Liham kay Tito 3:1-15

3  Patuloy mo silang paalalahanan na magpasakop at maging masunurin sa mga pamahalaan at awtoridad,+ na maging handa sa paggawa ng mabuti,  na huwag magsalita ng masama tungkol sa kaninuman,+ at na huwag maging palaaway, kundi maging makatuwiran+ at mahinahon sa pakikitungo sa lahat ng tao.+  Dahil tayo rin noon ay mga mangmang, masuwayin, naililigaw, alipin ng mga pagnanasa at kaluguran, gumagawa ng masama at mainggitin, kasuklam-suklam, at napopoot sa isa’t isa.  Pero ipinakita ng Diyos na ating Tagapagligtas ang kaniyang kabaitan+ at pag-ibig sa mga tao  (hindi dahil sa anumang matuwid na nagawa natin,+ kundi dahil sa kaniyang awa).+ Iniligtas niya tayo sa pamamagitan ng paglilinis sa atin, kung kaya nagkaroon tayo ng bagong buhay,+ at sa pamamagitan ng banal na espiritu na ginamit niya para gawin tayong bago.+  Sagana niyang ibinuhos sa atin ang espiritung ito sa pamamagitan ni Jesu-Kristo na ating Tagapagligtas,+  para kapag naipahayag na tayong matuwid dahil sa walang-kapantay na kabaitan niya,+ maging mga tagapagmana rin tayo+ ng buhay na walang hanggan na inaasam natin.+  Mapananaligan ang mga pananalitang ito, at gusto kong lagi mong idiin ang mga bagay na ito para ang isip ng mga sumasampalataya sa Diyos ay manatiling nakapokus sa paggawa ng mabuti. Ang mga ito ay mabuti at kapaki-pakinabang para sa mga tao.  Pero iwasan mo ang walang-saysay na mga argumento,+ mga talaangkanan, mga pag-aaway, at mga pagtatalo tungkol sa Kautusan, dahil ang mga iyon ay walang saysay at walang pakinabang.+ 10  Kung tungkol sa isang tao na nagtataguyod ng isang sekta,+ itakwil mo siya+ matapos paalalahanan nang dalawang beses,+ 11  dahil alam mong lumihis na sa daan ang gayong tao at nagkakasala na siya at nahatulan na dahil sa sarili niyang paggawi. 12  Kapag isinugo ko sa iyo si Artemas o si Tiquico,+ sikapin mong makapunta sa akin sa Nicopolis, dahil doon ko piniling magpalipas ng taglamig. 13  Pagsikapan mong maibigay kay Zenas, na bihasa sa Kautusan, at kay Apolos+ ang mga kailangan nila sa paglalakbay para hindi sila magkulang ng anuman.+ 14  Pero hayaan mong matutuhan din ng mga kapatid natin na laging gumawa ng mabuti para makatulong sila sa panahon ng pangangailangan,+ nang sa gayon ay lagi silang maging mabunga.+ 15  Kinukumusta ka ng lahat ng kasama ko. Iparating mo ang pagbati ko sa mga kapananampalataya nating nagmamahal sa amin. Sumainyo nawang lahat ang walang-kapantay na kabaitan.

Talababa

Study Notes

buong pusong gumagawa ng mabuti: O “masigasig sa paggawa ng mabuti.” Sinabi ni Pablo na ‘buong puso,’ o masigasig at sabik, na gagawin ng mga Kristiyano ang tama sa paningin ng Diyos. Kasama sa ‘mabubuting’ gawa ang paggawa ng mabuti sa iba, pagpapakita ng mga katangiang bunga ng espiritu ng Diyos, at higit sa lahat, pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos.—Mat 24:14; Gal 5:22, 23; Tit 2:1-14; San 1:27; 1Pe 2:12.

maging masunurin sa mga pamahalaan at awtoridad: Ibig sabihin, sa mga tagapamahala sa lupa. May mga nasa awtoridad noon na kilaláng di-makatarungan, at rebelyoso naman ang mga sakop nila. Pero gusto ni Pablo na paalalahanan ni Tito ang mga Kristiyano sa Creta na igalang pa rin ang mga nasa awtoridad at sumunod sa mga ito, maliban na lang kung labag sa utos ng Diyos ang ipinapagawa ng mga ito.—Mat 22:21; Gaw 5:29; Ro 13:1-7.

maging handa sa paggawa ng mabuti: Malawak ang kahulugan ng ekspresyong “paggawa ng mabuti,” at puwedeng saklaw nito ang paggawa ng iba’t ibang mabubuting bagay para sa iba. (Tingnan ang study note sa Tit 2:14.) Posibleng kasama sa tinutukoy dito ni Pablo ang paggawa ng mga bagay na hinihiling ng sekular na mga awtoridad sa mga mamamayan nito. Masusunod agad ng mga Kristiyano ang ipinapagawa ng mga ito basta hindi ito labag sa mga utos ng Diyos. (Mat 5:41 at study note; Ro 13:1, 7) Gayundin, kapag tinamaan ng likas na mga sakuna o iba pang trahedya ang isang komunidad, dapat na maging handa ang mga Kristiyano na tumulong hindi lang sa mga kapananampalataya nila, kundi pati na rin sa iba. (Gal 6:10) Sa paggawa nito, maipapakita ng tunay na mga Kristiyano na marami silang naitutulong sa lipunan.—Mat 5:16; Tit 2:7, 8; 1Pe 2:12.

utusan ka: Ipinapaalala nito ang sapilitang paglilingkod na puwedeng ipagawa ng Romanong awtoridad sa isang mamamayan. Halimbawa, puwede nilang sapilitang pagtrabahuhin ang isang tao o hayop o ipagawa ang anumang kailangan para mabilis na maisagawa ang ipinag-uutos ng pamahalaan. Iyan ang nangyari kay Simon na taga-Cirene, na “pinilit” ng Romanong mga sundalo na buhatin ang pahirapang tulos ni Jesus.—Mat 27:32.

