Liham sa mga Taga-Roma 16:1-27

16  Ipinapakilala ko sa inyo ang kapatid nating si Febe, na naglilingkod sa kongregasyon sa Cencrea,+  para tanggapin ninyo siya bilang kapananampalataya sa Panginoon sa paraang karapat-dapat sa mga alagad* at para maibigay ninyo sa kaniya ang anumang tulong na kakailanganin niya,+ dahil siya rin mismo ay tumutulong sa marami, pati na sa akin.  Ikumusta ninyo ako kina Prisca at Aquila,+ na mga kamanggagawa ko kay Kristo Jesus  at nagsapanganib ng buhay nila para sa akin.+ At hindi lang ako ang nagpapasalamat sa kanila kundi pati ang lahat ng kongregasyon ng ibang mga bansa.  Kumusta rin sa kongregasyon na nagtitipon sa bahay nila;+ gayundin sa minamahal kong si Epeneto, na isa sa mga unang tagasunod ni Kristo sa Asia.*  Kumusta kay Maria, na matiyagang naglilingkod para sa inyo.  Kumusta kina Andronico at Junias na mga kamag-anak ko+ at kapuwa bilanggo, mga lalaking kilalang-kilala ng mga apostol at mas matatagal nang tagasunod ni Kristo kaysa sa akin.  Ikumusta ninyo ako kay Ampliato, na minamahal kong kapatid sa Panginoon.  Kumusta kay Urbano na kamanggagawa natin kay Kristo at sa minamahal kong si Estaquis. 10  Kumusta kay Apeles, na sinasang-ayunan ni Kristo. Kumusta sa mga nasa sambahayan ni Aristobulo. 11  Kumusta sa kamag-anak kong si Herodion. Kumusta sa mga nasa sambahayan ni Narciso na mga tagasunod ng Panginoon. 12  Kumusta kina Trifena at Trifosa, na matiyagang naglilingkod sa Panginoon. Kumusta sa minamahal nating si Persis, na matiyagang naglilingkod sa Panginoon. 13  Kumusta kay Rufo, na mahusay na lingkod ng Panginoon, at sa kaniyang ina, na para ko na ring ina. 14  Kumusta kina Asincrito, Flegonte, Hermes, Patrobas, Hermas, at sa mga kapatid na kasama nila. 15  Kumusta kina Filologo at Julia, kay Nereo at sa kapatid niyang babae, kay Olimpas, at sa lahat ng kapatid* na kasama nila. 16  Malugod ninyong batiin ang isa’t isa. Kinukumusta kayo ng lahat ng kongregasyon ng Kristo. 17  Hinihimok ko kayo ngayon, mga kapatid, na mag-ingat sa mga nagpapasimula ng pagkakabaha-bahagi at nagiging dahilan ng pagkatisod. Ang mga ginagawa nila ay salungat sa turo na inyong natutuhan, kaya iwasan ninyo sila.+ 18  Dahil ang gayong uri ng mga tao ay hindi alipin ng ating Panginoong Kristo, kundi ng sarili nilang mga pagnanasa, at inililigaw nila ang mga walang muwang* gamit ang kanilang mapanghikayat na pananalita at pambobola.+ 19  Masaya ako dahil napapansin ng lahat ang pagiging masunurin ninyo.+ Pero gusto kong maging marunong kayo pagdating sa mga bagay na mabuti, at inosente pagdating sa masama.+ 20  At malapit nang durugin ng Diyos na nagbibigay ng kapayapaan si Satanas+ sa ilalim ng inyong mga paa. Sumainyo nawa ang walang-kapantay* na kabaitan ng ating Panginoong Jesus. 21  Kinukumusta kayo ng kamanggagawa kong si Timoteo,+ gayundin ng mga kamag-anak kong+ sina Lucio, Jason, at Sosipatro. 22  Ako, si Tercio, na tagasulat ng liham na ito, ay bumabati sa inyo bilang kapananampalataya sa Panginoon. 23  Kinukumusta kayo ni Gayo,+ na tinutuluyan ko at na ang bahay ay pinagtitipunan ng kongregasyon. Kinukumusta kayo ni Erasto na ingat-yaman ng lunsod, pati ng kapatid niyang si Cuarto. 24  —— 25  Purihin nawa Siya na makapagpapatatag sa inyo kaayon ng mabuting balita na ipinahahayag ko at ng* pangangaral tungkol kay Jesu-Kristo, na kaayon ng isiniwalat tungkol sa sagradong lihim+ na itinago sa mahabang panahon 26  pero inihayag* na ngayon at ipinaalám na sa lahat ng bansa sa pamamagitan ng mga hula sa Kasulatan, na kaayon ng utos ng walang-hanggang Diyos na ang kalooban ay manampalataya sila at maging masunurin; 27  maibigay nawa sa Diyos, na tanging marunong,+ ang kaluwalhatian sa pamamagitan ni Jesu-Kristo magpakailanman. Amen.

