Unang Liham kay Timoteo 3:1-16

3  Mapananaligan ito: Kung nagsisikap ang isang lalaki na maging tagapangasiwa,+ magandang tunguhin iyan.  Kaya dapat na ang tagapangasiwa ay di-mapupulaan,+ asawa ng isang babae, may kontrol sa kaniyang paggawi, may matinong pag-iisip,+ maayos, mapagpatuloy,+ kuwalipikadong magturo,+  hindi lasenggo,+ at hindi marahas, kundi makatuwiran,+ hindi palaaway,+ hindi maibigin sa pera,+  isang lalaking namumuno* sa sarili niyang pamilya* sa mahusay na paraan, na may mga anak na masunurin at mabuti ang asal+  (dahil kung hindi kayang mamuno* ng isang lalaki sa sarili niyang pamilya, paano niya aalagaan ang kongregasyon ng Diyos?),  at hindi bagong kumberte,+ dahil baka magmalaki siya at tumanggap ng hatol na katulad ng sa Diyablo.  Dapat na maganda rin ang reputasyon niya sa mga di-kapananampalataya*+ para hindi siya magdala ng kahihiyan at mahulog sa bitag ng Diyablo.  Ang mga ministeryal na lingkod+ ay dapat ding maging seryoso, hindi mapanlinlang ang pananalita, hindi malakas uminom ng alak, hindi sakim sa pakinabang,+  at nanghahawakan sa sagradong lihim ng pananampalataya nang may malinis na konsensiya.+ 10  Isa pa, subukin muna sila kung karapat-dapat* sila; at kung malaya sila sa akusasyon, hayaan silang maglingkod bilang ministeryal na lingkod.+ 11  Ang mga babae ay dapat ding maging seryoso, hindi naninirang-puri,+ may kontrol sa kanilang paggawi,* at tapat sa lahat ng bagay.+ 12  Ang mga ministeryal na lingkod ay dapat na asawa ng isang babae at namumuno sa kanilang pamilya sa mahusay na paraan, lalo na sa kanilang mga anak. 13  Dahil ang mga lalaking naglilingkod sa mahusay na paraan ay nagkakaroon ng magandang reputasyon at malaking kalayaan sa pagsasalita tungkol sa pananampalataya kay Kristo Jesus. 14  Isinusulat ko sa iyo ang mga bagay na ito kahit umaasa akong malapit na akong makapunta sa iyo, 15  para kung sakaling matagalan ako, malaman mo kung paano ka dapat gumawi sa sambahayan ng Diyos,+ na siyang kongregasyon ng buháy na Diyos, isang haligi at pundasyon ng katotohanan. 16  Oo, talagang mahalaga ang sagradong lihim ng makadiyos na debosyon: ‘Siya ay naging tao,+ ipinahayag na matuwid sa espiritu,+ nagpakita sa mga anghel,+ ipinangaral sa mga bansa,+ pinaniwalaan sa sanlibutan,+ at tinanggap sa langit at niluwalhati.’+

Talababa

O “sambahayan.”
O “nangangasiwa.”
O “mangasiwa.”
O “mga tao sa labas.”
O “kuwalipikado.”
O “katamtaman ang pag-uugali.”

Study Notes

Hindi sa kami ang mga panginoon ng inyong pananampalataya: Nagtitiwala si Pablo na dahil tapat na mga Kristiyano ang mga kapatid niya, gusto nilang gawin ang tama. Matatag sila dahil sa pananampalataya nila, hindi dahil kay Pablo o sa sinumang tao. Ang pandiwang Griego na isinaling “kami ang mga panginoon” (ky·ri·euʹo) ay puwedeng magpahiwatig ng pagkontrol sa iba o pagiging dominante. Sa katunayan, gumamit si Pedro ng kaugnay na termino nang payuhan niya ang matatandang lalaki na huwag ‘mag-astang panginoon sa mga mana ng Diyos.’ (1Pe 5:2, 3) Naunawaan ni Pablo na kahit may awtoridad siya bilang apostol, wala siyang karapatan na kontrolin ang iba. Isa pa, nang sabihin ni Pablo na mga kamanggagawa kami para sa inyong kagalakan, ipinakita niya na hindi sila nakakataas ng mga kasama niya, kundi mga lingkod din sila na ginagawa ang lahat para tulungan ang mga taga-Corinto na maging masaya sa pagsamba kay Jehova.

Mapananaligan ito: Sinasabi ng ilan na ang pariralang Griego na ginamit dito ni Pablo ay tumutukoy sa naunang sinabi niya (1Ti 2:15), pero mas tamang isipin na tumutukoy ito sa susunod na sasabihin niya. Lumilitaw na sinasabi dito ni Pablo na mahalaga at dapat bigyang-pansin ang babanggitin niya tungkol sa pag-abot ng tunguhin na maging isang tagapangasiwa.

nagsisikap: Ang pandiwang Griego na ginamit dito ay literal na nangangahulugang “banatin”; ipinapakita nito na kailangang magsikap nang husto ng isang lalaki para maging kuwalipikado siya bilang tagapangasiwa. Sa sumunod na mga talata, binanggit ni Pablo ang mga katangiang puwedeng malinang ng di-perpektong mga lalaki kung magsisikap sila. (1Ti 3:2-10, 12, 13) Pero siyempre, hindi lang inatasang mga lalaki ang nangangailangan ng ganitong mga katangian, kundi lahat ng Kristiyano.—Ihambing ang Ro 12:3, 18; Fil 4:5; 1Ti 3:11; Tit 2:3-5; Heb 13:5; 1Pe 2:12; 4:9.

maging tagapangasiwa: Pananagutan ng isang tagapangasiwa na bantayan at protektahan ang mga kapatid na nasa pangangalaga niya. (Tingnan sa Glosari, “Tagapangasiwa.”) Kaya dapat na espirituwal na tao siya at naipapakita niya ang mga katangiang binanggit ni Pablo sa sumunod na mga talata. Puwede ring isalin na “katungkulan . . . bilang tagapangasiwa” (Gaw 1:20) ang salitang Griego na ginamit dito ni Pablo, pero hindi ito nangangahulugan na ang isang tagapangasiwa ay nakatataas sa mga kapatid niya. Sinabi ni Pablo sa mga Kristiyano sa Corinto: “Hindi sa kami ang mga panginoon ng inyong pananampalataya, kundi mga kamanggagawa kami para sa inyong kagalakan.”—2Co 1:24 at study note; 1Pe 5:1-3.

magandang tunguhin iyan: O “siya ay nagnanais ng isang mainam na gawa.” Ang pananagutan ng isang tagapangasiwa ay tinawag dito na ‘maganda,’ o kapaki-pakinabang, pero kailangan dito ang pagsisikap. Sinabi ng isang reperensiya: “Ang pang-uri [ka·losʹ, “maganda; mainam”] ay tumutukoy sa kagandahan [ng atas na ito], at ang pangngalan [erʹgon, “gawa”] ay tumutukoy naman sa hirap ng pananagutang ito.” Kaya dapat na mapagsakripisyo ang isang tagapangasiwa at nagsisikap nang husto para sa kapakanan ng iba.

Maging mapagpatuloy: Ang ekspresyong Griego para sa “maging mapagpatuloy” ay puwedeng literal na isaling “magmadali sa pagpapakita ng pagkamapagpatuloy; tumakbo para makapagpakita ng pagkamapagpatuloy.” Ginamit dito ni Pablo ang ekspresyong ito para pasiglahin ang mga Kristiyano na laging maging mapagpatuloy, hindi lang kapag kailangan. Ang salitang Griego para sa “pagkamapagpatuloy,” phi·lo·xe·niʹa, ay literal na nangangahulugang “pag-ibig (pagkagiliw) sa mga estranghero.” Ipinapakita nito na dapat tayong maging mapagpatuloy hindi lang sa malalapít na kaibigan. Ginamit din ni Pablo ang terminong ito sa Heb 13:2, at lumilitaw na ang tinutukoy niya rito ay ang ulat ng Genesis kabanata 18 at 19 tungkol kina Abraham at Lot. Nang magpatulóy sila ng mga estranghero, hindi nila alam na mga anghel pala ang inasikaso nila. Sa Gen 18:1-8, inilarawan si Abraham na tumatakbo at nagmamadali para asikasuhin ang mga bisita niya. Ang kaugnay na pang-uri na phi·loʹxe·nos ay tatlong beses na lumitaw sa Kristiyanong Griegong Kasulatan sa ibang konteksto kung saan ipinapayo ang pagiging mapagpatuloy.​—1Ti 3:2; Tit 1:8; 1Pe 4:9.

