Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Maituturo ng mga magulang ang pag-ibig sa pamamagitan ng kanilang halimbawa

PAGHARAP SA HAMON

Pagtuturo ng Tamang Moralidad

Pagtuturo ng Tamang Moralidad

Habang nasa field trip, ilang kabataang lalaki ang inakusahan ng seksuwal na pang-aabuso sa kanilang lalaking kaeskuwela. Lahat sila ay galing sa isang kilaláng pribadong paaralan sa Canada. Pagkatapos ng insidenteng ito, isinulat ni Leonard Stern sa pahayagang Ottawa Citizen: “Hindi nakakapigil ang pagiging matalino, edukado, at mayaman ng isang kabataan sa paggawa niya ng masasamang bagay.”

Sinabi pa ni Stern: “Alam natin na ang pinakatunguhin ng isang magulang ay ang turuan ang kaniyang anak na maging mabuting tao. Pero para sa maraming magulang, mas mahalaga na magkaroon ng mataas na pinag-aralan ang kanilang anak at maging mayaman.”

Totoo, mahalaga ang edukasyon. Pero kahit mataas ang pinag-aralan ng isa, hindi nito maaalis ang kaniyang maling mga pagnanasa at masasamang ugali. Kaya saan tayo makakakuha ng edukasyon na tutulong sa atin na maging mabuting tao at magbibigay ng patnubay sa moral?

EDUKASYONG GAGABAY SA MORAL AT ESPIRITUWAL

Ang Bibliya ay parang salamin. Kapag “tumitingin” tayo rito, mas malinaw nating nakikita ang ating mga limitasyon at kahinaan. (Santiago 1:23-25) Pero higit pa riyan ang nagagawa ng Bibliya. Tinutulungan tayo nito na magbago—magkaroon ng mga katangiang kailangan para sa tunay na kapayapaan at pagkakaisa. Kasama sa mga katangiang ito ang kabutihan, kabaitan, pagkamatiisin, pagpipigil sa sarili, at pag-ibig. ‘Lubusang pinagkakaisa ng pag-ibig ang mga tao.’ (Colosas 3:14) Bakit napakahalaga ng pag-ibig? Pansinin ang sinasabi ng Bibliya tungkol dito.

  • “Ang pag-ibig ay matiisin at mabait. Ang pag-ibig ay hindi naiinggit. Hindi ito nagyayabang, hindi nagmamalaki, hindi gumagawi nang hindi disente, hindi inuuna ang sariling kapakanan, at hindi nagagalit. Hindi ito nagkikimkim ng sama ng loob. Hindi ito natutuwa sa kasamaan kundi nagsasaya sa katotohanan. Pinagpapasensiyahan nito ang lahat ng bagay . . . at tinitiis ang lahat ng bagay. Ang pag-ibig ay hindi kailanman nabibigo.”​—1 Corinto 13:4-8.

  • “Ang pag-ibig ay hindi gumagawa ng masama sa kapuwa.”​—Roma 13:10.

  • “Higit sa lahat, magkaroon kayo ng masidhing pag-ibig sa isa’t isa, dahil ang pag-ibig ay nagtatakip ng maraming kasalanan.”​—1 Pedro 4:8.

Kapag kasama mo ang mga mahal mo sa buhay, ano ang nararamdaman mo? Ligtas? Panatag? Siyempre, dahil alam mong gusto nila ang pinakamabuti para sa iyo at hinding-hindi ka nila sasaktan.

Dahil sa pag-ibig, nagagawa nating magsakripisyo at magbago para sa kapakanan ng iba. Halimbawa, nang maging lolo si George, gustong-gusto niyang makasama ang kaniyang apo. Pero may problema. Malakas manigarilyo si George, at ayaw ng manugang niya na manigarilyo siya kapag kasama ang baby. Ano ang ginawa ni George? Kahit 50 taon na siyang naninigarilyo, itinigil niya ang kaniyang bisyo para sa kaniyang apo. Iyan ang nagagawa ng pag-ibig!

Tinutulungan tayo ng Bibliya na magkaroon ng maraming magagandang katangian, gaya ng kabutihan, kabaitan, at pag-ibig

Ang pag-ibig ay puwedeng matutuhan. Mga magulang ang pangunahing nagtuturo sa kanilang mga anak kung paano magpapakita ng pag-ibig. Pinapakain at pinoprotektahan nila ang kanilang mga anak at inaalagaan ang mga ito kapag nagkasakit. Kinakausap at tinuturuan ng mabubuting magulang ang kanilang mga anak. Dinidisiplina rin nila ang mga ito at tinuturuan kung ano ang tama at mali. At nagpapakita sila ng mahusay na halimbawa para sa kanilang mga anak.

Pero hindi ito nagagawa ng lahat ng magulang. Ibig bang sabihin, wala nang pag-asang gumanda ang buhay ng kanilang mga anak? Hindi naman. Maraming tao, pati na ang ilan na lumaki sa magulong pamilya, ang nakagawa ng malalaking pagbabago sa buhay at naging mapagmahal at mapagkakatiwalaan. At gaya ng makikita sa susunod na artikulo, kasama sa mga ito ang mga taong itinuturing ng ilan na wala nang pag-asang magbago!