Talababa

Lit., “banal.”
O “na unang bunga ng Asia para kay Kristo.”
Lit., “banal.”
Lit., “ang puso ng mga walang muwang.”
O “di-sana-nararapat.”
O posibleng “na ipinahahayag ko, ang.”
O “isiniwalat.”

Study Notes

aking ministeryo: Noong nasa lupa si Jesus, inatasan niya ang mga tagasunod niya na gumawa ng mga alagad mula sa mga tao ng lahat ng bansa. (Mat 28:19, 20) Tinawag ni Pablo ang gawaing ito na “ministeryo ng pakikipagkasundo.” Sinasabi ni Pablo sa mga taong malayo sa Diyos: “Nakikiusap kami: ‘Makipagkasundo kayo sa Diyos.’” (2Co 5:18-20) Ginawa ni Pablo ang lahat para makapangaral sa mga tao ng ibang mga bansa, pero gustong-gusto niya ring mapakilos ang ilang Judio para maligtas din sila. (Ro 11:14) Ang pangunahing kahulugan ng salitang Griego na di·a·ko·niʹa ay “paglilingkod,” at ang kaugnay na pandiwa nito ay ginagamit kung minsan sa Bibliya para tumukoy sa pagsisilbi sa iba, gaya ng paghahain ng pagkain. (Luc 4:39; 17:8; Ju 2:5) Dito, tumutukoy ito sa ministeryong Kristiyano. Mas mataas na anyo ito ng paglilingkod dahil sinasapatan nito ang espirituwal na pangangailangan ng iba.

Cencrea: Isa sa mga daungan ng Corinto. Makikita ito mga 11 km (7 mi) sa silangan ng Corinto, sa panig ng isang makitid na ismo na nakaharap sa Gulpong Saronic. Ang Cencrea ay ang daungan ng Corinto para sa mga nasa silangan ng Gresya, at ang Lechaeum naman, na nasa kabilang panig ng ismo, ang daungan ng Corinto para sa Italya at iba pang lugar sa kanluran ng Gresya. Sa kasalukuyan, may makikita ritong guho ng mga gusali at pangharang sa alon, malapit sa nayon ng Kehries (Kechriais) sa ngayon. Ayon sa Ro 16:1, may kongregasyong Kristiyano sa Cencrea.​—Tingnan ang Ap. B13.

Ipinapakilala ko: O “Inirerekomenda ko.” Lumilitaw na ipinakilala ni Pablo si Febe sa mga Kristiyano sa Roma para tanggapin nila siya at pahalagahan, gaya ng pagpapahalaga sa kaniya ni Pablo. (Ro 16:2) Ang salitang Griego na ginamit dito ni Pablo ay kaugnay ng terminong Griego na ginamit niya sa 2Co 3:1 sa ekspresyong “liham ng rekomendasyon.” Noong panahon ng Bibliya, ang ganitong mga liham ng rekomendasyon ay karaniwang paraan ng pagpapakilala sa isang tao. Posibleng si Febe, na isang ministro sa kongregasyon sa Cencrea, ang nagdala ng liham ni Pablo sa mga Kristiyano sa Roma.