mga tagapangasiwa: Ginamit dito ni Pablo ang anyong pangmaramihan ng salitang Griego para sa “tagapangasiwa” (e·piʹsko·pos) para tukuyin ang mga nangunguna sa kongregasyon sa Filipos. (Ihambing ang Gaw 20:28.) Sa ibang liham niya, binanggit niya na isang “lupon ng matatandang lalaki” ang nagbigay ng espesyal na atas kay Timoteo. (1Ti 4:14) Kahit minsan, walang ipinahiwatig si Pablo na nag-iisa lang ang tagapangasiwa sa isang kongregasyon. Ipinapakita nito kung paano inoorganisa ang mga kongregasyon noong unang siglo. Pareho ang kahulugan ng “mga tagapangasiwa” at “matatandang lalaki” sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, at tumutukoy ang mga ito sa iisang pananagutan. (Gaw 20:17, 28; Tit 1:5, 7; ihambing ang 1Pe 5:1, 2.) Nakadepende ang bilang ng mga tagapangasiwa sa isang kongregasyon sa dami ng may-gulang na mga lalaki na kuwalipikadong maging “matatandang lalaki.”—Gaw 14:23; tingnan ang study note sa Gaw 20:17, 28.

tagapangasiwa: Ang salitang Griego para sa tagapangasiwa, e·piʹsko·pos, ay kaugnay ng pandiwang e·pi·sko·peʹo, na nangangahulugang “mag-ingat” (Heb 12:15), at ng pangngalang e·pi·sko·peʹ, na nangangahulugang “pagsisiyasat” (Luc 19:44; 1Pe 2:12), “maging tagapangasiwa” (1Ti 3:1), o “katungkulan . . . bilang tagapangasiwa” (Gaw 1:20). Kaya ang mga tagapangasiwa noon ay dumadalaw, nagsisiyasat, at gumagabay sa mga miyembro ng kongregasyon. Ang terminong Griego na e·piʹsko·pos ay pangunahin nang tumutukoy sa pangangasiwa nang may kasamang pagprotekta. Pananagutan ng mga tagapangasiwa sa kongregasyong Kristiyano na ingatan sa espirituwal ang mga kapananampalataya nila. Dito, ginamit ni Pablo ang terminong “mga tagapangasiwa” sa pakikipag-usap sa “matatandang lalaki” sa kongregasyon ng Efeso. (Gaw 20:17) At sa liham niya kay Tito, ginamit niya ang terminong “tagapangasiwa” nang banggitin niya ang mga kuwalipikasyon para sa “matatandang lalaki” ng kongregasyong Kristiyano. (Tit 1:5, 7) Kaya ang mga terminong ito ay tumutukoy lang sa iisang atas; ipinapakita ng pre·sbyʹte·ros ang pagiging may-gulang ng isang tagapangasiwa, at ipinapakita naman ng e·piʹsko·pos ang mga pananagutang kasama sa atas na ito. Sa ulat na ito, kung saan kausap ni Pablo ang matatandang lalaki sa Efeso, maliwanag na higit sa isa ang tagapangasiwa sa kongregasyong iyon. Walang takdang bilang ang mga tagapangasiwa sa isang kongregasyon. Nakadepende ito sa dami ng may-gulang na mga lalaki na kuwalipikadong maging “matatandang lalaki.” Gayundin, sa pagsulat ni Pablo sa mga Kristiyano sa Filipos, tinawag niya silang “mga tagapangasiwa” (Fil 1:1), na nagpapakitang isa silang lupon na nangangasiwa sa kongregasyon.—Tingnan ang study note sa Gaw 1:20.

mahigpit na nanghahawakan sa mapananaligang mensahe: Makikita sa pagtuturo at pamumuhay ng isang matandang lalaki na nanghahawakan siya sa salita ng Diyos. Kapag nagtuturo sa kongregasyon, umaasa siya sa “mapananaligang mensahe (lit., “tapat na salita”)” na nasa Kasulatan, sa halip na sa sarili niyang ideya, karanasan, at kakayahan bilang tagapagsalita. (1Co 4:6 at study note) Kaya naaabot niya ang puso ng mga tagapakinig niya at napapakilos silang mahalin at paglingkuran si Jehova. (Heb 4:12) Isa pa, naiiwasan niyang maging mapagkunwari dahil sinusunod niya ang mga prinsipyo sa Bibliya na itinuturo niya. Ang tagapangasiwang nanghahawakan sa ganitong pamantayan ay nakakatulong sa kongregasyon para manatili itong nagkakaisa at maging “isang haligi at pundasyon ng katotohanan.”—Tingnan ang study note sa 1Ti 3:2, 15.

magpatibay: Tingnan ang study note sa Ro 12:8.

itinuturo sa kanila: Saklaw ng salitang Griego na isinasaling “magturo” ang pagpapaliwanag, paggamit ng nakakakumbinsing argumento, at paghaharap ng mga katibayan. (Tingnan ang study note sa Mat 3:1; 4:23.) Ang pagtuturo sa kanila na tuparin ang lahat ng iniutos ni Jesus ay dapat gawin nang patuluyan, at kasama rito ang pagtuturo sa kanila ng lahat ng itinuro niya, kung paano susundin ang mga ito, at kung paano siya tutularan.—Ju 13:17; Efe 4:21; 1Pe 2:21.

ang tagapangasiwa: Dito, nasa pang-isahang anyo ang terminong Griego na ginamit ni Pablo para sa “tagapangasiwa” (na may kasamang tiyak na pantukoy), pero hindi ito nangangahulugan na isa lang dapat ang tagapangasiwa sa bawat kongregasyon. Halimbawa, hindi lang isa ang tagapangasiwa sa kongregasyon sa Filipos. Nang sumulat si Pablo sa mga Kristiyano doon, sinabi niya na para iyon sa kongregasyon, “pati na sa mga tagapangasiwa at mga ministeryal na lingkod.”—Tingnan ang study note sa Fil 1:1; tingnan din ang study note sa Gaw 20:28.

di-mapupulaan: Ang salitang Griego na ginamit dito ay puwede ring isaling “di-mapipintasan.” Hindi ibig sabihin nito na dapat na perpekto ang isang tagapangasiwa. Nangangahulugan lang ito na dapat na walang maibabatong makatuwirang reklamo laban sa kaniya. Dapat na di-mapipintasan ang paggawi niya, pakikitungo sa iba, at paraan ng pamumuhay. Dapat na mayroon siyang napakataas na moralidad. (2Co 6:3, 4; Tit 1:6, 7) Sinasabi ng ilang iskolar na saklaw ng salitang ito ang lahat ng kuwalipikasyong dapat abutin ng isang lalaking Kristiyano para maging tagapangasiwa.

asawa ng isang babae: Bago ibinigay ni Pablo ang mga tagubiling ito, naibalik na ni Jesus ang orihinal na pamantayan ni Jehova na magkaroon lang ng isang asawa. (Mat 19:4-6) Kaya hindi puwedeng magkaroon ng maraming asawa ang isang tagapangasiwang Kristiyano, kahit pa pinahihintulutan ng Kautusang Mosaiko ang poligamya at karaniwan lang ito sa mga di-Kristiyano. Karaniwan din noon ang diborsiyo at pag-aasawang muli, kahit sa mga Judio. Pero itinuro ni Jesus na hindi puwedeng makipagdiborsiyo ang isang lalaki sa asawa niya at mag-asawa ng iba kung walang makakasulatang basehan. (Mat 5:32; 19:9) Para sa lahat ng Kristiyano ang pamantayang ito, pero dapat na maging huwaran dito ang mga tagapangasiwa at ministeryal na lingkod. (1Ti 3:12) Isa pa, dapat na manatiling malinis sa moral ang isang tagapangasiwa at tapat sa asawa niya.—Heb 13:4.

may kontrol sa kaniyang paggawi: Ayon sa isang diksyunaryo, ang salitang Griego na ginamit dito ay literal na nangangahulugang “hindi lasing; hindi nagpapakasasa; umiiwas sa alak . . . o sa sobrang pag-inom.” Pero nang maglaon, naging mas malawak ang kahulugan ng terminong ito at puwede na rin itong tumukoy sa isang tao na balanse o may pagpipigil sa sarili. Ipinapakita ng talatang ito na dapat na maging balanse ang isang tagapangasiwang Kristiyano sa lahat ng bahagi ng buhay niya. Sa sumunod na talata, direktang binanggit ni Pablo na dapat umiwas sa paglalasing ang isang tagapangasiwa.—1Ti 3:3.

