Ayon kay Juan 18:1-40

18  Pagkasabi nito, tinawid ni Jesus at ng mga alagad niya ang Lambak ng Kidron+ para pumunta sa isang hardin, at pumasok sila roon.+  Alam ni Hudas, na magtatraidor sa kaniya,+ ang lugar na iyon dahil madalas pumunta roon si Jesus at ang mga alagad niya.  Kaya isinama roon ni Hudas ang mga sundalo at ang mga guwardiya ng mga punong saserdote at mga Pariseo, at may dala silang mga sulo, lampara, at sandata.+  Alam ni Jesus ang lahat ng mangyayari sa kaniya, kaya hinarap niya sila at sinabi: “Sino ang hinahanap ninyo?”  Sumagot sila: “Si Jesus na Nazareno.”+ Sinabi niya: “Ako ang hinahanap ninyo.” Kasama rin nila si Hudas, na nagtraidor sa kaniya.+  Pero nang sabihin ni Jesus, “Ako ang hinahanap ninyo,” napaatras sila at nabuwal.+  Kaya tinanong niya ulit sila: “Sino ang hinahanap ninyo?” Sinabi nila: “Si Jesus na Nazareno.”  Sumagot si Jesus: “Sinabi ko na sa inyo na ako iyon. Kaya kung ako ang hinahanap ninyo, hayaan ninyong umalis ang mga lalaking ito.”  Nangyari ito para matupad ang sinabi niya: “Hindi ko naiwala ang kahit isa sa mga ibinigay mo sa akin.”+ 10  Pagkatapos, hinugot ni Simon Pedro ang dala niyang espada at tinaga ang alipin ng mataas na saserdote, at natagpas ang kanang tainga nito.+ Ang pangalan ng alipin ay Malco. 11  Kaya sinabi ni Jesus kay Pedro: “Ibalik mo ang espada sa lalagyan nito.+ Hindi ko ba dapat inuman ang kopa na ibinigay sa akin ng Ama?”+ 12  Pagkatapos, dinakip si Jesus ng mga sundalo at ng kumandante ng militar at ng mga guwardiya ng mga Judio, at iginapos nila siya. 13  Dinala muna nila si Jesus kay Anas, dahil siya ang biyenan ni Caifas,+ ang mataas na saserdote nang taóng iyon.+ 14  Si Caifas ang nagsabi noon sa mga Judio na mas mabuti para sa kanila na isang tao ang mamatay alang-alang sa bayan.+ 15  Si Simon Pedro, pati na ang isa pang alagad, ay sumusunod kay Jesus.+ Ang alagad na iyon ay kilala ng mataas na saserdote, at sumama siya kay Jesus sa looban ng bahay ng mataas na saserdote, 16  pero si Pedro ay naiwan sa labas ng pinto.* Kaya ang alagad na kilala ng mataas na saserdote ay lumabas at nakipag-usap sa bantay sa pinto at isinama si Pedro sa loob. 17  At sinabi kay Pedro ng alilang babae na nagbabantay sa pinto: “Hindi ba isa ka rin sa mga alagad ng taong iyon?” Sinabi niya: “Hindi.”+ 18  Malamig noon, kaya nagpaningas ng apoy ang mga alipin at mga sundalo at tumayo sa paligid nito para magpainit. Si Pedro ay nakatayo ring kasama nila at nagpapainit. 19  Tinanong ng punong saserdote si Jesus tungkol sa mga alagad niya at sa kaniyang turo. 20  Sumagot si Jesus: “Hayagan akong nagsalita sa lahat ng tao.* Lagi akong nagtuturo sa mga sinagoga at sa templo,+ kung saan nagtitipon ang lahat ng Judio, at wala akong sinabi nang palihim. 21  Bakit mo ako tinatanong? Tanungin mo ang mga nakarinig sa mga sinabi ko. Alam nila kung ano ang sinabi ko.” 22  Pagkasabi nito, sinampal si Jesus ng isa sa mga guwardiya+ at sinabi: “Ganiyan ka ba sumagot sa punong saserdote?” 23  Sinabi ni Jesus: “Kung may sinabi akong mali, patunayan mo;* pero kung tama ang sinabi ko, bakit mo ako sinampal?” 24  Pagkatapos, nakagapos siyang ipinadala ni Anas kay Caifas na mataas na saserdote.+ 25  Samantala, nakatayo pa rin si Simon Pedro sa tabi ng apoy at nagpapainit. Sinabi nila: “Hindi ba isa ka rin sa mga alagad niya?” Ikinaila niya iyon at sinabi: “Hindi.”+ 26  Sinabi ng isa sa mga alipin ng mataas na saserdote, na kamag-anak ng lalaking natagpasan ni Pedro ng tainga:+ “Hindi ba kasama ka niya sa hardin? Nakita kita!” 27  Pero ikinaila ito ulit ni Pedro, at agad na tumilaok ang tandang.+ 28  Pagkatapos, dinala nila si Jesus mula kay Caifas papunta sa bahay ng gobernador.+ Umaga na noon. Pero hindi sila pumasok sa bahay ng gobernador para hindi sila madungisan+ at sa gayon ay makakain sila ng hapunan para sa Paskuwa. 29  Kaya lumabas si Pilato at sinabi niya: “Ano ang akusasyon ninyo sa taong ito?” 30  Sumagot sila: “Kung walang ginawang masama* ang taong ito, hindi namin siya dadalhin sa iyo.” 31  Sinabi ni Pilato: “Kung gayon, kunin ninyo siya at hatulan ninyo ayon sa inyong kautusan.”+ Sinabi ng mga Judio: “Wala kaming awtoridad na pumatay ng sinuman.”+ 32  Nangyari ito para matupad ang sinabi ni Jesus na nagpapahiwatig kung anong uri ng kamatayan ang malapit na niyang danasin.+ 33  Kaya muling pumasok si Pilato sa bahay ng gobernador, at tinawag niya si Jesus at sinabi: “Ikaw ba ang Hari ng mga Judio?”+ 34  Sumagot si Jesus: “Itinatanong mo ba iyan dahil iyan ang iniisip mo, o may mga nagsabi sa iyo tungkol sa akin?” 35  Sumagot si Pilato: “Hindi naman ako Judio. Sarili mong bansa at ang mga punong saserdote ang nagdala sa iyo sa akin. Ano ba ang ginawa mo?” 36  Sumagot si Jesus:+ “Ang Kaharian ko ay hindi bahagi ng sanlibutang ito.+ Kung ang Kaharian ko ay bahagi ng sanlibutang ito, lumaban sana ang mga tagasunod* ko para hindi ako madakip ng mga Judio.+ Pero ang totoo, hindi nagmumula rito ang Kaharian ko.” 37  Kaya sinabi ni Pilato: “Kung gayon, hari ka nga ba?” Sumagot si Jesus: “Ikaw mismo ang nagsasabi na ako ay hari.+ Ipinanganak ako at dumating sa sanlibutan para magpatotoo tungkol sa katotohanan.+ Bawat isa na nasa panig ng katotohanan ay nakikinig sa tinig ko.”+ 38  Sinabi ni Pilato sa kaniya: “Ano ang katotohanan?” Pagkasabi nito, lumabas ulit si Pilato at sinabi niya sa mga Judio: “Wala akong makitang dahilan para hatulan siya.*+ 39  Isa pa, may kaugalian kayo na magpapalaya ako ng isang tao kapag Paskuwa.+ Gusto ba ninyong palayain ko ang Hari ng mga Judio?” 40  Sumigaw silang muli: “Huwag ang taong iyan, kundi si Barabas!” Si Barabas ay isang magnanakaw.+

