Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Magiging Normal Pa Kaya Ulit ang Buhay? Kung Paano Makakatulong ang Bibliya sa Mundong Binago ng Pandemic

Magiging Normal Pa Kaya Ulit ang Buhay? Kung Paano Makakatulong ang Bibliya sa Mundong Binago ng Pandemic

 “Gusto nating lahat na bumalik na sa normal ang buhay natin.”—Angela Merkel, isang German chancellor.

 Baka iyan din ang nararamdaman mo habang patuloy pa ring naaapektuhan ang mga tao sa buong mundo ng COVID-19 pandemic. Pero ano ba ang ibig sabihin ng “normal”? At ano ang gustong gawin ng mga tao?

  •   Makabalik sa dati nilang buhay. Gusto ng ilan na makasama ulit ang iba, mayakap at makamayan sila, at gusto rin nilang makapagbiyahe na ulit. Para sa kanila, “masasabing nagiging normal na ang buhay” kapag nakakapunta na sila sa “restaurant, sinehan, [at] iba pang gaya nito,” ang sabi ni Dr. Anthony Fauci. a

  •   Mas mapaganda ang buhay nila. Para sa ilan, pagkakataon ito para magkaroon ng “new normal” na mas maganda kaysa sa dati nilang buhay. Iniisip nila na dapat nang magkaroon ng pagbabago sa mundong ito na punô ng mga trabahong nakakapagod, di-patas na kalagayan sa lipunan, at dumaraming kaso ng sakit sa isip. Sinabi ni Klaus Schwab, founder ng World Economic Forum: “Ang pandemic ay isang kakaibang pagkakataon para mapag-isipan ang buhay natin, ang gusto nating mangyari sa mundong ito, at pagkatapos, gumawa ng mga pagbabago. At ang pagkakataong ’to ay hindi panghabang-panahon.”

 Ang iba naman ay sobrang naapektuhan ng pandemic, kaya hindi na sila umaasang babalik pa sa “normal” ang buhay. Halimbawa, marami ang nawalan ng trabaho o bahay, nagkasakit, at namatayan pa nga ng mahal sa buhay.

 Siyempre, walang makakapagsabi kung ano ang magiging buhay natin pagkatapos ng pandemic. (Eclesiastes 9:11) Pero matutulungan tayo ng Bibliya na maging makatotohanan sa mga inaasahan natin at harapin ang mga posibleng mangyari. Bukod diyan, may sinasabi ang Bibliya tungkol sa isang kinabukasan na siguradong mangyayari—isang kinabukasang baka hindi mo inaasahan.

Tamang pananaw sa COVID-19 pandemic

 Matagal nang inihula ng Bibliya na magkakaroon ng “mga epidemya” sa “katapusan ng sistemang ito.” (Lucas 21:11; Mateo 24:3) Base diyan, naiintindihan natin na ang COVID-19 pandemic ay isa sa maraming kapansin-pansing pangyayari kasama ng digmaan, malalakas na lindol, at taggutom na dapat nating asahan bilang katuparan ng mga hula sa Bibliya.

 Kung paano ito makakatulong: Baka nakikita nating bumubuti na ang sitwasyon ngayong pandemic, pero sinasabi ng Bibliya na nabubuhay na tayo sa panahong “mapanganib at mahirap ang kalagayan.” (2 Timoteo 3:1) Kaya matutulungan tayo nito na maging makatotohanan sa mga inaasahan natin sa mahirap na panahong ito.

 Ito ang tamang pananaw ayon sa Bibliya: Ang mundo natin na punong-puno ng problema ay malapit nang magkaroon ng malaking pagbabago. Anong pagbabago iyon?

Isang kinabukasang baka hindi mo inaasahan

 Hindi lang mga problemang nararanasan natin ngayon ang inihula ng Bibliya. May sinasabi rin ito tungkol sa magagandang bagay na malapit nang mangyari—isang kinabukasang higit pa sa pinapangarap ng mga gobyerno ng tao. Diyos lang ang makakapagbigay nito. “Papahirin niya ang bawat luha sa mga mata nila, at mawawala na ang kamatayan, pati ang pagdadalamhati at ang pag-iyak at ang kirot.”—Apocalipsis 21:4.

 Nangangako ang Diyos na Jehova: b “Tingnan mo! Ginagawa kong bago ang lahat ng bagay.” (Apocalipsis 21:5) Lulutasin niya ang mga problema sa mundong ito, pati na ang mga problemang mas lumala dahil sa pandemic. Ito ang mga pangako niya:

  •   Perpektong pisikal at mental na kalusugan, at wala nang magkakasakit at mamamatay.—Isaias 25:8; 33:24.

  •   Trabahong magpapasaya sa mga tao, at hindi mga trabahong sobrang nakakapagod na nauuwi sa pagkadismaya o burnout.—Isaias 65:22, 23.

  •   Kasaganaan para sa lahat, at wala nang maghihirap at magugutom.—Awit 72:12, 13; 145:16.

  •   Papagalingin ang mga na-trauma dahil sa masasamang nangyari, at makikita rin nila ang mga mahal nila sa buhay na binuhay-muli.—Isaias 65:17; Gawa 24:15.

