Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pitong Hakbang Para Makinabang sa Pagbabasa ng Bibliya

Pitong Hakbang Para Makinabang sa Pagbabasa ng Bibliya

Pitong Hakbang Para Makinabang sa Pagbabasa ng Bibliya

“Ang Bibliya ay hindi lang ang pinakamabiling aklat sa buong kasaysayan, ito rin ang pinakamabiling aklat taun-taon.”​—MAGASING TIME.

“Nagbabasa ako ng Bibliya paminsan-minsan, pero bagot na bagot ako.”​—KEITH, ISANG SIKÁT NA MANUNUGTOG MULA SA INGLATERA.

KAKATWANG isipin na maraming tao ang may Bibliya pero hindi masyadong nakikinabang sa pagbabasa nito. Gayunman, may ilan na nagpapahalaga sa nababasa nila rito. Halimbawa, sinabi ng babaing si Nancy: “Simula nang gawin kong rutin tuwing umaga na basahin ang Bibliya at bulay-bulayin ang nababasa ko, handa na akong harapin ang mga hamon sa araw-araw. Mas nakatulong ito upang mabawasan ang aking depresyon kaysa sa mga nasubukan ko sa loob ng 35 taon.”

Kahit na hindi ka pa nakababasa ng Bibliya, interesado ka bang malaman kung paano nito natulungan ang iba? Kung nagbabasa ka naman nito, gusto mo bang higit pang makinabang sa iyong pagbabasa? Kung oo, subukan ang pitong hakbang na binabanggit sa artikulong ito.

Hakbang 1​—Magbasa Nang May Tamang Motibo

▪ Maaaring nagbabasa ka ng Bibliya dahil naaaliw ka rito o naoobliga kang basahin ito. Baka iniisip mo ring puwede kang makahanap ng patnubay sa magulong daigdig na ito. Pero higit kang makikinabang kung gagawin mo ito dahil gusto mong malaman ang katotohanan tungkol sa Diyos at kung paano makakaapekto sa iyong buhay ang mensahe nito. Tatanggap ka ng maraming pagpapala kung tama ang iyong motibo.

Sa paghahambing sa Bibliya sa isang salamin, ipinakikita ng Kasulatan ang kahalagahan ng pagbabasa nang may tamang motibo: “Kung ang sinuman ay tagapakinig ng salita, at hindi tagatupad, ang isang ito ay tulad ng isang tao na tumitingin sa kaniyang likas na mukha sa salamin. Sapagkat tinitingnan niya ang kaniyang sarili, at siya ay umaalis at kaagad na nalilimutan kung anong uri siya ng tao. Ngunit siya na nagmamasid sa sakdal na kautusan na nauukol sa kalayaan at nananatili rito, ang taong ito, sa dahilang siya ay hindi isang tagapakinig na malilimutin kundi isang tagatupad ng gawain, ay magiging maligaya sa paggawa niya nito.”​—Santiago 1:23-25.

Sa halimbawang ito, tiningnan ng tao ang kaniyang mukha sa salamin pero hindi niya inayos ang kaniyang hitsura. Baka sumulyap lang siya sa salamin, o baka ayaw na niyang gumawa ng anumang pagbabago. Sa katulad na paraan, hindi rin tayo gaanong makikinabang sa pagbabasa ng Bibliya kung pahapyaw lang natin itong babasahin, o kung hindi natin susundin ang nababasa natin. Pero kung magbabasa tayo upang maging “isang tagatupad,” na hinahayaan ang kaisipan ng Diyos na pumatnubay sa ating pag-iisip at paggawi, magiging tunay na maligaya tayo.

Hakbang 2​—Pumili ng Mapananaligang Salin

▪ Baka marami kang mapagpipiliang salin ng Bibliya sa iyong wika. Totoo, makikinabang ka naman sa anumang salin ng Salita ng Diyos. Pero ang ilan dito ay gumagamit ng mga salitang makaluma o mahirap maintindihan. (Gawa 4:13) May ilan pa nga na binago ang dalisay na mensahe ng Bibliya dahil sa tradisyon. Halimbawa, gaya ng nabanggit sa pasimula ng magasing ito, pinalitan ng ilang salin ang pangalan ng Diyos na Jehova ng mga titulo, gaya ng “Diyos” o “Panginoon.” Kaya humanap ng Bibliya na wasto ang pagkakasalin, madaling maintindihan, at masarap basahin.

