Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Tulungan ang Iyong Anak na Makayanan ang Pamimighati

Tulungan ang Iyong Anak na Makayanan ang Pamimighati

Tulungan ang Iyong Anak na Makayanan ang Pamimighati

SA ISANG abalang tindahan ng aklat, sinigawan ng isang galít na ina ang nagbabantay: “Punung-puno ng aklat ang tindahan ninyo pero walang anumang bagay rito na makatutulong sa anak ko!” Naghahanap ng gabay ang ina kung paano niya matutulungan ang kaniyang batang anak na lalaki na harapin ang biglang pagkamatay ng isang malapít na kapamilya.

May dahilan naman ang ina na mag-alala. Talaga ngang napakasakit para sa isang bata na tanggaping namatay na ang isang mahal sa buhay! Maganda ang paglaki ng mga bata kapag nasa pangangalaga sila ng kanilang pamilya, pero maaaring agawin ng kamatayan ang isang taong mahal na mahal nila. Bilang magulang, paano mo matutulungan ang iyong anak kapag malapit nang mamatay o namatay na ang isang mahal sa buhay?

Sabihin pa, yamang namatayan ka rin ng mahal sa buhay, baka ikaw mismo ay nagsisikap na makayanan ang damdamin mo; baka nagdurusa ka at damang-dama mo ang kawalan. Gayunman, hindi mo dapat kalimutan na kailangan ng iyong anak ang suporta mo. “Naririnig ng mga bata ang sinasabi ng ilan, at kadalasan nang iba ang nagiging pagkaunawa nila sa mga ito o mali pa nga ang naiisip nila hinggil dito,” ang sabi ng isang publikasyong ipinamamahagi ng isang ospital sa Minnesota, E.U.A. Sinasabi pa nito: “Kailangang sabihin sa mga bata ang totoo.” Kaya baka mabuting ipaliwanag sa iyong mga anak ang totoo, batay sa kaya nilang unawain ayon sa kanilang edad. Hindi ito madaling gawin yamang iba-iba ang kakayahan ng mga bata na umunawa sa nangyayari.​—1 Corinto 13:11.

Kung Paano Ipaliliwanag ang Kamatayan

Sinasabi ng ilang mananaliksik na kapag kinakausap ang anak tungkol sa kamatayan, dapat maging maingat ang mga magulang sa paggamit ng mga pananalitang gaya ng “natutulog lang siya,” “wala na siya,” o “iniwan na niya tayo.” Maaaring malito ang isang bata kung gagamitin ang gayong mga pananalita nang hindi ipinaliliwanag sa kaniya ang talagang kahulugan ng mga ito. Totoo, ginamit ni Jesus ang pagtulog bilang ilustrasyon sa kamatayan, at angkop naman ito. Pero tandaan na hindi mga bata ang kausap niya. Bukod diyan, ipinaliwanag niya ang ilustrasyon. Sinabi ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod: “Si Lazaro na ating kaibigan ay namamahinga.” Bagaman adulto na ang mga alagad, “inakala nilang nagsasalita [si Jesus] tungkol sa pamamahinga sa pagtulog.” Kaya niliwanag ni Jesus ang bagay na iyon: “Si Lazaro ay namatay.” (Juan 11:11-14) Kung ang mga adulto nga ay nangangailangan ng gayong malinaw na paliwanag, lalo pa ngang higit ang ating mga anak!

“Baka sikapin ng isang magulang na gumamit ng mas magaang pananalita kapag ipinaliliwanag sa kaniyang anak ang tungkol sa kamatayan,” ang sabi ng mga awtor na sina Mary Ann Emswiler at James P. Emswiler, “ngunit sa paggawa nito, baka maitanim niya sa isip ng kaniyang anak ang mga ideyang hindi naman nito dating naiisip at maaaring nakakatakot at nakakapinsala.” Halimbawa, kung basta sasabihin sa isang bata na ang kaniyang namatay na mahal sa buhay ay natutulog lamang, maaaring maging dahilan ito upang matakot ang bata na kapag natulog siya sa gabi, baka hindi na siya magising. Kung sasabihin lamang sa kaniya na “iniwan na sila” ng namatay nilang mahal sa buhay, baka madama ng bata na ayaw na sa kaniya ng indibiduwal na iyon o na inabandona na siya nito.

