Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Matuto Mula sa Salita ng Diyos

Puwede Ka Bang Mabuhay Magpakailanman?

Puwede Ka Bang Mabuhay Magpakailanman?

Tinatalakay ng artikulong ito ang mga tanong na maaaring naiisip mo at ipinakikita kung saan sa iyong Bibliya matatagpuan ang sagot. Nais ng mga Saksi ni Jehova na ipakipag-usap sa iyo ang mga sagot na ito.

1. Bakit maikli ang ating buhay?

Ang ilang pawikan ay nabubuhay nang 150 taon, at ang ilang puno naman ay 3,000 taon. Kung ihahambing sa mga ito, mas maikli ang buhay ng tao. Pero ang buhay natin ay puwedeng maging mas makabuluhan kaysa sa mga pawikan at puno. Nilalang ng Diyos na Jehova ang mga tao na may kakayahang masiyahan sa musika, isport, pagkain, pagkatuto, paglalakbay, at pakikisalamuha sa kapuwa. Inilagay ng Diyos sa ating puso ang kagustuhang mabuhay nang walang hanggan.​—Basahin ang Eclesiastes 3:11.

2. Talaga bang puwede tayong mabuhay magpakailanman?

Si Jehova ay hindi kailanman mamamatay. Siya ang Bukal ng buhay, kaya mabibigyan niya ng buhay na walang hanggan ang iba. (Awit 36:9; Habakuk 1:12) Isa pa, nangako siyang bibigyan niya ng buhay na walang hanggan ang mga sumusunod sa kaniya. Babaligtarin niya ang proseso ng pagtanda.​—Basahin ang Job 33:24, 25; Isaias 25:8; 33:24.

Ipinakita ni Jesus sa pamamagitan ng kaniyang makapangyarihang mga gawa na makapagtitiwala tayo sa pangako ng Diyos na buhay na walang hanggan at perpektong kalusugan. Nagpagaling si Jesus ng maraming uri ng sakit at bumuhay pa nga ng mga patay.​—Basahin ang Lucas 7:11-15, 18, 19, 22.

3. Kailan magkakatotoo ang buhay na walang hanggan?

Gusto ng Diyos na mabuhay tayo magpakailanman, hindi sa isang daigdig na punô ng pang-aapi at karahasan, kundi sa isang paraisong lupa. Gusto niyang makadama tayo ng kapanatagan. (Awit 37:9, 29; Isaias 65:21, 22) Habang isinasauli ang Paraiso sa lupa, milyun-milyon ang bubuhaying muli. Kapag pinili ng mga ito na sambahin at sundin ang Diyos, mabubuhay sila magpakailanman.​—Basahin ang Lucas 23:42, 43; Juan 5:28, 29.

4. Paano tayo magkakaroon ng buhay na walang hanggan?

Sulit na kilalanin ang Diyos

Ang Diyos lamang ang makapagbibigay sa atin ng walang-hanggang buhay. Kaya dapat tayong maging malapít sa kaniya sa pamamagitan ng pagkilala sa kaniya. Ang pagkuha ng kaalaman sa Diyos ay inihalintulad ng Bibliya sa pagkain. (Mateo 4:4) Nakasisiya ang kumain, pero kailangan tayong magsikap para makakuha ng pagkain at maihanda ito. Gayundin sa espirituwal na pagkain. May iba pa bang mas kapaki-pakinabang kaysa sa paglapit sa Diyos at pagtanggap ng buhay na walang hanggan?​—Basahin ang Lucas 13:23, 24; Juan 6:27; 17:3.