Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang mga Kabataan ay Nagtatanong

Dapat ba Akong Huminto sa Pag-aaral?

Dapat ba Akong Huminto sa Pag-aaral?

Sa tingin mo, kailan ka dapat huminto sa pag-aaral?

․․․․․

Kailan gusto ng mga magulang mo na huminto ka sa pag-aaral?

․․․․․

PAREHO ba ang sagot mo sa dalawang tanong na ito? Maaaring oo. Pero kung nag-aaral ka pa, siguro may mga araw na ayaw mo nang pumasok. Nadama mo na rin ba ang sumusunod?

“Kung minsan, sobrang stress ako at ayaw ko nang bumangon. Iniisip ko, ‘Bakit ko kailangang pag-aralan ang mga bagay na hindi ko naman magagamit?’”​—Rachel.

“Sawang-sawa na ako sa pag-aaral. Gusto kong magtrabaho na lang. Nasasayang lang ang oras ko, mas mabuti pang magtrabaho na lang ako, kikita pa ako ng pera.”​—John.

“Apat na oras akong gumagawa ng assignment gabi-gabi! Hindi na ako magkandaugaga sa dami ng assignment, project, at exam. Hindi ko na kaya, ayoko na.”​—Cindy.

“Sa eskuwelahan namin, nagkaroon na ng bomb threat, labanan ng mga gang, isang nagpakamatay, at tatlong nagtangkang magpakamatay. Kung minsan, parang ayoko nang pumasok!”​—Rose.

Naranasan mo na rin ba ang mga iyan? Kung oo, anong situwasyon ang nagtutulak sa iyo na huminto na sa pag-aaral?

․․․․․

Maaaring seryoso mo nang pinag-iisipan ang paghinto sa pag-aaral. Paano mo matutukoy ang tunay na dahilan? Ito kaya ay dahil panahon na para gawin iyon o basta ayaw mo na dahil sawa ka na? Para masagot ito, makatutulong kung aalamin mo ang ibig sabihin ng paghinto sa pag-aaral nang walang makatuwirang dahilan.

Makatuwiran ba o Hindi?

Alam mo ba na sa ilang bansa, karaniwan nang lima hanggang walong taon lang nag-aaral ang mga kabataan?

․․․․․

Sa ibang bansa naman, inaasahan silang mag-aral nang sampu hanggang labing-dalawang taon. Kaya hindi pare-pareho ang bilang ng mga taon ng pag-aaral sa buong daigdig.

Bukod diyan, sa ilang bansa, puwedeng hindi na pumunta ang isang estudyante sa paaralan para kumuha ng buong kurikulum o bahagi nito. Tinatawag itong homeschool​—ang isang estudyante ay nag-aaral sa bahay sa pahintulot at tulong ng kaniyang mga magulang. Siyempre pa, kahit wala siya sa paaralan, patuloy pa rin siyang nag-aaral.

Pero kung iniisip mo nang huminto sa pag-aaral kahit hindi ka pa nakagradweyt​—sa paaralan man o homeschool​—kailangan mo munang isaalang-alang ang mga sumusunod:

Ano ang kahilingan ng batas? Gaya ng nabanggit na, iba-iba ang batas sa bawat bansa pagdating sa edukasyong dapat makumpleto ng mga estudyante. Ano ba ang kahilingan ng batas sa inyong lugar? Nakumpleto mo na ba iyon? Kung hindi ka susunod sa payo ng Bibliya na “magpasakop sa nakatataas na mga awtoridad,” at hihinto ka na sa pag-aaral bago ka pa makagradweyt, hindi ito makatuwiran.​—Roma 13:1.

Naabot ko na ba ang mga tunguhin ko sa pag-aaral? Ano ba ang tunguhin mo? Hindi ka sigurado? Kailangan mong malaman! Kung hindi, para kang sumakay ng tren nang hindi mo alam kung saan mo gustong pumunta. Ipakipag-usap ito sa iyong mga magulang, at punan ang work sheet na  “Mga Tunguhin Ko sa Pag-aaral,” sa pahina 28. Tutulong ito sa iyo na magpokus sa tunguhin mo. Tutulong din ito sa iyo at sa mga magulang mo na maiplano kung gaano ka katagal mag-aaral.​—Kawikaan 21:5.

Tiyak na papayuhan ka ng mga titser mo at ng iba pa kung anong kurso ang dapat mong kuhanin. Pero nasa mga magulang mo ang huling pasiya. (Kawikaan 1:8; Colosas 3:20) Kung titigil ka na bago mo pa maabot ang mga tunguhing itinakda mo at ng mga magulang mo, hindi ito makatuwiran.

Ano ang motibo ko sa paghinto sa pag-aaral? Huwag mong dayain ang iyong sarili. (Jeremias 17:9) May tendensiya ang tao na ipangatuwiran ang kaniyang ginagawa, kahit makasarili ito.​—Santiago 1:22.

Isulat dito ang makatuwirang mga dahilan kung bakit gusto mo nang huminto bago ka pa makagradweyt.

․․․․․

Isulat dito ang makasariling mga dahilan kung bakit gusto mo nang huminto.

