Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

ARALING ARTIKULO 11

Panatilihing Nakasuot ang “Bagong Personalidad” Pagkatapos ng Bautismo

Panatilihing Nakasuot ang “Bagong Personalidad” Pagkatapos ng Bautismo

“Isuot ninyo ang bagong personalidad.”​—COL. 3:10.

AWIT 49 Pinasasaya ang Puso ni Jehova

NILALAMAN *

1. Ano ang pangunahing nakakaimpluwensiya sa personalidad natin?

 GUSTO nating lahat na magkaroon ng personalidad na gusto ni Jehova, bagong bautismo man tayo o matagal na. Para magawa iyan, kailangan nating kontrolin ang pag-iisip natin. Bakit? Kasi malaki ang impluwensiya ng pag-iisip natin sa personalidad natin. Kung lagi nating iisipin kung ano lang ang makakapagpasaya sa atin, makakapagsalita tayo at makakagawa ng masasamang bagay. (Efe. 4:17-19) Pero kung mag-iisip tayo ng mabubuting bagay, mas malamang na magsalita at kumilos tayo sa paraang makakapagpasaya sa Ama natin, si Jehova.​—Gal. 5:16.

2. Anong mga tanong ang tatalakayin sa artikulong ito?

2 Gaya ng binanggit sa naunang artikulo, may papasok at papasok pa ring masasamang kaisipan sa isip natin. Pero puwedeng hindi natin magawa ang mga iyon kung gugustuhin natin. Bago pa tayo mabautismuhan, kailangang naihinto na natin ang pagsasalita at pagkilos na kinapopootan ni Jehova. Iyan ang una at pinakamahalagang hakbang para mahubad ang lumang personalidad. Pero para lubusang mapasaya si Jehova, dapat din nating sundin ang utos na ito: “Isuot ninyo ang bagong personalidad.” (Col. 3:10) Sa artikulong ito, sasagutin natin ang mga tanong na ito: Ano ang “bagong personalidad”? Paano natin maisusuot ang bagong personalidad at mapananatili itong nakasuot?

ANO ANG “BAGONG PERSONALIDAD”?

3. Ayon sa Galacia 5:22, 23, ano ang “bagong personalidad,” at paano ito maisusuot ng isang tao?

3 Ang “bagong personalidad” ay isang paraan ng pag-iisip at pagkilos na katulad ng personalidad ni Jehova. Kapag isinusuot ng isang tao ang bagong personalidad, ipinapakita niya ang mga katangian na bunga ng espiritu ng Diyos. Hinahayaan niya ang banal na espiritu na umimpluwensiya sa kaniyang pag-iisip, damdamin, at pagkilos. (Basahin ang Galacia 5:22, 23.) Halimbawa, mahal niya si Jehova at ang bayan Niya. (Mat. 22:36-39) Masaya siya kahit may mga pagsubok. (Sant. 1:2-4) Mapagpayapa siya. (Mat. 5:9) Matiisin siya at mabait makitungo sa iba. (Col. 3:13) Mahal niya kung ano ang mabuti at ginagawa iyon. (Luc. 6:35) Nakikita sa mga pagkilos niya na matibay ang pananampalataya niya sa kaniyang Ama sa langit. (Sant. 2:18) Mahinahon siya kahit ginagalit at may pagpipigil siya sa sarili kahit may tukso.​—1 Cor. 9:25, 27; Tito 3:2.

4. Para maisuot ang bagong personalidad, bakit kailangan nating ipakita ang lahat ng katangiang nasa Galacia 5:22, 23 at sa iba pang teksto sa Bibliya?

4 Para maisuot ang bagong personalidad, kailangan nating ipakita ang lahat ng katangian na binabanggit sa Galacia 5:22, 23 at sa iba pang teksto sa Bibliya. * Ang mga katangiang ito ay hindi gaya ng mga damit na paisa-isa lang nating isinusuot. Sa katunayan, marami sa mga katangiang ito ay kagaya ng ibang mga katangian. Halimbawa, kung talagang mahal mo ang kapuwa mo, magiging mapagpasensiya at mabait ka sa kaniya. At kung mabuti ka talaga, magiging mahinahon ka at magpipigil sa sarili.

PAANO NATIN MAISUSUOT ANG BAGONG PERSONALIDAD?