may matinong pag-iisip: O “mahusay magpasiya.” Ayon sa isang diksyunaryo, ang mga salitang Griego na isinaling “matinong pag-iisip” o “katinuan ng pag-iisip” ay tumutukoy sa pagiging “maingat, palaisip, may kontrol sa sarili.” Ang taong may matinong pag-iisip ay balanse at hindi padalos-dalos magpasiya.

maayos: Lit., “nakaayos.” Ang isang tagapangasiwa ay dapat na maging organisado at may maayos na paraan ng pamumuhay. Ang salitang Griego na ginamit dito ay puwede ring tumukoy sa mabuting asal. Kaya hindi puwedeng maging tagapangasiwa ang isang lalaki kung magulo siya o magaspang ang ugali.—1Te 5:14; 2Te 3:6-12; Tit 1:10.

mapagpatuloy: Dapat na maging mapagpatuloy ang lahat ng Kristiyano. (Heb 13:1, 2; 1Pe 4:9) Pero dapat na maging huwaran dito ang isang tagapangasiwa. (Tit 1:8) Ang terminong Griego para sa “pagkamapagpatuloy” ay literal na nangangahulugang “pag-ibig sa mga estranghero.” (Tingnan ang study note sa Ro 12:13.) Sa ilang diksyunaryo, ang kaugnay na pang-uring isinalin ditong “mapagpatuloy” ay nangangahulugang “makonsiderasyon sa estranghero o bisita” at “bukas-palad sa mga panauhin.” Sa isang reperensiya, ganito inilarawan ang isang taong mapagpatuloy: “Ang pinto ng bahay niya—at ng puso niya—ay bukás sa mga estranghero.” Kaya dapat na maging mapagpatuloy sa lahat, hindi lang sa malalapít na kaibigan. Halimbawa, pinasisigla ang mga Kristiyano na maging mapagpatuloy sa mahihirap, pati na sa naglalakbay na mga kinatawan ng mga kongregasyon.—San 2:14-16; 3Ju 5-8.

kuwalipikadong magturo: Dapat na isang mahusay na guro ang isang tagapangasiwa—kaya niyang ituro nang malinaw sa mga kapananampalataya niya ang mga katotohanan at prinsipyo sa Bibliya. Sa liham ni Pablo kay Tito, sinabi niya na ang isang tagapangasiwa ay dapat na “mahigpit na nanghahawakan sa mapananaligang mensahe pagdating sa kaniyang paraan ng pagtuturo” para mapatibay, mapayuhan, at maituwid niya ang iba. (Tit 1:5, 7, 9 at mga study note) Ginamit din ni Pablo ang ekspresyong “kuwalipikadong magturo” sa ikalawang liham niya kay Timoteo. Sinabi niya doon na “ang alipin ng Panginoon” ay dapat na may pagpipigil sa sarili at “mahinahong nagtuturo sa mga rebelyoso.” (2Ti 2:24, 25) Kaya dapat na may kakayahan ang isang tagapangasiwa na mangatuwiran batay sa Kasulatan sa nakakakumbinsing paraan, magbigay ng mahusay na payo, at maabot ang puso ng mga tagapakinig niya. (Tingnan ang study note sa Mat 28:20.) Dapat na masipag siyang mag-aral ng Salita ng Diyos, dahil ang mga tuturuan niya ay nag-aaral din ng Bibliya.

kabaitan ng Kristo: Nang sumulat si Pablo sa mga Kristiyano sa Corinto tungkol sa ilan sa mga pagkukulang nila, hindi siya masakit magsalita. Sa halip, tinularan niya ang kahinahunan at kabaitan ng Kristo. Ang salitang Griego na isinalin ditong “kabaitan” ay literal na nangangahulugang “pagiging mapagparaya” at puwede ring isaling “pagkamakatuwiran.” Kitang-kita kay Kristo Jesus ang katangiang ito. Noong nandito si Jesus sa lupa, lubusan niyang naipakita ang perpektong halimbawa ng pagkamakatuwiran ng Ama niya. (Ju 14:9) Sa katulad na paraan, kahit kailangan ng mga taga-Corinto ng matinding payo, mabait na nakiusap si Pablo sa kanila sa halip na basta mag-utos.

mapang-abusong pananalita: Ang ginamit dito ni Pablo na salitang Griego ay bla·sphe·miʹa, na kadalasang isinasaling “pamumusong” kapag tumutukoy ito sa walang-galang na pananalita laban sa Diyos. (Apo 13:6) Pero noon, hindi lang tumutukoy sa pang-iinsulto sa Diyos ang terminong ito. Puwede rin itong tumukoy sa pagsasabi ng masama o paninira sa kapuwa, at ganiyan ang pagkakagamit ni Pablo sa salitang ito batay sa konteksto. (Tingnan din ang Efe 4:31.) Sa ibang salin, ang ginamit sa talatang ito ay “paninirang-puri” at “pang-iinsulto.” Ganito ang sinabi ng isang reperensiya tungkol sa terminong ito: “Ipinapahiwatig nito ang panghahamak ng isa sa kapuwa niya at ang pagsisikap niyang sirain ang reputasyon nito.”

pagiging makatuwiran: Malawak ang kahulugan ng salitang Griego na isinaling “pagiging makatuwiran,” at kasama dito ang pagiging mapagparaya, magalang, at mapagpasensiya. Hindi iginigiit ng mga makatuwiran ang sarili niyang karapatan o ang istriktong pagsunod sa batas. Sa halip, handa siyang makibagay kung kinakailangan. Sinisikap ng makatuwirang tao na maging makonsiderasyon at mabait. Ang katangiang ito ng isang Kristiyano ay dapat na makita ng lahat, kasama na ang mga hindi kabilang sa kongregasyon. Ganito ang salin ng isang Bibliya sa unang bahagi ng talata: “Makilala nawa kayong makatuwiran.” Sinisikap ng lahat ng Kristiyano na maging makatuwiran, pero partikular na itong dapat makita sa mga tagapangasiwa sa kongregasyon.—1Ti 3:3; Tit 3:2; San 3:17; tingnan ang study note sa 2Co 10:1.

huwag maging palaaway: Gusto ni Pablo na iwasan ng mga Kristiyano na maging palaban sa kapuwa nila, kasama na ang mga sekular na awtoridad. (Tit 3:1) Ayon sa ilang diksyunaryo, ang salitang Griego na ginamit dito ay nangangahulugang “mapagpayapa.” Lumitaw rin ang ekspresyong ito sa listahan ng mga kuwalipikasyon para sa mga tagapangasiwa.—1Ti 3:3.

hindi marahas: O “hindi nambubugbog.” Ang salitang Griego na isinalin ditong “marahas” ay puwedeng literal na tumukoy sa isa na nananakit sa pisikal. Pero malawak ang kahulugan ng terminong ito at puwede ring tumukoy sa isa na nananakot at masakit magsalita. Ang sakit na naidudulot nito ay katulad din ng sakit ng pambubugbog. (Tingnan ang study note sa Col 3:8.) Sa patnubay ng espiritu, itinuro ni Pablo na dapat na maging mabait at mahinahon ang mga Kristiyano, kahit na sa mahihirap na sitwasyon. Lalo na itong dapat sundin ng matatandang lalaki.—Ihambing ang 2Ti 2:24, 25.

makatuwiran: Malawak ang kahulugan ng salitang ginamit dito ni Pablo. Puwede rin itong tumukoy sa pagiging mahinahon, magalang, o mapagpasensiya. (Tingnan ang study note sa Fil 4:5.) Literal itong nangangahulugang “mapagparaya.” Pero hindi naman sinasabi ni Pablo na hahayaan na lang o kukunsintihin ng isang tagapangasiwa ang gumagawa ng mali o ikokompromiso niya ang pamantayan ng Diyos. Sa halip, sinasabi niya na pagdating sa personal na mga kagustuhan, handang magparaya ang isang tagapangasiwa. Hindi niya igigiit ang karapatan niya o ipipilit na masunod ang mga nakasanayan niyang paraan, kundi igagalang niya ang opinyon ng iba at makikibagay siya sa nagbabagong mga kalagayan. Nanghahawakan ang isang tagapangasiwa sa mga batas at prinsipyo ng Bibliya, pero pinagsisikapan niyang maging mabait at balanse sa pagtataguyod nito. Tanda ng karunungan mula sa Diyos ang pagiging makatuwiran, at isa rin ito sa mga katangiang kitang-kita kay Jesu-Kristo. (San 3:17; tingnan ang study note sa 2Co 10:1.) Dapat na kitang-kita rin ito sa lahat ng Kristiyano.—Tit 3:1, 2.