․․․․․

Anu-ano ang mga isinulat mong makatuwirang dahilan? Posibleng ito ay para sumuporta sa pamilya o magboluntaryo para matuto ang iba tungkol sa Diyos. Ang makasariling mga dahilan ay posibleng pag-iwas sa mga exam o assignment. Mahalagang malaman mo kung ano talaga ang pangunahing motibo mo​—makatuwiran ba ito o makasarili?

Balikan ang listahang isinulat mo. Maging totoo ka sa sarili mo at lagyan ng numero mula 1 hanggang 5 ang mga dahilan kung bakit gusto mong huminto sa pag-aaral (mula sa hindi masyadong mahalaga hanggang sa pinakamahalaga). Kung titigil ka para lang takasan ang mga problema, baka magulat ka sa maaaring mangyari.

Ano ang Masama sa Paghinto Nang Walang Makatuwirang Dahilan?

Kung basta ka na lang hihinto, para kang tatalon mula sa tren nang hindi ka pa nakararating sa destinasyon mo. Maaaring hindi komportable sa tren at masungit ang mga kapuwa mo pasahero. Pero kung tatalon ka mula sa tren, hindi ka makararating sa destinasyon mo at malamang ay magkaroon ka ng malubhang pinsala. Ganiyan din sa paghinto sa pag-aaral nang walang makatuwirang dahilan. Hindi mo maaabot ang mga tunguhin mo, at baka bigyan mo lang ang sarili mo ng mga problemang gaya ng mga sumusunod:

Mga problema Baka mahirapan kang maghanap ng trabaho, at kung makakuha ka man, baka mas mababa ang suweldo kaysa sa puwede mo sanang makuha kung nakagradweyt ka. Para masuportahan mo ang pangunahing pangangailangan sa buhay, baka kailanganin mong mag-overtime sa isang lugar na malamang ay mas malala pa ang sitwasyon kaysa sa paaralan mo ngayon.

Mas mabibigat na problema Ipinakikita ng mga pagsasaliksik na ang mga tumitigil sa pag-aaral ay mas malamang na humina ang kalusugan, maagang magkaanak, at makulong. Malamang din na umasa na lang sila sa suporta ng gobyerno.

Siyempre, hindi garantiya na kapag nakapagtapos ka ng pag-aaral, hindi mo na mararanasan ang mga problemang ito. Pero bakit kailangan mong suungin ang problema na maiiwasan mo naman kung magpapatuloy ka sa pag-aaral?

Mga Pakinabang ng Hindi Basta Paghinto sa Pag-aaral

Totoo, baka gusto mo nang huminto kapag bumagsak ka sa isang exam o may problema ka sa paaralan​—pakiramdam mo anumang problemang darating ay bale-wala kung ikukumpara sa nararanasan mo ngayon. Pero bago gawin ang inaakala mong solusyon, tingnan kung ano ang sinabi ng mga estudyanteng nabanggit kanina tungkol sa kabutihan ng hindi paghinto sa pag-aaral.

“Natuto akong magtiis. Nahasa ang isip ko. Natutuhan ko rin na nakasalalay sa isa kung gusto niyang maging masaya sa ginagawa niya. Sa pag-aaral, natuto ako ng mga bagay na makakatulong sa akin na makakuha ng trabaho pagkagradweyt ko.”​—Rachel.

“Alam ko na maaabot ko ang mga tunguhin ko kapag nagsikap ako. Pinili ko ang kurikulum sa haiskul na kapag natapos ko, puwede na akong magtrabaho bilang isang press mechanic.”​—John.

“Dahil sa pag-aaral, naging mas mahusay akong lumutas ng mga problema, sa loob man o labas ng klase. Nag-mature ako dahil natutuhan kong makitungo sa mga tao, harapin ang mga problema sa paaralan, at iba pang problema sa buhay.​—Cindy.

“Naihanda ako ng paaralan kung paano haharapin ang mga hamon sa trabaho. Napaharap din ako sa mga sitwasyong tumulong sa aking suriin ang pananampalataya ko, kaya lalo akong nakumbinsi na tama ang relihiyon ko.”​—Rose.

Isinulat ng matalinong haring si Solomon: “Mas mabuti ang huling wakas ng isang bagay kaysa sa pasimula nito. Mas mabuti ang matiisin kaysa sa isa na may palalong espiritu.” (Eclesiastes 7:8) Kaya sa halip na huminto sa pag-aaral nang walang makatuwirang dahilan, sikaping pagtagumpayan ang mga problema mo sa paaralan. Kung gayon, makikita mo na sa bandang huli, mas mapapabuti ka.

Mas marami pang artikulo mula sa seryeng “Young People Ask” ang mababasa sa Web site na www.watchtower.org/ype

PAG-ISIPAN

● Paano makakatulong sa iyo ang pagkakaroon ng mga tunguhin sa pag-aaral para maging kapaki-pakinabang ang panahong gugugulin mo sa eskuwelahan?

● Bakit mahalaga na habang nag-aaral ka, may ideya ka na kung anong trabaho ang gusto mo pagkagradweyt mo?

