Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Olivétan—“Ang Hamak na Tagapagsalin” ng Bibliyang Pranses

Olivétan—“Ang Hamak na Tagapagsalin” ng Bibliyang Pranses

Olivétan​—“Ang Hamak na Tagapagsalin” ng Bibliyang Pranses

Noon ay Setyembre 13, 1540. Hinahalughog ng mga pulis ang bahay ni Collin Pellenc. Sa isang sekretong kuwarto, nakakita sila ng kahina-hinalang mga dokumento, kasama na ang isang malaking libro. Mababasa sa ikalawang pahina nito ang mga salitang: “P. Robert Olivetanus, ang hamak na tagapagsalin.” Ito ay Bibliyang Waldensian! Inaresto si Collin Pellenc, hinatulang erehe, at sinunog nang buháy.

SA Pransiya noon, gaya rin sa ibang lugar sa Europa, tinutugis ng Simbahang Katoliko ang mga Repormador para sugpuin ang “mapandayang” mga doktrina nito. Determinado naman ang masigasig na si Guillaume Farel, isa sa mga Repormador, na mapaniwala ang mga Pranses sa pananaw ni Martin Luther, isang lider ng Repormasyong Protestante. Alam ni Farel, mula sa lalawigan ng Dauphiné sa timog-silangang Pransiya, na malaking tulong ang mga lathalain para mabago ang isip ng mga tao. Upang matupad ang kaniyang misyon, kailangan niya ng mga pamplet at akda, gayundin ng mga Bibliya. Pero sino kaya ang tutustos dito? Ano kaya kung ang mga Waldenses, isang independiyenteng grupo ng mga taong deboto sa pangangaral tungkol sa Bibliya?

Isang Sinodo sa Chanforan

Noong kalagitnaan ng Setyembre 1532, nagdaos ang mga Waldensian barbes (mga pastor) ng isang sinodo, o komperensiya, sa Chanforan, isang maliit na nayong malapit sa Turin, Italya. Maraming taon nang nagpapalitan ng kuru-kuro ang mga Waldenses at ang mga lider ng Repormasyon. Kaya naman inanyayahan nila si Farel at ang iba pa. Gustong malaman ng mga Waldenses kung ang mga doktrina nila ay kaayon ng mga ipinangangaral ni Luther at ng kaniyang mga disipulo. *

Sa Chanforan, nakakakumbinsi ang paraan ng pagsasalita ni Farel. Nang ipakita sa kaniya ng mga Waldensian barbes ang sulat-kamay na mga lumang Bibliya sa kanilang diyalekto, nakumbinsi niya silang tustusan ang paglilimbag ng Bibliya sa wikang Pranses. Di-gaya ng 1523 bersiyon ni Lefèvre d’Étaples na ibinatay sa Latin, ang isang ito ay isasalin mula sa wikang Hebreo at Griego. Pero sino kaya ang makagagawa nito?

May kilala si Farel. Ang pangalan niya ay Pierre Robert, pero mas kilala siya bilang Olivétan, * isang kabataang guro na ipinanganak sa Picardy sa hilagang Pransiya. Si Olivétan, na pinsan ni John Calvin, ay isang Repormador at mapagkakatiwalaang lalaki. Nanirahan din siya nang ilang taon sa Strasbourg at pinag-aralan niyang mabuti ang mga wika sa Bibliya.

Tulad ni Farel at ng maraming iba pa, nanganlong din si Olivétan sa Switzerland. Pinakiusapan siya ng mga kaibigan niya na tanggapin ang proyekto ng pagsasalin. Makailang ulit siyang tumanggi, pero nang bandang huli, tinanggap na rin niya ang misyong isalin ang Bibliya “sa wikang Pranses mula sa wikang Hebreo at Griego.” Kasabay nito, nakalikom na ang mga Waldenses ng mahigit sa kalahati ng halagang kailangan para matustusan ang isang imprentahan.