Talababa

O “pasukan.”
O “sa sanlibutan.”
O “magpatotoo ka tungkol sa kamalian.”
O “Kung hindi kriminal.”
Lit., “tagapaglingkod.”
Lit., “Wala akong makitang mali sa kaniya.”

Study Notes

Lambak ng Kidron: Dito lang makikita sa Kristiyanong Griegong Kasulatan ang Lambak ng Kidron. Pinaghihiwalay nito ang Jerusalem at Bundok ng mga Olibo. Dumadaloy ito sa silangang panig ng lunsod, mula sa hilaga patimog. Karaniwan nang walang tubig sa Lambak ng Kidron kahit taglamig, maliban na lang kung napakalakas ng ulan. Ang salitang Griego na kheiʹmar·ros, isinalin ditong “lambak,” ay literal na tumutukoy sa isang ilog na malakas ang daloy tuwing umuulan nang malakas kapag taglamig. Ang salitang Griegong ito ay ginamit nang mahigit 80 beses sa Septuagint para ipanumbas sa salitang Hebreo na naʹchal, ang salitang ginagamit para sa “lambak” kapag tinutukoy ang Lambak ng Kidron sa Hebreong Kasulatan. (2Sa 15:23; 1Ha 2:37) Ang mga salitang ito sa Hebreo at Griego para sa “lambak” ay parehong puwedeng tumukoy sa isang sapa o ilog. (Deu 10:7; Job 6:15; Isa 66:12; Eze 47:5) Pero kadalasan na, tumutukoy ang mga salitang ito sa lambak na dinadaluyan ng tubig kapag umuulan sa panahon ng taglamig. (Bil 34:5; Jos 13:9; 17:9; 1Sa 17:40; 1Ha 15:13; 2Cr 33:14; Ne 2:15; Sol 6:11) Parehong madalas isalin ang mga salitang ito na “wadi.”—Tingnan sa Glosari, “Wadi.”