Habang tinutularan natin ang pag-iisip ni Jesus, mas naipapakita natin ang personalidad niya (Tingnan ang parapo 5, 8, 10, 12, 14)

5. Ano ang ibig sabihin ng ‘taglayin ang pag-iisip ni Kristo,’ at bakit dapat nating pag-aralan ang buhay ni Jesus? (1 Corinto 2:16)

5 Basahin ang 1 Corinto 2:16. Para maisuot ang bagong personalidad, kailangan na “taglay natin ang pag-iisip ni Kristo.” Sa ibang salita, dapat nating pag-aralan kung paano mag-isip si Jesus at pagkatapos ay tularan siya. Perpektong ipinapakita ni Jesus ang mga katangian na bunga ng espiritu ng Diyos. Gaya ng salaming walang daya, eksakto niyang naipapakita ang mga katangian ni Jehova. (Heb. 1:3) Habang tinutularan natin ang pag-iisip ni Jesus, lalo nating natutularan ang pagkilos niya at mas naipapakita natin ang personalidad niya.​—Fil. 2:5.

6. Ano ang dapat nating tandaan habang sinisikap nating isuot ang bagong personalidad?

6 Posible ba talagang matularan ang halimbawa ni Jesus? Baka maisip natin: ‘Perpekto si Jesus. Hindi ko siya eksaktong matutularan!’ Kung ganiyan ang nararamdaman mo, tandaan ang mga ito. Una, ginawa ka ayon sa larawan ni Jehova at ni Jesus. Kaya puwede mong piliing tularan sila at magagawa mo iyon, hindi man eksaktong-eksakto. (Gen. 1:26) Ikalawa, ang banal na espiritu ng Diyos ang pinakamakapangyarihang puwersa sa uniberso. Sa tulong nito, magagawa mo ang mga bagay na hindi mo magagawa kung sa sarili mo lang. Ikatlo, hindi inaasahan ni Jehova na perpekto mong maipapakita ngayon ang mga katangian na bunga ng espiritu. Sa katunayan, ang mga may pag-asang mabuhay sa lupa ay bibigyan ng ating mapagmahal na Ama ng 1,000 taon para maging perpekto. (Apoc. 20:1-3) Gusto lang ni Jehova na gawin natin ngayon ang buong makakaya natin at umasa sa tulong niya.

7. Ano ang tatalakayin natin?

7 Paano natin espesipikong matutularan si Jesus? Tatalakayin natin ang apat na katangian na bunga ng espiritu ng Diyos. Sa bawat katangian, aalamin natin kung ano ang matututuhan natin kay Jesus. Tatalakayin din natin ang ilang tanong na makakatulong sa atin na makita kung ano pa ang mapapasulong natin sa pagsusuot ng bagong personalidad.

8. Paano nagpakita si Jesus ng pag-ibig?

8 Dahil mahal na mahal ni Jesus si Jehova, marami siyang isinakripisyo para sa kaniyang Ama at para sa atin. (Juan 14:31; 15:13) Makikita sa paraan ng pamumuhay ni Jesus dito sa lupa na mahal na mahal niya ang mga tao. Sa bawat araw, ipinakita niyang mapagmahal siya at maawain, kahit sa mga sumasalansang sa kaniya. Ipinakita niya ito nang turuan niya ang mga tao tungkol sa Kaharian ng Diyos. (Luc. 4:43, 44) Pinatunayan din ni Jesus ang mapagsakripisyong pag-ibig niya sa Diyos at sa mga tao nang kusa niyang ibigay ang buhay niya para magdusa at mamatay sa kamay ng mga makasalanan. Dahil diyan, nagkaroon tayo ng pag-asang mabuhay nang walang hanggan.

9. Paano natin matutularan si Jesus sa pagpapakita ng pag-ibig?

9 Dahil mahal natin si Jehova, inialay natin ang buhay natin sa kaniya at nagpabautismo. Kaya gaya ni Jesus, maipapakita rin natin na mahal natin ang ating Ama sa langit sa paraan ng pakikitungo natin sa mga tao. Isinulat ni apostol Juan: “Ang hindi umiibig sa kapatid niya, na nakikita niya, ay hindi makaiibig sa Diyos, na hindi niya nakikita.” (1 Juan 4:20) Tanungin ang sarili: ‘Talaga bang mahal ko ang mga tao? Nagpapakita ba ako ng awa sa iba, kahit masama ang pakikitungo nila sa akin? Kung mahal ko ang mga tao, ginagamit ko ba ang panahon at mga ari-arian ko para tulungan ang iba na matuto tungkol kay Jehova? Handa ko bang gawin ito kahit hindi pinapahalagahan ng marami ang pagsisikap ko o kahit sinasalansang nila ako? Puwede ko bang dagdagan ang panahong ginagamit ko sa paggawa ng alagad?’—Efe. 5:15, 16.

