Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Pangmalas ng Bibliya

Kung Paano Magtatagumpay ang Pag-aasawa

Kung Paano Magtatagumpay ang Pag-aasawa

“Siya na lumalang sa kanila mula sa pasimula ay ginawa silang lalaki at babae at nagsabi, ‘Sa dahilang ito ay iiwan ng lalaki ang kaniyang ama at ang kaniyang ina at pipisan sa kaniyang asawa, at ang dalawa ay magiging isang laman’ . . . Kaya nga, ang pinagtuwang ng Diyos ay huwag paghiwalayin ng sinumang tao.”​—Jesu-Kristo, ayon sa ulat ng Mateo 19:4-6.

SA PANAHONG ito na pabagu-bago ang mga pamantayan, hindi na sineseryoso ng marami ang pag-aasawa. Marami ang naghihiwalay o nagdidiborsiyo kapag hindi na sila naaakit sa isa’t isa o kapag nagkaroon ng problema, kahit pa nga maliit lang. Kadalasan na, ang mga anak ang nagdurusa.

Hindi na ipinagtataka ng mga nag-aaral ng Bibliya ang ganitong pangyayari. Inihula ng Bibliya na sa “mga huling araw,” sa panahon natin ngayon, ang karamihan ay hindi na magpapakita ng mga katangiang nagbubuklod sa pamilya, gaya ng pagkamatapat, tunay na pag-ibig, at likas na pagmamahal. (2 Timoteo 3:1-5) Nababahala ka ba sa pagbabang ito ng mga pamantayan at sa epekto nito sa mga pamilya? Seryosong bagay ba para sa iyo ang pag-aasawa?

Kung oo, makikinabang ka sa Bibliya dahil ang maaasahang mga payo nito ay nakatutulong pa rin sa maraming mag-asawa. Halimbawa, isaalang-alang ang limang simulain na makatutulong nang malaki sa mga mag-asawa. *

Limang Susi sa Matagumpay na Pag-aasawa

(1) Tandaan na sagrado ang pag-aasawa. Ipinakikita ng nabanggit na pananalita ni Jesus na para sa kaniya at sa Maylalang, ang Diyos na Jehova, ang pag-aasawa ay sagrado. Idiniriin ito ng sinabi ng Diyos sa ilang lalaki noon na diniborsiyo ang kanilang mga asawa para makapag-asawa ng mas bata. “Sumira kayo sa pangako ninyo sa inyong asawa na pinakasalan ninyo nang kayo’y bata pa,” ang sabi ng Diyos. “Siya’y naging katuwang ninyo, ngunit ngayo’y sumira kayo sa pangako ninyo sa kaniya, bagamat nangako kayo sa Diyos na magiging tapat kayo.” Pagkatapos ay sinabi ni Jehova ang mabigat na pananalitang ito: “Napopoot ako sa taong malupit sa asawa.” (Malakias 2:14-16, Magandang Balita Biblia) Maliwanag na para sa Diyos, seryosong bagay ang pag-aasawa; mahalaga sa kaniya kung paano pinakikitunguhan ng mag-asawa ang isa’t isa.

(2) Maging responsableng asawang lalaki. Kapag kailangang gumawa ng mahahalagang desisyon para sa pamilya, dapat na may gagawa ng pasiya. Ang papel na iyan ay iniatas ng Bibliya sa asawang lalaki. “Ang asawang lalaki ang ulo ng kaniyang asawang babae,” ang sabi sa Efeso 5:23. Pero hindi niya dapat pagmalupitan ang asawa niya. Dapat niyang tandaan na silang mag-asawa ay “isang laman,” at dapat niyang parangalan at konsultahin ang kaniyang asawa. (1 Pedro 3:7) Sinabi ng Bibliya na “dapat ibigin ng mga asawang lalaki ang kani-kanilang asawang babae na gaya ng sa kanilang sariling mga katawan.”​—Efeso 5:28.