sundalo: Ang paggamit dito ng salitang Griego na speiʹra ay nagpapakitang may mga sundalong Romano noong gabing arestuhin si Jesus. Sa apat na manunulat ng Ebanghelyo, si Juan lang ang bumanggit ng detalyeng ito.—Ju 18:12.

tinaga ang alipin ng mataas na saserdote: Iniulat ng apat na manunulat ng Ebanghelyo ang pangyayaring ito, at nagbigay sila ng magkakaibang detalye tungkol dito. (Mat 26:51; Mar 14:47; Luc 22:50) Si Lucas lang, “ang minamahal na doktor” (Col 4:14), ang bumanggit na “hinipo [ni Jesus] ang tainga nito at pinagaling.” (Luc 22:51) Si Juan lang ang manunulat ng Ebanghelyo na nagsabing si Simon Pedro ang tumaga sa alipin at na Malco ang pangalan ng alipin na natagpasan ng tainga. Maliwanag na si Juan ang alagad na “kilala ng mataas na saserdote” at ng sambahayan nito (Ju 18:15, 16), kaya natural lang na mapangalanan niya sa Ebanghelyo niya ang tinagang alipin. Makikita rin sa Ju 18:26 na talagang pamilyar si Juan sa sambahayan ng mataas na saserdote, dahil iniulat niya dito na ang aliping nag-akusa kay Pedro na alagad ito ni Jesus ay “kamag-anak ng lalaking natagpasan ni Pedro ng tainga.”

inuman ang kopa: Sa Bibliya, ang “kopa” ay sumasagisag sa kalooban ng Diyos, o “nakalaang bahagi,” para sa isang tao. (Aw 11:6; 16:5; 23:5) Ang ekspresyon dito na “inuman ang kopa” ay nangangahulugang magpasakop sa kalooban ng Diyos. Sa kasong ito, ang “kopa” ay tumutukoy, hindi lang sa paghihirap at kamatayang daranasin ni Jesus dahil sa maling paratang ng pamumusong, kundi pati sa pagkabuhay niyang muli bilang isang imortal na espiritu sa langit.

alisin mo sa akin ang kopang ito: Sa Bibliya, ang “kopa” ay sumasagisag sa kalooban ng Diyos, o “nakalaang bahagi,” para sa isang tao. (Tingnan ang study note sa Mat 20:22.) Talagang nababahala si Jesus na masiraang-puri ang Diyos dahil sa kamatayan niya bilang isa na inakusahan ng pamumusong at sedisyon, kaya hiniling niya sa panalangin na alisin sa kaniya ang “kopang ito.”

inuman ang kopa: Sa Bibliya, ang “kopa” ay madalas na sumasagisag sa kalooban ng Diyos, o “nakalaang bahagi,” para sa isang tao. (Aw 11:6; 16:5; 23:5) Ang ekspresyon dito na “inuman ang kopa” ay nangangahulugang magpasakop sa kalooban ng Diyos. Sa kaso ni Jesus, ang “kopa” ay tumutukoy sa paghihirap at kamatayang daranasin niya dahil sa maling paratang ng pamumusong, pati na sa pagkabuhay niyang muli bilang isang imortal na espiritu sa langit.—Tingnan ang study note sa Mat 20:22; 26:39.

mga Judio: Gaya ng pagkakagamit ng terminong ito sa Ebanghelyo ni Juan, iba-iba ang ibig sabihin nito depende sa konteksto. Puwede itong tumukoy sa mga Judio o taga-Judea sa pangkalahatan o sa mga nakatira sa Jerusalem o malapit dito. Puwede rin itong tumukoy sa mga panatikong Judio na nanghahawakan sa tradisyon ng tao, na may kaugnayan sa Kautusang Mosaiko pero kadalasan nang salungat sa diwa ng Kautusan. (Mat 15:3-6) Ang mga ‘Judiong’ ito ay pinapangunahan ng mga Judiong lider ng relihiyon na galít kay Jesus. Sa tekstong ito at sa iba pang paglitaw ng terminong ito sa Juan kabanata 7, makikita sa konteksto na tumutukoy ito sa mga Judiong lider ng relihiyon.​—Ju 7:13, 15, 35a.​—Tingnan sa Glosari, “Judio.”