10. Paano naging mapagpayapa si Jesus?

10 Mapagpayapa si Jesus. Nang gawan siya ng masama ng mga tao, hindi siya gumanti. Pero hindi lang iyon ang ginawa niya. Kusa siyang nakikipagpayapaan at pinapasigla rin niya ang iba na ayusin ang mga di-pagkakasundo. Halimbawa, itinuro niya sa kanila na dapat silang makipagpayapaan sa mga kapatid para tanggapin ni Jehova ang pagsamba nila. (Mat. 5:9, 23, 24) Paulit-ulit din niyang tinulungan ang mga apostol niya na tigilan ang pagtatalo-talo kung sino sa kanila ang pinakadakila.​—Luc. 9:46-48; 22:24-27.

11. Paano tayo magiging mapagpayapa?

11 Para maging mapagpayapa, hindi lang natin iiwasang maging dahilan ng di-pagkakasundo. Kailangan din nating mauna sa pakikipagpayapaan at pasiglahin ang mga kapatid na ayusin ang kanilang mga di-pagkakasundo. (Fil. 4:2, 3; Sant. 3:17, 18) Tanungin ang sarili: ‘Handa ba akong magparaya para makipagpayapaan sa iba? Kapag may nakasakit sa akin, nagkikimkim ba ako ng sama ng loob? Hinihintay ko ba ang ibang tao na makipag-ayos sa akin o ako ang nauuna, kahit na sa tingin ko, siya ang may kasalanan? Kung angkop sa kalagayan, pinapasigla ko ba ang mga kapatid na makipagpayapaan sa iba?’

12. Paano nagpakita si Jesus ng kabaitan?

12 Mabait si Jesus. (Mat. 11:28-30) Makikita ang kabaitan niya sa pagiging mahinahon at mapagparaya, kahit sa mahihirap na sitwasyon. Halimbawa, nang makiusap sa kaniya ang babaeng taga-Fenicia na pagalingin ang anak nito, hindi agad pinagbigyan ni Jesus ang hiling ng babae. Pero nang makita ni Jesus ang malaking pananampalataya nito, pinagaling niya ang bata. (Mat. 15:22-28) Mabait si Jesus, pero hindi niya iniiwasang magbigay ng payo. Kung minsan, ipinapakita niya ang kabaitan kapag itinutuwid niya ang mga minamahal niya. Halimbawa, nang pigilan ni Pedro si Jesus sa paggawa ng kalooban ni Jehova, sinaway siya ni Jesus sa harap ng ibang alagad. (Mar. 8:32, 33) Ginawa niya ito hindi para ipahiya si Pedro kundi para turuan siya at babalaan ang ibang alagad na huwag maging pangahas. Siguradong napahiya si Pedro, pero nakinabang siya sa disiplinang iyon.

13. Paano natin maipapakita ang kabaitan?

13 Para maipakita mo ang kabaitan sa mga minamahal mo, kung minsan, baka kailangan mo silang payuhan. Kung gagawin mo iyan, tularan si Jesus. Magbigay ng payo mula sa mga prinsipyo sa Salita ng Diyos. Maging mahinahon. Isipin na gusto nilang gawin kung ano ang tama. Magtiwala na tatanggapin nila ang payo mo kasi mahal nila si Jehova at mahal ka nila. Tanungin ang sarili: ‘Mayroon ba akong lakas ng loob na magsalita kapag nakikita kong gumagawa ng mali ang isang kapatid? Kung kailangan kong magbigay ng payo, masakit ba akong magsalita o mabait? Ano ang motibo ko sa pagpapayo? Ginagawa ko ba iyon dahil naiinis ako, o gusto kong makatulong?’

14. Paano nagpakita si Jesus ng kabutihan?

14 Hindi lang alam ni Jesus kung ano ang mabuti, ipinakita niya rin iyon. Mahal ni Jesus ang Ama niya, kaya lagi niyang ginagawa ang tama nang may tamang motibo. Ang isang mabuting tao ay laging naghahanap ng pagkakataon para tulungan ang iba, at ginagawan niya sila ng mabuti. Hindi sapat na alam lang natin kung ano ang tama; dapat na gawin natin iyon nang may tamang motibo. Baka maisip mo, ‘Posible bang gawin ang tama nang may maling motibo?’ Oo. Halimbawa, sinabi ni Jesus na may ilang nagbibigay ng limos sa mahihirap pero tinitiyak nila na malalaman ito ng iba. Mukha namang maganda ang ginagawa nilang pagbibigay, pero hindi masaya si Jehova sa ginagawa nila.​—Mat. 6:1-4.