Ang Uwak at ang Nightingale

Sa pagsisimula ng 1534, nagpunta si Olivétan sa Alps at doon niya sinimulan ang pagsasalin sa tulong ng kaniyang “tahimik na mga guro,” ang kaniyang mga aklat. Tiyak na kaiinggitan ng mga iskolar sa ngayon ang kaniyang aklatan. Kabilang dito ang mga bersiyon ng Bibliya sa wikang Syriac, Griego, at Latin, rabinikong mga komentaryo, mga aklat sa balarila ng mga Caldeo, at marami pang iba. Higit sa lahat, mayroon siyang bagong bersiyon sa wikang Venetian ng orihinal na tekstong Hebreo ng Bibliya.

Ang salin ni Olivétan ng Bagong Tipan ay ibinatay niya sa bersiyong Pranses ni Lefèvre d’Étaples, bagaman madalas din siyang kumonsulta sa tekstong Griego ng Olandes na iskolar na si Erasmus. Pumili si Olivétan ng mga terminong iba sa ginagamit ng Simbahang Katoliko. Halimbawa, ginamit niya ang “tagapangasiwa” sa halip na “obispo,” “lihim” sa halip na “misteryo,” at “kongregasyon” sa halip na “simbahan.”

Para naman sa Matandang Tipan, determinado si Olivétan na isalin ang orihinal na wikang Hebreo nang salita por salita. Pabiro niyang sinabi na ang pagsasalin ng wikang Hebreo sa wikang Pranses ay parang “pagtuturo sa malambing na nightingale na umawit gaya ng paos na uwak”!

Sa tekstong Hebreo, libu-libong beses na nakita ni Olivétan ang banal na pangalan sa anyong Tetragrammaton. Isinalin niya itong “Ang Walang Hanggan,” isang ekspresyon na nang maglaon ay naging pangkaraniwan na sa mga Bibliyang Pranses ng mga Protestante. Pero sa ilang talata, isinalin niya itong “Jehova,” partikular na sa Exodo 6:3.

Noong Pebrero 12, 1535, pagkalipas lang ng mga isang taon, idineklara ni Olivétan na tapos na ang pagsasalin niya! Yamang inamin niyang “matagal na niyang pasang mag-isa ang pamatok na ito [ng pagsasalin],” maliwanag na noong taóng 1534/1535 nagbunga na rin ang kaniyang mga paghihirap. “Ginawa ko na ang lahat ng aking buong makakaya,” ang sabi ng mapagpakumbabang tagapagsalin. Ang kailangan na lang ngayon ay maimprenta ang unang Bibliyang Pranses na isinalin mula sa orihinal na mga wika.

Sa Imprentahan ni Pirot

Pumasok naman sa eksena si Pierre de Wingle, alyas Pirot Picard, kaibigan ni Farel at isang tagaimprentang Repormador. Matapos palayasin sa Lyon ng Simbahang Katoliko, nanirahan siya sa Neuchâtel, Switzerland noong 1533. Gamit ang pera ng mga Waldenses, nagsimula siyang mag-imprenta ng napakaraming “subersibong” materyal. Halimbawa, sa kaniyang imprentahan ginawa ang mga poster na bumabatikos sa Misa, at ang ilan sa mga ito ay nakarating sa Katolikong si Haring Francis I ng Pransiya.

Muli na namang pinatakbo ni de Wingle ang kaniyang imprentahan. Sa pagkakataong ito, para mag-imprenta ng Bibliya! Upang mapabilis ang proseso, dalawang makinang pang-imprenta ang ginamit nila. Apat o limang trabahador ang nagpatakbo sa bawat makina. Sa wakas, noong “taóng 1535, ika-4 na araw ng Hunyo,” pinirmahan ni de Wingle ang Bibliya ni Olivétan bilang tagaimprenta nito. Sa paunang salita ni Olivétan, inialay niya ang kaniyang gawa sa mga kaawa-awang mananampalataya na “nasiil at napabigatan” dahil sa “walang-kuwentang mga tradisyon.”