naglilingkod: Malawak ang kahulugan ng salitang Griego na di·aʹko·nos. Nang sabihin ni Pablo na si Febe ay “naglilingkod sa kongregasyon,” lumilitaw na ang tinutukoy dito ni Pablo ay ang ministeryong Kristiyano, o ang pagpapalaganap ng mabuting balita. Ang pangangaral ng mabuting balita ay pananagutan ng lahat ng ministrong Kristiyano. (Ihambing ang Gaw 2:17, 18 sa study note sa Ro 11:13.) Ginamit din ang kaugnay na terminong di·a·ko·neʹo para sa mga babaeng naglingkod para mailaan ang pagkain at iba pang pangangailangan ni Jesus at ng mga tagasunod niya. (Luc 8:3) Dahil ginagamit kung minsan ang di·aʹko·nos para tumukoy sa isang atas, gaya ng pagiging isang “ministeryal na lingkod” sa kongregasyong Kristiyano (Fil 1:1; 1Ti 3:8, 12), ginamit ng ilang tagapagsalin ang terminong “diyakono” o “diyakonisa” dito sa Ro 16:1. Pero nang banggitin ng Bibliya ang kuwalipikasyon para sa mga “ministeryal na lingkod,” hindi nito sinabi na puwede rito ang mga babae. Sa halip, inilarawan nito ang isang ministeryal na lingkod na “asawa ng isang babae.” (1Ti 3:8-13) Kaya para sa maraming tagapagsalin, malawak ang pagkakagamit ng terminong ito sa talatang ito, at isinalin nila itong “naglilingkod” o “tumutulong.”

Cencrea: Isa sa mga daungan ng Corinto na makikita mga 11 km (7 mi) sa silangan ng Corinto. Pagkatapos manatili ni Pablo sa Corinto nang mahigit 18 buwan, naglayag siya mula Cencrea papuntang Efeso noong mga 52 C.E. (Tingnan ang study note sa Gaw 18:18.) Hindi sinasabi ng Bibliya kung kailan naitatag ang kongregasyong Kristiyano sa Cencrea. May mga nagsasabi na naitatag ito dahil sa matagal na pananatili ni Pablo sa Corinto, pero ang sigurado ay naitatag ito bago 56 C.E., kung kailan isinulat niya ang liham niya para sa mga taga-Roma.

tumutulong sa: O “tagapagtanggol ng.” Ang terminong Griego na ginamit dito, pro·staʹtis, ay pangunahin nang nangangahulugang “pumoprotekta.” Ipinapakita nito na gumagawa si Febe ng mabuti sa iba at tumutulong sa mga nangangailangan. Puwede rin itong mangahulugang aktibo siyang naghahanap ng matutulungan. Malayang nakakapaglakbay si Febe at nakakapaglingkod sa kongregasyon, kaya posibleng biyuda na siya at mayaman din. Kung gayon, posibleng nagamit niya ang estado niya sa lipunan para matulungan ang mga Kristiyano na pinaparatangan ng masama at maprotektahan sila.

Aquila: Ang tapat na Kristiyanong asawang ito, pati na ang tapat na asawa niyang si Priscila (kilalá ring Prisca), ay tinawag na “mga kamanggagawa” ni Pablo. (Ro 16:3) Anim na beses na lumitaw ang pangalan nila sa Kristiyanong Griegong Kasulatan (Gaw 18:18, 26; 1Co 16:19; 2Ti 4:19), at lagi silang binabanggit nang magkasama. Ang Priscila ay ang pangmaliit na anyo ng pangalang Prisca. Ang maikling anyo ay makikita sa isinulat ni Pablo, at ang mahaba naman ay sa isinulat ni Lucas. Karaniwan lang sa mga pangalang Romano na magkaroon ng higit sa isang anyo. Nanirahan sa Corinto sina Aquila at Priscila nang palayasin ni Emperador Claudio sa Roma ang mga Judio noong 49 C.E. o unang bahagi ng 50 C.E. Nang dumating si Pablo sa Corinto noong taglagas ng 50 C.E., nakatrabaho niya sa paggawa ng tolda ang mag-asawang ito. Tiyak na tinulungan nina Aquila at Priscila si Pablo sa pagpapatibay sa bagong kongregasyon doon. Si Aquila ay katutubo ng Ponto, isang rehiyon sa hilagang Asia Minor sa may baybayin ng Dagat na Itim.​—Tingnan ang Ap. B13.

