ano ang makatutulong sa atin na magawa rin iyon?

17 Ang Hebreong propeta na si Daniel ay ipinahayag na isang “lubhang kalugud-lugod na lalaki” sa paningin ng Diyos dahil sa kaniyang “pagpapakumbaba,” samakatuwid nga, dahil sa kaniyang kapakumbabaan. (Daniel 10:11, 12) Ano ang tumulong kay Daniel upang malinang ang kapakumbabaan? Una sa lahat, nagpakita siya ng di-natitinag na pananalig kay Jehova, anupat regular siyang nananalangin kay Jehova. (Daniel 6:10, 11) Bukod diyan, si Daniel ay masikap na estudyante ng Salita ng Diyos na may tamang motibo, na nakatulong naman sa kaniya upang manatiling nakatuon ang kaniyang pansin sa maluwalhating layunin ng Diyos. Handa rin niyang aminin ang kaniyang sariling mga pagkukulang, hindi lamang yaong sa kaniyang mga kababayan. At talagang interesado siyang itaguyod ang katuwiran ng Diyos, hindi ang sa kaniya. (Daniel 9:2, 5, 7) Maaari ba tayong matuto mula sa natatanging halimbawa ni Daniel at magsikap na linangin at ipakita ang kapakumbabaan sa lahat ng aspekto ng ating buhay?

18. Anong kaluwalhatian ang naghihintay sa mga nagpapakita ng kapakumbabaan sa ngayon?

18 “Ang bunga ng kapakumbabaan at ng pagkatakot kay Jehova ay kayamanan at kaluwalhatian at buhay,” ang sabi ng Kawikaan 22:4. Oo, nililingap ni Jehova ang mga mapagpakumbaba, at ang resulta nito ay kaluwalhatian at buhay. Pagkatapos ng halos pagtalikod niya sa paglilingkod sa Diyos at pagtutuwid ni Jehova sa kaniyang pag-iisip, mapagpakumbabang inamin ng salmistang si Asap: “Papatnubayan mo ako ng iyong payo, at pagkatapos ay dadalhin mo ako sa kaluwalhatian.” (Awit 73:24) Paano ito maikakapit sa atin? Anong kaluwalhatian ang naghihintay para sa mga nagpapakita ng kapakumbabaan? Bukod sa pagtatamasa ng sinang-ayunan at pinagpalang kaugnayan kay Jehova, makaaasa sila na makita ang katuparan ng kinasihang mga salita ni Haring David: “Ang maaamo ang magmamay-ari ng lupa, at makasusumpong nga sila ng masidhing kaluguran sa kasaganaan ng kapayapaan.” Isa ngang maluwalhating kinabukasan!​—Awit 37:11.

Naaalaala Mo Ba?

• Paanong isang halimbawa ng mapagpakumbabang tao si Esteban na sa kaniya ay isiniwalat ni Jehova ang Kaniyang kaluwalhatian?

• Sa anu-anong paraan ipinakita ng Diyos na Jehova ang kapakumbabaan?

• Anu-anong halimbawa ang nagpapakita na isinisiwalat ni Jehova ang kaniyang kaluwalhatian sa mga mapagpakumbaba?

• Paano makatutulong sa atin ang halimbawa ni Daniel upang malinang ang kapakumbabaan?

[Mga Tanong sa Aralin]

[Kahon sa pahina 12]

May Matibay na Pananalig Ngunit Mapagpakumbaba

Sa kombensiyon ng mga Estudyante ng Bibliya (kilala ngayon bilang mga Saksi ni Jehova) noong 1919 sa Cedar Point, Ohio, E.U.A., malugod na nagboluntaryo bilang bellhop ang 50-taóng-gulang na si J. F. Rutherford, na siyang nangangasiwa sa gawain noon, anupat nagbuhat ng mga bagahe at naghatid sa mga kombensiyonista tungo sa kani-kanilang mga silid-tuluyan. Noong huling araw ng kombensiyon, pinasigla niya ang 7,000 tagapakinig sa pamamagitan ng mga salitang: “Kayo’y mga embahador ng Hari ng mga hari at Panginoon ng mga panginoon, na naghahayag sa mga tao . . . ng maluwalhating kaharian ng ating Panginoon.” Bagaman si Brother Rutherford ay isang lalaking may matibay na pananalig, anupat kilala sa mapuwersang pagsasalita at hindi ikinokompromiso ang pinaniniwalaan niyang totoo, siya rin ay tunay na mapagpakumbaba sa harap ng Diyos, anupat madalas na naipakikita ito sa kaniyang mga panalangin sa pang-umagang pagsamba sa Bethel.

[Larawan sa pahina 9]

Si Esteban, na bihasa sa Kasulatan, ay mapagpakumbabang namahagi ng pagkain

[Larawan sa pahina 10]

Ang mapagpakumbabang pag-iisip ni Manases ay nakalugod kay Jehova

[Larawan sa pahina 12]

Bakit naging “lubhang kalugud-lugod na lalaki” si Daniel?