Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

ilbusca/E+ via Getty Images

PATULOY NA MAGBANTAY!

Bakit Hindi Makamit ng Tao ang Kapayapaan?—Ano ang Sinasabi ng Bibliya?

Bakit Hindi Makamit ng Tao ang Kapayapaan?—Ano ang Sinasabi ng Bibliya?

 Sa buong mundo, hindi naibigay ng mga lider ng bansa at ng internasyonal na mga organisasyon ang kapayapaan. Mas dumami pa nga ang mga labanan ngayon mula noong Digmaang Pandaigdig II. At halos dalawang bilyong tao—25 porsiyento ng populasyon ng mundo—ang nakatira sa mga lugar na apektado ng mga labanang iyon.

 Bakit hindi makamit ng tao ang kapayapaan? Ano ang sinasabi ng Bibliya?

Tatlong dahilan kung bakit hindi nakakamit ng tao ang kapayapaan

  1.  1. Nahihirapang makipagpayapaan ang mga tao dahil sa mga ugali nila. Inihula ng Bibliya na sa panahon natin, “ang mga tao ay magiging makasarili, maibigin sa pera, mayabang, mapagmataas, . . . di-tapat, . . . ayaw makipagkasundo, . . . walang pagpipigil sa sarili, mabangis, . . . matigas ang ulo, mapagmalaki.”—2 Timoteo 3:2-4.

  2.  2. Hindi kaya ng sinumang tao na solusyunan ang mga problema niya nang walang tulong ng Maylalang, ang Diyos na Jehova. a Sinasabi ng Bibliya na “hindi para sa taong lumalakad ang ituwid man lang ang sarili niyang hakbang.”—Jeremias 10:23.

  3.  3. Ang mundo ay kontrolado ng isang makapangyarihan at masamang tagapamahala, si Satanas na Diyablo, “na nagliligaw sa buong mundo.” (Apocalipsis 12:9) Hindi mawawala ang mga digmaan at labanan hangga’t “ang buong mundo ay nasa ilalim ng kapangyarihan ng isa na masama.”—1 Juan 5:19.

Sino ang makakapagbigay ng kapayapaan?

 Tinitiyak sa atin ng Bibliya na manggagaling sa Diyos ang kapayapaan, hindi sa mga tao.

  •   “‘Dahil alam na alam ko ang gusto kong gawin para sa inyo,’ ang sabi ni Jehova. ‘Bibigyan ko kayo ng kapayapaan, at hindi ng kapahamakan, para magkaroon kayo ng magandang kinabukasan at pag-asa.’”—Jeremias 29:11.

 Paano tutuparin ng Diyos ang pangako niya? ‘Dudurugin ng Diyos na nagbibigay ng kapayapaan si Satanas.’ (Roma 16:20) Para magkaroon ng kapayapaan sa buong mundo, gagamitin ng Diyos ang isang gobyerno sa langit, na tinatawag sa Bibliya na “Kaharian ng Diyos.” (Lucas 4:43) Sa pamamahala ni Jesu-Kristo, ang Hari ng Kahariang iyon, tuturuan ang mga tao na mamuhay nang payapa.—Isaias 9:6, 7.

a Jehova ang personal na pangalan ng Diyos.—Awit 83:18.