15. Paano natin maipapakita ang kabutihan?

15 Masasabi lang na mabuti tayo kung gagawin natin ang tama nang may tamang motibo. Baka maitanong mo: ‘Alam ko ba kung ano ang tama at ginagawa ko ba iyon? Ano ang motibo ko sa paggawa ng mabuti?’

PAANO NATIN MAIINGATAN ANG BAGONG PERSONALIDAD NATIN?

16. Ano ang dapat nating gawin araw-araw, at bakit?

16 Hindi natin dapat isipin na kapag nabautismuhan na tayo, lubusan na nating naisuot ang bagong personalidad at hindi na natin ito kailangang ingatan. Gaya ng isang “bagong damit,” ang bagong personalidad ay kailangang ingatan. Ang isang paraan para magawa ito ay kung hahanap tayo ng mga pagkakataon na maipakita araw-araw ang mga katangian na bunga ng espiritu ng Diyos. Bakit? Kasi si Jehova ay aktibong Diyos, at ang kaniyang espiritu ay isang aktibong puwersa. (Gen. 1:2) Dahil dito, kaya tayong pakilusin ng mga katangian na bunga ng espiritu at dapat tayong kumilos kaayon ng mga ito. Halimbawa, isinulat ng alagad na si Santiago: “Ang pananampalataya na walang gawa ay patay.” (Sant. 2:26) Totoo rin iyan sa lahat ng iba pang katangian na bunga ng espiritu ng Diyos. Sa tuwing ipinapakita natin ang mga katangiang ito, patunay ito na tinutulungan tayo ng espiritu ng Diyos.

17. Ano ang dapat nating gawin kung may mga pagkakataong hindi natin naipapakita ang mga katangian na bunga ng espiritu?

17 Kahit matagal nang bautisado ang ilang Kristiyano, kung minsan, hindi nila naipapakita ang mga katangian na bunga ng espiritu. Pero ang mahalaga, hindi tayo sumusuko. Pag-isipan ito: Kung napunit ang paborito mong damit, itatapon mo na ba agad iyon? Siyempre, hindi. Siguradong aayusin mo iyon hangga’t puwede. At malamang na mas iingatan mo na iyon. Kaya kapag may pagkakataong hindi ka naging mabait, matiisin, o maibigin sa iba, huwag panghinaan ng loob. Humingi ng tawad para maayos at maibalik mo ang magandang kaugnayan mo sa taong iyon. At sikaping mapasulong pa ang mga katangian na bunga ng espiritu.

18. Ano ang matitiyak natin?

18 Nagpapasalamat tayo sa halimbawang iniwan ni Jesus sa atin! Habang tinutularan natin ang pag-iisip niya, mas madali nating matutularan ang pagkilos niya. Habang kumikilos tayong gaya ni Jesus, mas maisusuot natin ang bagong personalidad. Sa artikulong ito, apat na katangian lang na bunga ng espiritu ng Diyos ang tinalakay natin. Makabubuti kung maglalaan ka ng panahon para pag-aralan pa ang ibang katangian na bunga ng espiritu at pag-isipan kung paano mo iyon naipapakita. May mga artikulo tungkol sa paksang ito sa publikasyong Tulong sa Pag-aaral ng mga Saksi ni Jehova sa ilalim ng paksang “Kristiyanong Pamumuhay” at pagkatapos, “Bunga ng Espiritu.” Makakatiyak ka na tutulungan ka ni Jehova kung sisikapin mong isuot ang bagong personalidad at pananatilihin mo itong nakasuot.

AWIT 127 Ang Uri ng Pagkatao na Dapat Kong Taglayin

^ par. 5 Anuman ang pinagmulan natin, maisusuot natin ang “bagong personalidad.” Para magawa iyan, dapat na patuloy nating baguhin ang paraan ng pag-iisip natin at sikapin na tularan si Jesus. Sa artikulong ito, tatalakayin ang mga halimbawa kung paano nag-isip at kumilos si Jesus. Tatalakayin din natin kung paano natin siya patuloy na matutularan pagkatapos ng bautismo.

^ par. 4 Hindi binabanggit sa Galacia 5:22, 23 ang lahat ng magagandang katangian na puwede nating ipakita sa tulong ng espiritu ng Diyos. Tinatalakay ito sa “Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa” sa Bantayan, isyu ng Hunyo 2020.