hindi palaaway: Tingnan ang study note sa Tit 3:2.

hindi maibigin sa pera: Kung pangunahin sa isang tao ang pagkakaroon ng materyal na kayamanan, hindi niya mapapastulang mabuti ang “kawan ng Diyos.” (1Pe 5:2) Kapag nakapokus siya sa materyal na mga bagay sa sanlibutang ito, hindi niya matutulungan ang mga lingkod ng Diyos na magpokus sa pag-abot sa buhay na walang hanggan sa “darating na sistema.” (Luc 18:30) At hindi niya matuturuan ang iba na “umasa . . . sa Diyos” kung siya mismo ay umaasa sa “kayamanan na walang katiyakan.” (1Ti 6:17) Kaya hindi puwedeng maging tagapangasiwa ang taong “maibigin sa pera.” Ang kuwalipikasyong ito para sa mga tagapangasiwa ay kaayon ng payo ng Bibliya para sa lahat ng Kristiyano.—Mat 6:24; 1Ti 6:10; Heb 13:5.

pangangasiwa: O “pangunguna.” Ang salitang Griego na pro·iʹste·mi (lit., “tumayo sa harap”) ay nangangahulugang manguna, mangasiwa, gumabay, magpakita ng interes, at mangalaga.

aalagaan: Ang salitang Griego na ginamit dito ay ginamit din ng manunulat ng Ebanghelyo na si Lucas sa ilustrasyon tungkol sa mabuting Samaritano na ‘nag-alaga’ sa lalaking binugbog ng mga magnanakaw. (Luc 10:34, 35) Kaya kailangan ding ‘alagaan’ ng isang tagapangasiwa ang kongregasyon at ilaan ang pangangailangan nito.

namumuno: O “nangangasiwa.”—Tingnan ang study note sa Ro 12:8.

namumuno sa sarili niyang pamilya sa mahusay na paraan: Makikita sa talata 5 kung ano ang ibig sabihin ng ekspresyong “namumuno.” Doon, ang ‘pangangalaga’ ng isang tagapangasiwa sa “kongregasyon ng Diyos” ay inihalintulad ni Pablo sa pamumuno, o pangangasiwa, ng asawang lalaki sa pamilya nito. (1Ti 3:5) Ayon sa isang reperensiya, ang pandiwang isinalin sa talatang iyon na “aalagaan” ay “tumutukoy sa pangunguna (pagpatnubay) at pangangalaga.” Kaya ipinapakita sa konteksto na ang isang asawa at ama ay hindi dapat maging isang malupit na ulo o diktador, kundi isang lalaki na nagmamahal at nangangalaga sa pamilya niya.—Tingnan ang study note sa 1Ti 3:5.

may mga anak na masunurin at mabuti ang asal: O ”may mga anak na nagpapasakop nang buong pagkaseryoso.” Ang pariralang “nang buong pagkaseryoso” ay lumilitaw na para sa “mga anak” at hindi sa “ama,” gaya ng sinasabi ng ilan. Ang mga Kristiyanong anak ay “nagpapasakop nang buong pagkaseryoso” kung masunurin sila, magalang, at mabuti ang asal. Kumikilos sila nang angkop sa edad nila at kalagayan. Ipinapakita ng Bibliya na natural lang sa mga bata na tumawa at maglaro. (Luc 7:32; ihambing ang Ec 3:4; Isa 11:8.) Sa 1Co 13:11, sinabi ni Pablo na noong bata siya, nagsasalita siya, nag-iisip, at nangangatuwiran na “gaya ng bata.” Kaya hindi naman niya sinasabi dito na dapat asahan ang mga bata na mangatuwiran o kumilos na parang mga adulto.

aalagaan: Ang salitang Griego na ginamit dito ay ginamit din ng manunulat ng Ebanghelyo na si Lucas sa ilustrasyon tungkol sa mabuting Samaritano na ‘nag-alaga’ sa lalaking binugbog ng mga magnanakaw. (Luc 10:34, 35) Kaya kailangan ding ‘alagaan’ ng isang tagapangasiwa ang kongregasyon at ilaan ang pangangailangan nito.

mapagmalaki: Ang pandiwang Griego na ginamit dito (ty·phoʹo·mai) ay kaugnay ng salita para sa “usok.” Puwede itong tumukoy sa isang tao na napapalibutan ng makapal na usok at hindi na makakita dahil dito. Tatlong beses na lumitaw ang terminong ito sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, at lumilitaw na lagi itong tumutukoy sa isang tao na nabubulagan, o hindi na nakakaintindi, dahil sa pagiging mapagmalaki. (1Ti 3:6; 6:4; 2Ti 3:4) Sa ibang Bibliya, isinalin itong “hangang-hanga sa sarili” o “malaki ang ulo.” Ayon sa isang reperensiya, tinutukoy ng salitang ito ang “mga taong nag-iisip na sila lang ang laging magaling.” Ito rin ang salitang ginamit ng Judiong manunulat na si Josephus nang ilarawan niya ang ilang awtor na Griego na mababa ang tingin sa mga Judio at naninira sa mga ito.

bagong kumberte: Ang salitang Griego na ginamit dito ni Pablo ay literal na nangangahulugang “bagong tanim.” Pero sa makasagisag na diwa, tumutukoy ito sa isang tao na bago lang naging Kristiyano. (Ihambing ang 1Co 3:6-8, kung saan inihalintulad ni Pablo sa pagtatanim ang paggawa ng alagad.) Dito, malinaw na ipinakita ni Pablo na ang aatasang tagapangasiwa ay dapat na isang maygulang na Kristiyano na at hindi bagong kumberte.

magmalaki: Tingnan ang study note sa 2Ti 3:4.

at tumanggap ng hatol na katulad ng sa Diyablo: Ginamit na babala dito ni Pablo ang nangyari sa perpektong espiritu na naging si Satanas na Diyablo. Sa halip na gampanan ang atas na ibinigay sa kaniya ng Diyos, ‘nagmalaki siya.’ Dahil sa pagmamataas at ambisyon niya, nagkasala siya at tumanggap ng hatol. Kaya ipinapakita dito ni Pablo na bago bigyan ng awtoridad ang isang lalaki bilang tagapangasiwa ng kongregasyong Kristiyano, kailangan ng panahon para mapatunayan niyang talagang mapagpakumbaba siya. Tinutularan ng isang taong mapagpakumbaba si Jesus, na hindi naghangad ng higit na awtoridad.—Fil 2:5-8; Heb 5:8-10.

magdala ng kahihiyan at mahulog sa bitag ng Diyablo: Ang isang Kristiyanong aatasan bilang tagapangasiwa ay dapat na may ‘magandang reputasyon’ sa mga di-kapananampalataya. Kung aatasan pa rin siya kahit pangit ang reputasyon niya, magdadala siya ng kahihiyan sa sarili niya, sa kongregasyon, at lalo na kay Jehova. Nanganganib din siyang mahulog sa bitag ng Diyablo, gaya ng pagmamataas o ambisyon, na puwedeng magtulak sa kaniya na sumuway sa Diyos. (1Ti 3:6; 2Ti 2:26) Ang sinabi ni Pablo ay puwede ring mangahulugan na ang ‘pagdadala ng kahihiyan’ ay bahagi ng “bitag” ng Diyablo. Tiyak na tuwang-tuwa si Satanas na makitang masira ang pangalan ng kongregasyong Kristiyano dahil sa pangit na reputasyon ng isang tagapangasiwa.

lingkod: O “ministro.” Kadalasan nang ginagamit ng Bibliya ang salitang Griego na di·aʹko·nos para tumukoy sa mga patuloy na naglilingkod sa iba nang mapagpakumbaba. Ginamit ang termino para tumukoy kay Kristo (Ro 15:8), sa mga lingkod ni Kristo (1Co 3:5-7; Col 1:23), mga ministeryal na lingkod (Fil 1:1; 1Ti 3:8), mga alipin sa sambahayan (Ju 2:5, 9), at mga opisyal ng pamahalaan (Ro 13:4).

