Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

TALAMBUHAY

Mapayapa Na ang Kaugnayan Ko sa Diyos at kay Nanay

Mapayapa Na ang Kaugnayan Ko sa Diyos at kay Nanay

“AT BAKIT ayaw mong sumamba sa mga ninuno mo?” ang tanong ng nanay ko. “Hindi mo ba naiintindihan na kung wala sila, wala ka ngayon? Hindi ka ba marunong tumanaw ng utang na loob? Matagal na nating kaugalian ’yan, bakit mo tatalikuran? Kung hindi mo sila bibigyang-dangal, para mo na ring sinabing kalokohan lang ang pagsamba natin.” Pagkatapos, umiyak na si Nanay.

Hindi naman talaga ganoon magsalita si Nanay. Siya pa nga ang nagprisinta sa akin na mag-aral ng Bibliya, para makaiwas siya sa pag-aaral. Dahil lagi kong sinusunod si Nanay, nahihirapan ako ngayon na suwayin siya. Pero kailangan kong gawin iyon para mapalugdan si Jehova. Hindi ko iyon magagawa kung wala ang tulong niya.

NAGING KRISTIYANO

Budista kami, gaya ng karamihan sa Japan. Pero dalawang buwan pa lang akong nakikipag-aral sa mga Saksi ni Jehova, nakumbinsi na akong totoo ang Bibliya. Nang malaman kong mayroon palang Ama sa langit, gusto kong makilala siya. Masaya kaming nag-uusap ni Nanay tungkol sa mga natututuhan ko. Dumadalo na rin ako sa mga pulong sa Kingdom Hall tuwing Linggo. Noong marami na akong natututuhan, sinabi ko kay Nanay na hindi na ako sasali sa ritwal ng mga Budista. Bigla siyang nagbago. “Malaking kahihiyan kung may isa sa atin na walang pag-ibig sa ating mga ninuno,” ang sabi ni Nanay. Pinatitigil niya ako sa pag-aaral ng Bibliya at pagdalo sa mga pulong. Hindi ko akalaing masasabi iyon ni Nanay! Ibang-iba na siya.

Natutuhan ko mula sa Efeso kabanata 6 na gusto ni Jehova na sundin ko ang aking mga magulang. Kampi si Tatay kay Nanay. Noong una, inisip kong kung makikinig ako sa kanila, makikinig din sila sa akin at magiging payapa ulit ang pamilya namin. Malapit na rin noon ang entrance exam para sa high school at kailangan kong maghanda. Kaya pumayag akong sundin sila sa loob ng tatlong buwan. Pero nangako ako kay Jehova na dadalo ulit ako kapag natapos na iyon.

Mali ang naging desisyon ko. Akala ko hindi magbabago ang damdamin ko para kay Jehova sa loob ng tatlong buwan. Pero nanghina ako sa espirituwal at unti-unting napalayo kay Jehova. Lalo rin akong ginipit ng mga magulang ko para tuluyan na akong tumigil sa tunay na pagsamba.

TULONG AT PAGSALANSANG

Sa Kingdom Hall, marami akong nakilala na sinasalansang din ng mga kapamilya. Tiniyak nila sa akin na palalakasin ako ni Jehova. (Mat. 10:34-37) Ipinaliwanag nila na ako ang tulay para maligtas ang pamilya ko. Kaya marubdob akong nanalangin dahil gusto kong matutong magtiwala kay Jehova.

Iba-iba ang ginawang pang-uusig sa akin. Sinubukan ni Nanay na pakiusapan ako at mangatuwiran sa akin. Madalas na tahimik lang ako. Kapag nagsalita kasi ako, nagtatalo lang kami dahil pareho naming gustong patunayang tama kami. Kung mas iginalang ko sana ang damdamin at paniniwala ni Nanay, baka naging mas kalmado ang sitwasyon. Dinagdagan ng mga magulang ko ang mga gawain ko sa bahay para hindi ako makaalis. Kung minsan, pinagsasarhan nila ako ng bahay o hindi tinitirhan ng pagkain.

Humingi ng tulong sa iba si Nanay. Kinausap niya ang guro ko, pero hindi ito nakialam. Isinama niya ako sa kaniyang manedyer para kumbinsihin akong walang kuwenta ang lahat ng relihiyon. Tinawagan din ni Nanay ang mga kamag-anak namin at umiiyak na nagmamakaawang tulungan siya. Nainis ako sa ginagawa niya. Pero sa mga pulong, pinatitibay ako ng mga elder na isiping nakapagpapatotoo si Nanay sa mga taong iyon nang hindi niya namamalayan.

Naging problema ko rin ang pagpasok sa unibersidad. Gusto ng mga magulang ko na mag-aral ako at makakuha ng magandang trabaho para sa kinabukasan ko. Dahil hindi kami makapag-usap nang kalmado, ilang beses akong sumulat para ipaliwanag ang mga tunguhin ko. Sa sobrang galit ni Tatay, pinagbantaan niya ako: “Kung sa tingin mo makakahanap ka ng trabaho, dapat bukas na bukas din may trabaho ka na, kung hindi, lumayas ka na.” Ipinanalangin ko iyon kay Jehova. Kinabukasan, habang nasa ministeryo, kinausap ako ng dalawang sister na mag-tutor sa mga anak nila. Pero hindi ito ikinatuwa ni Tatay kaya hindi na niya ako kinausap mula noon; sa katunayan, hindi na niya ako pinapansin. Sinabi naman ni Nanay na mas gugustuhin pa niyang maging delingkuwente ako kaysa maging Saksi ni Jehova.