Ikumusta ninyo ako: Mula dito hanggang sa talata 15, bumati si Pablo sa 26 na Kristiyano na pinangalanan niya at sa maraming iba pang indibidwal o grupo. Kitang-kitang pinapahalagahan ni Pablo ang mga Kristiyanong babae dahil espesipiko niyang binanggit ang walo sa mga kapatid niyang ito: sina Prisca, Maria, Trifena, Trifosa, Persis, at Julia, gayundin ang ina ni Rufo at kapatid ni Nereo. Nang mga panahong ito, prominente na si Pablo at maraming taon nang naglilingkod bilang apostol ng mga bansa. (Gaw 9:15; Ro 1:1; 11:13) Pero gaya ng makikita sa pagbati niya, nagpapakita pa rin siya ng personal na interes sa mga kapananampalataya niya.

Prisca at Aquila: Napalayas sa Roma ang tapat na mag-asawang ito dahil sa utos ni Emperador Claudio laban sa mga Judio noong 49 C.E. o unang bahagi ng 50 C.E. Namatay si Claudio noong 54 C.E., at nang isulat ni Pablo ang liham niya sa mga Kristiyano sa Roma, noong mga 56 C.E., nakabalik na roon sina Prisca at Aquila. (Tingnan ang study note sa Gaw 18:2.) Tinawag sila ni Pablo na mga kamanggagawa niya. Ang salitang Griego para sa “kamanggagawa,” sy·ner·gosʹ, ay lumitaw nang 12 beses sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, na ang karamihan ay makikita sa mga liham ni Pablo. (Ro 16:9, 21; Fil 2:25; 4:3; Col 4:11; Flm 1, 24) Kapansin-pansin na sa 1Co 3:9, sinabi ni Pablo: “Kami ay mga kamanggagawa ng Diyos.”

nagsapanganib ng buhay nila: May mga nagsasabi na ang ekspresyong Griego para dito, na literal na nangangahulugang “inilagay ang leeg nila sa ilalim,” ay galing sa ginagawa noong panahon ng Roma na pagpugot ng ulo. Tumutukoy ito sa isang nalalapit at kahindik-hindik na kamatayan. Sinabi ni Pablo na isinapanganib nina Aquila at Prisca (Priscila) ang buhay nila para mailigtas siya. May mga nagsasabi na nangyari ito nang magkagulo ang mga panday-pilak sa Efeso. (Gaw 19:28-31) Posibleng sa mapanganib na panahong ito, kung kailan naramdaman ni Pablo na mamamatay na siya, namagitan sina Aquila at Prisca at isinapanganib ang buhay nila. (2Co 1:8) Pero hindi malinaw na sinasabi ng Bibliya kung ano talaga ang pangyayaring tinutukoy dito ni Pablo.

akin: O “aking buhay.” Dito, ang salitang Griego na psy·kheʹ ay tumutukoy sa mismong tao o sa buhay ng isang tao.—Tingnan sa Glosari, “Nephesh; Psykhe.”

Maria: Katumbas ng pangalang Hebreo na “Miriam.” Anim na babae sa Kristiyanong Griegong Kasulatan ang may pangalang Maria: (1) Si Maria na ina ni Jesus, (2) si Maria Magdalena (Mat 27:56; Luc 8:2; 24:10), (3) si Maria na ina nina Santiago at Joses (Mat 27:56; Luc 24:10), (4) si Maria na kapatid nina Marta at Lazaro (Luc 10:39; Ju 11:1), (5) si Maria na ina ni Juan Marcos (Gaw 12:12), at (6) si Maria na taga-Roma (Ro 16:6). Noong panahon ni Jesus, Maria ang isa sa pinakakaraniwang pangalan ng mga babae.