mga ministeryal na lingkod: O “mga katulong.” Ang salitang Griego na di·aʹko·nos, na literal na nangangahulugang “lingkod,” ay ginamit dito para tumukoy sa inatasang “mga ministeryal na lingkod” sa kongregasyong Kristiyano. Ganito rin ang pagkakagamit ng terminong ito sa 1Ti 3:8, 12. Ang ginamit na termino ni Pablo ay nasa anyong pangmaramihan, kaya ipinapakita nito na sa isang kongregasyon, maraming ganitong lingkod na gumaganap ng iba’t ibang atas para makatulong sa mga tagapangasiwa. May mga Bibliya na gumamit sa talatang ito ng mga titulong “mga obispo at mga diyakono,” sa halip na “mga tagapangasiwa at mga ministeryal na lingkod,” para masuportahan ang itinuturo ng Sangkakristiyanuhan na may nakakataas na mga posisyon sa kongregasyong Kristiyano noong unang siglo. Pero ipinapakita ng tumpak na mga salin na hindi nagiging mataas ang isang Kristiyano kapag nabibigyan siya ng mga pananagutan sa kongregasyon. Idinidiin ng saling “mga ministeryal na lingkod” na naglilingkod ang masisipag na lalaking ito sa kongregasyon.

ministeryal na lingkod: O “katulong.” Galing ito sa salitang Griego na di·aʹko·nos, na karaniwang isinasaling “ministro” o “lingkod.” Sa konteksto, tumutukoy ang salitang ito sa mga inatasang maging lingkod sa kongregasyon at katulong ng lupon ng matatanda. Lumilitaw na para makapagpokus ang matatandang lalaki sa pagtuturo at pagpapastol, sila ang gumagawa ng iba pang mahahalagang gawain sa kongregasyon.—Tingnan sa Glosari, “Ministeryal na lingkod”; study note sa Fil 1:1; tingnan din ang study note sa Mat 20:26.

seryoso: Ang salitang Griego na isinaling “seryoso” sa 1Ti 3:8, 11, at Tit 2:2 ay puwede ring isaling “karapat-dapat igalang,” “kagalang-galang,” o “marangal.” Para maatasan bilang ministeryal na lingkod, dapat na kumilos nang kagalang-galang ang isang lalaki para irespeto siya ng mga tao. Dapat na maaasahan siya at responsable sa pagganap sa mga atas niya.

mapanlinlang ang pananalita: Lit., “dalawa ang dila.” Ang ekspresyong ginamit dito ni Pablo ay tumutukoy sa pagiging mapagpanggap. Hindi puwedeng maging ganiyan ang isang ministeryal na lingkod o tagapangasiwa. Hindi siya dapat mambola o manlinlang para sa kapakinabangan niya. Hindi rin tamang magsabi siya ng isang bagay sa isang tao at kabaligtaran nito ang sasabihin niya sa iba. (Kaw 3:32; San 3:17) Sa halip, dapat na tapat siya at mapagkakatiwalaan ang sinasabi niya.

sakim sa pakinabang: Ang ekspresyong ito (na makikita rin sa Tit 1:7) ay tumutukoy sa isa na “kahiya-hiya ang pagkagahaman sa materyal na pakinabang,” ayon sa isang diksyunaryo. (Ihambing ang 1Ti 3:3; 1Pe 5:2.) Kapag maibigin sa pera ang isa, nanganganib ang kaugnayan niya kay Jehova. Hindi rin magmamana ng Kaharian ng Diyos ang taong sakim. (1Co 6:9, 10; 1Ti 6:9, 10) Kaya naman hindi puwedeng maging tagapangasiwa o ministeryal na lingkod ang gayong tao. Malamang na samantalahin niya ang tiwala ng mga kapatid niya. Halimbawa, puwedeng ipagkatiwala sa inatasang mga lalaki ang paghawak sa pondo ng kongregasyon at paggamit nito para tulungan ang mga nangangailangan. Kung sila ay “sakim sa pakinabang,” matutukso silang magnakaw sa pondo. Hindi lang ito makakasamâ sa kongregasyon, kundi makakapagpagalit pa kay Jehova.—Ju 12:4-6.

konsensiya: O “budhi.” Ang salitang Griego na sy·neiʹde·sis ay mula sa mga salitang syn (kasama) at eiʹde·sis (kaalaman). Kaya ang terminong Griego ay literal na nangangahulugang “kasamang kaalaman” o “kaalaman sa sarili.” Ipinapaliwanag dito ni Pablo na kahit ang mga tao na walang alam sa kautusan ng Diyos ay may konsensiya, o kakayahang suriin ang sarili at masabi kung tama o mali ang ginagawa niya. Pero gagana lang nang tama ang konsensiya kung sinanay ito sa Salita ng Diyos at nakaayon sa kalooban Niya. Ipinapakita ng Kasulatan na hindi lahat ng konsensiya ay gumagana nang tama. Ang isang tao ay puwedeng magkaroon ng konsensiya na mahina (1Co 8:12), manhid (1Ti 4:2), o nadumhan (Tit 1:15). Ganito ang sinabi ni Pablo tungkol sa sarili niyang konsensiya: “Sa pamamagitan ng banal na espiritu, nagpapatotoo ang konsensiya ko.” (Ro 9:1) Laging sinisikap ni Pablo na “magkaroon ng malinis na konsensiya sa harap ng Diyos at mga tao.”​—Gaw 24:16.

sagradong lihim ng pananampalataya: Lumilitaw na tumutukoy ito sa mga katotohanang pinaniniwalaan ng mga Kristiyano. Ang mga katotohanang ito ay lihim; ibig sabihin, hindi ito alam noon ng mga tagasunod ng Anak ng Diyos hanggang sa isiwalat ito sa kanila ng Ama. Kaya hindi lang basta pag-alalay sa matatandang lalaki ang ginagawa ng isang ministeryal na lingkod. Kailangan niya ring manghawakan sa isiniwalat na katotohanan. Dapat na gusto at kaya niyang ipagtanggol ang mga katotohanang ito.

malinis na konsensiya: Tingnan ang study note sa Ro 2:15.

Ang mga babae ay dapat ding: Nang banggitin ni Pablo ang mga kuwalipikasyon para sa inatasang mga lalaki, bumanggit din siya ng katulad na mga katangiang inaasahan sa mga babaeng Kristiyano. Ang salitang Griego na ginamit dito ay puwedeng tumukoy sa mga babae o mga asawang babae. (1Ti 3:2, 12) Kaya ang sumunod na payo ay para sa lahat ng babaeng Kristiyano, lalo na sa asawa ng mga may pananagutan sa kongregasyon.

asawa ng isang babae: Bago ibinigay ni Pablo ang mga tagubiling ito, naibalik na ni Jesus ang orihinal na pamantayan ni Jehova na magkaroon lang ng isang asawa. (Mat 19:4-6) Kaya hindi puwedeng magkaroon ng maraming asawa ang isang tagapangasiwang Kristiyano, kahit pa pinahihintulutan ng Kautusang Mosaiko ang poligamya at karaniwan lang ito sa mga di-Kristiyano. Karaniwan din noon ang diborsiyo at pag-aasawang muli, kahit sa mga Judio. Pero itinuro ni Jesus na hindi puwedeng makipagdiborsiyo ang isang lalaki sa asawa niya at mag-asawa ng iba kung walang makakasulatang basehan. (Mat 5:32; 19:9) Para sa lahat ng Kristiyano ang pamantayang ito, pero dapat na maging huwaran dito ang mga tagapangasiwa at ministeryal na lingkod. (1Ti 3:12) Isa pa, dapat na manatiling malinis sa moral ang isang tagapangasiwa at tapat sa asawa niya.—Heb 13:4.

namumuno sa sarili niyang pamilya sa mahusay na paraan: Makikita sa talata 5 kung ano ang ibig sabihin ng ekspresyong “namumuno.” Doon, ang ‘pangangalaga’ ng isang tagapangasiwa sa “kongregasyon ng Diyos” ay inihalintulad ni Pablo sa pamumuno, o pangangasiwa, ng asawang lalaki sa pamilya nito. (1Ti 3:5) Ayon sa isang reperensiya, ang pandiwang isinalin sa talatang iyon na “aalagaan” ay “tumutukoy sa pangunguna (pagpatnubay) at pangangalaga.” Kaya ipinapakita sa konteksto na ang isang asawa at ama ay hindi dapat maging isang malupit na ulo o diktador, kundi isang lalaki na nagmamahal at nangangalaga sa pamilya niya.—Tingnan ang study note sa 1Ti 3:5.

asawa ng isang babae: Tingnan ang study note sa 1Ti 3:2.

namumuno . . . sa mahusay na paraan: Tingnan ang study note sa 1Ti 3:4.