Nasumpungan ng milyun-milyong mambabasa sa buong daigdig na ganiyan ang Bagong Sanlibutang Salin. * Halimbawa, isang may-edad nang lalaki sa Bulgaria ang dumalo sa isang pulong ng mga Saksi ni Jehova at nakatanggap ng kopya ng Bagong Sanlibutang Salin. Nang maglaon, sinabi niya, “Matagal na akong nagbabasa ng Bibliya, pero ngayon lang ako nakabasa ng salin na madaling maintindihan at tumatagos sa puso.”

Hakbang 3​—Manalangin

▪ Lalo mong mauunawaan ang Bibliya kung hihingi ka ng tulong sa Awtor nito, gaya ng ginawa ng salmista. Sinabi niya: “Alisin mo ang takip sa aking mga mata, upang makita ko ang mga kamangha-manghang bagay mula sa iyong kautusan.” (Awit 119:18) Manalangin sa Diyos sa tuwing magbabasa ng Bibliya​—humingi ng tulong para maunawaan ang kaniyang Salita. Maaari ka ring magpasalamat para sa Bibliya, dahil kung wala ito, hindi natin makikilala ang Diyos.​—Awit 119:62.

Dinirinig ba ng Diyos ang gayong mga panalangin? Tingnan ang nangyari sa magkapatid na kabataang babae sa Uruguay. Hindi nila maintindihan ang sinasabi sa Daniel 2:44, kaya nanalangin sila sa Diyos na magpadala ng magpapaliwanag nito. Nakabukas pa ang kanilang Bibliya nang dumating ang dalawang Saksi ni Jehova. Binasa ng mga Saksi ang mismong tekstong ipinanalangin nila, at ipinaliwanag ang ibig sabihin nito​—na ang pamahalaan ng tao ay papalitan ng Kaharian ng Diyos. * Nakumbinsi ang magkapatid na dininig ng Diyos ang kanilang panalangin.

Hakbang 4​—Magbasa Araw-araw

▪ Marami ang nagbabasa lang ng Salita ng Diyos kapag may problema. Sinabi ng isang tagapaglathala ng aklat na “biglang naging mabenta ang Bibliya” matapos ang pag-atake ng mga terorista sa Estados Unidos noong Setyembre 11, 2001. Pero pinasisigla tayo ng Bibliya na basahin ito araw-araw. Sinasabi nito: “Ang aklat na ito ng kautusan ay huwag mahihiwalay sa iyong bibig, at babasahin mo ito nang pabulong araw at gabi, upang maingatan mong gawin ang ayon sa lahat ng nakasulat dito; sapagkat sa gayon ay gagawin mong matagumpay ang iyong lakad at sa gayon ay kikilos ka nang may karunungan.”​—Josue 1:8.

Para makita ang kahalagahan ng regular na pagbabasa ng Bibliya, kuning halimbawa ang isang lalaking inatake sa puso na nagpasiyang kumain ng masustansiyang pagkain. Matutulungan kaya siya ng masustansiyang pagkain kung kakain lang siya nito kapag naninikip ang kaniyang dibdib? Hindi. Dapat na regular niya itong kainin para makinabang. Sa katulad na paraan, kung araw-araw kang magbabasa ng Bibliya, “gagawin mong matagumpay ang iyong lakad.”

Hakbang 5​—Gumamit ng Iba’t Ibang Paraan sa Pagbabasa

▪ Puwede mo namang basahin ang Bibliya mula Genesis hanggang Apocalipsis, pero baka mas masiyahan ka sa ibang paraan. Narito ang ilang mungkahi.

Magbasa tungkol sa isang partikular na tauhan sa Bibliya. Basahin ang lahat ng kabanata o aklat na tumatalakay sa isang partikular na mananamba ng Diyos, gaya ng sumusunod:

Jose: Genesis 37-50.

Ruth: Ruth 1-3.