Maria: Anim na babae sa Kristiyanong Griegong Kasulatan ang may pangalang Maria. Dito lang binanggit ang Maria na ito, na matiyagang naglilingkod para sa kongregasyong Kristiyano sa Roma ayon kay Pablo. Wala nang ibang sinasabi ang Bibliya tungkol sa kaniya.—Tingnan ang study note sa Luc 1:27.

niyakap nila si Pablo: Lit., “sumubsob sila sa leeg ni Pablo.” Sa Kasulatan, ang pagyakap na may kasamang paghalik at pag-iyak ay tanda ng matinding pagmamahal, at siguradong iyan ang nararamdaman ng matatandang lalaking ito para kay Pablo.—Tingnan din ang Gen 33:4; 45:14, 15; 46:29; Luc 15:20.

hinalikan: O “magiliw na hinalikan.” Napalapít si Pablo sa mga kapatid dahil sa mainit na pag-ibig niya para sa kanila. Sa Bibliya, kadalasan nang hinahalikan ng malapít na magkakaibigan ang isa’t isa. (Gen 27:26; 2Sa 19:39) Kung minsan, ang paghalik ay may kasamang mahigpit na yakap at pag-iyak. (Gen 33:4; 45:14, 15; Luc 15:20) Sinasabing ang terminong Griego na puwedeng isaling “magiliw na hinalikan” ay isang pinatinding anyo ng pandiwang phi·leʹo, na isinasalin kung minsan na “halikan” (Mat 26:48; Mar 14:44; Luc 22:47) pero mas madalas na nangangahulugang “mahalin” (Ju 5:20; 11:3; 16:27).—Ihambing ang study note sa Mat 26:49.

Malugod ninyong batiin ang isa’t isa: Lit., “Batiin ninyo ang isa’t isa ng banal na halik.” Sa apat na liham ni Pablo (dito at sa 1Co 16:20, tlb.; 2Co 13:12, tlb.; 1Te 5:26, tlb.), pinasigla niya ang mga kapuwa niya Kristiyano na batiin ang isa’t isa ng “banal na halik.” Gumamit din si apostol Pedro ng kahawig na ekspresyon: “Batiin ninyo ang isa’t isa ng halik ng pag-ibig.” (1Pe 5:14) Noong panahon ng Bibliya, ang paghalik ay tanda ng pagmamahal, paggalang, o kapayapaan. Normal lang ang paghalik kapag bumabati o nagpapaalam. (Ru 1:14; Luc 7:45) Karaniwan itong ginagawa ng babae at lalaking magkamag-anak (Gen 29:11; 31:28), ng dalawang lalaking magkamag-anak, at ng malapít na magkaibigan (Gen 27:26, 27; 45:15; Exo 18:7; 1Sa 20:41, 42; 2Sa 14:33; 19:39; tingnan ang study note sa Gaw 20:37). Noon, tanda ito ng kapatiran at pagkakaisa ng mga Kristiyanong pinagbuklod ng tunay na pagsamba. Hindi ito basta pormalismo o ritwal, at wala rin itong romantiko o seksuwal na kahulugan.—Ju 13:34, 35.

pagnanasa: O “tiyan.” Ang salitang Griego na koi·liʹa ay literal na tumutukoy sa “sikmura” o mga lamang-loob ng isang tao. Dito at sa Fil 3:19, ginamit ito sa makasagisag na paraan para tumukoy sa makalamang pagnanasa. Ipinaliwanag ni Pablo na ang mga taong nagpapaalipin sa “sarili nilang mga pagnanasa” ay hindi puwedeng maging “alipin ng ating Panginoong Kristo.” Sa Fil 3:19, inilarawan ang mga taong ginagawang diyos ang “kanilang tiyan,” o kanilang makalamang pagnanasa.