(3) Maging matulunging asawang babae. Inilalarawan ng Bibliya ang asawang babae bilang “kapupunan” ng kaniyang asawa. (Genesis 2:18) Kaya mayroon siyang mga katangian na makatutulong sa kanilang pagsasama. Bilang kapupunan, hindi siya nakikipagkompetensiya sa kaniyang asawa, kundi sa halip, maibigin niya itong sinusuportahan, anupat nagtataguyod ng kapayapaan sa pamilya. “Ang mga asawang babae ay magpasakop sa kani-kanilang asawang lalaki,” ang sabi sa Efeso 5:22. Pero paano kung hindi siya sang-ayon sa desisyon ng kaniyang asawa? Dapat niyang sabihin ang kaniyang opinyon sa mahinahon at magalang na paraan, kung paano niya nais na kausapin siya ng kaniyang asawa.

(4) Maging makatotohanan, at asahan na magkakaroon ng mga suliranin. Ang pag-aasawa ay maaaring masubok dahil sa padalus-dalos o masakit na pananalita, problema sa pera, malubhang sakit, o stress sa pagpapalaki ng mga anak. Prangkahang sinasabi ng Bibliya na ang mga nag-aasawa ay “magkakaroon ng kapighatian sa kanilang laman.” (1 Corinto 7:28) Pero hindi naman dapat magpahina sa relasyon ng mag-asawa ang mga kapighatian, o mga pagsubok. Sa katunayan, kapag nagmamahalan ang dalawang tao at mayroon silang makadiyos na karunungan, malulutas nila ang mga problema na posibleng sumira sa kanilang pagsasama. Taglay mo ba ang karunungang kailangan para maharap ang mga problema sa pamilya? “Kung ang sinuman sa inyo ay nagkukulang ng karunungan,” ang sabi ng Bibliya, “patuloy siyang humingi sa Diyos, sapagkat siya ay saganang nagbibigay sa lahat at hindi nandurusta.”​—Santiago 1:5.

(5) Maging tapat sa isa’t isa. Ang pakikiapid, o pakikipagtalik sa hindi asawa, ang isa sa pangunahing dahilan kung bakit nasisira ang pagsasama ng mag-asawa at ang tanging saligan ng diborsiyo na pinahihintulutan ng Diyos. (Mateo 19:9) Sinasabi ng Bibliya: “Maging marangal nawa ang pag-aasawa sa gitna ng lahat, at maging walang dungis ang higaang pangmag-asawa, sapagkat hahatulan ng Diyos ang mga mapakiapid at mga mangangalunya.” (Hebreo 13:4) Ano ang maaaring gawin ng mag-asawa para hindi sila matuksong mangalunya? Sinasabi ng Bibliya: “Ibigay ng asawang lalaki sa kaniyang asawa ang kaniyang kaukulan; ngunit gayundin ang gawin ng asawang babae sa kaniyang asawa.”​—1 Corinto 7:3, 4.

Baka isipin ng ilan na lipas na o hindi na praktikal ang limang payo na tinalakay. Pero hindi ganiyan ang ipinakikita ng mga resulta. Sa katunayan, ang mga ito ay gaya ng nararanasan ng isang tao na nagpapaakay sa Diyos sa bawat pitak ng kaniyang buhay: “Siya ay tiyak na magiging tulad ng isang punungkahoy na nakatanim sa tabi ng mga daloy ng tubig, na nagbibigay ng sariling bunga nito sa kaniyang kapanahunan at ang mga dahon nito ay hindi nalalanta, at ang lahat ng kaniyang gawin ay magtatagumpay.” (Awit 1:2, 3) Ang pagsunod sa mga payo ng Diyos ay makatutulong nang malaki para magtagumpay ang pag-aasawa.

[Talababa]

^ par. 6 Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa pag-aasawa, tingnan ang isa pa naming magasin, Ang Bantayan, isyu ng Pebrero 1, 2011.

NAPAG-ISIP-ISIP MO NA BA?

● Ano ang pangmalas ng Diyos sa diborsiyo?​—Malakias 2:14-16.

● Paano dapat pakitunguhan ng lalaki ang kaniyang asawa?​—Efeso 5:23, 28.

● Kaninong karunungan ang gumagarantiya ng tagumpay sa pag-aasawa?​—Awit 1:2, 3.