pagiging makatuwiran: Malawak ang kahulugan ng salitang Griego na isinaling “pagiging makatuwiran,” at kasama dito ang pagiging mapagparaya, magalang, at mapagpasensiya. Hindi iginigiit ng mga makatuwiran ang sarili niyang karapatan o ang istriktong pagsunod sa batas. Sa halip, handa siyang makibagay kung kinakailangan. Sinisikap ng makatuwirang tao na maging makonsiderasyon at mabait. Ang katangiang ito ng isang Kristiyano ay dapat na makita ng lahat, kasama na ang mga hindi kabilang sa kongregasyon. Ganito ang salin ng isang Bibliya sa unang bahagi ng talata: “Makilala nawa kayong makatuwiran.” Sinisikap ng lahat ng Kristiyano na maging makatuwiran, pero partikular na itong dapat makita sa mga tagapangasiwa sa kongregasyon.—1Ti 3:3; Tit 3:2; San 3:17; tingnan ang study note sa 2Co 10:1.

makatuwiran: Malawak ang kahulugan ng salitang ginamit dito ni Pablo. Puwede rin itong tumukoy sa pagiging mahinahon, magalang, o mapagpasensiya. (Tingnan ang study note sa Fil 4:5.) Literal itong nangangahulugang “mapagparaya.” Pero hindi naman sinasabi ni Pablo na hahayaan na lang o kukunsintihin ng isang tagapangasiwa ang gumagawa ng mali o ikokompromiso niya ang pamantayan ng Diyos. Sa halip, sinasabi niya na pagdating sa personal na mga kagustuhan, handang magparaya ang isang tagapangasiwa. Hindi niya igigiit ang karapatan niya o ipipilit na masunod ang mga nakasanayan niyang paraan, kundi igagalang niya ang opinyon ng iba at makikibagay siya sa nagbabagong mga kalagayan. Nanghahawakan ang isang tagapangasiwa sa mga batas at prinsipyo ng Bibliya, pero pinagsisikapan niyang maging mabait at balanse sa pagtataguyod nito. Tanda ng karunungan mula sa Diyos ang pagiging makatuwiran, at isa rin ito sa mga katangiang kitang-kita kay Jesu-Kristo. (San 3:17; tingnan ang study note sa 2Co 10:1.) Dapat na kitang-kita rin ito sa lahat ng Kristiyano.—Tit 3:1, 2.

kahinahunan: Pagiging kalmado at payapa ng isang Kristiyano na naipapakita niya sa kaugnayan niya sa Diyos at sa pakikitungo niya sa kaniyang kapuwa. (Gal 6:1; Efe 4:1-3; Col 3:12) Dahil ang kahinahunan ay katangian na bunga ng espiritu ng Diyos, ang isang Kristiyano ay hindi magkakaroon nito sa sarili lang niyang pagsisikap. Kailangan niyang lumapit sa Diyos, manalangin para sa espiritu Niya, at magpagabay dito. Ang isang taong mahinahon ay hindi duwag o mahina. Ang salitang Griego para sa “kahinahunan” (pra·yʹtes) ay tumutukoy sa pagiging malakas pero banayad. Ang kaugnay nitong salitang Griego (pra·ysʹ) ay isinaling “mahinahon.” (Mat 21:5; 1Pe 3:4) Inilarawan ni Jesus ang sarili niya na mahinahon (Mat 11:29); pero siguradong hindi siya mahina.—Tingnan ang Mat 5:5 at study note.

huwag maging palaaway: Gusto ni Pablo na iwasan ng mga Kristiyano na maging palaban sa kapuwa nila, kasama na ang mga sekular na awtoridad. (Tit 3:1) Ayon sa ilang diksyunaryo, ang salitang Griego na ginamit dito ay nangangahulugang “mapagpayapa.” Lumitaw rin ang ekspresyong ito sa listahan ng mga kuwalipikasyon para sa mga tagapangasiwa.—1Ti 3:3.

makatuwiran: Tingnan ang study note sa Fil 4:5; 1Ti 3:3.

mahinahon sa pakikitungo sa lahat ng tao: Ang isang taong mahinahon ay kalmado kahit maigting ang sitwasyon, at mapayapa niyang napapakitunguhan ang iba, kahit na ang mga hindi niya kapananampalataya. Sa orihinal na Griego, dalawang beses ginamit sa talatang ito ang salita para sa “lahat.” Kaya ayon sa isang reperensiya, dapat na “lubusang ipakita” ang katangiang ito “nang walang pagtatangi, kundi ‘sa lahat.’”—Tingnan ang study note sa Gal 5:23.

tayo rin noon ay mga mangmang: Sa kontekstong ito, ang salitang Griego para sa “mangmang” ay hindi tumutukoy sa mga mapurol ang isip, kundi sa mga kulang sa karunungan. Nang gamitin ni Pablo ang salitang “tayo,” ipinapahiwatig niya na naging mangmang din siya noon nang pag-usigin niya ang mga tagasunod ni Kristo. (1Ti 1:13) Pero pinagpakitaan ng awa si Pablo, at nagbago siya. (Gaw 9:17) Kaya may dahilan si Pablo para hilingin kay Tito na ipaalala sa mga Kristiyano sa Creta na dati rin silang walang alam sa matuwid na mga pamantayan ni Jehova. Kapag mapagpakumbabang kinilala ng mga Kristiyanong iyon na marami rin silang pangit na ugali noon, malamang na mas pagsisikapan nilang maging mahinahon at makatuwiran sa pakikitungo sa mga hindi pa mánanampalatayá.

Diyos na ating Tagapagligtas: Tingnan ang study note sa 1Ti 1:1.

kaniyang . . . pag-ibig sa mga tao: Inilalarawan dito ni Pablo ang nadarama ng Diyos, na “ating Tagapagligtas,” para sa mga tao, kasama na ang mga hindi pa naglilingkod sa kaniya. (Ju 3:16) Ayon sa isang diksyunaryo, ang salitang Griego na phi·lan·thro·piʹa (“pag-ibig sa mga tao”) sa kontekstong ito ay tumutukoy sa “pag-ibig at interes [ng Diyos] sa mga tao.” (Ihambing ang study note sa Gaw 28:2; tingnan din ang Tit 2:11.) Ginagamit kung minsan ang terminong Griegong ito sa sekular na mga akda noon para tumukoy sa isang hukom na nagpakita ng awa sa isang taong nahatulang may-sala.

kabaitan: Ang salitang Griego na phi·lan·thro·piʹa ay literal na nangangahulugang “pagmamahal para sa mga tao.” Kasama sa ganitong kabaitan ang pagkakaroon ng tunay na malasakit sa ibang tao at pagtiyak na mailalaan ang pangangailangan nila at magiging komportable sila. Gaya ng makikita rito, puwedeng magpakita ng ganitong makadiyos na katangian ang mga tao kahit hindi pa nila kilala si Jehova. Ganiyan din ang makikita sa Gaw 27:3, kung saan ginamit ang kaugnay na salitang phi·lan·throʹpos para ilarawan ang naging pagtrato kay Pablo ng opisyal ng hukbo na si Julio. Sa Tit 3:4, ginamit ang salitang Griego na phi·lan·thro·piʹa para ilarawan ang nararamdaman ni Jehova, at isinalin itong “pag-ibig sa mga tao.”