durugin . . . si Satanas: Maaalala dito ang unang hula sa Bibliya sa Gen 3:15, kung saan binabanggit na “dudurugin ng supling” ng makasagisag na babae ang “ulo” ng ahas. Tumutukoy ito sa pagpuksa kay Satanas, “ang orihinal na ahas.” (Apo 12:9) Para ilarawan ang pangyayaring iyan, gumamit si Pablo ng isang salitang Griego na nangangahulugang “basagin; pagdurog-durugin; lubusang talunin.” Ito rin ang salitang Griego na ginamit sa Apo 2:27 nang sabihin na ang mga bansa ay ‘magkakadurog-durog gaya ng mga sisidlang luwad.’ Dahil ang sulat ni Pablo ay para sa mga kapuwa niya Kristiyano na “mga kasamang tagapagmana ni Kristo” (Ro 8:17), ginamit niya ang ekspresyong sa ilalim ng inyong mga paa para ipakitang kasama sila sa pagdurog kay Satanas.—Ihambing ang Mal 4:3.

Tercio: Ang tagasulat ni Pablo ng liham niya para sa mga taga-Roma at ang nag-iisang kalihim niya na pinangalanan. Ang pananalitang sa Panginoon ay nagpapakitang isang tapat na Kristiyano si Tercio na posibleng miyembro ng kongregasyon sa Corinto. Nagsingit ng sariling pagbati si Tercio sa liham na ito, posibleng dahil marami siyang kakilalang kapatid sa Roma.

na tinutuluyan ko: Tinutuluyan ni Pablo. Sa naunang talata lang nakapagsingit ng sariling pagbati si Tercio.

ingat-yaman ng lunsod: O “katiwala ng lunsod.” Ang salitang Griego na oi·ko·noʹmos, na pinakamadalas isaling “katiwala,” ay pangunahin nang nangangahulugang “tagapamahala ng isang sambahayan.” Pero dahil ipinares ito sa salitang Griego para sa “lunsod” sa kontekstong ito, lumilitaw na tumutukoy ito sa taong namamahala sa pananalapi ng lunsod ng Corinto. Noong dekada ng 1920, may nahukay sa Corinto ang mga arkeologo na isang batong sahig kung saan nakasulat na ipinagawa ng isang Erasto ang sahig na ito sa sarili niyang gastos. Hindi tiyak kung siya rin ang Erasto na binabanggit ni Pablo sa talatang ito, pero pinaniniwalaang ginawa ang sahig na iyon noong unang siglo C.E.

kapatid niyang: Ang literal na mababasa sa Griegong teksto ay “kapatid na,” at puwede itong unawain na si Cuarto ay literal na kapatid ni Erasto. Pero puwede rin itong mangahulugan na magkapatid sila sa espirituwal, kaya puwede itong isaling “kapatid nating.”

Sa ilang manuskritong Griego at sinaunang salin, idinagdag ang pananalitang ito: “Sumainyo nawang lahat ang walang-kapantay na kabaitan ng ating Panginoong Jesu-Kristo. Amen.” Sa ibang manuskrito naman, mababasa ito kasunod ng talata 27. Pero sa pinakaluma at pinakamaaasahang mga manuskrito, ang kahawig na pananalita nito ay makikita lang sa talata 20. Hindi ito makikita sa talata 24 o sa kasunod ng talata 27. Ang mga manuskritong iyon ay matibay na ebidensiya na idinagdag lang ang pananalitang ito at hindi talaga bahagi ng orihinal na teksto.—Tingnan ang Ap. A3.

isiniwalat: Madalas gamitin ang terminong Griego na a·po·kaʹly·psis, gaya sa talatang ito, para tumukoy sa pagsisiwalat ng kalooban at mga layunin ng Diyos o ng iba pang espirituwal na mga bagay. (Efe 3:3; Apo 1:1) Sa Diyos lang nagmumula ang mga pagsisiwalat na ito.—Ihambing ang study note sa Luc 2:32.

