Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

 MAGING MALAPÍT SA DIYOS

“Patuloy na Humingi, at Ibibigay Ito sa Inyo”

“Patuloy na Humingi, at Ibibigay Ito sa Inyo”

“Panginoon, turuan mo kaming manalangin.” (Lucas 11:1) Hiniling iyan kay Jesus ng isa sa kaniyang mga alagad. Sa kaniyang tugon, nagbigay si Jesus ng dalawang ilustrasyon na nagtuturo sa atin kung paano mananalangin sa paraang diringgin ng Diyos. Kung gusto mong malaman kung dinirinig ng Diyos ang iyong mga panalangin, magiging interesado ka sa sinabi ni Jesus.—Basahin ang Lucas 11:5-13.

Ang unang ilustrasyon ay may kaugnayan sa isa na nananalangin. (Lucas 11:5-8) Sa kuwento, isang lalaki ang nagkabisita. Pero hatinggabi na at wala na siyang maihandang pagkain. Kaya dali-dali siyang nagpunta sa bahay ng kaniyang kaibigan para manghiram ng tinapay. Noong umpisa, ayaw na sanang bumangon ng kaibigan niya dahil natutulog na ang buong pamilya nila. Pero dahil sa pagpupumilit ng lalaki, bumangon na rin ang kaniyang kaibigan at binigyan siya ng kailangan niya. *

Ano ang itinuturo nito tungkol sa panalangin? Sinasabi sa atin ni Jesus na tayo ay kailangang maging matiyaga—na patuloy na humingi, maghanap, at kumatok. (Lucas 11:9, 10) Bakit? Ipinahihiwatig ba ni Jesus na atubiling makinig ang Diyos sa ating mga panalangin, anupat kailangan pa Siyang kulitin? Hindi. Ipinakikita lang ni Jesus na di-tulad ng atubiling kaibigan, gustung-gusto ng Diyos na ibigay ang mga hinihiling ng nananampalataya sa kaniya. Maipakikita natin ang ating pananampalataya kung magiging matiyaga tayo sa pananalangin. Sa paulit-ulit na paghingi, naipakikita natin na talagang kailangan natin ang ating hinihiling at talagang naniniwala tayong ibibigay ito ng Diyos—kung iyon ang kalooban niya.—Marcos 11:24; 1 Juan 5:14.

Ang ikalawang ilustrasyon ay tungkol naman sa “Dumirinig ng panalangin,” si Jehova. (Awit 65:2) Itinanong ni Jesus: “Sinong ama sa inyo, na kapag ang kaniyang anak ay humingi ng isda, ang marahil ay magbibigay sa kaniya ng serpiyente sa halip na isda? O kapag humingi rin siya ng itlog ay magbibigay sa kaniya ng alakdan?” Maliwanag ang sagot—walang mapagmahal na ama ang magbibigay ng mga bagay na ikapapahamak ng kaniyang mga anak. Pagkatapos, ipinaliwanag ni Jesus ang kahulugan ng ilustrasyon: Kung ang di-sakdal na ama ay marunong “magbigay ng mabubuting kaloob” sa kaniyang anak, “lalo pa ngang higit na ang Ama sa langit ay magbibigay ng banal na espiritu”—ang pinakamabuting regalo—sa kaniyang makalupang mga anak na humihingi sa kaniya! *Lucas 11:11-13; Mateo 7:11.

Gustung-gusto ng Diyos na ibigay ang mga hinihiling ng nananampalataya sa kaniya

Ano ang itinuturo nito tungkol kay Jehova, ang “Dumirinig ng panalangin”? Hinihimok tayo ni Jesus na ituring si Jehova bilang isang mapagmahal na Ama na gustung-gustong maibigay ang pangangailangan ng kaniyang mga anak. Kaya naman maidudulog ng mga mananamba ni Jehova ang mga kahilingan ng kanilang puso. At dahil alam nilang ang gusto ng Diyos ay ang pinakamabuti para sa kanila, tatanggapin nila ang kaniyang sagot, kahit hindi ito ang kanilang inaasahan. *

Pagbabasa ng Bibliya para sa Abril

Lucas 7-21

^ par. 4 Makikita sa ilustrasyon ni Jesus ang mga kaugalian ng mga Judio noon. Para sa kanila, isang sagradong pananagutan ang pagkamapagpatuloy. Ang inilulutong tinapay ng isang pamilya ay sapat lang para sa isang araw, kaya nakagawian na ang panghihiram ng tinapay kapag naubusan. Gayundin, kapag mahirap ang pamilya, sama-sama silang natutulog sa sahig sa isang kuwarto.

^ par. 6 Madalas gamitin ni Jesus ang pananalitang “lalo pa ngang higit”—anupat pinaghahambing ang nakabababa at ang nakatataas.

^ par. 7 Para higit pang malaman kung paano mananalangin sa paraang diringgin ng Diyos, tingnan ang kabanata 17 ng aklat na Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? na inilalathala ng mga Saksi ni Jehova.