 Kung paano ito makakatulong: Sinasabi ng Bibliya: “Ang pag-asa nating ito ay nagsisilbing angkla ng buhay natin.” (Hebreo 6:19) Dahil sa magandang pag-asang iyan, nagiging matatag tayo. Makakatulong iyan sa atin na makayanan ang mahihirap na sitwasyon ngayon, mabawasan ang pag-aalala, at maging masaya pa rin.

 Pero dapat ba talaga tayong maniwala sa mga pangako ng Bibliya? Tingnan ang artikulong “Ang Bibliya—Isang Aklat ng Katotohanan.”

Mga prinsipyo sa Bibliya para makayanan ang mga pagbabago pagkatapos ng pandemic

  •   Pahalagahan ang buhay

     Teksto: “Iniingatan ng karunungan ang buhay ng nagtataglay nito.”—Eclesiastes 7:12.

     Ang puwede mong gawin: Maging matalino kapag nagpapasiya para maiwasang magkasakit. Pag-aralan ang sitwasyon sa lugar ninyo. Alamin ang mga safety protocol, kung gaano karami ang nagkakasakit sa lugar ninyo, at kung gaano na karami ang fully vaccinated.

  •   Laging mag-ingat

     Teksto: “Ang marunong ay maingat at lumalayo sa kasamaan, pero ang mangmang ay padalos-dalos at sobra ang tiwala sa sarili.”—Kawikaan 14:16.

     Ang puwede mong gawin: Patuloy na gawin ang mga kailangan para maprotektahan ang kalusugan mo. Naniniwala ang mga eksperto na matatagalan pa bago mawala ang coronavirus.

  •   Magdesisyon batay sa tamang impormasyon

     Teksto: “Pinaniniwalaan ng walang karanasan ang lahat ng naririnig niya, pero pinag-iisipan ng marunong ang bawat hakbang niya.”—Kawikaan 14:15.

     Ang puwede mong gawin: Maging maingat sa pagpili ng mga payong susundin mo. Mahalaga ito, kasi puwede kang mapahamak kapag nagdesisyon ka base sa maling impormasyon.

  •   Maging positibo

     Teksto: “Huwag mong sabihin, ‘Bakit ba mas maganda ang mga araw noon kaysa ngayon?’ dahil hindi katalinuhang itanong ito.”—Eclesiastes 7:10.

     Ang puwede mong gawin: Sikapin mong maging masaya anuman ang kasalukuyang sitwasyon mo. Huwag balik-balikan o isipin na mas maganda ang buhay bago ang pandemic. Huwag ding isip-isipin ang mga bagay na hindi mo nagawa dahil sa mga restriksiyon ng pandemic.

  •   Irespeto ang iba

     Teksto: “Bigyang-dangal ninyo ang lahat ng uri ng tao.”—1 Pedro 2:17.

     Ang puwede mong gawin: Iba-iba ang reaksiyon ng mga tao sa pandemic at sa mga epekto nito. Irespeto ang opinyon nila, pero huwag mong hayaang baguhin nito ang mga tamang desisyon mo. Magpakita ng konsiderasyon sa mga hindi pa nabakunahan, may-edad, at may problema sa kalusugan.

  •   Maging matiisin

     Teksto: “Ang pag-ibig ay matiisin at mabait.”—1 Corinto 13:4.

     Ang puwede mong gawin: Maging mabait sa mga taong nakakaramdam ng takot na gawin ulit ang mga bagay na ginagawa nila bago ang pandemic. Maging matiisin sa sarili mo habang unti-unting inaalis ang mga restriksiyon ng pandemic.

Kung paano nakakatulong ang Bibliya para makayanan natin ang pandemic

 Nakakatulong sa mga Saksi ni Jehova ang mga pangako sa Bibliya tungkol sa isang magandang kinabukasan, kaya hindi sila nagpopokus sa pandemic. Dahil sinusunod nila ang utos ng Bibliya na regular na magtipon para sa pagsamba, natutulungan nila ang isa’t isa. (Hebreo 10:24, 25) Kahit sino ay puwedeng dumalo sa mga pulong ng mga Saksi ni Jehova na ginagawa sa pamamagitan ng videoconference ngayong pandemic.

 Kumbinsido ang iba na nakatulong sa kanila ang pagdalo sa mga pulong ng mga Saksi ni Jehova sa mahirap na panahong ito. Halimbawa, isang babae ang naimbitahan at dumalo sa mga virtual na pulong ng mga Saksi ni Jehova habang may COVID siya. Nakatulong ito sa kaniya. Sinabi niya: “Naramdaman kong parte din ako ng pamilyang ito. Dahil sa pagbabasa ng Bibliya, naging payapa ang isip ko at napanatag ako. Imbes na mga problema ang iniisip ko, nakapagpokus ako sa magandang pag-asa sa hinaharap. Salamat sa tulong n’yo. Naging malapít na rin ako sa Diyos sa wakas. Matagal ko nang pangarap ’to.”

a Direktor ng National Institute of Allergy and Infectious Diseases sa United States.

b Jehova ang pangalan ng Diyos ayon sa Bibliya.—Awit 83:18.