Pumunta sa nilalaman

MAY NAGDISENYO BA NITO?

Ang Napakahusay na Paglipad ng Fruit Fly

Ang Napakahusay na Paglipad ng Fruit Fly

 Kung nasubukan mo nang pumatay ng langaw, alam mong hindi ito madaling gawin. Kasimbilis ng kidlat ang reaksiyon ng insektong ito kaya madalas itong nakakatakas.

 Natuklasan ng mga siyentipiko na kaya ng fruit fly, isang klase ng langaw, na magbago ng direksiyon na gaya ng mga fighter jet sa loob lang ng ilang millisecond. Sa simula pa lang ng buhay ng mga fruit fly, “eksperto na ang mga ito sa paglipad,” ang sabi ni Propesor Michael Dickinson. “Para mong pinagkontrol ng fighter plane ang isang bagong-silang na sanggol at alam na alam na nito ang gagawin.”

 Kinuhanan ng video ng mga mananaliksik ang paglipad ng fruit fly, at natuklasan nilang naipapagaspas nito ang mga pakpak nito nang 200 beses bawat segundo. At sa isang pagaspas lang ng pakpak, kaya na nitong magbago ng direksiyon para makatakas.

 Gaano naman kabilis ang reaksiyon ng mga ito sa panganib? Natuklasan ng mga mananaliksik na mas mabilis ito nang 50 beses kaysa sa pagkurap ng mata ng tao. “Napakabilis at napakahusay magkalkula ng langaw na ito kung nasaan ang panganib at kung saang direksiyon ito tatakas,” sabi ni Dickinson.

 Tinutuklas pa ng mga mananaliksik kung paano ito nagagawa ng napakaliit na utak ng fruit fly.

Nagbabago ng direksiyon ang isang fruit fly sa loob lang ng ilang millisecond para makatakas sa panganib

 Ano sa palagay mo? Ang husay ba ng fruit fly sa paglipad ay resulta ng ebolusyon? O may nagdisenyo nito?