kumandante ng militar: Ang salitang Griego na khi·liʹar·khos (chiliarch) ay literal na nangangahulugang “tagapamahala ng isang libo,” o 1,000 sundalo. Tumutukoy ito sa isang Romanong kumandante ng militar na tinatawag na tribuno. May anim na tribuno sa bawat Romanong lehiyon. Pero ang lehiyon ay hindi hinahati-hati sa anim para pamunuan ng tig-iisang tribuno; sa halip, ang buong lehiyon ay pinamumunuan ng iisang tribuno sa loob ng isang kanim ng taon. Ang mga kumandanteng ito ay may malaking awtoridad, kasama na ang pagrerekomenda at pag-aatas ng mga senturyon. Puwede ring tumukoy ang salitang Griego sa sinumang mataas na opisyal ng hukbo. Isang Romanong kumandante ng militar ang kasama ng mga sundalong umaresto kay Jesus.

mga Judio: Lumilitaw na tumutukoy sa mga Judiong lider ng relihiyon.—Tingnan ang study note sa Ju 7:1.

Caifas at . . . punong saserdoteng si Anas: Nang banggitin ni Lucas ang pasimula ng ministeryo ni Juan Bautista, sinabi niyang naglilingkod noong panahong iyon bilang mga saserdoteng Judio ang dalawang prominenteng lalaki. Si Anas ay itinalagang mataas na saserdote noong mga 6 o 7 C.E. ng Romanong gobernador ng Sirya na si Quirinio, at naglingkod siya hanggang mga 15 C.E. Kahit noong inalis na ng mga Romano si Anas bilang mataas na saserdote, lumilitaw na naging makapangyarihan at maimpluwensiya pa rin siya dahil sa pagiging mataas na saserdote niya noon at pinapakinggan pa rin siya ng mga prominenteng Judio. Lima sa mga anak niyang lalaki ang naglingkod bilang mataas na saserdote, at ang manugang niyang si Caifas ay naging mataas na saserdote mula mga 18 C.E. hanggang mga 36 C.E. Kaya kahit si Caifas na ang mataas na saserdote noong 29 C.E., puwede pa ring tawagin si Anas na ‘punong saserdote’ dahil sa prominenteng posisyon niya.​—Ju 18:13, 24; Gaw 4:6.

Dinala muna nila si Jesus kay Anas: Si Juan lang ang bumanggit na dinala si Jesus kay Anas, na itinalagang mataas na saserdote noong mga 6 o 7 C.E. ng Romanong gobernador ng Sirya na si Quirinio. Naglingkod si Anas hanggang mga 15 C.E. Kahit noong inalis na siya ng mga Romano bilang mataas na saserdote, lumilitaw na naging makapangyarihan at maimpluwensiya pa rin siya dahil sa pagiging mataas na saserdote niya noon at pinapakinggan pa rin siya ng mga prominenteng Judio. Lima sa mga anak niyang lalaki ang naglingkod bilang mataas na saserdote, at ang manugang niyang si Caifas ay naging mataas na saserdote mula mga 18 C.E. hanggang mga 36 C.E., kaya saklaw nito ang taóng iyon, 33 C.E., ang taon kung kailan pinatay si Jesus.—Tingnan ang study note sa Luc 3:2.

ang minamahal niyang alagad: Ang isa na mahal na mahal ni Jesus. Ito ang ikalawa sa limang pagbanggit sa alagad na “minamahal ni Jesus.” (Ju 13:23; 20:2; 21:7, 20) Naniniwala ang marami na ang alagad na ito ay si apostol Juan.—Tingnan ang study note sa Ju 13:23.

ang minamahal ni Jesus: Ang isa na mahal na mahal ni Jesus. Ito ang una sa limang pagbanggit sa alagad na “minamahal ni Jesus.” (Ju 19:26; 20:2; 21:7, 20) Naniniwala ang marami na ang alagad na ito ay si apostol Juan, ang anak ni Zebedeo at kapatid ni Santiago. (Mat 4:21; Mar 1:19; Luc 5:10) Ito ang ilang dahilan. Una, hindi nabanggit ang pangalan ni apostol Juan sa Ebanghelyong ito; tinukoy lang siya bilang “anak ni Zebedeo” sa Ju 21:2. Isa pa, sa Ju 21:20-24, ginamit ang ekspresyong “alagad na minamahal ni Jesus” para tumukoy sa manunulat ng Ebanghelyong ito. Sinabi rin ni Jesus tungkol sa apostol na iyon: “Kung kalooban kong manatili siya hanggang sa dumating ako, ano ang ikinababahala mo?” Ipinapahiwatig nito na mas matagal mabubuhay ang alagad na ito kaysa kay Pedro at sa iba pang apostol, at ganiyan nga si apostol Juan.—Tingnan ang study note sa Ju Pamagat at Ju 1:6; 21:20.

