Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Dapat ba Tayong Manalangin sa mga Santo?

Dapat ba Tayong Manalangin sa mga Santo?

KARAMIHAN sa mga tao ay nakaranas nang mabalisa at nakadamang kailangan nila ang tulong ng iba. Depende sa ating ikinababalisa, malamang na pipili tayo ng isang kaibigan na madamayin at may karanasan tungkol sa ating problema. Talagang kanais-nais ang isang kaibigan na maawain at makaranasan.

Baka ganiyan din ang iniisip ng iba pagdating sa panalangin. Sa halip na lumapit sa Diyos—na sa kanila ay parang napakataas at nakasisindak—mas komportable silang lumapit sa isa sa mga santo. Ikinakatuwiran nila na dahil ang mga santo ay dumanas din ng mga pagsubok at paghihirap na karaniwan sa mga tao, mas mauunawaan sila ng mga ito. Halimbawa, baka mas gugustuhin ng mga taong nawalan ng isang napakahalagang bagay na lumapit kay “Saint” Anthony of Padua—ang patron ng nawala o ninakaw na mga bagay. Kung ipananalangin naman ang isang may sakit na hayop, baka piliin nila si “Saint” Francis of Assisi o kung nadedepres, si “Saint” Jude Thaddeus.

Kung gayon, paano tayo makatitiyak na maka-Kasulatan ang pananalangin sa mga santo? Yamang ang ating mga panalangin ay pakikipag-usap sa Diyos, tiyak na gusto nating malaman: Naririnig ba niya ang ating mga panalangin? At hindi ba’t dapat din nating itanong: Ano ang nadarama ng Diyos sa pananalangin sa mga santo?

PANANALANGIN SA MGA SANTO —ANG PANGMALAS NG BIBLIYA

Ang pananalangin sa mga santo ay batay sa doktrina ng Simbahang Katoliko na ang mga santo ay tagapamagitan. Ayon sa New Catholic Encyclopedia, ang saligang ideya nito ay “pamamanhik ng isa na sa paningin ng Diyos ay may karapatang gumawa nito para kaawaan ang isang nangangailangan.” Kaya ang isa na nananalangin sa mga santo ay umaasang magtatamo ng espesyal na pabor dahil sa pinagpalang katayuan ng mga ito.

Iyan ba ang itinuturo ng Bibliya? Sinasabi ng ilan na sa mga isinulat ni apostol Pablo, naglaan siya ng saligan para manalangin sa mga santo. Halimbawa, isinulat niya sa mga Kristiyano sa Roma: “Ngayon ay pinapayuhan ko kayo, mga kapatid, sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu-Kristo at sa pamamagitan ng pag-ibig ng espiritu, na magpunyagi kayong kasama ko sa pananalangin sa Diyos para sa akin.” (Roma 15:30) Hinihilingan ba ni Pablo ang kaniyang mga kapuwa Kristiyano na mamagitan sa Diyos para sa kaniya? Hinding-hindi. Kung tutuusin, si Pablo na apostol ni Kristo, ang malamang na hihilingan nilang mamagitan para sa kanila. Ipinakikita lang ni Pablo na hindi naman maling hilingan ang isang kapuwa Kristiyano na ipanalangin tayo sa Diyos. Pero ibang usapan na kung mananalangin tayo sa isa na  pinaniniwalaang nasa langit para iparating niya sa Diyos ang ating kahilingan. Bakit?

Sa Ebanghelyo ni apostol Juan, sinabi ni Jesus: “Ako ang daan at ang katotohanan at ang buhay. Walang sinumang makaparoroon sa Ama kundi sa pamamagitan ko.” (Juan 14:6) Sinabi rin niya: ‘Anuman ang hingin ninyo sa Ama sa pangalan ko ay ibibigay niya sa inyo.’ (Juan 15:16) Hindi sinabi ni Jesus na sa kaniya tayo dapat manalangin at siya na ang makikipag-usap sa Diyos para sa atin. Sa halip, para dinggin ang ating mga panalangin, dapat natin itong ipatungkol sa Diyos sa pamamagitan ni Jesus at wala nang iba.