Nakakausap ko kayo nang tapatan: O “Nakakausap ko kayo nang malaya (walang takot).” Ang salitang Griego na par·re·siʹa ay pangunahin nang nangangahulugang “katapangan sa pagsasalita.” Puwede rin itong isaling “May kalayaan ako sa pagsasalita sa inyo.”—Tingnan ang study note sa Gaw 28:31.

malaking kalayaan sa pagsasalita: Tingnan ang study note sa 2Co 7:4.

mga kapananampalataya natin: O “mga kapatid natin; mga may kaugnayan sa atin sa pananampalataya.” Ang salitang Griego na isinaling “mga may kaugnayan” ay ginagamit kapag tinutukoy ang mga miyembro ng isang pamilya, o sambahayan. (1Ti 5:8) Sa mga Griego at Romano noon, ang isang sambahayan ay binubuo ng mga taong malalapít sa isa’t isa at magkakatulad ang paniniwala at layunin. At ganiyang-ganiyan nga ang unang siglong mga Kristiyano. Kadalasan nang nagtitipon sila sa bahay ng mga kapatid nila (Ro 16:3-5), at malapít sila sa isa’t isa dahil sa kanilang pananampalataya.—Efe 2:19.

mga miyembro na ng sambahayan ng Diyos: Ginamit ni Pablo ang ekspresyong “mga miyembro . . . ng sambahayan” para ipakitang ang mga miyembro ng kongregasyong Kristiyano ay gaya ng isang pamilyang malapít sa isa’t isa. (1Ti 3:15) Sa isang makadiyos na pamilya, iginagalang ng mga miyembro ang ulo, pati na ang mga patakaran at pamantayang itinakda niya para sa pamilya. Sa katulad na paraan, malapít din sa isa’t isa ang mga miyembro ng mga kongregasyon noong unang siglo at iginagalang nila ang mga kaayusan ni Jehova sa kongregasyon.—Tingnan ang study note sa Gal 6:10.

haligi: Kung paanong sinusuportahan ng literal na haligi ang isang istraktura, ang mga lalaking tinawag ditong haligi ay sumusuporta at nagpapatatag sa kongregasyon. Ginamit din ang salitang ito nang ilarawan ang kongregasyong Kristiyano bilang “isang haligi at pundasyon ng katotohanan” (1Ti 3:15) at ang mga binti ng isang anghel na gaya ng “mga haliging apoy” (Apo 10:1-3). Maituturing na mga haligi sina Santiago, Cefas, at Juan—matatag sila, malakas sa espirituwal, at maaasahan ng kongregasyon.

sambahayan ng Diyos: Tinawag ni Pablo na “sambahayan ng Diyos” ang buong kongregasyon ng pinahirang mga Kristiyano. Maraming beses ginamit ang paglalarawang ito sa Kristiyanong Griegong Kasulatan. (Tingnan ang study note sa Gal 6:10; Efe 2:19.) Ipinapakita nito na ang mga Kristiyano ay gaya ng isang pamilya na masaya at malapít sa isa’t isa.

buháy na Diyos: Madalas gamitin sa Hebreong Kasulatan ang ganitong paglalarawan sa Diyos. (Deu 5:26; 1Sa 17:26, 36; Isa 37:4, 17) Sa kontekstong ito, ipinakita ni Pablo ang kaibahan ni Jehova, ang “buháy na Diyos,” sa walang-buhay na mga idolong sinasamba ng mga pagano sa Efeso at sa iba pang lugar. Posibleng ginamit din ni Pablo ang ekspresyong ito para ipaalala sa mga Kristiyano na nakahihigit ang pagsamba nila.

isang haligi at pundasyon ng katotohanan: Gumamit si Pablo ng dalawang terminong pang-arkitektura para ilarawan ang kongregasyong Kristiyano. Ang matitibay na haligi ay makikita sa maraming malalaking gusali noong panahon ni Pablo; kadalasan nang sinusuportahan ng mga ito ang mabibigat na bubong. Malamang na nasa isip ni Pablo ang templo sa Jerusalem o iba pang malalaking gusali sa Efeso, kung saan nakatira si Timoteo nang panahong iyon. (Ginamit din ni Pablo ang terminong “haligi” sa Gal 2:9. Tingnan ang study note.) Dito sa 1Ti 3:15, tinawag ni Pablo ang buong kongregasyong Kristiyano na isang haliging sumusuporta sa katotohanan. Ginamit din ni Pablo ang isa pang salitang Griego na isinalin namang “pundasyon,” na puwede ring isaling “tanggulan.” Ginamit ni Pablo ang dalawang salitang ito para idiin na dapat suportahan at ipagtanggol ng kongregasyon ang sagradong mga katotohanan sa Salita ng Diyos. Partikular nang pinapayuhan ang mga tagapangasiwa sa kongregasyon na ‘gamitin nang tama ang salita ng katotohanan.’ (2Ti 2:15) Gusto ni Pablo na magawa agad ito ni Timoteo. Kailangan niyang gawin ang lahat ng makakaya niya para mapatibay ang kongregasyon bago lumaganap ang apostasya.

ipinangangaral sa lahat ng nilalang sa buong lupa: Lit., “ipinangangaral sa lahat ng nilalang sa silong ng langit.” Hindi naman sinasabi dito ni Pablo na literal na nakarating ang mabuting balita sa lahat ng lupain sa buong mundo. Ipinapakita lang niya na napakalawak ng naabot ng mabuting balita. (Ro 1:8; Col 1:6) Noong isinulat ni Pablo ang liham niya sa mga taga-Colosas, lumaganap na ang mensahe ng Kaharian sa Imperyo ng Roma at sa iba pang lupain. Sa katunayan, halos 30 taon bago nito, dinala ng mga Judio at proselita na yumakap sa Kristiyanismo noong Pentecostes 33 C.E. ang mensahe sa Parthia, Elam, Media, Mesopotamia, Arabia, Asia Minor, mga lugar sa Libya malapit sa Cirene, Roma, at posibleng sa iba pang lupain—ang saklaw ng “mundo” na alam ng mga mambabasa ni Pablo noon. (Gaw 2:1, 8-11, 41, 42) Makikita din sa sinabi ni Pablo sa Roma kabanata 15 na ang sinabi niya dito ay hindi dapat unawain nang literal. Doon, binanggit niyang kailangan pang makaabot ang mabuting balita sa Espanya.—Ro 15:20, 23, 24.

ang sagradong lihim ng makadiyos na debosyon: Sa Kasulatan, dito lang lumitaw nang magkasama ang mga ekspresyong “sagradong lihim” at “makadiyos na debosyon.” (Tingnan ang study note sa Mat 13:11; 1Ti 4:7.) Ito ang tinutukoy ni Pablo na sagradong lihim: May tao bang makakapagpakita ng perpektong debosyon sa Diyos sa buong buhay niya? Hindi ito nagawa ni Adan nang magrebelde siya kay Jehova sa Eden. Kaya napakahalaga ng tanong na ito para sa mga inapo niya. Sa loob ng mga 4,000 taon, nanatiling lihim ang sagot sa tanong na ito. Walang isa man sa di-perpektong inapo nina Adan at Eva ang nakapagpakita ng perpektong katapatan. (Aw 51:5; Ec 7:20; Ro 3:23) Pero si Jesus, na isang perpektong tao na gaya ni Adan, ay nakapagpakita ng makadiyos na debosyon sa lahat ng inisip, sinabi, at ginawa niya, kahit sa harap ng pinakamatitinding pagsubok. (Heb 4:15; tingnan ang study note sa 1Co 15:45.) Tapat at malapít kay Jehova si Jesus dahil tunay at di-makasarili ang pagmamahal niya sa Diyos. Ang perpektong makadiyos na debosyon na ipinakita ni Jesus ang sagot sa sagradong lihim na ito.

makadiyos na debosyon: Para sa paliwanag sa ekspresyong “makadiyos na debosyon,” tingnan ang study note sa 1Ti 4:7; tingnan din ang study note sa 1Ti 2:2.

