Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Alam Mo Ba?

Alam Mo Ba?

Alam Mo Ba?

Sino ang “mga nasa sambahayan ni Cesar” na nagpadala ng Kristiyanong pagbati sa mga taga-Filipos sa pamamagitan ni Pablo?

Si apostol Pablo ay sumulat mula sa Roma sa kongregasyon sa Filipos noong mga 60 hanggang 61 C.E., at ang Cesar na binanggit niya ay si Emperador Nero. Pero sino sa mga nasa sambahayan ni Nero ang nagpadala ng mga pagbati sa mga Kristiyano sa Filipos?​—Filipos 4:22.

Ang “sambahayan ni Cesar” ay hindi tumutukoy sa malapit na mga kamag-anak ng emperador. Sa halip, tumutukoy ito sa lahat ng naglilingkod sa emperador​—kasali na ang mga alipin at pinalaya, kapuwa sa Roma at sa mga probinsiya nito. Kung gayon, kasama sa “sambahayan ni Cesar” ang libu-libong lingkod na nag-aasikaso sa iba’t ibang responsibilidad ng pangangasiwa o paglilingkod sa mga palasyo ng emperador at sa kaniyang mga lupain at ari-arian. Ang iba ay may posisyon pa nga sa gobyerno.

Ang ilan sa mga lingkod ng emperador sa Roma ay maliwanag na naging mga Kristiyano. Walang nakaaalam kung sila ay naging Kristiyano dahil sa pangangaral ni Pablo sa Roma. Sa paanuman, lumilitaw na may pantanging interes sila sa kongregasyon sa Filipos. Yamang ang Filipos ay isang kolonyang Romano kung saan nakatira ang maraming retiradong sundalo at lingkod ng gobyerno, posibleng ang ilan sa mga Kristiyano roon ay kaibigan ng mga nagpaabot ng pagbati sa pamamagitan ni Pablo.

Ano ang pag-aasawa bilang bayaw na binabanggit sa Kautusang Mosaiko?

Sa sinaunang Israel, kapag namatay ang isang lalaki na walang anak na lalaki, inaasahang pakakasalan ng kaniyang kapatid na lalaki ang nabiyuda para magkaroon ito ng anak at hindi maputol ang linya ng pamilya ng namatay. (Genesis 38:8) Nang maglaon, ang kaayusang ito ay isinama sa Kautusang Mosaiko at nakilala bilang pag-aasawa sa bayaw o pag-aasawa bilang bayaw. (Deuteronomio 25:5, 6) Ang ginawa ni Boaz, na nakaulat sa aklat ng Ruth, ay nagpapakita na obligasyon ng iba pang kamag-anak na lalaki ng namatay na gawin ito kung walang kapatid na lalaki ang namatay.​—Ruth 1:3, 4; 2:19, 20; 4:1-6.

Ang pag-aasawa sa bayaw ay isinasagawa noong panahon ni Jesus gaya ng ipinakikita ng pagbanggit dito ng mga Saduceo na nakaulat sa Marcos 12:20-22. Sinabi ng unang-siglong Judiong istoryador na si Flavius Josephus na dahil sa kaayusang ito, naingatan ang pangalan ng pamilya, napanatili ang kanilang ari-arian, at napangalagaan ang kapakanan ng nabiyuda. Noong panahong iyon, ang asawang babae ay walang mana sa ari-arian ng kaniyang asawa. Pero kapag nagkaanak siya mula sa kaayusang ito, mananatili sa anak ang mana ng namatay.

Pinapayagan ng Kautusan ang mga kamag-anak na tumangging magsagawa ng pag-aasawa bilang bayaw. Pero ang pagtangging “magtayo sa sambahayan ng kaniyang kapatid” ay itinuturing na kahiya-hiya.​—Deuteronomio 25:7-10; Ruth 4:7, 8.