Diyos na ating Tagapagligtas: Sa unang liham ni Pablo kay Timoteo at sa liham niya kay Tito, anim na beses niyang ginamit ang terminong “Tagapagligtas” para tumukoy sa Diyos na Jehova (dito at sa 1Ti 2:3; 4:10; Tit 1:3; 2:10; 3:4), pero dalawang beses lang itong ginamit sa natitira pang bahagi ng Kristiyanong Griegong Kasulatan (Luc 1:47; Jud 25). Sa Hebreong Kasulatan, madalas ilarawan si Jehova bilang Tagapagligtas ng bayan niyang Israel. (Aw 106:8, 10, 21; Isa 43:3, 11; 45:15, 21; Jer 14:8) Dahil si Jesus ang ginamit ni Jehova para iligtas ang mga tao mula sa kasalanan at kamatayan, tinatawag din siyang “Tagapagligtas.” (Gaw 5:31; 2Ti 1:10) Tinatawag din siyang “Punong Kinatawan para sa kaligtasan.” (Heb 2:10) Ang pangalang Jesus, na ibinigay sa Anak ng Diyos batay sa tagubilin ng isang anghel, ay nangangahulugang “Si Jehova ay Kaligtasan,” dahil sabi ng anghel, “ililigtas niya ang kaniyang bayan mula sa kanilang mga kasalanan.” (Mat 1:21 at study note) Idiniriin ng mismong pangalan ni Jesus na nagliligtas si Jehova sa pamamagitan ni Jesus. Kaya parehong tinatawag na Tagapagligtas ang Ama at ang Anak. (Tit 2:11-13; 3:4-6) Ang mga terminong Hebreo at Griego (sa Septuagint) para sa “tagapagligtas” ay puwede ring tumukoy sa mga taong ginagamit ng Diyos bilang “mga tagapagligtas para palayain” ang bayan niya mula sa mga kaaway nila.—Ne 9:27; Huk 3:9, 15.

paglilinis sa atin, kung kaya nagkaroon tayo ng bagong buhay: O “paghuhugas sa atin, kung kaya muli tayong naisilang.” Para kay Pablo at sa kapuwa niya mga Kristiyano, ang “paglilinis” dito ay hindi tumutukoy sa bautismo nila sa tubig, kundi sa paglilinis na tinutukoy ni apostol Juan nang isulat niya: “Nililinis tayo ng dugo ni Jesus na kaniyang Anak mula sa lahat ng kasalanan.” (1Ju 1:7) Nang linisin ng Diyos si Pablo at ang kapuwa niya mga Kristiyano sa pamamagitan ng pantubos, masasabing “nagkaroon [na sila] ng bagong buhay.” ‘Naipahayag na silang matuwid dahil sa pananampalataya.’—Ro 5:1.

sa pamamagitan ng banal na espiritu na ginamit niya para gawin tayong bago: Bukod sa paglilinis ng Diyos na naunang binanggit, pinahiran niya rin si Pablo at ang ilan pang Kristiyano at inampon sila. Kaya naging “bagong nilalang” sila. (Tingnan ang study note sa 2Co 5:17.) Bilang pinahirang mga anak ng Diyos, “bago” na, o ibang-iba na, ang buhay nila dahil sa pag-asa nilang mabuhay magpakailanman sa langit.—Ihambing ang study note sa Ju 3:5.

ipanganganak siya mula sa tubig at sa espiritu: Malamang na pamilyar si Nicodemo sa pagbabautismo ni Juan Bautista. (Mar 1:4-8; Luc 3:16; Ju 1:31-34) Kaya nang banggitin ni Jesus ang tubig, makatuwirang isipin na naunawaan ni Nicodemo na ang tinutukoy ni Jesus ay ang tubig na ginagamit sa pagbabautismo. Malamang na pamilyar din si Nicodemo sa pagkakagamit ng Hebreong Kasulatan sa terminong “espiritu ng Diyos,” o aktibong puwersa ng Diyos. (Gen 41:38; Exo 31:3; Bil 11:17; Huk 3:10; 1Sa 10:6; Isa 63:11) Kaya nang gamitin ni Jesus ang salitang “espiritu,” malamang na naintindihan ni Nicodemo na tumutukoy ito sa banal na espiritu. Makikita sa sariling karanasan ni Jesus ang mga itinuro niya kay Nicodemo. Nang bautismuhan si Jesus sa tubig, bumaba sa kaniya ang banal na espiritu, kaya ‘ipinanganak siya mula sa tubig at sa espiritu.’ (Mat 3:16, 17; Luc 3:21, 22) Nang pagkakataong iyon, ipinakilala ng Diyos si Jesus bilang Anak niya, na malamang na nagpapakitang si Jesus ay naging anak ng Diyos sa pamamagitan ng banal na espiritu at may pag-asang bumalik sa langit. Kapag ang isang tagasunod ni Jesus ay sinabing ‘ipinanganak mula sa tubig,’ ibig sabihin, tinalikuran na niya ang dati niyang pamumuhay, pinagsisihan niya ang mga kasalanan niya, at binautismuhan siya sa tubig. Ang mga ipinanganak mula “sa tubig at sa espiritu” ay ang mga isinilang para maging anak ng Diyos at may pag-asang mabuhay sa langit bilang espiritu at mamahala sa Kaharian ng Diyos.—Luc 22:30; Ro 8:14-17, 23; Tit 3:5; Heb 6:4, 5.

siya ay isang bagong nilalang: Ang bawat pinahirang Kristiyano ay isang bagong nilalang—naging anak siya ng Diyos sa pamamagitan ng espiritu at may pag-asa siyang makasama ni Kristo sa Kaharian sa langit. (Gal 4:6, 7) Walang nilalang ang Diyos na bagong pisikal na mga bagay mula nang matapos ang ikaanim na araw ng paglalang (Gen 2:2, 3), pero lumalang siya ng bagong espirituwal na mga bagay.