‘Siya ay . . . niluwalhati’: Posibleng ang nasa loob ng panipi ay galing sa isang kilaláng kasabihan o sa isang awit na kinakanta ng mga Kristiyano noong unang siglo. (Ihambing ang study note sa Efe 5:19.) Ganito ang naging konklusyon ng mga iskolar dahil sa pagkakabuo ng pangungusap at paggamit ng mga paghahalintulad sa orihinal na tekstong Griego.

naging tao: Lit., “nahayag sa laman.” Lumilitaw na ginamit ang ekspresyong ito para kay Jesus mula nang bautismuhan siya sa Ilog Jordan. (Tingnan ang study note sa Mat 3:17.) Nang pagkakataong iyon, si Jesus ng Nazaret ay naging ang Mesiyas, o ang Pinahiran ni Jehova. Kahit na sa langit nanggaling si Jesus, naging perpektong tao siya na may laman at dugo, at madalas niyang tawagin ang sarili niya na “Anak ng tao.”—Mat 8:20; tingnan sa Glosari, “Anak ng tao.”

ipinahayag na matuwid sa espiritu: Tumutukoy ang pariralang ito sa panahon kung kailan binuhay-muli ni Jehova ang Anak niya bilang espiritu. (1Pe 3:18) Nang gawin ito ni Jehova, binigyan niya si Jesus ng imortal na buhay. (Ro 6:9; 1Ti 6:16) Sa ganitong paraan, kinumpirma ng Diyos na naging tapat si Jesus sa lahat ng bagay.—Tingnan ang study note sa Ro 1:4.

nagpakita sa mga anghel: Pagkabuhay-muli kay Jesus, nagpakita siya sa di-tapat na mga anghel, o sa mga demonyo, para ihayag sa kanila ang hatol ng Diyos. (1Pe 3:18-20) Ang mga anghel na ito na nagrebelde noong panahon ni Noe ay nakagapos na ngayon sa makasagisag na paraan. Nasa espirituwal na kadiliman sila, at lumilitaw na hindi na sila puwedeng magkatawang-tao.—2Pe 2:4; Jud 6.

ipinangaral sa mga bansa: Pagkatapos ng Pentecostes 33 C.E., nagsimulang mangaral ang mga Kristiyano sa mga tuling Judio at proselita, kahit pa nakatira ang ilan sa mga ito sa mga bansang Gentil. (Gaw 2:5-11) Nang maglaon, nangaral na rin sila sa mga Samaritano. (Gaw 8:5-17, 25) At noong 36 C.E., nagpatotoo si Pedro kay Cornelio at sa iba pang di-tuling Gentil na nasa bahay nito. (Gaw 10:24, 34-43) Pagkatapos, ipinangaral din ni Pablo, ni Timoteo, at ng iba pang misyonero ang mabuting balita sa Asia Minor at Europa. (Gaw 16:10-12) Noong mga 60-61 C.E., sinabi ni Pablo na ang mensaheng dala ng mga Kristiyano ay ‘naipangaral na sa lahat ng nilalang sa buong lupa.’—Col 1:23 at study note; tingnan din ang Gaw 17:6; Ro 1:8, 24, 28; Col 1:6; Ap. B13; at Media Gallery, “Pentecostes 33 C.E. at ang Paglaganap ng Mabuting Balita.”

pinaniwalaan sa sanlibutan: Ipinangaral ng mga Kristiyano noong unang siglo ang mabuting balita tungkol kay Jesus “hanggang sa pinakamalayong bahagi ng lupa.” (Gaw 1:8 at study note) Kaya naging mánanampalatayá ang mga tao sa iba’t ibang bahagi ng mundo. Halimbawa, binabanggit sa aklat ng Gawa na nagkaroon ng bagong mga mánanampalatayá sa Antioquia ng Pisidia, Listra, Iconio (Gaw 13:48; 14:21, 23), Filipos (Gaw 16:12, 33, 34), Tesalonica (Gaw 17:1, 4), Berea (Gaw 17:10-12), Atenas (Gaw 17:16, 34), at Efeso (Gaw 19:17-20).

tinanggap sa langit at niluwalhati: Tinutukoy dito ni Pablo ang pag-akyat ni Jesus sa langit. (Gaw 1:9, 10) Inilagay siya ni Jehova sa Kaniyang kanan at binigyan ng kaluwalhatiang nakahihigit kaysa sa lahat ng iba pang nilalang sa buong uniberso.—Mat 28:18; Ju 17:5; Fil 2:9; Heb 1:3, 4.

hanggang sa pinakamalayong bahagi ng lupa: O “hanggang sa pinakadulo ng lupa.” Ang ekspresyong ito sa Griego ay ginamit din sa hula sa Gaw 13:47 na sinipi mula sa Isa 49:6, at ito rin ang ekspresyong ginamit ng Griegong Septuagint sa tekstong iyon. Nang sabihin ni Jesus ang nasa Gaw 1:8, posibleng ang nasa isip niya ay ang hulang iyon, na nagsasabing ang lingkod ni Jehova ay magiging “liwanag ng mga bansa” para ang pagliligtas ay umabot sa “mga dulo ng lupa.” Kaayon ito ng naunang sinabi ni Jesus na ang gagawin ng mga tagasunod niya ay “makahihigit” sa mga ginawa niya. (Tingnan ang study note sa Ju 14:12.) Kaayon din ito ng paglalarawan ni Jesus sa pambuong-daigdig na pangangaral ng mga Kristiyano.—Tingnan ang study note sa Mat 24:14; 26:13; 28:19.

Ito ang Anak ko: Bilang espiritung nilalang, si Jesus ay Anak ng Diyos. (Ju 3:16) Mula nang isilang bilang tao, si Jesus ay “anak ng Diyos,” gaya ni Adan nang perpekto pa siya. (Luc 1:35; 3:38) Pero makatuwirang isipin na hindi lang iyan ang ibig sabihin ng Diyos sa pagkakataong ito. Nang sabihin niya ito, kasabay ng pagbubuhos ng banal na espiritu, maliwanag na ipinakita ng Diyos na si Jesus ang kaniyang Anak na ipinanganak sa pamamagitan ng espiritu—“ipinanganak-muli” na may pag-asang mabuhay muli sa langit at pinahiran ng espiritu ng Diyos para maging Hari at Mataas na Saserdote.—Ju 3:3-6; 6:51; ihambing ang Luc 1:31-33; Heb 2:17; 5:1, 4-10; 7:1-3.

ipinahayag: O “napatunayan.” Dito, sinasabi ni Pablo na napatunayang Anak ng Diyos si Jesus nang buhayin siyang muli. Sa Gaw 13:33, ipinaliwanag ni Pablo na ang pagbuhay-muli kay Jesus ay katuparan ng nakasulat sa Aw 2:7. Natupad din ang sinasabi sa talatang iyan noong bautismuhan si Jesus at sabihin ng Ama niya: “Ito ang Anak ko.”​—Tingnan ang study note sa Mat 3:17.

mga sagradong lihim: Ang salitang Griego na my·steʹri·on ay 25 beses na isinaling “sagradong lihim” sa Bagong Sanlibutang Salin. Dahil nasa anyong pangmaramihan ito, tumutukoy ito sa mga bahagi ng layunin ng Diyos na nanatiling lihim hanggang sa lubusan itong isiwalat ng Diyos. At isinisiwalat lang ito ng Diyos sa mga pinili niyang makaunawa nito. (Col 1:25, 26) Kapag naisiwalat na, ang mga sagradong lihim ng Diyos ay inihahayag sa pinakamaraming tao hangga’t posible. Masasabi natin iyan dahil ginamit sa Bibliya ang mga terminong “inihahayag,” “maihayag,” “ipaalám,” “isiniwalat,” at “pangangaral” na kaugnay ng ekspresyong “sagradong lihim.” (1Co 2:1; Efe 1:9; 3:3; Col 1:25, 26; 4:3) Ang pangunahing “sagradong lihim ng Diyos” ay nakasentro sa pagkakakilanlan ni Jesu-Kristo bilang ang ipinangakong “supling,” o Mesiyas. (Col 2:2; Gen 3:15) Pero maraming bahagi ang sagradong lihim na ito, gaya ng papel na ginagampanan ni Jesus sa layunin ng Diyos. (Col 4:3) Ipinakita ni Jesus sa tekstong ito na ang “mga sagradong lihim” ay kaugnay ng Kaharian ng langit, o “Kaharian ng Diyos,” ang gobyerno sa langit kung saan namamahala si Jesus bilang Hari. (Mar 4:11; Luc 8:10; tingnan ang study note sa Mat 3:2.) Iba ang pagkakagamit ng Kristiyanong Griegong Kasulatan sa my·steʹri·on sa pagkakagamit dito ng sinaunang mga kulto. Ang mga kultong iyon, na karaniwan nang may kaugnayan sa pag-aanak na lumaganap noong unang siglo C.E., ay nangangako sa mga miyembro nito na makakatanggap sila ng imortalidad at direktang pagsisiwalat at na makakalapit sila sa mga diyos sa pamamagitan ng mga ritwal. Maliwanag na hindi batay sa katotohanan ang gayong mga lihim. Ang mga umaanib sa mga kultong iyon ay nananatang hindi nila sasabihin kahit kanino ang mga lihim kaya nananatili itong misteryo. Kabaligtaran iyan ng ginagawa ng mga Kristiyano na paghahayag ng mga sagradong lihim. Kapag ginamit ng Kasulatan ang terminong ito may kaugnayan sa huwad na pagsamba, isinasalin itong “palihim” o “misteryo” sa Bagong Sanlibutang Salin.—Para sa tatlong paglitaw ng my·steʹri·on na isinaling “palihim” o “misteryo,” tingnan ang study note sa 2Te 2:7; Apo 17:5, 7.