Nang hilingin ng mga alagad ni Jesus na turuan niya silang manalangin, sinabi ni Jesus: “Kailanma’t mananalangin kayo, sabihin ninyo, ‘Ama, pakabanalin nawa ang iyong pangalan.’” (Lucas 11:2) Oo, “kailanma’t,” o sa tuwing mananalangin tayo, dapat natin itong ipatungkol sa Diyos mismo, hindi kay Jesus o sa sinuman. Batay sa malinaw na turong ito ni Jesus, hindi ba’t makatuwiran lang na sa Diyos tayo manalangin sa pamamagitan ni Jesu-Kristo at hindi sa sinumang tagapamagitan o “santo”?

Ang pananalangin ay napakaimportanteng bahagi ng ating pagsamba, at ang pagsamba sa iba sa halip na sa Diyos ay maliwanag na hindi itinuturo ng Bibliya. (Juan 4:23, 24; Apocalipsis 19:9, 10) Kaya dapat na sa Diyos lang natin ipatungkol ang ating mga panalangin.

DAPAT KA BANG MATAKOT NA LUMAPIT SA DIYOS?

Sa kaniyang Sermon sa Bundok, nagbigay si Jesus ng isang halimbawa tungkol sa batang humihingi ng pagkain sa kaniyang ama. Bibigyan ba ng ama ang kaniyang anak ng bato sa halip na tinapay? O ng makamandag na ahas sa halip na isda? (Mateo 7:9, 10) Imposibleng gawin iyan ng isang mapagmahal na magulang!

Tulad ng isang mapagmahal na ama, gusto ng Diyos na makipag-usap tayo sa kaniya

Ipagpalagay na isa kang magulang at ang iyong anak ay may hihilingin sa iyo. Sinikap mong maging maganda ang relasyon mo sa iyong anak, at lagi kang madaling lapitan. Pero dahil sa walang-basehang takot niya sa iyong reaksiyon, may pinakiusapan siyang ibang tao para sabihin sa iyo ang kaniyang hinihiling. Ano ang mararamdaman mo? Paano kung nakagawian na niyang makipag-usap sa iyo sa pamamagitan ng taong iyon at nakikita mong wala siyang balak na baguhin ang nakagawian niya? Magiging masaya ka ba? Siyempre hindi! Gusto ng mapagmahal na mga magulang na direktang lumapit sa kanila ang mga anak nila at malayang humiling ng anuman sa kanila.

Bilang pagkakapit ng kaniyang ilustrasyon, sinabi ni Jesus: “Samakatuwid, kung kayo, bagaman balakyot, ay marunong magbigay ng mabubuting kaloob sa inyong mga anak, lalo pa ngang higit na ang inyong Ama na nasa langit ay magbibigay ng mabubuting bagay sa mga humihingi sa kaniya!” (Mateo 7:11) Tiyak na gustung-gusto ng isang magulang na magbigay ng mabubuting bagay sa kaniyang anak. Ang kagustuhan ng ating Ama sa langit na pakinggan at sagutin ang ating mga panalangin ay higit kaysa rito.

Gusto ng Diyos na direkta tayong manalangin sa kaniya kahit na pakiramdam natin ay napakarami nating kahinaan. Wala siyang ibang inatasan para makinig sa ating mga panalangin. Hinihimok tayo ng Bibliya: “Ihagis mo ang iyong pasanin kay Jehova, at siya ang aalalay sa iyo.” (Awit 55:22) Sa halip na umasa sa mga santo o sa sinumang tagapamagitan, dapat nating kilalanin nang higit ang Diyos na Jehova.

Ang ating makalangit na Ama ay nagmamalasakit sa bawat isa sa atin. Gusto niya tayong tulungan sa ating mga problema at hinihimok niya tayong lumapit sa kaniya. (Santiago 4:8) Isang napakalaking pribilehiyo nga na makalapit sa ating Diyos at Ama, ang “Dumirinig ng panalangin”!—Awit 65:2.