Jesus: Mateo 1-28; Marcos 1-16; Lucas 1-24; Juan 1-21. *

Magpokus sa isang paksa. Basahin ang mga tekstong may kaugnayan dito. Halimbawa, magsaliksik tungkol sa panalangin, at pagkatapos ay basahin ang payo ng Bibliya tungkol dito at ang ilan sa mga panalanging nakaulat sa Bibliya. *

Magbasa nang malakas. Mas makikinabang ka kung babasahin mo ang Bibliya nang malakas. (Apocalipsis 1:3) Maaari pa nga itong gawin bilang isang pamilya. Puwede kayong maghalinhinan sa pagbabasa o puwedeng iatas ang mga tauhan sa iba’t ibang miyembro ng pamilya. Nasisiyahan naman ang iba sa pakikinig sa rekording ng Bibliya. “Hindi ko masimu-simulan ang pagbabasa ng Bibliya,” ang sabi ng isang babae, “kaya nakinig muna ako sa rekording nito. Ngayon, mas gusto ko na ang Bibliya kaysa sa isang nobela.”

Hakbang 6​—Magbulay-bulay

▪ Sa ngayon, hindi madaling magbulay-bulay dahil sa takbo ng buhay at mga pang-abala. Gayunman, kung paanong kailangan nating tunawin ang ating pagkain para maging malusog, dapat din nating bulay-bulayin ang ating nababasa sa Bibliya para makinabang dito. Magagawa natin iyan kung rerepasuhin natin sa isip ang ating nababasa at tatanungin ang sarili: ‘Ano ang natutuhan ko tungkol sa Diyos na Jehova? Paano ko ito maikakapit? Paano ko ito magagamit para makatulong sa iba?’

Kung gagawin natin ito, maaantig ng mensahe ng Bibliya ang ating puso at lalo tayong masisiyahan sa pagbabasa ng Salita ng Diyos. Sinasabi ng Awit 119:97: “Gayon na lamang ang pag-ibig ko sa iyong kautusan! Buong araw ko itong pinag-iisipan.” Sa pamamagitan ng pagbubulay-bulay, buong araw na napag-iisipan ng salmista ang Kasulatan. Natulungan siya nito na lalong mahalin ang kaniyang natututuhan.

Hakbang 7​—Humingi ng Tulong Para Maunawaan ang Bibliya

▪ Hindi inaasahan ng Diyos na mauunawaan natin ang kaniyang Salita sa sarili nating kakayahan. Ang Bibliya mismo ang nagsasabi na naglalaman ito ng “ilang bagay na mahirap unawain.” (2 Pedro 3:16) Mababasa sa aklat ng Mga Gawa ang tungkol sa isang opisyal na Etiope na nahirapang intindihin ang isang bahagi ng Bibliya na nabasa niya. Isinugo ng Diyos ang isa sa Kaniyang mga lingkod upang tulungan ito. Ang resulta? Ang Etiope ay ‘nagpatuloy na humayo sa kaniyang lakad na nagsasaya.’​—Gawa 8:26-39.

Makikinabang ka rin nang higit kung hihingi ka ng tulong upang maunawaan ang binabasa mo sa Bibliya. Makipag-ugnayan sa mga Saksi ni Jehova sa inyong lugar, o sumulat sa adres na nasa pahina 4 ng magasing ito para sa isang walang-bayad na pantahanang pag-aaral sa Bibliya.

[Mga talababa]

^ par. 12 Ang Bagong Sanlibutang Salin, na inilathala ng mga Saksi ni Jehova, ay nailimbag na sa kabuuan o mga bahagi nito sa 83 wika, at mababasa sa 11 wika sa Web site na www.watchtower.org.

^ par. 15 Para sa higit pang impormasyon tungkol sa Kaharian ng Diyos at sa kung ano ang gagawin nito, tingnan ang kabanata 8 ng aklat na Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? na inilathala ng mga Saksi ni Jehova.

^ par. 24 Kung nagsisimula ka pa lang magbasa ng Bibliya, subuking basahin ang ulat ng ministeryo ni Jesus sa aklat ng Marcos kung saan mabilis ang takbo ng kuwento.

^ par. 25 Nakatulong sa marami ang aklat na Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? para mapag-aralan ang iba’t ibang paksa sa Bibliya. Halimbawa, tinatalakay sa kabanata 17 ang sinasabi ng Kasulatan tungkol sa panalangin.