makadiyos na debosyon: Ang salitang Griego na ginamit dito (eu·seʹbei·a) ay tumutukoy sa matinding paggalang at paghanga sa Diyos na ipinapakita ng isang Kristiyano sa pamamagitan ng paglilingkod nang tapat at lubusang pagsunod sa Diyos. Malawak ang kahulugan ng salitang ito; tumutukoy rin ito sa tapat na pag-ibig o malapít na kaugnayan sa Diyos ng isang tao na nag-uudyok sa kaniya na gawin ang gusto ng Diyos. Kaya binanggit sa isang diksyunaryo na ang pinakadiwa talaga ng salitang ito ay “mamuhay sa paraang gusto ng Diyos.” Ipinakita rin ni Pablo na hindi tayo ipinanganak na may makadiyos na debosyon. Kaya pinayuhan niya si Timoteo na magsikap nang husto gaya ng isang atleta para mapasulong pa ang ganitong katangian. Sa naunang bahagi ng liham na ito, ipinaalala ni Pablo kay Timoteo na si Jesu-Kristo ang pinakamahusay na halimbawa sa pagpapakita ng makadiyos na debosyon.—Tingnan ang study note sa 1Ti 3:16.

Ang unang taong si Adan . . . Ang huling Adan: Sa unang bahagi ng talata, sinipi ni Pablo ang Gen 2:7 (“ang tao ay nagkaroon ng buhay”), pero idinagdag niya ang mga salitang “unang” at “Adan.” Sa ikalawang bahagi ng talata, tinawag naman niya si Jesus na “ang huling Adan.” At sa 1Co 15:47, tinawag ni Pablo na “unang tao” si Adan at “ikalawang tao” naman si Jesus. Sumuway ang unang Adan sa kaniyang Ama at Tagapagbigay-Buhay; pero lubusang sumunod sa Kaniya ang huling Adan. Naipasa ng unang Adan sa mga supling niya ang kasalanan; ibinigay naman ng huling Adan ang buhay niya bilang tao para matubos sila sa kasalanan. (Ro 5:12, 18, 19) Pagkatapos, binuhay-muli ni Jehova si Jesus bilang espiritu. (1Pe 3:18) Perpektong tao si Jesus gaya ni Adan, kaya kaayon ng pamantayan ni Jehova sa katarungan, puwede Niyang tanggapin ang hain ni Jesus bilang “pantubos” sa mga inapo ni Adan. Dahil sa pantubos na ito, maibabalik sa mga tao ang buhay na naiwala ni Adan. (1Ti 2:5, 6) Kaya tama lang na tawagin si Jesus na “ang huling Adan,” dahil ipinapakita ng terminong ito na hindi na kailangan ng isa pang Adan pagkatapos niya.—Ihambing ang study note sa Luc 3:38; Ro 5:14.

makadiyos na debosyon: Ang salitang Griego na ginamit dito (eu·seʹbei·a) ay tumutukoy sa matinding paggalang at paghanga sa Diyos na ipinapakita ng isang Kristiyano sa pamamagitan ng paglilingkod nang tapat at lubusang pagsunod sa Diyos. Malawak ang kahulugan ng salitang ito; tumutukoy rin ito sa tapat na pag-ibig o malapít na kaugnayan sa Diyos ng isang tao na nag-uudyok sa kaniya na gawin ang gusto ng Diyos. Kaya binanggit sa isang diksyunaryo na ang pinakadiwa talaga ng salitang ito ay “mamuhay sa paraang gusto ng Diyos.” Ipinakita rin ni Pablo na hindi tayo ipinanganak na may makadiyos na debosyon. Kaya pinayuhan niya si Timoteo na magsikap nang husto gaya ng isang atleta para mapasulong pa ang ganitong katangian. Sa naunang bahagi ng liham na ito, ipinaalala ni Pablo kay Timoteo na si Jesu-Kristo ang pinakamahusay na halimbawa sa pagpapakita ng makadiyos na debosyon.—Tingnan ang study note sa 1Ti 3:16.

makadiyos na debosyon: Ang terminong Griego na ginamit dito (eu·seʹbei·a) ay tumutukoy sa matinding paggalang sa Diyos. (Para sa paliwanag sa ekspresyong Griego na isinalin ditong “makadiyos na debosyon,” tingnan ang study note sa 1Ti 4:7.) Ginamit din sa Septuagint ang salitang Griegong ito. Halimbawa, lumitaw ito sa Isa 11:2 at 33:6, kung saan ginamit sa tekstong Hebreo ang “pagkatakot kay Jehova,” na tumutukoy rin sa matinding paggalang sa Diyos na Jehova. Nang isalin ang 1Ti 2:2 sa Syriac (ang Peshitta) noong ikalimang siglo C.E., ang terminong Griegong ito ay isinaling “matinding paggalang sa Diyos,” kung saan sadyang isinama ang salitang “Diyos.” Nang maglaon, sa ilang Hebreong salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan, isinalin ang eu·seʹbei·a na “pagkatakot kay Jehova” sa talatang ito at sa iba pang teksto kung saan ito lumitaw. (1Ti 3:16; 4:7, 8; 6:3, 6, 11) Pero naniniwala ang New World Bible Translation Committee na walang sapat na basehan ang paggamit ng pangalan ng Diyos sa mismong teksto ng talatang ito.—Tingnan ang Ap. C, kung saan ipinaliwanag ang mga dahilan sa pagbabalik ng pangalan ng Diyos sa ilang talata; ihambing ang study note sa Ro 10:12.

mga salmo, papuri sa Diyos, at espirituwal na mga awit: Naging bahagi rin ng pagsamba ng unang-siglong mga Kristiyano ang pag-awit ng papuri kay Jehova. Ang salitang Griego para sa “salmo” (psal·mosʹ), na ginamit din sa Luc 20:42; 24:44; at Gaw 13:33, ay tumutukoy sa mga awit sa Hebreong Kasulatan. Pero may mga nagawa ring awit ang mga Kristiyano noon—mga “papuri sa Diyos,” o himno, at “espirituwal na mga awit,” o mga awit tungkol sa espirituwal na mga bagay. Sa sulat ni Pablo sa mga taga-Colosas, pinayuhan niya ang mga Kristiyano na turuan at patibayin ang isa’t isa sa pamamagitan ng “mga salmo, papuri sa Diyos, at espirituwal na awit.”—Col 3:16.

Media

Nakipagkita si Timoteo sa Kapuwa Niya Matatandang Lalaki sa Efeso
Nakipagkita si Timoteo sa Kapuwa Niya Matatandang Lalaki sa Efeso

Nakatanggap ng liham si Timoteo mula kay apostol Pablo noong naglilingkod siya bilang matandang lalaki sa Efeso. (1Ti 1:3) Siguradong nakinabang nang husto si Timoteo at ang kapuwa niya matatandang lalaki sa liham na ito. Dito, binanggit ni Pablo ang mga kuwalipikasyon para makapaglingkod ang isang Kristiyano bilang matandang lalaki o ministeryal na lingkod sa kongregasyon. (Gaw 20:17, 28; 1Ti 3:1-10, 12, 13) Hinimok niya si Timoteo na “maging halimbawa” sa mga kapananampalataya niya at sumulong sa pangmadlang pagbabasa, pagpapayo, at pagtuturo. (1Ti 4:12, 13) Pinaalalahanan din ni Pablo si Timoteo na huwag pabayaan ang regalo, o atas, na ibinigay sa kaniya ng “lupon ng matatandang lalaki.”—1Ti 4:14.