isa pang alagad, na minamahal ni Jesus: Ang isa na mahal na mahal ni Jesus. Ito ang ikatlo sa limang pagbanggit sa alagad na “minamahal ni Jesus.” (Ju 13:23; 19:26; 20:2; 21:7, 20) Naniniwala ang marami na ang alagad na ito ay si apostol Juan. (Tingnan ang study note sa Ju 13:23; 18:15.) Sa apat na iba pang paglitaw, ginamit ang salitang Griego na a·ga·paʹo. Ginamit naman sa talatang ito ang salitang Griego na kasingkahulugan nito, phi·leʹo, na isinasalin ding “mahal” sa saling ito.—Mat 10:37; Ju 11:3, 36; 16:27; 21:15-17; 1Co 16:22; Tit 3:15; Apo 3:19; tingnan ang study note sa Ju 5:20; 16:27; 21:15.

alagad na minamahal ni Jesus: Ang isa na mahal na mahal ni Jesus. Ito ang ikaapat sa limang pagbanggit sa alagad na “minamahal ni Jesus.” (Ju 13:23; 19:26; 20:2; 21:7, 20) Naniniwala ang marami na ang alagad na ito ay si apostol Juan, ang anak ni Zebedeo at kapatid ni Santiago.—Mat 4:21; Mar 1:19; Luc 5:10; Ju 21:2; para sa paliwanag kung bakit sinasabing ito si apostol Juan, tingnan ang study note sa Ju 13:23; 21:20.

ang alagad na minamahal ni Jesus: Ang isa na mahal na mahal ni Jesus. Ito ang huli sa limang pagbanggit sa alagad na “minamahal ni Jesus.” (Ju 13:23; 19:26; 20:2; 21:7, 20) Naniniwala ang marami na ang alagad na ito ay si apostol Juan, ang anak ni Zebedeo at kapatid ni Santiago. (Mat 4:21; Mar 1:19; Luc 5:10; Ju 21:2) Gaya ng makikita sa konteksto ng Ju 21:20-24, “ang alagad na minamahal ni Jesus” ay “ang alagad [din] na . . . sumulat ng mga ito,” ang manunulat ng Ebanghelyo ni Juan.—Tingnan ang study note sa Ju Pamagat; 1:6; 13:23.

isa pang alagad: Lumilitaw na tumutukoy kay apostol Juan. Kaayon ito ng istilo ng pagsulat ni Juan sa Ebanghelyo niya; hindi niya talaga pinapangalanan ang sarili niya. (Tingnan ang study note sa Ju 13:23; 19:26; 20:2; 21:7; 21:20.) Isa pa, makikita sa ulat ng Ju 20:2-8 na si Juan ang kasama ni Pedro matapos buhaying muli si Jesus. Hindi ipinapaliwanag ng Bibliya kung bakit kilala ng mataas na saserdote ang alagad na si Juan, na mula sa Galilea, pero dahil kilala ni Juan ang sambahayan ng mataas na saserdote, pinapasok siya ng bantay sa pinto at naipasok din niya sa looban si Pedro.—Ju 18:16.

Anas na punong saserdote: Si Anas ay itinalagang mataas na saserdote ng Romanong gobernador ng Sirya na si Quirinio noong mga 6 o 7 C.E., at naglingkod siya hanggang mga 15 C.E. Kahit noong inalis na ng mga Romano si Anas bilang mataas na saserdote, lumilitaw na naging makapangyarihan at maimpluwensiya pa rin siya dahil sa pagiging mataas na saserdote niya noon at pinapakinggan pa rin siya ng mga prominenteng Judio. Lima sa mga anak niyang lalaki ang naglingkod bilang mataas na saserdote, at ang manugang niyang si Caifas ay naging mataas na saserdote mula mga 18 C.E. hanggang mga 36 C.E. (Tingnan ang study note sa Luc 3:2.) Sa Ju 18:13, 19, tinukoy si Anas bilang “punong saserdote.” Ang salitang Griego na ginamit dito, ar·khi·e·reusʹ, ay puwedeng tumukoy sa kasalukuyang mataas na saserdote at sa isang prominenteng saserdote, gaya ng isa na dating naglilingkod bilang mataas na saserdote.—Tingnan sa Glosari, “Punong saserdote.”