ng dakilang Diyos at ng ating Tagapagligtas na si Jesu-Kristo: Tinatalakay dito ni Pablo ang “maluwalhating paghahayag” ng Diyos at ni Jesu-Kristo. Karaniwan na, kay Jesus lang iniuugnay ang terminong “paghahayag.” (2Te 2:8; 1Ti 6:14; 2Ti 1:10; 4:1, 8) Dahil diyan, sinasabi ng ilang iskolar na iisa lang ang tinutukoy dito, kaya isinalin nila ang pariralang ito na “ng ating dakilang Diyos at Tagapagligtas, si Jesu-Kristo.” Ginagamit nila ang tekstong ito para patunayan na sa Kasulatan, si Jesus ang “dakilang Diyos.” Pero maraming iskolar at tagapagsalin ng Bibliya ang sumusuporta sa salin ng Bagong Sanlibutang Salin, kung saan dalawang magkaibang indibidwal ang binanggit.—May iba pang sumusuportang reperensiya na makikita sa Kingdom Interlinear, Ap. 2E, “Of the Great God and of [the] Savior of Us, Christ Jesus.”

ibinuhos sa atin ang espiritung ito sa pamamagitan ni Jesu-Kristo: Ang pandiwang Griego na ginamit dito ay karaniwan nang tumutukoy sa pagbubuhos ng likido; pero sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, ginagamit ito kung minsan para tumukoy sa pagbubuhos ng aktibong puwersa ng Diyos sa mga tagasunod ni Kristo. (Tingnan sa Glosari, “Pahiran.”) Ito rin ang terminong ginamit para sa pagbubuhos ng banal na espiritu noong Pentecostes 33 C.E. (Tingnan ang mga study note sa Gaw 2:17.) Sinasabi sa Gaw 2:16-18 na ang pangyayaring ito ang katuparan ng hula ni Joel. (Joe 2:28) Ipinaliwanag sa Gaw 2:33 na “tinanggap [ni Jesus] ang banal na espiritu” mula sa kaniyang Ama at ibinuhos niya ito sa mga alagad niya noong Pentecostes. Sinasabi dito ni Pablo na patuloy na ginagamit ni Jehova si Jesus para maibuhos Niya sa iba ang Kaniyang aktibong puwersa.

Jesu-Kristo na ating Tagapagligtas: Tingnan ang study note sa Tit 1:4; 2:13.

Kristo Jesus na ating Tagapagligtas: Sa naunang talata, tinawag ang Diyos na “ating Tagapagligtas.” Kaya iniisip ng ilan na iisa lang si Jesus at ang Diyos. Pero kapansin-pansin na magkabukod na binanggit sa talatang ito ang “Diyos na Ama” at si “Kristo Jesus na ating Tagapagligtas.” Si Jesus ang ginamit ng Diyos para iligtas ang mga tao mula sa kasalanan at kamatayan, kaya matatawag din si Jesus na “ating Tagapagligtas.” Sa Heb 2:10, tinawag ni Pablo si Jesus na “Punong Kinatawan para sa kaligtasan.” At si Jehova naman ay tinatawag ng manunulat ng Bibliya na si Judas na “tanging Diyos na Tagapagligtas natin sa pamamagitan ni Jesu-Kristo na ating Panginoon,” na nagpapakitang nagtutulungan ang Diyos at si Kristo para mailigtas ang mga tao. (Jud 25) Kaya hindi sinusuportahan ng pananalita dito ni Pablo ang ideya na iisa lang si “Kristo Jesus” at ang “Diyos na Ama.”—Tingnan ang study note sa 1Ti 1:1.

espiritu ko: Dito, ang salitang Griego na pneuʹma ay tumutukoy sa banal na espiritu, o aktibong puwersa ng Diyos. Sa Joe 2:28, na sinipi dito, ginamit ang katumbas nitong salitang Hebreo na ruʹach. Ang Hebreo at Griegong salitang ito ay pangunahin nang tumutukoy sa isang bagay na di-nakikita at nagpapatunay na may kumikilos na puwersa.—Tingnan sa Glosari, “Ruach; Pneuma.”

sa mga huling araw: Sa pagsiping ito ni Pedro sa hula ni Joel, ginamit niya ang pariralang “sa mga huling araw” sa halip na “pagkatapos,” ang ekspresyong ginamit sa orihinal na Hebreo at sa Septuagint. (Joe 2:28 [3:1, LXX]) Natupad ang hula ni Joel nang ibuhos ang banal na espiritu noong Pentecostes. Ibig sabihin, ang “mga huling araw” na tinutukoy ni Pedro ay nagsimula na, at ipinapahiwatig ng paggamit niya ng ekspresyong ito na magaganap ito bago ang “dakila at maluwalhating araw ni Jehova.” At lumilitaw na ang “mga huling araw” ay magtatapos sa “araw ni Jehova.” (Gaw 2:20) Ang kausap dito ni Pedro ay likas at proselitang mga Judio, kaya lumilitaw na sa kanila unang matutupad ang hulang ito. Maliwanag sa sinabi ni Pedro na ang mga Judio ay nabubuhay na noon sa “mga huling araw” ng sistema ng mga bagay kung kailan ang sentro ng pagsamba ay nasa Jerusalem pa. Bago nito, inihula mismo ni Jesus ang pagkawasak ng Jerusalem at ng templo nito. (Luc 19:41-44; 21:5, 6) Natupad iyon noong 70 C.E.

ipinahayag . . . silang matuwid: Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, ang pandiwang Griego na di·kai·oʹo at ang kaugnay na mga pangngalang di·kaiʹo·ma at di·kaiʹo·sis, na karaniwang isinasaling “ipagtanggol” o “pagtatanggol,” ay pangunahin nang nangangahulugang napawalang-sala ang isa kaya siya ay ipinahahayag at itinuturing nang matuwid. Halimbawa, isinulat ni apostol Pablo na ang taong namatay ay “napawalang-sala [isang anyo ng di·kai·oʹo] na,” dahil ang kabayaran sa kasalanan ay kamatayan. (Ro 6:7, 23) Pero bukod dito, may iba pang gamit sa Kasulatan ang mga salitang Griegong ito. Ang mga ito ay puwedeng mangahulugan na itinuturing ng Diyos na walang-sala ang di-perpektong mga tao na nananampalataya sa kaniya.​—Gaw 13:38, 39; Ro 8:33.

naipahayag na tayong matuwid: Tingnan ang study note sa Ro 3:24.

