Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Kusang-loob Nilang Inihandog ang Kanilang Sarili—Sa Ecuador

Kusang-loob Nilang Inihandog ang Kanilang Sarili—Sa Ecuador

ISANG kabataang brother sa Italya ang kailangang gumawa ng mabigat na desisyon. Kaga-graduate lang niya sa high school at siya ang may pinakamataas na marka sa klase. Pinipilit siya ng kaniyang mga kamag-anak at mga guro na kumuha ng mataas na edukasyon. Pero ilang taon bago nito, inialay ni Bruno ang kaniyang sarili kay Jehova at nangakong uunahin ang Diyos sa kaniyang buhay. Ano ang naging desisyon niya? Ipinaliwanag niya: “Sinabi ko kay Jehova sa panalangin na tutuparin ko ang aking pag-aalay at uunahin siya sa buhay ko. Pero sa totoo, sinabi ko rin sa panalangin na ayoko ng isang buhay na boring kundi isang buhay na punô ng iba’t ibang gawain sa paglilingkod.”

Pagkaraan ng ilang taon, lumipat si Bruno sa Ecuador, Timog Amerika. Sinabi niya: “Higit pa sa inaasahan ko ang sagot ni Jehova sa panalangin ko.” Nagulat siya dahil pagdating niya sa Ecuador, marami siyang nakilalang kabataan na lumipat din doon para mas mapaglingkuran si Jehova.

MGA KABATAANG ‘SUMUBOK KAY JEHOVA’

Gaya ng libu-libong kabataan sa buong daigdig, tinanggap ni Bruno ang paanyaya ni Jehova: “Subukin ninyo ako . . . pakisuyo . . . kung hindi ko bubuksan sa inyo ang mga pintuan ng tubig sa langit at ibubuhos sa inyo ang isang pagpapala.” (Mal. 3:10) Dahil sa pag-ibig nila sa Diyos, ipinasiya nilang ‘subukin si Jehova’ sa pamamagitan ng paghahandog ng kanilang panahon, lakas, at salapi para maglingkod kung saan mas malaki ang pangangailangan sa mga tagapaghayag ng Kaharian.

Pagdating ng mga kabataang ito sa kanilang bagong teritoryo, agad nilang nakita na “ang aanihin ay marami, ngunit ang mga manggagawa ay kakaunti.” (Mat. 9:37) Halimbawa, si Jaqueline, na mula sa Alemanya, ay sumulat sa sangay sa Ecuador: “Mahigit dalawang taon pa lang akong naglilingkod dito sa Ecuador, pero 13 na ang Bible study ko, at 4 sa kanila ay regular nang dumadalo sa pulong. Nakakatuwa, di po ba?” Ikinuwento naman ni Chantal na mula sa Canada: “Noong 2008, lumipat ako sa isang lugar sa baybayin ng Ecuador kung saan iisa lang ang kongregasyon. Ngayon, tatlo na ang kongregasyon doon at mahigit 30 ang payunir. Napakasayang makita ang napakaraming baguhan na sumusulong!” Idinagdag pa niya: “Kamakailan, lumipat ako sa isang lunsod na 2,743 metro ang taas sa Kabundukan ng Andes. Mahigit 75,000 ang nakatira dito pero iisa lang ang kongregasyon. Napakabunga ng teritoryo! Talagang nag-eenjoy ako sa ministeryo.”

ANG MGA HAMON

Siyempre pa, hindi madaling maglingkod sa ibang bansa. Sa katunayan, napaharap sa mga hadlang ang ilang kabataan bago pa man sila mangibang-bansa. Ganito ang sabi ni Kayla na mula sa Estados Unidos: “Nakakasira ng loob ang negatibong reaksiyon ng ilang nagmamalasakit na kapatid sa aming lugar. Hindi nila maunawaan kung bakit gusto kong magpayunir sa ibang bansa. Naisip ko tuloy, ‘Tama ba ang gagawin kong desisyon?’” Pero itinuloy ni Kayla ang pag-alis. Sinabi niya: “Sa tulong ng maraming panalangin kay Jehova at pakikipag-usap sa may-gulang na mga kapatid, nakita ko na pinagpapala ni Jehova ang mga handang maglingkod.”

Para sa marami, mahirap mag-aral ng bagong wika. Ganito ang sabi ni Siobhan na mula sa Ireland: “Napakahirap kapag hindi mo masabi ang gusto mong sabihin. Kailangan kong maging matiyaga, pag-aralang mabuti ang wika, at tawanan ang sarili kapag nagkakamali.” Idinagdag naman ni Anna na mula sa Estonia: “Mainit, maalikabok, at walang hot shower dito. Pero bale-wala ang mga iyon kung ikukumpara sa hirap ng pag-aaral ng wikang Kastila. Kung minsan pa nga, parang gusto ko nang sumuko. Kinailangan kong magpokus sa pagsulong ko at hindi sa mga pagkakamali ko.”

Mahirap ding paglabanan ang homesickness. Inamin ni Jonathan na mula sa Estados Unidos: “Kadarating ko pa lang doon, nakadama na ako ng lungkot dahil nami-miss ko ang mga kaibigan at kapamilya ko. Pero napagtagumpayan ko iyon sa pamamagitan ng pagbubuhos ng pansin sa personal na pag-aaral ng Bibliya at sa ministeryo. Di-nagtagal, nakatulong ang magagandang karanasan ko sa larangan at ang mga bago kong kaibigan sa kongregasyon para maging masaya uli ako.”