Tinulungan ako ni Jehova na maituwid ang aking kaisipan at makita kung ano ang dapat kong gawin

Minsan, iniisip ko kung talaga bang gusto ni Jehova na umabot sa ganito ang pagsalungat ko sa mga magulang ko. Pero sa tulong ng panalangin at pagbubulay-bulay sa mga teksto sa Bibliya tungkol sa pag-ibig ni Jehova, naitama ang pananaw ko at naintindihan kong nag-aalala lang ang mga magulang ko. Tinulungan ako ni Jehova na maituwid ang aking kaisipan at makita kung ano ang dapat kong gawin. Habang mas nakikibahagi rin ako sa ministeryo, mas nagugustuhan ko ito. At naging tunguhin kong magpayunir.

PAGLILINGKOD BILANG PAYUNIR

Nang malaman ng ilang sister ang tunguhin ko, pinayuhan nila akong hintaying humupa ang galit ng mga magulang ko. Nanalangin ako na bigyan ako ng karunungan. Nagsaliksik ako at sinuri ko ang motibo ko. Nakipag-usap ako sa may-gulang na mga kapatid. Gusto ko talagang mapasaya si Jehova. Isa pa, hindi rin naman ako siguradong magbabago ang mga magulang ko kung hindi ako agad magpapayunir.

Nagpayunir ako noong huling taon ko sa high school. Nang maglaon, gusto ko namang maglingkod kung saan mas malaki ang pangangailangan. Pero ayaw akong payagan ng mga magulang ko. Kaya naghintay pa ako hanggang sa mag-20 anyos ako. Para hindi mag-alala si Nanay, hiniling ko sa tanggapang pansangay na atasan ako sa timugang Japan dahil may mga kamag-anak kami roon.

Nang maatasan ako roon, ilan sa mga tinuruan ko sa Bibliya ang nabautismuhan. Nag-aral ako ng Ingles para mapalawak ko pa ang aking paglilingkod. May naging kakongregasyon akong dalawang brother na special pioneer. Nakita ko kung gaano sila kasigasig at kung paano nila tinutulungan ang iba. Kaya ginusto ko ring maging special pioneer. Nang panahong iyon, dalawang beses na nagkasakit nang malubha si Nanay at inalagaan ko siya. Hindi siya makapaniwala sa ginawa ko at kahit paano, bumait siya sa akin.

SUNOD-SUNOD NA PAGPAPALA

Makalipas ang pitong taon, sinulatan ako ni Atsushi, isa sa dalawang special pioneer na binanggit kanina. Sinabi niyang iniisip niyang mag-asawa at nagtanong kung may nararamdaman ako para sa kaniya. Wala akong nararamdaman para kay Atsushi, at hindi ko rin inisip na may gusto siya sa akin. Makalipas ang isang buwan, sinabi ko na gusto kong mas magkakilala pa kami. Natuklasan naming marami pala kaming pagkakapareho. Pareho naming gustong magpatuloy sa buong-panahong ministeryo at handa kaming maglingkod sa anumang atas. Nang maglaon, nagpakasal kami. Tuwang-tuwa ako nang dumalo sa aming kasal sina Nanay, Tatay, at ilang kamag-anak namin!

Nepal

Di-nagtagal, habang naglilingkod kami bilang regular pioneer, inatasan si Atsushi na maging kahaliling tagapangasiwa ng sirkito. Pagkatapos, may iba pang pagpapalang dumating. Inatasan kami na maging special pioneer at pagkatapos ay sa gawaing pansirkito. Nang madalaw na namin ang lahat ng kongregasyon sa sirkito, tinawagan kami ng tanggapang pansangay. Tinanong nila kung handa ba kaming magpatuloy sa gawaing pansirkito sa Nepal.

Sa paglilingkod sa iba’t ibang bansa, marami akong natutuhan tungkol kay Jehova

Nag-alala ako sa magiging reaksiyon ng mga magulang ko kung mapapalayo ako. Kaya tinawagan ko sila. Si Tatay ang nakasagot, at sinabi niya: “Maganda y’ong pupuntahan n’yo.” Isang linggo bago nito, binigyan pala siya ng kaibigan niya ng isang libro tungkol sa Nepal, at naisip pa nga ni Tatay na magandang pumasyal doon.

Habang masaya kaming naglilingkod sa palakaibigang mga Nepalese, isa pang pagpapala ang dumating. Isinama sa sirkito namin ang Bangladesh, na ibang-iba sa Nepal kahit magkalapít lang ang mga ito. Kaya iba-iba rin ang pamamaraan namin sa larangan. Makalipas ang limang taon, inatasan ulit kami sa Japan, kung saan kami naglilingkod ngayon sa gawaing pansirkito.

Sa paglilingkod sa Japan, Nepal, at Bangladesh, marami akong natutuhan tungkol kay Jehova! May kani-kaniyang kultura at kaugalian ang bawat bansang ito, at bawat mamamayan ay natatangi. Nakita ko kung paano pinagmamalasakitan, tinatanggap, tinutulungan, at pinagpapala ni Jehova ang bawat indibiduwal.

Pinahintulutan ako ni Jehova na makilala siya at magawa ang gawain niya. Binigyan din niya ako ng isang mahusay na asawang Kristiyano. Tinulungan ako ng Diyos na gumawa ng tamang mga desisyon, at ngayon, maganda na ang kaugnayan ko sa kaniya at sa aking pamilya. Dahil kay Jehova, magkaibigan na ulit kami ng nanay ko. Nagpapasalamat ako’t mapayapa na ang kaugnayan ko sa Diyos at kay Nanay.

Maligayang-maligaya kami sa gawaing pansirkito