mag-aalis ng talukbong mula sa mga bansa: O “gagawa ng pagsisiwalat sa mga bansa.” Ang terminong Griego na a·po·kaʹly·psis, na isinaling “mag-aalis ng talukbong,” ay nagpapahiwatig ng “pagsisiwalat” o “paglalantad,” at madalas itong gamitin para tumukoy sa pagsisiwalat ng espirituwal na mga bagay o ng kalooban at layunin ng Diyos. (Ro 16:25; Efe 3:3; Apo 1:1) Tinawag ng may-edad nang si Simeon ang batang si Jesus na liwanag, at ipinakita niya na makikinabang din sa espirituwal na liwanag na iyon ang mga bansang di-Judio, hindi lang ang likas na mga Judio at proselita. Ang makahulang pananalita ni Simeon ay kaayon ng mga hula sa Hebreong Kasulatan, gaya ng mababasa sa Isa 42:6 at 49:6.

Amen: Tingnan ang study note sa Ro 1:25.

Amen: O “Mangyari nawa.” Ang salitang Griego na a·menʹ ay transliterasyon ng terminong Hebreo mula sa salitang-ugat na ’a·manʹ, na nangangahulugang “maging tapat; maging mapagkakatiwalaan.” (Tingnan sa Glosari.) Ang “Amen” ay sinasabi bilang pagsang-ayon sa isang panata, panalangin, o isang bagay na sinabi. Madalas itong gamitin ng mga manunulat ng Kristiyanong Griegong Kasulatan para ipahayag ang pagsang-ayon nila sa isang bagay nang may kasamang papuri sa Diyos, gaya ng ginawa dito ni Pablo. (Ro 16:27; Efe 3:21; 1Pe 4:11) Minsan, ginagamit din ito para idiin ang kagustuhan ng manunulat na pagpalain ng Diyos ang makakatanggap ng liham. (Ro 15:33; Heb 13:20, 21) Ginagamit din ito para ipakita na talagang sang-ayon ang manunulat sa isang bagay na kasasabi lang.​—Apo 1:7; 22:20.

Media

Pagsusulat ng Liham
Pagsusulat ng Liham

Makikita rito ang ilang gamit sa pagsulat noong unang siglo C.E. Posibleng gumagamit ang mga manunulat ng isang panulat na pinutol mula sa isang uri ng tambo na makukuha sa Ilog Nilo. Kadalasan na, gumagamit sila ng murang itim na tinta. Makikita sa larawan ang lalagyan ng tinta noon. Iba-iba ang ginagamit nilang sulatan, gaya ng piraso ng kahoy, luwad, pergamino, o papiro. Makakagawa ng mahabang liham ang isang manunulat sa isang balumbon ng papiro, at puwede pa niyang gupitin ang natitirang bahagi para magamit niya ito sa susunod. Kapag maikli lang ang liham, puwedeng bumili ang manunulat ng isang piraso ng papiro, na gugupitin ng nagtitinda mula sa rolyo. Karamihan sa mga liham ay maikli lang. Halimbawa, masasabing katamtaman ang haba ng liham ni Pablo kay Filemon. Karamihan ng aklat sa Kristiyanong Griegong Kasulatan ay mga liham, na isinulat ng mga tagasunod ni Jesus sa patnubay ng espiritu.

Inskripsiyon ng Pangalan ni Erasto sa Corinto
Inskripsiyon ng Pangalan ni Erasto sa Corinto

Makikita rito ang batong sahig sa isang plaza na malapit sa teatro ng Corinto. Nakasulat dito ang pangalan ng opisyal na si Erasto, na sinasabing nagpagawa ng batong ito sa sarili niyang gastos. Sa liham ni Pablo sa mga Kristiyano sa Roma, na isinulat sa Corinto, binanggit niya ang pagbati ni “Erasto na ingat-yaman.” (Ro 16:23) Sinasabing ang sahig na may inskripsiyon ay mula pa noong unang siglo C.E., kaya iniisip ng ilang iskolar na iisa lang ang Erasto sa inskripsiyon at ang Erasto na tinutukoy ni Pablo.