Kapag sinisikap na ipaliwanag sa isang bata ang hinggil sa kamatayan, nasumpungan ng maraming magulang na mas nauunawaan ng mga bata ang simple at deretsong pananalita kaysa sa mahirap maunawaang mga konsepto o pinagandang mga katawagan. (1 Corinto 14:9) Inirerekomenda ng mga mananaliksik na pasiglahin mo ang iyong anak na magtanong at sabihin ang mga bagay na bumabagabag sa kaniya. Ang madalas na pag-uusap ay makatutulong sa iyo na linawin ang mga di-pagkakaunawaan at maaari mong matuklasan kung paano mo matutulungan ang iyong anak.

Isang Maaasahang Mapagkukunan ng Patnubay

Sa panahon ng pagdadalamhati, sa iyo aasa ang anak mo para sa patnubay, suporta, at mga kasagutan. Kung gayon, saan ka makasusumpong ng maaasahang impormasyon tungkol sa kamatayan? Napatunayan ng maraming tao na ang Bibliya ay isang maaasahang pinagmumulan ng kaaliwan at pag-asa. Naglalaan ito ng mapagkakatiwalaang impormasyon kung paano nagsimula ang kamatayan, kung ano ang kalagayan ng mga patay, at ano ang pag-asa ng mga ito. Ang simpleng katotohanan na ang “mga patay . . . ay walang anumang kabatiran” ay makatutulong sa iyong anak na maunawaang hindi nagdurusa ang namatay niyang mahal sa buhay. (Eclesiastes 9:5) Karagdagan pa, sa Bibliya, nagbibigay sa atin ang Diyos ng pag-asa na makikita nating muli ang ating namatay na mga mahal sa buhay sa isang paraisong lupa.​—Juan 5:28, 29.

Kung aasa ka sa patnubay ng Banal na Kasulatan, matutulungan mo ang iyong anak na malamang nagbibigay ang Bibliya ng maaasahang patnubay at kaaliwan sa bawat nakapipighating kalagayan. Kasabay nito, makikita ng iyong anak na ikaw, bilang magulang, ay umaasa sa patnubay ng Salita ng Diyos sa mahahalagang bagay sa buhay.​—Kawikaan 22:6; 2 Timoteo 3:15.

Sagot sa Iyong mga Tanong

Sa pagtulong sa iyong anak na makayanan ang pangungulila, baka mapaharap ka sa mga kalagayang maaaring hindi mo alam kung ano ang iyong gagawin. Ano ang maaari mong gawin? * Talakayin natin ang ilang karaniwang tanong na maaaring bumangon.

Dapat ko bang itago sa anak ko ang aking pamimighati? Natural lamang na gusto mong maprotektahan ang iyong anak. Pero mali bang makita ka ng iyong anak na namimighati? Nasumpungan ng maraming magulang na mas magandang huwag ilihim ang kanilang pagdadalamhati, sa gayo’y naipakikita sa kanilang anak na normal lamang ang mamighati. Tinalakay ng ilang magulang sa kanilang mga anak ang mga halimbawa sa Bibliya ng mga indibiduwal na hayagang namighati. Halimbawa, lumuha si Jesus nang mamatay ang kaniyang kaibigang si Lazaro. Hindi itinago ni Jesus ang kaniyang damdamin.​—Juan 11:35.

Dapat bang sumama ang aking anak sa burol o sa sementeryo o dumalo sa serbisyo sa libing? Kung sasama ang isang bata, makabubuting ipaliwanag sa kaniya nang patiuna kung anong mangyayari doon, pati na kung bakit isinasagawa ang serbisyo sa libing. Sabihin pa, sa ilang kalagayan, maaaring magpasiya ang mga magulang na may mabubuting dahilan kung bakit hindi na dapat sumama ang kanilang mga anak sa lahat o sa ilang bahagi ng serbisyong gagawin. Kapag dumalo ang mga anak sa serbisyo sa libing na idinaraos ng mga Saksi ni Jehova, maaari silang makinabang mula sa salig-Bibliyang pahayag na maririnig doon. Bukod pa riyan, ang “magiliw na pagmamahal” at pag-ibig na makikita sa mga pumunta sa burol o libing ay maaaring magdulot ng magandang epekto at kaaliwan, maging sa isang bata.​—Roma 12:10, 15; Juan 13:34, 35.