Iwasan mo rin ang walang-patutunguhan at walang-kabuluhang mga debate: Sa ikatlong pagkakataon, sinabihan ni Pablo si Timoteo sa liham na ito na paalalahanan ang mga Kristiyano sa Efeso na tigilan na ang pagtatalo tungkol sa mga haka-haka at kontrobersiyal na mga bagay. (2Ti 2:14 at study note, 16) May ganito ring isyu na binanggit si Pablo sa una niyang liham kay Timoteo.—Tingnan ang study note sa 1Ti 1:4; 6:20.

mga talaangkanan: Posibleng tinutukoy dito ni Pablo ang personal na talaangkanan ng isang tao, o ang angkan na pinagmulan niya. Sinabihan niya ang mga Kristiyano na hindi nila dapat ubusin ang panahon nila sa pag-aaral at pag-uusap tungkol sa ganitong mga bagay. Malamang na may gumagawa nito dahil ipinagmamalaki nila ang pinagmulan nilang angkan o ang kaalaman nila tungkol dito. Pero ang gayong mga bagay ay walang pakinabang, o hindi nakakatulong, para tumibay ang pananampalataya ng isang Kristiyano. Hindi na kailangang alamin ng mga Judiong Kristiyano ang pinagmulan nilang angkan dahil para sa Diyos, wala nang pagkakaiba ang mga Judio at di-Judio sa loob ng kongregasyong Kristiyano. (Gal 3:28) Ang mahalaga para sa mga Kristiyano ay ang matunton na nagmula sa linya ni David ang Kristo.—Mat 1:1-17; Luc 3:23-38.

ipinahahayag na matuwid: Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, ang pandiwang di·kai·oʹo at ang kaugnay nitong mga pangngalang di·kaiʹo·ma at di·kaiʹo·sis, na karaniwang isinasaling “ipagtanggol” o “pagtatanggol,” ay pangunahin nang nangangahulugang napawalang-sala ang isa kaya siya ay ipinahahayag at itinuturing nang matuwid. (Tingnan ang study note sa Ro 3:24.) Ang ilan sa mga kongregasyon sa Galacia ay naiimpluwensiyahan ng mga tagapagtaguyod ng Judaismo, na nagsisikap na patunayan ang kanilang pagiging matuwid sa pamamagitan ng pagsunod sa kautusan ni Moises. (Gal 5:4; tingnan ang study note sa Gal 1:6.) Pero idiniin ni Pablo na sa pamamagitan lang ng pananampalataya kay Jesu-Kristo puwedeng magkaroon ng matuwid na katayuan ang isa sa harap ng Diyos. Isinakripisyo ni Jesus ang perpekto niyang buhay, at dahil diyan, maipapahayag ng Diyos na matuwid ang lahat ng mananampalataya kay Kristo.—Ro 3:19-24; 10:3, 4; Gal 3:10-12, 24.

mabuti ang Kautusan kung sinusunod ito nang tama: Noong panahon ni Pablo, itinuturo ng ilan na dapat sundin ng mga Kristiyano ang lahat ng nasa Kautusang Mosaiko, na para bang nakadepende dito ang kaligtasan nila. Alam ni Pablo na mali ang itinuturo ng mga gurong ito. Wala sa ilalim ng Kautusang Mosaiko ang mga Kristiyano; nakadepende rin ang kaligtasan nila sa pananampalataya nila sa pantubos ni Kristo. (Gal 2:15, 16) Pero makikinabang pa rin ang mga Kristiyano sa Kautusang Mosaiko kung susundin nila “nang tama” ang mga prinsipyo nito. May matututuhan sila kung pag-aaralan nila ang Kautusan, dahil ito ay “anino ng mabubuting bagay na darating” may kinalaman kay Kristo Jesus. (Heb 10:1) Ipinakita rin ng Kautusan na kailangang tubusin ang tao sa pamamagitan ng buhay ni Jesu-Kristo. (Gal 3:19) Higit sa lahat, malalaman din mula rito ang kaisipan ni Jehova.—Exo 22:21; Lev 19:15, 18; Ro 7:12.

walang-saysay na mga argumento: Gaya ng huwad na mga guro sa Efeso, ang ilan sa Creta ay nagtataguyod ng mga argumentong walang saysay at nakakasira sa pagkakaisa. (Tingnan ang study note sa 2Ti 2:23.) Tungkol man ito sa Kautusang Mosaiko, mga talaangkanan, o mga kuwentong di-totoo, pinayuhan ni Pablo si Tito na iwasan ang ganitong mga pagtatalo. Ipinapahiwatig ng salitang Griego na ginamit ni Pablo na dapat talikuran ang mga ito. Kapag ginawa ito ni Tito, makikita ng iba na pag-aaksaya lang ng oras at lakas ang makisali sa walang-saysay na mga argumento.

mga talaangkanan: Tingnan ang study note sa 1Ti 1:4.

mga pagtatalo tungkol sa Kautusan: Wala sa ilalim ng Kautusang Mosaiko ang mga Kristiyano. (Ro 6:14; Gal 3:24, 25) Pero ipinipilit pa rin ng ilan sa mga kongregasyon na dapat sumunod ang mga Kristiyano sa maraming tuntunin ng Kautusan. (Tit 1:10, 11) Sa paggawa niyan, itinatakwil nila ang paraan ng Diyos para mailigtas ang mga tao, ang haing pantubos ni Kristo Jesus.—Ro 10:4; Gal 5:1-4; tingnan ang study note sa Gal 2:16; 1Ti 1:8.

dahil ang mga iyon ay walang saysay at walang pakinabang: Inilarawan ni Pablo ang mga isyung binanggit niya na walang pakinabang, o gaya ng sinabi sa isang diksyunaryo, “walang maidudulot na anumang mabuti.” Inilarawan niya rin ang mga ito na walang saysay o “walang kabuluhan, . . . hindi totoo.” Ayaw ni Pablo na mawala ang pokus ng mga Kristiyanong Cretense sa paglilingkod sa Diyos dahil lang sa pakikisali sa mga argumentong nakakaubos ng oras at nakakasira ng pagkakaisa.

