Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Tiyak na pantukoy

Tiyak na Pantukoy

Isang bahagi ng pananalita na ginagamit sa ilang wika. Iba-iba ang gamit nito depende sa wika. Ang tiyak na pantukoy na “the” sa Ingles ay ginagamit para limitahan ang kahulugan ng isang pangngalan, para tukuyin ang espesipikong tao o bagay, o para ipakita na ang isang tao o bagay ay nabanggit na o kilalá; ginagamit din ito sa pagdiriin.

Ang Griegong Koine ay may tiyak na pantukoy (ho), at halos katumbas ito ng tiyak na pantukoy sa Ingles. Ang Griegong tiyak na pantukoy ay maaaring gamitin para limitahan ang kahulugan ng pangngalan para tumukoy sa espesipikong tao o bagay. Halimbawa, ang salitang Griego na di·aʹbo·los, na isinasaling “maninirang-puri,” ay madalas na ginagamit nang may tiyak na pantukoy. Sa ganitong kaso, espesipiko itong tumutukoy sa Diyablo (ho di·aʹbo·los, na nangangahulugang “ang Maninirang-Puri”). Minsan, ang tiyak na pantukoy ay ginagamit kasama ng titulong “Kristo” (ho Khri·stosʹ) at isinasaling “ang Kristo”; idiniriin nito ang posisyon ni Jesus bilang ang Mesiyas. Ang Griegong tiyak na pantukoy ay nagbabago ng anyo, depende sa kasarian, bilang, at gamit ng salita sa pangungusap. Puwede nitong tukuyin kung ang isang pangngalan ay ginagamit bilang subject o object, kung ito ay panlalaki o pambabae, at iba pa. May ilang anyo ng Griegong tiyak na pantukoy na kailangang dagdagan ng pang-ukol, gaya ng “of” o “to,” kapag isinasalin sa Ingles o iba pang wika.

Sa Koine, kung walang pantukoy na ginamit para sa pangngalan, puwede itong isalin bilang pangngalang pambalana o pang-uri depende sa konteksto. Halimbawa, kapag ang salitang Griego na di·aʹbo·los ay walang pantukoy, puwede itong isaling “maninirang-puri” o “naninirang-puri.” (Ju 6:70; 1Ti 3:11; Tit 2:3)​—Para sa higit pang impormasyon tungkol sa Griegong tiyak na pantukoy, tingnan ang Kaunawaan sa Kasulatan, “Griego—Ang Pantukoy [Article].”