Dapat ko bang ipakipag-usap sa aking anak ang hinggil sa aming namatay na mahal sa buhay? Sinasabi ng ilang mananaliksik na kung lubusan mong iiwasan ang paksang ito, baka isipin ng iyong anak na may itinatago kang lihim tungkol sa namatay o na sinisikap mong burahin ang lahat ng alaala sa isang iyon. Ganito ang sabi ng awtor na si Julia Rathkey: “Mahalagang tulungan ang mga anak na mamuhay taglay ang alaalang iyon at huwag matakot.” Ang malayang pakikipag-usap hinggil sa namatay na mahal sa buhay, pati na ang pagbanggit sa magagandang katangian at bahagi ng buhay ng isang iyon, ay makatutulong sa panahon ng pamimighati. Inaaliw ng mga magulang na Saksi ang kanilang anak sa pamamagitan ng pag-asang sinasabi ng Bibliya na magkakaroon ng pagkabuhay-muli sa isang paraisong lupa, kung saan wala nang sakit at kamatayan.​—Apocalipsis 21:4.

Paano ko matutulungan ang aking anak habang nagdadalamhati siya? Sa panahon ng pamimighati, maaaring makaranas ang anak mo ng pisikal na mga sintomas, marahil ng pagkakasakit. Baka galít o balisa ang bata dahil naiinis siya o pakiramdam niya ay wala siyang kalaban-laban. Huwag kang magugulat kung sinisisi ng bata ang kaniyang sarili, lagi siyang nakadikit sa iyo, o natatakot siya kapag hindi ka agad nakauwi ng bahay o nagkasakit ka. Ano ang gagawin mo kung ganito ang nararanasan ng iyong anak? Hinding-hindi dapat madama ng iyong anak na hindi mo napapansin ang nangyayari sa kaniya. Kaya maging sensitibo sa kaniyang damdamin at bigyang-pansin ang kalagayan niya. Huwag mamaliitin ang maaaring maging epekto sa iyong anak ng pagkamatay ng isang minamahal. Lagi siyang bigyan ng katiyakan, at pasiglahin siyang magtanong at malayang makipag-usap. Mapatitibay mo ang pag-asa ng iyong anak​—at maging ang sa iyo​—“sa pamamagitan ng kaaliwan mula sa Kasulatan.”​—Roma 15:4.

Kailan ko ibabalik ang dating mga rutin at iba pang gawain ng aming pamilya? Ituloy lamang ang pinakamarami sa inyong rutin hangga’t posible, sabi ng mga eksperto. Ang kapaki-pakinabang na mga rutin ay sinasabing mahusay na paraan upang makayanan ang pamimighati. Sa mga Saksi ni Jehova, nasumpungan ng maraming magulang na ang pagpapanatili ng mabuting rutin para sa espirituwal na mga bagay, gaya ng regular na pampamilyang pag-aaral sa Bibliya at pagdalo sa Kristiyanong mga pagpupulong, ay makapagpapatatag at makapagpapalakas sa pamilya.​—Deuteronomio 6:4-9; Hebreo 10:24, 25.

Hanggang hindi pa inaalis ng Diyos na Jehova ang sakit at kamatayan, mapapaharap pa rin sa pana-panahon ang mga anak sa trahedya ng kamatayan. (Isaias 25:8) Gayunman, sa pamamagitan ng pagbibigay ng angkop na katiyakan at suporta, matutulungan ang mga anak na matagumpay na harapin ang pagkamatay ng isang minamahal.

[Talababa]

^ Ang impormasyong iniharap sa artikulong ito ay hindi nilayon na maging mga alituntunin. Tandaan na lubhang magkakaiba ang mga kalagayan at kaugalian sa bawat bansa at kultura.

[Blurb sa pahina 19]

Pasiglahin mo ang iyong anak na magtanong at sabihin ang mga bagay na bumabagabag sa kaniya

[Larawan sa pahina 20]

Ipagpatuloy ang inyong mga rutin, pati na ang inyong pampamilyang pag-aaral sa Bibliya