patnubay: O “tagubilin; payo; pagsasanay.” Lit., “ilagay sa kanila ang kaisipan.” Ang salitang Griego na ginamit dito (nou·the·siʹa) ay kombinasyon ng mga salita para sa “isip” (nous) at “ilagay” (tiʹthe·mi). Sa kontekstong ito, ipinapakita ng paggamit ng salitang ito na kailangang tulungan ng mga Kristiyanong ama ang anak nila na maintindihan ang kaisipan ng Diyos. Para bang inilalagay nila ang kaisipan ng Diyos na Jehova sa isip ng mga anak nila.

sekta: Ang salitang Griego na isinalin ditong “sekta” ay haiʹre·sis (kung saan nanggaling ang salitang Ingles na “heresy”). Lumilitaw na orihinal itong nangangahulugang “pagpili.” Ganiyan ang pagkakagamit ng Septuagint sa salitang ito sa Lev 22:18, kung saan binanggit na maghahandog ang mga Israelita ng “anumang mapili nilang ihandog.” Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan naman, ang terminong ito ay tumutukoy sa isang grupo ng mga tao na may naiibang mga paniniwala o doktrina. Tinatawag na sekta ang dalawang pangunahing grupo ng Judaismo—ang mga Pariseo at Saduceo. (Gaw 5:17; 15:5; 26:5) Tinatawag ng mga di-Kristiyano ang Kristiyanismo na “sekta” o “sekta ng mga Nazareno” dahil posibleng iniisip nilang humiwalay lang ito sa Judaismo. (Gaw 24:5, 14; 28:22) Ang salitang Griego na haiʹre·sis ay ginamit din para tumukoy sa mga grupong nabuo sa loob ng kongregasyong Kristiyano. Idiniin ni Jesus na magkakaisa ang mga tagasunod niya at ipinanalangin niya ito. (Ju 17:21) Nagsikap din ang mga apostol na mapanatili ang pagkakaisa ng kongregasyong Kristiyano. (1Co 1:10; Jud 17-19) Kung maggugrupo-grupo ang mga miyembro ng kongregasyon, masisira ang pagkakaisa nila. Kaya kapag ginagamit ang salitang Griego na haiʹre·sis para sa ganitong mga grupo, negatibo ang kahulugan nito. Tumutukoy ito sa mga grupong nakakasira ng pagkakaisa o sa mga sekta. Kapag hindi nagkakaisa sa paniniwala ang mga tao, puwedeng magkaroon ng matitinding pagtatalo, pagkakabaha-bahagi, at pag-aaway pa nga. (Ihambing ang Gaw 23:7-10.) Kaya dapat talagang iwasan ang pagbuo ng mga sekta at ituring itong isa sa “mga gawa ng laman.”​—Gal 5:19-21; 1Co 11:19; 2Pe 2:1.

mga sekta sa gitna ninyo: Gaya ng binanggit sa naunang talata, nabalitaan ni Pablo na “may pagkakabaha-bahagi” sa kongregasyon sa Corinto. Sinabi ni Pablo na sa pagkakaroon ng ganoong mga sekta, makikilala kung sino ang mga taong may pagsang-ayon ng Diyos. Madaling makikilala ang mga tapat at tunay na Kristiyano na may malinis na motibo, dahil umiiwas sila sa sekta at mapagpakumbaba nilang ginagawa ang lahat para maitaguyod ang pag-ibig at pagkakaisa. Kaya masasabing dahil sa mga sekta at pagkakabaha-bahagi, nakikilala ang mga taong may pagsang-ayon ng Diyos.—Para sa paliwanag sa terminong “sekta,” tingnan ang study note sa Gaw 24:5.

babalaan: O “payuhan.”—Tingnan ang study note sa 1Te 5:12.

isang tao na nagtataguyod ng isang sekta: O “isang tao na gumagawa ng pagkakabaha-bahagi.”—Tingnan sa Glosari, “Sekta,” at study note sa Gaw 24:5; 1Co 11:19.

itakwil mo siya: O “putulin mo na ang kaugnayan mo sa kaniya.” Ang pandiwang Griego na ginamit dito ni Pablo ay puwedeng mangahulugang paalisin ang isa, halimbawa, palayasin sa bahay. Kapag nagsimulang magtaguyod ng isang sekta ang isang kapatid sa kongregasyon, maibigin siyang papayuhan ng matatandang lalaki. Pero kung hindi pa rin siya magbago, ‘itatakwil’ siya ng matatandang lalaki; lumilitaw na ang ibig sabihin nito ay ititiwalag nila siya sa kongregasyon. (Ro 16:17; 1Co 5:12, 13; 1Ti 1:20; 2Ju 10) Kung hindi, masisira niya ang pagkakaisa ng kongregasyon.—2Ti 2:16-18.

paalalahanan: Ang salitang Griego na ginamit dito ni Pablo ay puwedeng tumukoy sa pagtuturo at pagpatnubay. (Tingnan ang study note sa Efe 6:4.) Pero sa kontekstong ito, tumutukoy ito sa “pagbibigay ng babala.”—Ihambing ang 1Te 5:14 at study note.

lumihis na sa daan: Inilalarawan ng ekspresyong ito ang isang tao na lumihis “mula sa kung ano ang tinatanggap na totoo o tama.” Ayon sa ilang iskolar, ang orihinal na pandiwang Griego na ginamit dito ay nangangahulugang “bumaligtad,” na puwedeng magpahiwatig na binabaluktot ng isa ang katotohanan mula sa Kasulatan. Dapat itakwil, o itiwalag sa kongregasyon, ang ganitong tao.

nahatulan na dahil sa sarili niyang paggawi: Ipinapakita ng ekspresyong ito kung gaano kaseryoso ang pagtataguyod ng sekta sa kongregasyon. May ilan na may pag-aalinlangan lang pero handa namang makinig; pero hindi ganiyan ang isang taong ayaw pa ring magbago “matapos paalalahanan nang dalawang beses.” (Tit 3:10; Jud 22, 23) Nahatulan na siya at mapupuksa sa hinaharap dahil sa katigasan ng ulo niya at sadyang pagsira sa pagkakaisa ng kongregasyon.—2Pe 2:1.

