Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Alam Mo Ba?

Alam Mo Ba?

Alam Mo Ba?

Ano ang ibig sabihin ni Jesus nang sabihin niya kay Saul: “Ang patuloy na pagsipa sa mga tungkod na pantaboy ang nagpapahirap sa iyo”?​—Gawa 26:14.

Noong panahon ng Bibliya, ang mga magsasaka ay gumagamit ng tungkod na pantaboy para igiya ang kanilang mga hayop habang nag-aararo. Mga 2.5 metro ang haba nito at may patulis na metal ang isang dulo. Kapag kinokontra ng hayop ang tungkod na pantaboy, nasasaktan ito. Ang kabilang dulo naman ng tungkod na pantaboy ay may tulad talim ng pait na puwedeng pantanggal ng dumi, putik, o damo mula sa sudsod.

Kung minsan, ginagamit din ito bilang sandata. Ang Israelitang mandirigma at hukom na si Samgar ay pumatay ng 600 Filisteo “sa pamamagitan ng isang tungkod na pantaboy ng baka.”​—Hukom 3:31.

Ang kagamitang ito ay binanggit din sa Kasulatan sa simbolikong paraan. Halimbawa, isinulat ni Haring Solomon na ang mga salita ng isang marunong na tao ay “gaya ng mga pantaboy sa baka,” na nag-uudyok sa isang kaibigan na magpasiya nang tama.​—Eclesiastes 12:11.

Ginamit din iyan ng binuhay-muling si Jesus sa makasagisag na paraan. Pinayuhan niya si Saul, na umuusig sa mga Kristiyano, na tigilan na ang “pagsipa sa mga tungkod na pantaboy.” Ipinaaalaala ng pananalitang iyan kung paano kinokontra ng isang hayop ang paggiya ng nagmamay-ari sa kaniya. Sinunod ni Saul ang payo ni Jesus at binago ang kaniyang buhay, anupat siya ay naging si apostol Pablo.

Paano nalalaman ng mga Judio noong unang siglo ang oras kung gabi?

Ang mga Judio noong unang siglo C.E. ay maaaring gumamit ng sundial para malaman ang oras kung maliwanag ang araw. Pero kapag natatakpan ng ulap ang araw o kaya’y gabi na, gumagamit sila ng clepsydra, o orasang tubig. Ginagamit din ito ng sinaunang mga Ehipsiyo, Persiano, Griego, at mga Romano.

Ayon sa The Jewish Encyclopedia, parehong binanggit sa Mishnah at Talmud ang clepsydra “sa iba’t ibang katawagan, marahil para matukoy ang sari-saring anyo at disenyo nito, pero iisa lang ang ipinahihiwatig ng mga ito; ang unti-unting pagtagas​—sa literal, pagtakas​—ng tubig, nang patak-patak, na siyang kahulugan ng ‘clepsydra’ sa wikang Griego.”

Paano gumagana ang clepsydra? Ang tubig sa isang sisidlan ay tumutulo mula sa maliit na butas nito sa ilalim patungo sa ibang sisidlan. Malalaman ng isa ang oras sa pamamagitan ng lebel ng tubig ng alinman sa dalawang sisidlan, na posibleng may markang panukat.

Ginamit ito ng mga Romano sa kanilang mga kampong militar para malaman ang mga yugto ng pagbabantay sa gabi. Ang pagpapalit ng bantay ay nakadepende sa tunog ng trumpeta. Kapag narinig ito ng isa, alam na niya ang simula at pagtatapos ng bawat yugto ng apat na pagbabantay sa gabi.​—Marcos 13:35.