Dinala muna nila si Jesus kay Anas: Si Juan lang ang bumanggit na dinala si Jesus kay Anas, na itinalagang mataas na saserdote noong mga 6 o 7 C.E. ng Romanong gobernador ng Sirya na si Quirinio. Naglingkod si Anas hanggang mga 15 C.E. Kahit noong inalis na siya ng mga Romano bilang mataas na saserdote, lumilitaw na naging makapangyarihan at maimpluwensiya pa rin siya dahil sa pagiging mataas na saserdote niya noon at pinapakinggan pa rin siya ng mga prominenteng Judio. Lima sa mga anak niyang lalaki ang naglingkod bilang mataas na saserdote, at ang manugang niyang si Caifas ay naging mataas na saserdote mula mga 18 C.E. hanggang mga 36 C.E., kaya saklaw nito ang taóng iyon, 33 C.E., ang taon kung kailan pinatay si Jesus.—Tingnan ang study note sa Luc 3:2.

punong saserdote: Si Anas.—Tingnan ang study note sa Ju 18:13; Gaw 4:6.

kay Caifas na mataas na saserdote: Tingnan ang Ap. B12 para sa posibleng lokasyon ng bahay ni Caifas.

tumilaok ang tandang: Mababasa sa apat na Ebanghelyo ang pangyayaring ito, pero si Marcos lang ang nagsabi na titilaok ang tandang sa ikalawang pagkakataon. (Mat 26:34, 74, 75; Mar 14:30; Luc 22:34, 60, 61; Ju 13:38; 18:27) Ang ulat na iyan ay sinusuportahan ng Mishnah, dahil ayon dito, nag-aalaga ng tandang sa Jerusalem noong panahon ni Jesus. Malamang na tumilaok ang tandang bago magbukang-liwayway.​—Tingnan ang study note sa Mar 13:35.

tumilaok ang tandang: Tingnan ang study note sa Mar 14:72.

bahay ng gobernador: Tingnan ang study note sa Mat 27:27.

Umaga na noon: Umaga ng Nisan 14, ang araw kung kailan nilitis at pinatay si Jesus. Nagsimula ang Paskuwa sa gabi ng sinundang araw, at gaya ng mababasa sa ibang Ebanghelyo, ipinagdiwang ni Jesus at ng mga alagad niya ang Paskuwa nang gabing iyon. (Mat 26:18-20; Mar 14:14-17; Luc 22:15) Kaya sa talatang ito, ang binanggit na hapunan para sa Paskuwa ay maliwanag na tumutukoy sa hapunan ng Nisan 15, ang unang araw ng Kapistahan ng Tinapay na Walang Pampaalsa. Noong panahon ni Jesus, ang Paskuwa (Nisan 14) at ang kasunod na Kapistahan ng Tinapay na Walang Pampaalsa (Nisan 15-21) ay itinuturing kung minsan na iisang kapistahan lang at tinatawag na “Paskuwa.”—Luc 22:1.

bahay ng gobernador: Ang terminong Griego na prai·toʹri·on (mula sa salitang Latin na praetorium) ang ginagamit para sa opisyal na tirahan ng mga Romanong gobernador. Sa Jerusalem, ang bahay na ito ay posibleng ang palasyo na itinayo ni Herodes na Dakila sa hilagang-kanluran ng mataas na bahagi ng lunsod, sa timog ng Jerusalem. (Tingnan ang Ap. B12 para sa lokasyon.) Tumitira lang si Pilato sa Jerusalem sa ilang okasyon, gaya ng kapag may kapistahan, dahil puwedeng magkagulo sa ganitong mga panahon. Karaniwan nang sa Cesarea siya nakatira.

Ikaw ba ang Hari ng mga Judio?: Tingnan ang study note sa Mat 27:11.

Ikaw ba ang Hari ng mga Judio?: Sa Imperyo ng Roma, walang haring makakapamahala nang walang pahintulot ni Cesar. Kaya makikitang ang mga tanong ni Pilato ay nakasentro sa isyu ng pagiging hari ni Jesus.