Artemas: Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, dito lang binanggit ang kasamahan ni Pablo na si Artemas. Inisip ni Pablo na ipadala siya o si Tiquico sa Creta, posibleng para palitan doon si Tito at mapuntahan nito si Pablo sa Nicopolis. (Tingnan sa Media Gallery, “Mga Paglalakbay ni Pablo Pagkatapos ng mga 61 C.E.”) Walang ulat kung kailan at saan nakilala ni Pablo si Artemas, pero maliwanag na pinagkakatiwalaan niya ito at iniisip niyang magagampanang mabuti ni Artemas ang atas.

Tiquico: Tingnan ang study note sa Col 4:7.

Tiquico: Isang ministrong Kristiyano mula sa lalawigan ng Asia na naging malaking tulong kay Pablo. (Gaw 20:2-4) Ipinagkatiwala ni Pablo kay Tiquico ang pagdadala ng liham sa mga taga-Colosas, kay Filemon na miyembro ng kongregasyon sa Colosas, at sa mga taga-Efeso. Pero hindi lang iyan ang atas ni Tiquico. Siya rin ang ‘nagdala ng balita’ tungkol kay Pablo. Malamang na kasama dito ang mga detalye tungkol sa pagkakabilanggo ni Pablo, sa kalagayan niya, at sa mga pangangailangan niya. Sigurado si Pablo na kapag ang “minamahal na kapatid . . . at tapat na lingkod” na ito ang nagdala ng balita tungkol sa kaniya, maaaliw ang mga kapatid at lalo nilang mapapahalagahan ang mahahalagang aral mula sa Diyos na itinuro niya. (Col 4:8, 9; tingnan din ang Efe 6:21, 22.) Pagkalaya ni Pablo sa pagkakabilanggo, inisip niyang isugo si Tiquico sa Creta. (Tit 3:12) At nang mabilanggo si Pablo sa Roma sa ikalawang pagkakataon, ipinadala niya si Tiquico sa Efeso.—2Ti 4:12.

maibigay . . . ang mga kailangan nila sa paglalakbay: Malawak ang kahulugan ng terminong Griego na isinalin ditong “maibigay . . . ang mga kailangan nila sa paglalakbay.” Puwede pa nga itong mangahulugan na samahan sila sa ilang bahagi o sa buong paglalakbay nila. (Ihambing ang Gaw 20:38; 21:5; Ro 15:24; 1Co 16:6.) Ayon sa isang reperensiya, posibleng hinihiling dito ni Pablo kay Tito na paglaanan niya sina Zenas at Apolos ng “pagkain, pera, mga kasama sa paglalakbay, transportasyon, at tutuluyan.” Ipinaliwanag pa ng isang reperensiya: “Karaniwan noon sa mga Kristiyano na ilaan ang mga pangangailangan ng mga naglalakbay na kapananampalataya nila. Kailangan ito dahil napakahirap maglakbay noon, at mas magiging komportable ang mga Kristiyanong naglalakbay kung kasama nila ang mga kapuwa nila Kristiyano.” Dito, pinasigla ni Pablo si Tito na pagsikapan itong gawin, na sa orihinal na Griego ay puwedeng mangahulugang “pag-isipang mabuti at gawin nang may pananabik.”—Ihambing ang study note sa Fil 2:30; 2Ti 4:21.

Zenas, na bihasa sa Kautusan: Lit., “Zenas na abogado.” Ang salitang Griego na ginamit dito (no·mi·kosʹ) ay puwedeng tumukoy sa isang abogado, pero malamang na ginamit ito ni Pablo para ilarawan si Zenas bilang eksperto sa Kautusang Mosaiko. Kung gayon, posibleng Judio si Zenas at isang eskriba pa nga. Pero ang Zenas ay isang pangalang Griego, kaya posibleng Gentil siya na nakumberte sa Judaismo bago naging Kristiyano. Posible ring Judio siya na may pangalang Griego; maraming Judio noong panahon ni Pablo ang may pangalang Griego o Romano. (Gaw 1:23; 9:36 at study note; 12:25) Alinman diyan ang totoo, makikita sa mga bilin ni Pablo kay Tito na isang mahusay na Kristiyano si Zenas.

Apolos: Ito ang huling beses na binanggit ang tapat na lalaking ito sa Kristiyanong Griegong Kasulatan. Una siyang binanggit sa aklat ng Gawa. Nang mangaral siya sa Efeso, “mahusay [na] siyang magsalita,” pero kailangan niya pang maturuan. Pagkatapos, nagpunta siya sa Acaya, at “malaki ang naitulong niya” sa mga alagad doon. (Gaw 18:24-28; tingnan ang study note sa Gaw 18:24.) Napakataas ng tingin sa kaniya ng mga kapatid, kaya ang ilang taga-Corinto na mahina sa espirituwal ay parang naging tagasunod na ni Apolos at ang iba naman ay ni Pablo. (1Co 1:12; 3:5, 6) Pero hindi ito nakaapekto kay Apolos, at hindi rin sumamâ ang tingin ni Pablo sa masigasig na misyonerong ito. (Tingnan ang study note sa 1Co 16:12.) Sa talatang ito, binilinan ni Pablo si Tito na ‘pagsikapang ibigay’ ang mga pangangailangan ni Apolos sa paglalakbay, na posibleng para sa atas nitong dalawin ang mga kongregasyon bilang naglalakbay na tagapangasiwa.

Kung tungkol sa kapatid nating si Apolos: Lumilitaw na nagpunta si Apolos sa Efeso o malapit sa lunsod na ito, kung saan isinulat ni Pablo ang 1 Corinto. Nangaral noon si Apolos sa Corinto (Gaw 18:24–19:1a), at mataas ang paggalang sa kaniya ng mga tagaroon. Pinakiusapan siya ni Pablo na dalawin ang kongregasyon sa Corinto, pero wala iyon sa plano ni Apolos nang mga panahong iyon. Posibleng natatakot siya na lalo pang magkabaha-bahagi ang kongregasyon (1Co 1:10-12), o posibleng may iba pa siyang kailangang gawin. Anuman ang dahilan, ang pagtawag ni Pablo kay Apolos na “kapatid” ay nagpapakitang hindi hinayaan ng dalawang masisigasig na misyonerong ito na sirain ng mga paksiyon sa kongregasyon sa Corinto ang pagkakaisa nila, gaya ng ipinapalagay ng ilang komentarista sa Bibliya.—1Co 3:4-9, 21-23; 4:6, 7.