[Kahon/Mga larawan sa pahina 27]

ANG SINASABI NG IBANG KABATAAN

“Nakahiligan kong magbasa nang pumapasok na ako sa eskuwelahan. Nakakatuwa, dahil sa pagbabasa ko, mas nauunawaan ko ang naiisip at nadarama ng iba.

“Kung minsan, hindi ko alam kung ano ang uunahin ko. Pero kung hindi ako nag-aaral, siguro mas malala ako! Natulungan ako nito na magkaroon ng rutin, sundin ang isang iskedyul, at unahin ang mga importanteng gawain.

[Mga larawan]

Esme

Christopher

[Kahon sa pahina 28]

 MGA TUNGUHIN KO SA PAG-AARAL

Isang pangunahing dahilan kung bakit ka nag-aaral ay para makahanap ka ng trabaho na susuporta sa iyo at sa maaaring maging pamilya mo sa hinaharap. (2 Tesalonica 3:10, 12) Nakapagpasiya ka na ba kung anong trabaho ang gusto mo? Naisip mo na ba kung paano mo magagamit ang iyong panahon sa pag-aaral para maihanda ka nito? Para matulungan kang malaman kung nakatutulong ang edukasyon mo na maabot mo ang iyong tunguhin, sagutin ang mga sumusunod:

Saan ako mahusay? (Halimbawa, mahusay ka bang makisalamuha sa mga tao? Mahilig ka bang magbutingting o magkumpuni ng mga bagay-bagay? Magaling ka bang lumutas ng mga problema?)

․․․․․

Anong mga trabaho ang bagay sa akin?

․․․․․

Ano ang karaniwang mga trabaho sa lugar namin?

․․․․․

Alin sa mga pinag-aaralan ko ngayon ang makatutulong sa akin na makakuha ng trabaho?

․․․․․

Anong kurso ang puwede kong kunin na mas makatutulong sa akin na maabot ang mga tunguhin ko?

․․․․․

Tandaan, ang tunguhin mo ay makagradweyt sa isang kurso na magagamit mo. Kaya hindi naman ibig sabihin na habambuhay kang estudyante​—hindi na bumaba “sa tren” para lang makaiwas sa mga responsibilidad ng isang adulto.

[Kahon sa pahina 29]

MENSAHE SA MGA MAGULANG

“Boring ang mga titser namin!” “Napakaraming assignment!” “Ang hirap makapasá​—kaya bakit ko pa susubukan?” Dahil sa mga ganitong reklamo, naiisip ng ilang kabataan na tumigil na sa pag-aaral kahit wala pang natututuhang kakayahan para makapagtrabaho. Kung gustong huminto ng anak mo, ano ang puwede mong gawin?

Suriin ang pangmalas mo sa edukasyon. Inisip mo bang pag-aaksaya lang ng panahon ang pag-aaral​—isang ‘sentensiya sa kulungan’ na kailangan mong pagtiisan hanggang sa dumating ang araw na magagawa mo na ang mga gusto mo? Kung oo, baka nakaapekto ito sa anak mo. Ang totoo, ang isang mahusay na edukasyon ay tutulong sa kaniya na magkaroon ng ‘praktikal na karunungan at kakayahang mag-isip’​—mga katangiang kakailanganin niya para maging matagumpay na adulto.​—Kawikaan 3:21.

Ibigay ang kailangan niya. Ang ilan na kaya namang makakuha ng mas matataas na grado ay maaaring hindi lang alam kung paano mag-aral​—o baka wala lang silang komportableng lugar para sa pag-aaral. Masarap mag-aral sa isang maayos na mesa na may sapat na liwanag at mga gamit sa pagsasaliksik. Matutulungan mo ang anak mo na sumulong​—sa sekular man o espirituwal​—kung sasanayin mo sila at paglalaanan ng maayos na lugar para sa pagbubulay-bulay.​—1 Timoteo 4:15.

Subaybayan siya. Isipin mong kakampi mo ang mga titser at guidance counselor ng iyong anak, hindi kaaway. Makipagkilala sa kanila. Ipakipag-usap sa kanila ang tungkol sa mga tunguhin ng anak mo at mga hamong kinakaharap niya. Kung hírap makakuha ng mataas na grado ang anak mo, alamin mo ang dahilan. Halimbawa, iniisip ba ng anak mo na baka awayin lang siya ng mga kaeskuwela niya kung makakakuha siya ng matataas na grado? May problema ba siya sa isa niyang titser? Kumusta ang mga pinag-aaralan niya? Dapat matulungan ng pag-aaral ang anak mo, sa halip na matakot siya rito. Maaaring may iba pang dahilan, gaya ng malabong mata o problema sa pagkatuto.

Mas sinusubaybayan mo ang pag-aaral ng anak mo, kapuwa sa sekular at espirituwal, mas malaki ang posibilidad na magtagumpay siya.​—Kawikaan 22:6.

[Larawan sa pahina 29]

Kung basta ka na lang hihinto sa pag-aaral, para kang tatalon mula sa tren nang hindi ka pa nakararating sa destinasyon mo