Pumunta sa nilalaman

Ano ang Sinasabi ng Bibliya Tungkol sa Pag-aalaga sa May-edad Nang mga Magulang?

Ano ang Sinasabi ng Bibliya Tungkol sa Pag-aalaga sa May-edad Nang mga Magulang?

Ang sagot ng Bibliya

 Responsibilidad ng adultong mga anak na tiyaking napapangalagaan ang kanilang may-edad nang magulang. Sinasabi ng Bibliya na ang adultong mga anak ay dapat “magsabuhay ng kanilang pananampalataya sa pamamagitan ng pag-aalaga sa kanilang sariling pamilya bilang pagtanaw ng utang na loob sa kanilang mga magulang . . . , dahil kalugod-lugod ito sa Diyos.” (1 Timoteo 5:4, New International Version) Kapag tinitiyak ng adultong mga anak na napapangalagaan ang kanilang may-edad nang magulang, sinusunod nila ang utos ng Bibliya na parangalan ang kanilang mga magulang.​—Efeso 6:2, 3.

 Hindi nagbibigay ang Bibliya ng espesipikong mga tagubilin tungkol sa pag-aalaga sa may-edad nang mga magulang. Pero may mababasa tayong mga halimbawa ng tapat na mga lalaki at babae na gumawa nito. Nagbibigay rin ito ng praktikal na payo na makakatulong sa mga nag-aalaga.

 Paano inaalagaan ng ilang miyembro ng pamilya ang kanilang may-edad nang magulang noong panahon ng Bibliya?

 Nagawa nila ito sa iba’t ibang paraan, depende sa mga kalagayan.

  •   Si Jose ay nakatira malayo sa kaniyang may-edad nang ama, si Jacob. Nang magkaroon ng pagkakataon, pinalipat ni Jose si Jacob malapit sa kaniya. Kaya pinatira, pinakain, at pinrotektahan niya ang kaniyang ama.​—Genesis 45:9-11; 47:11, 12.

  •   Si Ruth ay lumipat sa bayan ng kaniyang biyenang babae at nagtrabaho nang husto para alagaan ito.​—Ruth 1:16; 2:2, 17, 18, 23.

  •   Si Jesus, bago mamatay, ay pumili ng mag-aalaga sa kaniyang inang si Maria, na malamang na isa nang biyuda.​—Juan 19:26, 27. a

 Anong praktikal na payo mula sa Bibliya ang makakatulong sa mga nag-aalaga?

 May mga prinsipyo sa Bibliya na makakatulong sa mga nag-aalaga para maharap nila ang mga hamon at ang nakakapagod na pag-aalaga ng may-edad nang magulang.

  •   Parangalan ang iyong mga magulang.

     Ang sabi ng Bibliya: “Parangalan mo ang iyong ama at ina.”​—Exodo 20:12.

     Paano masusunod ang prinsipyong ito? Mapaparangalan natin ang ating mga magulang kung hahayaan natin silang gawin ang mga bagay na kaya pa nila. Hangga’t posible, hayaan silang magdesisyon tungkol sa pangangalagang gusto nila. Mapaparangalan din natin sila kung tutulong tayo sa abot ng ating makakaya.

  •   Maging maunawain at mapagpatawad.

     Ang sabi ng Bibliya: “Ang kaunawaan ng tao ang pumipigil sa kaniya na magalit agad, at nagiging kapuri-puri siya kapag pinalalampas niya ang pagkakamali.”​—Kawikaan 19:11.

     Paano masusunod ang prinsipyong ito? Kapag napagsalitaan ka ng hindi maganda ng iyong may-edad nang magulang o parang hindi nila napapahalagahan ang pag-aalaga mo sa kanila, tanungin ang sarili, ‘Ano ang madarama ko kung ako ang nasa sitwasyon nila?’ Kapag sinisikap mong maging maunawain at mapagpatawad, maiiwasan mong lumala ang sitwasyon.

  •   Humingi ng payo sa iba.

     Ang sabi ng Bibliya: “Nabibigo ang plano kapag hindi napag-uusapan, pero nagtatagumpay ito kapag marami ang tagapayo.”​—Kawikaan 15:22.

     Paano masusunod ang prinsipyong ito? Mag-research tungkol sa problema sa kalusugan ng iyong magulang. Alamin kung anong tulong mula sa gobyerno ang mayroon sa inyong komunidad. Makipag-usap sa iba na may karanasan sa pag-aalaga sa may-edad nang magulang. Kung may kapatid ka, pag-usapan ninyo kung paano mailalaan ang pangangailangan ng inyong magulang, kung paano sila aalagaan, at kung ano ang magiging toka ng bawat isa.

    Pag-usapan ninyong pamilya kung paano aalagaan ang may-edad na magulang

  •   Alamin ang iyong limitasyon.

     Ang sabi ng Bibliya: “Ang karunungan ay nasa mga mapagpakumbaba.”​—Kawikaan 11:2.

     Paano masusunod ang prinsipyong ito? Alamin kung ano lang ang kaya mo. Halimbawa, limitado lang ang panahon at lakas mo. At nakadepende sa limitasyong ito kung ano ang magagawa mo para sa iyong mga magulang. Kapag sa tingin mo ay nabibigatan ka na sa pag-aalaga sa iyong may-edad nang magulang, humingi ng tulong sa iyong mga kapamilya o sa mga espesyalista.

  •   Huwag pabayaan ang sarili.

     Ang sabi ng Bibliya: “Walang sinumang napopoot sa sarili niyang katawan, kundi pinakakain niya ito at inaalagaan.”​—Efeso 5:29.

     Paano masusunod ang prinsipyong ito? Kahit responsibilidad mo ang pag-aalaga sa iyong mga magulang, kailangan mo ring alagaan ang iyong sarili at ang sarili mong pamilya, kung may asawa ka. Kailangan mong kumain nang mabuti. Kailangan mo ng sapat na pahinga at tulog. (Eclesiastes 4:6) At kailangan mo ring magrelaks, kung posible. Kapag ginawa mo ito, mas nasa kalagayan ka—ang iyong emosyon, isip, at katawan—na mag-alaga ng iyong mga magulang.

 Sinasabi ba ng Bibliya na dapat alagaan ang may-edad nang mga magulang sa tahanan?

 Walang espesipikong tagubilin ang Bibliya kung saan dapat alagaan ang may-edad nang mga magulang. Pinipili ng ibang pamilya na alagaan ang kanilang magulang sa kanilang tahanan hangga’t posible. Pero may pagkakataon na baka maisip nilang mas makakabuti kung sa nursing home aalagaan ang kanilang magulang. Puwedeng mag-usap ang pamilya para makapagpasiya kung ano ang pinakamabuti para sa lahat.​—Galacia 6:4, 5.

a Tungkol sa ulat na ito, isang komentaryo ng Bibliya ang nagsabi: “Malamang na si Jose [asawa ni Maria] ay matagal nang patay, at si Jesus na ang sumusuporta sa kaniya. Kaya ngayong mamamatay na si Jesus, paano na si Maria? . . . Dito, tinuturuan ni Kristo ang mga anak na suportahan ang kanilang may-edad nang mga magulang.”​—The NIV Matthew Henry Commentary in One Volume, pahina 428-429.