Apolos: Judiong Kristiyano na lumilitaw na lumaki sa lunsod ng Alejandria, ang kabisera ng Ehipto, na lalawigan ng Roma. Ang Alejandria ay sentro ng mataas na edukasyon, at kilalá ito sa malaking aklatan nito. Sa Imperyo ng Roma, ito ang ikalawang pinakamalaking lunsod, sumunod sa lunsod ng Roma, at maraming nakatirang Judio rito. Isa ito sa mga pinakaimportanteng sentro ng kultura at edukasyon ng mga Judio at Griego. Dito ginawa ang Griegong salin ng Hebreong Kasulatan na tinatawag na Septuagint. Posibleng ito ang dahilan kaya sinabing maraming alam [lit., “makapangyarihan”] si Apolos sa Kasulatan, o sa Hebreong Kasulatan.

Tabita: Ang ibig sabihin ng pangalang Aramaiko na Tabita ay “Gasela,” at lumilitaw na katumbas ito ng salitang Hebreo (tsevi·yahʹ) na nangangahulugang “babaeng gasela.” (Sol 4:5; 7:3) Ang pangalang Griego na Dorcas ay nangangahulugan ding “Gasela.” Sa daungang gaya ng Jope, kung saan parehong may mga Judio at Gentil, posibleng kilalá si Tabita sa dalawang pangalan niya, depende sa wikang ginagamit. Pero posible ring isinalin ni Lucas ang pangalang ito para sa mga mambabasang Gentil.

Sikapin mong makarating bago magtaglamig: Gusto ni Pablo na maglakbay si Timoteo sa Roma bago magtaglamig, malamang na dahil mapanganib nang magbiyahe sa mga buwang ito. Sa Mediteraneo noon, walang gaanong naglalayag sa pagtatapos ng taglagas, sa panahon ng taglamig, at sa pagsisimula ng tagsibol dahil panahon ito ng malalakas na bagyo. (Gaw 27:9-44; tingnan din sa Media Gallery, “Mga Gawa ng mga Apostol—Paglalakbay ni Pablo sa Roma at Unang Pagkabilanggo Niya Doon.”) Mas mahirap din ang paglalayag dahil sa makapal na ulap na may kasamang ulan, niyebe, at hamog. Walang kompas ang mga marinero kaya umaasa lang sila sa posisyon ng mga isla o bundok, pati na ng araw, buwan, at mga bituin. Isa pa, kung makakarating si Timoteo bago magtaglamig at madala na niya kay Pablo ang balabal nito na naiwan sa Troas, makakatulong iyon sa apostol na hindi masyadong ginawin sa taglamig habang nakabilanggo.—2Ti 4:13; tingnan din sa Media Gallery, ‘Dalhin Mo ang Balabal.’

isinapanganib niya ang buhay niya: Lumilitaw na may kasamang panganib sa atas ni Epafrodito na pumunta sa Roma para magdala ng ilang pangangailangan ni Pablo sa bilangguan. Posibleng nagkasakit si Epafrodito nang malubha dahil mahirap ang paglalakbay noong unang siglo at marumi ang mga tuluyan. (Fil 2:26, 27) Anuman ang dahilan ng pagkakasakit niya, sinabi ni Pablo na “muntik na siyang [si Epafrodito] mamatay alang-alang sa gawain ng Kristo.” Kaya tama lang na komendahan ni Pablo si Epafrodito at pasiglahin ang kongregasyon sa Filipos na “malugod . . . siyang tanggapin gaya ng pagtanggap [nila] sa mga tagasunod ng Panginoon” at ‘laging pahalagahan ang gayong tao.’—Fil 2:29; tingnan ang study note sa Fil 2:25, 26 at Glosari, “Nephesh; Psykhe.”

Sumainyo nawang lahat: Kahit na kay Tito patungkol ang liham na ito ni Pablo, ipinapakita ng ekspresyong ito na gusto ng apostol na mabasa ang liham na ito sa buong kongregasyon. Mapapatibay nito ang lahat na makipagtulungan kay Tito kapag may itinutuwid siya (Tit 1:5, 10), nag-aatas siya ng matatandang lalaki (Tit 1:6-9), sumasaway (Tit 1:13; 2:15), nagbibigay ng paulit-ulit na paalala (Tit 3:1, 8), at humihingi ng materyal na tulong para sa mga nangangailangan (Tit 3:13, 14).

Media

Ang Lunsod ng Nicopolis
Ang Lunsod ng Nicopolis

Makikita sa mapa ang Romanong lunsod ng Nicopolis na nasa rehiyong Epirus, na ngayon ay ang hilagang-kanlurang Greece. Maraming lunsod noon ang may pangalang Nicopolis, na ang ibig sabihin ay “Lunsod ng Pananaig [Tagumpay].” Pero posibleng ito ang Nicopolis na binanggit sa Bibliya na pinuntahan ni Pablo pagkatapos ng unang pagkabilanggo niya sa Roma. (Tit 3:12; tingnan ang mapa na “Mga Paglalakbay ni Pablo Pagkatapos ng mga 61 C.E.”) Itinatag ni Octavian (nang maglaon ay naging si Cesar Augusto) ang Nicopolis pagkatapos ng 31 B.C.E. Marami ang inilipat dito para manirahan, at naging sentro ng kalakalan ang bagong lunsod na ito. Posibleng inisip ni Pablo na magandang lugar ito para magpatotoo sa panahon ng taglamig kaya pinlano niyang manatili dito. Iniisip ng ilan na sa Nicopolis inaresto si Pablo at pinabalik sa Roma para sa ikalawa at huling pagkabilanggo niya. (Tingnan ang study note sa Gaw 28:30.) Makikita sa mga larawan ang hitsura ngayon ng sinaunang Nicopolis.

1. Paagusan ng Roma; posibleng sinimulan itong itayo noong naghahari si Cesar Nero (54-68 C.E.)

2. Makikita sa malayo ang mga daungan ng Nicopolis, at nasa bandang harap ng larawan ang Odeum (maliit na teatro), na posibleng itinayo noong unang bahagi ng ikalawang siglo C.E.