Ang Kaharian ko ay hindi bahagi ng sanlibutang ito: Hindi direktang sinagot ni Jesus ang tanong ni Pilato na “Ano ba ang ginawa mo?” (Ju 18:35) Nagpokus siya sa unang tanong ni Pilato, “Ikaw ba ang Hari ng mga Judio?” (Ju 18:33) Sa maikling sagot ni Jesus, tatlong beses niyang binanggit ang Kaharian kung saan siya aatasan bilang Hari. Sinabi niyang “hindi bahagi ng sanlibutang ito” ang Kaharian niya para linawin na hindi galing sa tao ang Kahariang iyon. Kaayon ito ng naunang mga pagtukoy sa Kahariang iyon, gaya ng “Kaharian ng langit” o “Kaharian ng Diyos.” (Mat 3:2; Mar 1:15) Sinabi rin ni Jesus na ang mga alagad niya ay “hindi . . . bahagi ng sanlibutan,” na tumutukoy sa di-matuwid na lipunan ng tao na hiwalay sa Diyos at sa mga lingkod niya. (Ju 17:14, 16) Makikita rin sa sinabi ni Jesus kay Pedro nang gabing iyon na hindi dapat makipaglaban ang mga tagasunod niya para ipagtanggol siya gaya ng gagawin ng mga tagasuporta ng isang taong hari.—Mat 26:51, 52; Ju 18:11.

Ikaw mismo ang nagsasabi na ako ay hari: Kinukumpirma dito ni Jesus na isa siyang hari. (Mat 27:11; ihambing ang study note sa Mat 26:25, 64.) Pero iba ang pagkahari ni Jesus sa iniisip ni Pilato, dahil ang Kaharian ni Jesus ay “hindi bahagi ng sanlibutang ito” at hindi banta sa Roma.—Ju 18:33-36.

magpatotoo: Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, malawak ang kahulugan ng mga salitang Griego na isinasaling “magpatotoo” (mar·ty·reʹo) at “maging saksi” (mar·ty·riʹa; marʹtys). Ang magkaugnay na mga terminong ito ay pangunahin nang nangangahulugang pagbibigay ng patotoo batay sa kaalaman ng isang tao o tungkol sa isang bagay na siya mismo ang nakakita, pero puwede rin itong mangahulugan na “paghahayag; pagkumpirma; pagbibigay ng mabuting ulat.” Bukod sa pagpapatotoo at paghahayag ni Jesus sa mga katotohanang pinaniniwalaan niya, makikita rin sa paraan ng pamumuhay niya na mahalaga sa kaniya na magkatotoo ang mga hula at pangako ng kaniyang Ama. (2Co 1:20) Detalyadong inihula ang layunin ng Diyos na may kaugnayan sa Kaharian at sa Mesiyanikong Tagapamahala nito. Mula sa pasimula ng buhay ni Jesus sa lupa hanggang sa kamatayan niya, makikitang natupad ang lahat ng hula tungkol sa kaniya, kasama na ang mga bagay na inilalarawan ng tipang Kautusan. (Col 2:16, 17; Heb 10:1) Kaya sa salita at gawa, masasabing si Jesus ay ‘nagpatotoo tungkol sa katotohanan.’

katotohanan: Ang tinutukoy ni Jesus ay hindi ang katotohanan sa pangkalahatan, kundi ang katotohanan na may kaugnayan sa layunin ng Diyos. Ang isang mahalagang bahagi ng layunin ng Diyos ay ang paglilingkod ni Jesus, ang “anak ni David,” bilang Mataas na Saserdote at Tagapamahala ng Kaharian ng Diyos. (Mat 1:1) Ipinaliwanag ni Jesus na ang paghahayag ng katotohanan tungkol sa Kaharian ay isa sa mga pangunahing dahilan ng pagpunta niya sa sanlibutan, ng pamumuhay niya sa lupa, at ng kaniyang ministeryo. Ganiyan ding mensahe ang inihayag ng mga anghel bago at sa mismong panahong ipinanganak si Jesus sa Betlehem ng Judea, ang lunsod kung saan isinilang si David.—Luc 1:32, 33; 2:10-14.

Ikaw na ang nagsabi: Hindi binale-wala ni Jesus ang tanong ni Caifas dahil alam niyang may awtoridad ang mataas na saserdote na pasumpain siyang magsabi ng katotohanan. (Mat 26:63) Lumilitaw na isa itong idyoma ng mga Judio na ginagamit para kumpirmahin ang sinabi ng isa. Sinusuportahan ito ng kaparehong ulat sa Marcos, kung saan mababasang sumagot si Jesus ng “Ako nga.”​—Mar 14:62; tingnan ang study note sa Mat 26:25; 27:11.