Sa kabuuan, napakaganda ng pagkakagawa sa Bibliya ni Olivétan. Kitang-kita ito sa simple, malinaw, at eleganteng gothic script na hinati sa dalawang kolum na may mga kabanata at parapo. Kitang-kita rin sa mga panggilid na nota ang husay ng tagapagsalin. Mayroon din itong pambungad na mga komento, apendise, talahanayan, at mga tula. Sa dulo ng tomo, may isang maikli at magkakatunog na akrostik na nagsasabing “ang mga Waldenses, na nangangaral ng Ebanghelyo, ang nagbigay ng kayamanang ito sa publiko.”

Isang Obra Maestra . . . at Isang Kabiguan

Ang salin ni Olivétan ay hinamak noon, pero ngayon, kinikilala na ito bilang isang obra maestra. Isa pa, ang kaniyang salin ang naging batayan ng mga bersiyon ng Bibliya ng mga Protestante sa loob ng tatlong siglo.

Bagaman mga isang libong kopya nito ang inilimbag, hindi ito naging mabili. Iyon ay dahil walang sistema noon sa pamamahagi ng mga Bibliya at mabilis magbago ang wikang Pranses. Bukod diyan, ang limang-kilong tomong ito ay hindi kumbinyente para sa mga naglalakbay na mángangarál o sa mga magbabasa nito nang palihim.

Bagaman nakarating sa bahay ni Collin Pellenc sa Pransiya ang isang kopya nito, gaya ng binanggit sa pasimula, ang Bibliya ni Olivétan ay bigo pa rin. Noong 1670, makalipas ang halos isa’t kalahating siglo, may isang kopya pa rin nito sa isang tindahan sa Geneva.

“Walang Pangalan at Walang Tahanan”

Pagkatapos ng kaniyang misyon, namuhay na uli nang tahimik si Olivétan. Gamit ang ibang mga pangalan, nirebisa niya ang kaniyang salin ng Bagong Tipan at ilang bahagi ng Matandang Tipan. Ginugol din niya ang kaniyang buhay sa isa pa niyang hilig​—ang pagtuturo. Bilang isang mapagmalasakit na guro, inedit niyang muli ang kaniyang Instruction for Children, isang pambatang aklat na may mga aral sa kagandahang-asal at panimulang turo para sa pagbabasa sa wikang Pranses na lubusang nakasalig sa Kasulatan. Isa sa mga pangalang ginamit niya ay Belisem de Belimakom, na nangangahulugang “Walang Pangalan at Walang Tahanan.”

Noong 1538, namatay si Olivétan nang siya ay mga 30 anyos, malamang sa Roma. Iilang tao lang sa ngayon ang nakaaalam sa napakahalagang papel ng kabataang ito ng Picardy sa sirkulasyon ng Bibliyang Pranses. Bihirang makita ang pangalan niya sa mga diksyunaryo, kung mayroon man. Iyan marahil ang dahilan kung bakit angkop sa kaniya ang tawag na “ang hamak na tagapagsalin,” si Louys Robert, alyas Olivétan!

[Mga talababa]

^ par. 5 Para sa impormasyon kung paano tinanggap ng Repormasyon ang mga Waldenses, tingnan ang Bantayan ng Marso 15, 2002, pahina 20-23.

^ par. 7 Louys Robert ang tunay niyang pangalan, pero Pierre Robert ang ginamit niya. Ang palayaw na Olivétan ay malamang na tumutukoy sa napakaraming langis ng olibo na ginamit niya sa kaniyang ilawan habang nagtatrabaho.

[Picture Credit Line sa pahina 18]

Archives de la Ville de Neuchâtel, Suisse/Photo: Stefano Iori

[Picture Credit Lines sa pahina 19]

Larawan sa kaliwa: Alain Leprince - La Piscine-musée, Roubaix/Courtesy of the former Bouchard Museum, Paris

Sa gitna at sa kanan: Société de l’Histoire du Protestantisme Français, Paris

[Picture Credit Line sa pahina 20]

Société de l’Histoire du Protestantisme Français, Paris