Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Isang Sinaunang Tagapaglathala na Nagpalaganap ng Bibliya

Isang Sinaunang Tagapaglathala na Nagpalaganap ng Bibliya

Isang Sinaunang Tagapaglathala na Nagpalaganap ng Bibliya

LIBU-LIBONG taon na ang nakalipas nang magsimula ang paggawa ng mga aklat at balumbong sulat-kamay. Pero ang pag-iimprenta ng mga aklat ay nagsimula lang noong 868 C.E. sa Tsina, gamit ang inukit na mga bloke ng kahoy. Noong mga 1455 sa Alemanya, naimbento ni Johannes Gutenberg ang mga letrang gawa sa metal (movable metal type), at nailimbag niya ang unang Bibliya sa wikang Latin.

Gayunman, lumipas pa ang ilang taon bago naging pangkaraniwan ang paglalathala ng Bibliya at ng iba pang mga aklat. Ang Nuremberg ang naging sentro ng mga palimbagan sa Alemanya, at si Anton Koberger, na mula sa lunsod na iyon, ang malamang na unang nagkaroon ng malaking internasyonal na palimbagan ng Bibliya.

Malaki ang utang na loob ng mga tao sa mga sinaunang tagapaglathala ng Bibliya, gaya ni Anton Koberger. Kaya alamin natin kung sino si Koberger at kung ano ang kaniyang mga ginawa.

“Ang Pag-iingat sa Isang Aklat​—Ang Bibliya”

Si Koberger ang nagbukas ng unang palimbagan sa Nuremberg noong 1470. May panahong umabot nang 24 ang kaniyang imprentahan, na may 100 tagapaglimbag, artisano, at iba pang manggagawa sa Basel, Strasbourg, Lyon, at iba pang lunsod sa Europa. Mga akdang Latin at lathalain sa siyensiya noong Edad Medya ang inililimbag ni Koberger. Sa kabuuan, nakapaglathala siya ng 236 na mga aklat at Bibliya. Ang ilan dito ay may daan-daang pahina, na ang bawat pahina’y inilimbag isa-isa sa manu-manong imprentahan.

Nakilala ang mga aklat ni Koberger dahil maganda at madaling basahin ang pagkakaimprenta sa mga ito. “Gusto ni Koberger na laging bago ang mga letra at malinaw ang pagkakaimprenta,” ang isinulat ng istoryador na si Alfred Börckel. “Hindi na niya ipinapagamit ang mga lumang letra.” Bukod diyan, marami sa mga aklat at Bibliya ni Koberger ang may mga detalyadong larawan na inilimbag gamit ang inukit na kahoy.

Sa buong panahon ng karera ni Koberger, “kitang-kita ang pag-iingat sa isang aklat​—ang Bibliya,” ang isinulat ng kaniyang biyograpo na si Oscar Hase. Talagang sinikap ni Koberger at ng kaniyang mga kasama na makuha ang pinakatumpak na manuskrito ng Bibliya. Hindi ito madali dahil marami sa mga manuskritong ito ang pinakaiingat-ingatang kayamanan ng ilang monasteryo, at kung ipahihiram man para kopyahin, sandaling panahon lang.

Mga Bibliyang Latin at Aleman

Labinlimang beses na nag-imprenta si Koberger ng mga kopya ng Biblia Latina (Bibliyang Latin), na ang unang edisyon ay nailathala noong 1475. Ang ilang edisyon ay may mga larawan ng arka ni Noe, Sampung Utos, at templo ni Solomon. Noong 1483, inilimbag naman niya ang Biblia Germanica (Bibliyang Aleman). Nakapag-imprenta siya ng 1,500 kopya​—napakarami na nito nang panahong iyon. Mayroon itong mga 100 larawang inilimbag gamit ang inukit na kahoy para makuha ang interes ng mga mambabasa, maging higit na malinaw ang teksto, at maipaalaala ang mga pamilyar na kuwento sa Bibliya sa mga hindi marunong bumasa. Malaki ang naging impluwensiya ng mga larawang ito sa mga gumuguhit ng larawan para sa Bibliya, lalo na para sa mga Bibliyang Aleman.

Naging popular ang edisyong 1483 ng Bibliyang Aleman ni Koberger. Pero hindi na niya naulit pa ang pag-iimprenta nito. Bagaman maingat na binago ng kaniyang mga editor ang ilang pananalita nito para maging kahawig ng Latin na Vulgate na siyang inaprubahan ng Simbahan, ibinatay naman niya ang kaniyang bersiyon sa ipinagbabawal na saling Waldensian noong ika-14 na siglo. * Nang sumunod na taon, sinikap ni Pope Innocent VIII na buwagin ang komunidad ng mga Waldensian. At lalo pang tumindi ang pagsalansang ng simbahan sa pagsasalin ng Bibliya. Noong Marso 22, 1485, ipinagbawal ng arsobispong si Berthold ng Mainz, Alemanya, ang pagsasalin ng Bibliya sa wikang Aleman. Enero 4 ng sumunod na taon, muli niyang pinagtibay ang utos. Sa magulong panahong iyon, hindi na tinangka ni Koberger na muling ilimbag ang Bibliyang Aleman.

Hindi naman nauwi sa wala ang pagsisikap ni Anton Koberger. Siya ang nanguna sa paggamit ng makabagong makinarya sa pag-iimprenta para mas maraming tao sa Europa ang makabili ng aklat. Kaya nakatulong si Koberger para magkaroon ng Bibliya kahit ang karaniwang tao.

[Talababa]

^ par. 11 Tingnan ang artikulong “Ang mga Waldenses​—Mula sa Erehiya Tungo sa Protestantismo,” sa Marso 15, 2002, isyu ng Ang Bantayan.

[Mga larawan sa pahina 26]

Mula sa kaliwa: Si Daniel sa yungib ng leon na inilimbag gamit ang inukit na kahoy; Laminang ginto sa unang letra; Malinaw na pagkakaimprenta ng mga titik

[Larawan sa pahina 26]

Koberger

[Mga larawan sa pahina 26]

Mga detalye sa Bibliyang Latin at Aleman ni Koberger: matitingkad na dekorasyon at ang Genesis 1:1

[Picture Credit Lines sa pahina 26]

All Bible photos: Courtesy American Bible Society Library; Koberger: Mit freundlicher Genehmigung der Linotype GmbH