Nakakapanibago rin ang pamumuhay sa ibang bansa. Tiyak na ibang-iba ito sa nakasanayan mo. Ganito ang sabi ni Beau na mula sa Canada: “Sa sariling bansa mo, hindi mo masyadong napapahalagahan ang pangunahing mga serbisyo gaya ng kuryente at tubig. Pero dito, hindi maaasahan ang mga serbisyong ito.” Sa maraming bansa, di-komportable ang transportasyon at marami rin ang mahihirap at hindi marunong magbasa’t sumulat. Sa kabila nito, napananatili ni Ines, na mula sa Austria, ang kaniyang kagalakan kapag tinitingnan niya ang magagandang katangian ng mga tagaroon. “Napakamapagpatuloy nila, magiliw, matulungin, at mapagpakumbaba,” ang sabi niya. “Higit sa lahat, gustung-gusto nilang matuto tungkol sa Diyos.”

“ISANG PAGPAPALA HANGGANG SA WALA NANG KAKULANGAN”

Bagaman nagsasakripisyo ang mga kabataang ito na naglilingkod sa Ecuador, napatunayan nila na naglalaan si Jehova nang “ibayo pang higit sa lahat ng mga bagay” na inaasahan nila. (Efe. 3:20) Pakiramdam nila’y tumanggap sila ng “isang pagpapala hanggang sa wala nang kakulangan.” (Mal. 3:10) Ganito ang mga komento nila tungkol sa kanilang ministeryo:

Bruno: “Nagsimula akong maglingkod sa Ecuador sa magandang rehiyon ng Amazon. Nang maglaon, tumulong ako sa konstruksiyon sa tanggapang pansangay sa Ecuador. Ngayon ay naglilingkod ako sa Bethel. Noong nasa Italya pa ako, nagpasiya akong unahin sa aking buhay ang paglilingkod kay Jehova, at talaga namang binigyan niya ako ng buhay na exciting at punung-puno ng iba’t ibang gawain sa paglilingkod.”

Beau: “Dito sa Ecuador, lalo akong napalapit kay Jehova dahil nagagamit ko ang lahat ng panahon ko para sa espirituwal na mga gawain. Kasabay nito, nakakapasyal ako sa magagandang lugar​—na matagal ko nang gustong gawin.”

Anna: “Hindi ko akalain na puwedeng matikman ng isang dalagang gaya ko ang buhay ng isang misyonera. Pero ngayon, alam kong posible ito. Salamat sa pagpapala ni Jehova, masaya ako sa paggawa ng mga alagad, pagtulong sa pagtatayo ng mga Kingdom Hall, at pagkakaroon ng mga bagong kaibigan.”

Elke: “Sa aming bansa sa Austria, madalas kong ipanalangin kay Jehova na magkaroon sana ako ng kahit isang Bible study. Dito, 15 ang Bible study ko! Talagang nakakatuwang makita ang masasayang mukha ng masulong na mga estudyante sa Bibliya.”

Joel: “Napakasarap maglingkod kay Jehova sa ibang lugar. Natututo kang manalig sa kaniya nang higit, at nakakatuwang makita na pinagpapala niya ang iyong pagsisikap! Nang dumating ako rito mula sa Estados Unidos, anim lang ang mamamahayag sa grupong pinaglilingkuran ko. Makalipas ang isang taon, 21 na ang mamamahayag, at 110 ang dumalo sa Memoryal.”

KUMUSTA KA NAMAN?

Mga kabataang brother at sister, nasa kalagayan ba kayong maglingkod sa lupaing mas nangangailangan ng mga tagapaghayag ng Kaharian? Siyempre pa, kailangang pagplanuhang mabuti ang ganito kalaking desisyon. Higit sa lahat, nangangailangan ito ng masidhing pag-ibig kay Jehova at sa kapuwa. Kung mayroon kang ganiyang pag-ibig at kuwalipikado kang maglingkod sa ibang bansa, ipanalangin mo ito kay Jehova. Ipakipag-usap mo rin ito sa Kristiyanong mga magulang mo at sa mga elder sa kongregasyon. Baka makita mo na puwede ka ring maglingkod kay Jehova sa ganitong kapana-panabik at kasiya-siyang paraan.

[Larawan sa pahina 3]

“Sa tulong ng maraming panalangin kay Jehova at pakikipag-usap sa may-gulang na mga kapatid, nakita ko na pinagpapala ni Jehova ang mga handang maglingkod.”​—Kayla, mula sa Estados Unidos

[Kahon/Larawan sa pahina 6]

Kung paano maghahanda sa paglilingkod sa ibang bansa

• Magkaroon ng regular na personal na pag-aaral

• Repasuhin ang Ating Ministeryo sa Kaharian, Agosto 2011, pahina 4-6

• Makipag-usap sa mga nakapaglingkod na sa ibang bansa

• Pag-aralan ang kultura at kasaysayan ng bansang iyon

• Pag-aralan ang wika

[Kahon/Larawan sa pahina 6]

Para masuportahan ang sarili habang naglilingkod sa ibang bansa, ang ilan ay . . .

• nagtatrabaho nang ilang buwan taun-taon sa sariling bansa

• nagpapaupa ng kanilang bahay o apartment

• umaasa sa kita ng kanilang negosyong ipinagkatiwala sa iba

• nagtatrabaho sa Internet

[Mga larawan sa pahina 4, 5]

1 Si Jaqueline na mula sa Alemanya

2 Si Bruno na mula sa Italya

3 Si Beau na mula sa Canada

4 Si Siobhan na mula sa Ireland

5 Si Joel na mula sa Estados Unidos

6 Si Jonathan na mula sa Estados Unidos

7 Si Anna na mula sa Estonia

8 Si Elke na mula sa Austria

9 Si Chantal na mula sa Canada

10 Si Ines na mula sa Austria