Ikaw ang nagsabi niyan: Isang idyoma ng mga Judio na ginagamit para kumpirmahin ang sinabi ng isa na nagtatanong. Ang tanong ni Hudas sa talatang ito ay puwede ring isalin na “Ako ba iyon, Rabbi?” Sa sagot ni Jesus, para bang sinasabi niya, “Totoo ang sinabi mo,” na nagpapakitang inamin na mismo ni Hudas na siya ang magtatraidor kay Jesus. Ilang sandali pagkatapos nito, lumilitaw na umalis na si Hudas bago pasimulan ni Jesus ang pagdiriwang ng Hapunan ng Panginoon, gaya ng makikita sa ulat ng Ju 13:21-30. Sa ulat ni Mateo, ang sumunod na pagbanggit kay Hudas ay sa Mat 26:47, kung saan kasama na siya ng isang grupo ng mga tao sa hardin ng Getsemani.

Ano ang katotohanan?: Lumilitaw na katotohanan sa pangkalahatan ang itinatanong ni Pilato, hindi ang espesipikong “katotohanan” na tinutukoy ni Jesus. (Ju 18:37) Kung taimtim siya sa pagtatanong, siguradong sinagot siya ni Jesus. Pero malamang na hindi naman talaga humihingi ng sagot si Pilato at hindi siya naniniwala na may katotohanan. Para bang sinasabi niya, “Katotohanan? Ano ’yon? Walang gano’n!” Ang totoo, hindi man lang naghintay ng sagot si Pilato, kundi umalis siya agad at pinuntahan ang mga Judio.

may kaugalian kayo na magpapalaya ako ng isang tao: Ang kaugalian na magpalaya ng isang bilanggo ay binanggit din sa Mat 27:15 at Mar 15:6. Lumilitaw na galing ito sa mga Judio dahil sinabi ni Pilato sa kanila: “May kaugalian kayo.” Hindi ito iniutos sa Hebreong Kasulatan, at wala ring ganitong pangyayari na nakaulat doon. Pero lumilitaw na noong panahon ni Jesus, may ganito nang tradisyon ang mga Judio. Hindi bago sa mga Romano ang ganitong kaugalian, dahil may mga ebidensiyang nagpapalaya talaga sila ng mga bilanggo para mapasaya ang mga tao.

Media

Lambak ng Kidron
Lambak ng Kidron

Pinaghihiwalay ng Lambak ng Kidron (Nahal Qidron) ang Jerusalem at Bundok ng mga Olibo. Dumadaloy ito sa silangang panig ng lunsod, mula sa hilaga patimog. Nagsisimula ang lambak malapit sa pader ng Jerusalem sa bandang hilaga. Malapad at mababaw ang bunganga nito, pero unti-unti itong kumikitid at lumalalim. Katapat ito ng timugang bahagi ng dating kinatatayuan ng templo. May lalim itong mga 30 m (100 ft) at lapad na 120 m (390 ft), pero lumilitaw na mas malalim ito noong panahon ni Jesus. Umaabot ang lambak na ito sa ilang ng Judea hanggang sa Dagat na Patay. Ito ang lambak na tinawid ni Jesus papuntang hardin ng Getsemani matapos niyang pasimulan ang Hapunan ng Panginoon noong Nisan 14, 33 C.E.—Ju 18:1.

1. Lambak ng Kidron

2. Bundok ng Templo

3. Bundok ng mga Olibo (ang bahaging makikita rito ay punô ng libingan)

Pinakalumang Piraso ng Kristiyanong Griegong Kasulatan
Pinakalumang Piraso ng Kristiyanong Griegong Kasulatan

Makikita rito ang harap at likod ng Papyrus Rylands 457 (P52), isang napakalumang piraso ng isang kopya ng Ebanghelyo ni Juan. Natagpuan ito sa Ehipto noong 1920 at ngayon ay nasa John Rylands University Library sa Manchester, England. Mababasa sa harap ang isang bahagi ng Ju 18:31-33, at sa likod naman, ang isang bahagi ng Ju 18:37, 38. Dahil may nakasulat sa harap at likod ng papirong ito, maliwanag na bahagi ito ng isang codex. Ang piraso ay 9 cm (3.5 in) ang haba at 6 cm (2.4 in) ang lapad. Sinasabi ng maraming iskolar na ito ang pinakalumang manuskritong Griego ng Kristiyanong Griegong Kasulatan na makukuha sa ngayon; pinaniniwalaan na mula ito noong mga unang bahagi ng ikalawang siglo C.E. Kaya malamang na ginawa ang kopyang ito mga ilang dekada lang mula nang isulat ang Ebanghelyo ni Juan noong mga 98 C.E. Halos walang kaibahan ang mababasa sa pirasong ito kung ikukumpara sa mas bago at mas kumpletong mga manuskritong Griego na ginawang basehan ng mga bagong salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan.