Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Alam Mo Ba?

Alam Mo Ba?

Talaga bang may tumutugtog ng plawta kapag may patay noong panahon ni Jesus?

Binabanggit sa Bibliya na ang mga plawta ay tinutugtog sa masasayang okasyon. (1 Hari 1:40; Isaias 5:12; 30:29) Sinabi rin nito na sa isang pagkakataon, ang mga plawta ay tinugtog sa patay. Pero noong pagkakataong iyon, mga plawta lang ang binanggit na instrumento. Sinasabi sa Ebanghelyo ni Mateo na hiniling kay Jesus ng isang tagapamahalang Judio na pagalingin ang kaniyang anak na babae na malapit nang mamatay. Pero pagdating ni Jesus sa bahay ng tagapamahala, ‘nakita niya ang mga manunugtog ng plawta at ang pulutong na nagkakaingay’ dahil ang bata ay patay na.​—Mateo 9:18, 23.

Tama ba ang ulat ni Mateo tungkol sa kaugaliang ito? Ganito ang sinasabi ng tagapagsalin ng Bibliya na si William Barclay: “Sa kalakhang bahagi ng sinaunang daigdig, sa Roma, sa Gresya, sa Fenicia, sa Asirya at sa Palestina, ang malungkot na tunog ng plawta ay laging iniuugnay sa kamatayan at trahedya.” Ayon sa Talmud, kahit na ang pinakamahirap na Judio noong mga unang siglo C.E. ay umuupa ng dalawang manunugtog ng plawta at isang tagahagulhol na babae para magdalamhati sa pagkamatay ng kaniyang maybahay. Iniulat ni Flavius Josephus, isang istoryador na nabuhay noong unang siglo, na nang makarating sa Jerusalem ang balita hinggil sa panlulupig ng Roma sa Jotapata, sa Galilea, at ang lansakang pagpatay sa mga naninirahan doon noong 67 C.E., “marami sa nagdadalamhati ang umupa ng mga manunugtog ng plawta para saliwan ang kanilang mga panambitan para sa patay.”

Ano ang krimeng ginawa ng mga nakabayubay sa tabi ni Jesus?

Sa Bibliya, ang masasamang taong ito ay tinatawag na mga “magnanakaw.” (Mateo 27:38; Marcos 15:27) Binabanggit ng ilang diksyunaryo sa Bibliya na ang Kasulatan ay gumagamit ng magkakaibang salita para sa iba’t ibang uri ng kriminal. Ang salitang Griego na kleptes ay tumutukoy sa isang magnanakaw na palihim na gumagawa nito para hindi mahuli. Ito ang salitang ikinapit kay Hudas Iscariote na palihim na nagnakaw mula sa kahon ng salapi ng mga alagad. (Juan 12:6) Ang salitang lestes naman ay karaniwan nang tumutukoy sa isang magnanakaw na gumagamit ng dahas at maaari pa ngang tumukoy sa isang rebolusyonista, rebelde, o gerilya. Ganiyan ang mga kriminal na katabi ni Jesus. Sa katunayan, ganito ang sinabi ng isa sa kanila: “Tinatanggap natin nang lubos ang nararapat sa atin dahil sa mga bagay na ating ginawa.” (Lucas 23:41) Ipinahihiwatig niyan na hindi lang pagnanakaw ang kasalanan nila.

Tulad ng dalawang magnanakaw na ito, si Barabas ay tinukoy ring lestes. (Juan 18:40) Tiyak na hindi lang basta isang magnanakaw si Barabas dahil maliwanag na binabanggit sa Lucas 23:19 na siya ay “itinapon sa bilangguan dahil sa isang sedisyon na naganap sa lunsod at dahil sa pagpaslang.”

Kaya bagaman mga magnanakaw ang mga nakabayubay sa tabi ni Jesus, posibleng nasangkot din sila sa sedisyon o pagpatay pa nga. Anuman ang totoo, itinuring sila ng Romanong gobernador na si Poncio Pilato na karapat-dapat mamatay sa pamamagitan ng pagbabayubay.