Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Isang Panselyo na ‘Pagmamay-ari ni Jucal’

Isang Panselyo na ‘Pagmamay-ari ni Jucal’

Isang Panselyo na ‘Pagmamay-ari ni Jucal’

NOONG ikapitong siglo B.C.E., nilupig ng tagapamahala ng mga Caldeo na si Nabucodonosor ang Jerusalem, sinunog ang lunsod, at winasak ang mga pader nito. Dinakip at binulag niya si Zedekias, ang hari ng Juda. Bukod diyan, “ang lahat ng mga taong mahal ng Juda ay pinatay ng hari ng Babilonya.”​—Jeremias 39:1-8.

Ang isa sa mga taong mahal, o mga prinsipe, ng Juda na malamang na napatay ng mga Babilonyo ay si Jucal, ang anak ni Selemias. May lumitaw na bagong impormasyon tungkol sa tauhang ito ng Bibliya. Subalit bago natin ito isaalang-alang, tingnan natin kung ano ang sinasabi ng Kasulatan tungkol kay Jucal at sa panahong kinabuhayan niya.

“Hindi Sila Mananaig Laban sa Iyo”

Inatasan ni Jehova si propeta Jeremias upang bigkasin ang mensahe ng kahatulan laban sa Juda at Jerusalem. Sinabi ng Diyos kay Jeremias na ang mga hari, mga prinsipe, mga saserdote, at ang bayan ng Juda ay “makikipaglaban” sa kaniya. “Ngunit hindi sila mananaig laban sa iyo, sapagkat ‘Ako ay sumasaiyo,’” ang sabi ni Jehova.​—Jeremias 1:17-19.

Sa panahon ng pagkubkob ng Babilonya sa kabisera ng Juda, ang Jerusalem, dalawang beses nagsugo si Haring Zedekias ng mga mensahero kay Jeremias upang alamin kung uurong ba si Nabucodonosor sa lunsod at upang hilingin sa propeta na ipanalangin na gayon ang mangyari. Ang isa sa mga isinugo ng hari ay si Jucal, na tinatawag ding Jehucal. Ang mensaheng sinabi ng Diyos kay Jeremias ay na wawasakin ng mga Babilonyo, o mga Caldeo, ang lunsod. Sinumang tumatahan sa Jerusalem na mananatili roon ay mamamatay sa taggutom, salot, at tabak. Sa kabilang dako naman, yaong mga lalabas sa mga Caldeo ay makaliligtas. Talagang nagngalit nang husto ang mga prinsipe ng Juda sa mga sinabi ni Jeremias!​—Jeremias 21:1-10; 37:3-10; 38:1-3.

Si Jucal ang isa sa mga prinsipeng nagsulsol kay Zedekias: “Ipapatay mo ang lalaking ito [si Jeremias], pakisuyo, sapagkat . . . pinanghihina [niya] ang mga kamay ng mga lalaking mandirigma.” Kabilang din ang masamang si Jucal sa mga naghagis kay Jeremias sa malusak na imbakang-tubig, kung saan nasagip naman ang propeta nang dakong huli. (Jeremias 37:15; 38:4-6) Dahil sa pagsunod kay Jehova, nakaligtas si Jeremias sa pagkawasak ng Jerusalem, subalit si Jucal ay lumilitaw na namatay nang pawiin ang pinagkakatiwalaan niyang sistema ng mga Judio.

Kawili-wiling Bagong Impormasyon

Nito lamang taóng 2005 natagpuan sa Jerusalem ang bagong impormasyon tungkol kay Jucal. Naghuhukay ang mga arkeologo sa lugar na inaakala nilang kinaroroonan ng palasyo ni Haring David. Ang natagpuan nila ay isang malawak na batong istraktura na pinaniniwalaan nilang nawasak nang kubkubin ng mga Babilonyo ang Jerusalem noong panahon ni Jeremias.

Hindi pa rin matiyak kung ito ang palasyo ni David o hindi. Subalit natukoy ng mga arkeologo kung ano ang isang natagpuang bagay​—ang 1-sentimetrong luwad na may tatak na makikita sa pahina 14. Ginamit itong panselyo sa isang dokumento na matagal nang nabulok. Ganito ang nakatatak: “Pagmamay-ari ni Yehuchal anak ni Shelemiyahu anak ni Shovi.” Malinaw na ang ginamit dito ay ang panselyo ng kalaban ni Jeremias na si Yehuchal, o Jucal, ang anak ni Selemias.

Ang arkeologong si Eilat Mazar, na bumasa sa tatak, ay sumulat na si Jehucal ay “ikalawang maharlikang lingkod” lamang, pumapangalawa kay Gemarias, anak ni Sapan, na ang pangalan ay nakita sa isang tatak na natagpuan sa Lunsod ni David. *

Ang pananampalataya sa Salita ng Diyos ay hindi nakadepende sa pagkatuklas sa anumang sinaunang bagay; kundi ang katuparan ng kinasihang hula ang mainam na basehan ng paniniwala sa Bibliya. Pinatutunayan ng mga pangyayari sa kasaysayan na talagang tumpak ang hula ni Jeremias hinggil sa pagkawasak ng Jerusalem. Ang kahiya-hiyang kinahinatnan ng mga kalaban ni Jeremias ay dapat magpatibay sa ating kombiksiyon na kung tayo ay magiging tapat gaya ni Jeremias, ‘hindi mananaig ang ating mga kaaway laban sa atin sapagkat si Jehova ay sumasaatin.’

[Talababa]

^ par. 11 Para sa impormasyon tungkol kina Gemarias at Sapan, tingnan ang artikulong “Kilala Mo ba si Sapan at ang Kaniyang Pamilya?” sa Ang Bantayan ng Disyembre 15, 2002, pahina 19-22.

[Larawan sa pahina 15]

Hindi nagpadala si Jeremias sa panggigipit na pagaanin ang mensahe ng Diyos

[Picture Credit Line sa pahina 14]

Gabi Laron/​Institute of Archaeology/​Hebrew University © Eilat Mazar